Ang kabanatang ito ay batay sa Lukas 9:51-56; 10:1-24.
Nang malapit nang magwakas ang ministeryo ni Kristo, nagkaroon ng pagbabago ang paraan ng Kaniyang paggawa. Dati ay Kaniyang iniiwasan na Siya'y maging laman ng balita. Tinanggihan Niya ang pagbubunyi ng mga tao, at madali Siyang nagpalipat-lipat ng lugar nang makita Niyang ang nag-uumapaw na pagtingin ng lahat sa Kamya ay waring hindi masasawata. Paulit-ulit na ipinag-utos Niyang huwag Siyang itatanyag na Siya ang Kristo. BB 697.1
Nang panahon ng Pista ng mga Tabernakulo ay madali at palihim ang Kaniyang pagdalaw sa Jerusalem. Nang Siya'y pilitin ng Kaniyang mga kapatid na magpakilala Siyang Mesiyas, ang naging sagot Niya ay, “Hindi pa dumarating ang Aking panahon.” Juan 7:6. Tinungo Niya ang Jerusalem na di-nagpamalay, at pumasok sa siyudad nang walang-pahi-pahiwatig, at walang parangal ng karamihan. Nguni't hindi gayon sa huli Niyang pagdalaw. Sandaling nilisan Niya ang Jerusalem dahil sa poot ng mga saserdote at mga rabi. Datapwa't ngayon ay binalak Niyang bumalik, na naglakad na kita ng lahat, sa isang lansangang lumiligid sa siyudad, at pinangunahan ng balitang Siya'y dumarating, bagay na hindi Niya ito kailanman ginawa nang una. Nagpapauna na Siya sa lugar ng Kaniyang paghahandugan, at dito dapat mapatuon ang isip ng mga tao. BB 697.2
“Kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, gayundin kailangang itaas ang Anak ng tao.” Juan 3:14. Kung paanong ang Israel ay pinagbilinang tumingin sa itinaas na ahas, na sagisag na pinili upang sila'y pagalingin gayundin ang lahat ng mata'y tumingin kay Kristo, ang haing naghatid ng kaligtasan sa nawaglit na sanlibutan. BB 698.1
Maling palagay sa gawain ng Mesiyas, at kawalan ng paniniwala sa likas na pagka-Diyos ni Jesus, ang siyang umakay sa Kaniyang mga kapatid na Siya'y piliting humarap nang lantaran sa Pista ng mga Tabernakulo. Ngayon naman, sa diwang tulad din nito, ay pipigilin din sana Siya ng mga alagad sa pagdalaw sa Jerusalem. Naalaala nila ang mga sinabi Niya na mangyayari sa Kaniya doon. Alam nila ang matinding galit ng mga pinuno ng relihiyon, at mahigpit ang kanilang hangad na huwag na sana Siyang magtuloy. BB 698.2
Mapait sa loob ni Kristo na ipilit ang kagustuhan Niya laban sa ikinatatakot, kabiguan, at di-paniniwala ng Kaniyang minamahal na mga alagad. Mahirap na sila'y akayin sa kadalamhatian at pagkabigong naghihintay sa kanila sa Jerusalem. At handa si Satanas na ipilit ang kaniyang mga tukso sa Anak ng tao. Bakit nga magtutuloy pa Siya sa Jerusalem, sa tiyak na kamatayan? Nakapaligid sa Kaniya ang mga kaluluwang nangagugutom sa tinapay ng buhay. Sa magkabi-kabilay naroroon ang mga maysakit na naghihintay sa Kaniyang salitang nag papagaling. Ngayon pa lamang tumutubo ang ebanghelyo ng Kaniyang biyaya. At Siya'y nasa kasalukuyang kalusugan ng buhay. Bakit hindi Siya tumungo sa malalawak na bukirin ng sanlibutan na taglay ang mga salita ng Kaniyang biyaya, ang Kaniyang hipo na nagpapagaling? Bakit hindi Niya ikaliligaya ang maghatid ng liwanag at katuwaan sa angaw-angaw na nasa kadiliman at kalungkutan? Bakit Niya iiwan sa Kaniyang mga alagad ang pag-aani, gayong ang mga ito ay lubhang mahihina sa pananampalataya, mapupurol ang isip, at mababagal kumilos? Bakit Niya haharapin ngayon ang kamatayan, at iiwan ang gawaing ngayon pa lamang nagsisimula? Ang kaaway na nakaharap ni Kristo sa ilang ay sinasalakay Siya ngayon sa pamamagitan ng mababangis at tusong mga tukso. Kung kahit sa isang sandali ay sumuko si Jesus sa mga tukso, kung binago Niya nang kahit kaunti ang lakad Niya upang iligtas ang Kaniyang sarili, nagtagumpay sana ang mga kampon ni Satanas, at nawaglit ang buong sanlibutan. BB 698.3
Nguni't “matibay ang kapasiyahang iniharap ni Jesus ang Kaniyang mukha sa Jerusalem.” Ang kaisa-isang batas ng Kaniyang buhay ay ang kalooban ng Ama. Noong bata pa Siyang dumalaw sa templo, ay sinabi Niya kay Maria, “Hindi mo ba alam na dapat Akong maglumagak sa gawain ng Aking Ama?” Lukas 2:49. At sa Cana, nang ibig ni Mariang ipakita Niya ang Kaniyang mapaghimalang kapangyarihan, ang naging sagot Niya ay, “Hindi pa dumarating ang Aking oras.” Juan 2:4. Ganyan din ang isinagot Niya sa Kaniyang mga kapatid nang pilitin nila Siyang umahon sa pista. Datapwa't sa dakilang panukala ng Diyos ay may oras na itinakda sa pagaalay Niya ng Kaniyang sarili para sa mga kasalanan ng mga tao, at ang oras na iyon ay malapit nang ihudyat. Hindi Niya nais na umurong ni magkulang man. Ang mga hakbang Niya ay patungo sa Jerusalem, na doo'y malaon nang may banta ang Kaniyang mga kaaway na kitlin ang Kaniyang buhay; ngayon ay Kaniyang iaalay na ito. Matibay ang kapasiyahang iniharap Niya ang Kaniyang mukha sa pag-uusig, pagkakaila, pagtanggi, paghatol, at kamatayan. BB 699.1
At Siya'y “nag-utos ng mga sugo sa harapan Niya; at sila'y nagsiyaon at nagsipasok sa isang nayon ng mga Samaritano, upang ipaghanda Siya.” Nguni't hindi Siya tinanggap ng mga tao, dahil sa Siya'y patungo sa Jerusalem. Ipinalalagay nilang ito'y nangangahulugang pinili ni Kristo ang mga Hudyo, na siya namang kinamumuhian nila nang labis. Kung ang ipinaroon Niya ay upang itayong muli ang templo at ibalik ang pagsamba sa Bundok ng Gerizim, ay tinanggap sana nila Siya; nguni't patungo Siya sa Jerusalem, kaya hindi nila nais pagpa kitaan Siya ng pagtanggap. Bahagya man ay hindi nila napag-alamang ang tinatanggihan nila ay ang pinakamabuting kaloob ng langit. Inanyayahan ni Jesus ang mga taong Siya'y tanggapin, humingi Siya ng lingap sa kanila, upang Siya'y makalapit sa kanila. at mabigyan sila ng pinakamayayamang pagpapala. Bawa't lingap na Kaniyang tinanggap, ginanti naman Niya ng lalong mahalagang biyaya. Subali't nawala ang lahat nang ito sa mga Samaritano dahil sa kanilang pagtatanim ng loob at kahambugan. BB 700.1
Ang mga sugong inutusan ni Kristo, na sina Santiago at Juan, ay labis na nangayamot sa ganitong paghamak na ipinakita sa kanilang Panginoon. Napuno sila ng galit sapagka't magaspang ang ugaling inasal sa Kaniya ng mga Samaritano, na mga taong dinadalhan Niya ng karangalan sa pamamagitan ng Kaniyang pagparoon. Hindi pa nagluluwat na nakasama Niya sila sa bundok ng pagbabagong-anyo, at nakita nilang Siya'y niluwalhati ng Diyos, at pinarangalan ni Moises at ni Elias. Ipinalagay nilang ang ganitong kahiya-hiyang paghamak ng mga Samaritano ay hindi dapat palampasing walang parusa. BB 700.2
Nagsilapit sila kay Kristo, at ibinalita ang mga sabisabi ng mga tao, na Siya'y ni hindi mabibigyan ng mga ito ng matutuluyan sa gabi. Inakala nilang isang malaking kalapastanganan ang ginawa sa Kaniya, kaya't pagkakita nila sa Bundok ng Carmel sa malayo, na doo'y pinatay ni Elias ang mga bulaang propeta, ay sila'y nagsabi, “Ibig Mo bang ating ipag-utos na bumaba ang apoy buhat sa langit, at sunugin sila, gaya ng ginawa ni Elias?” Siya'y nagtaka nang madama nilang dinamdam ni Jesus ang kanilang sinabi, at naragdagan pa ang kanilang pagtataka nang sila'y sansalain Niya, “Hindi ninyo nalalaman kung ano ang diwang sumasainyo. Sapagka't hindi naparito ang Anak ng tao upang magpahamak ng buhay ng tao, kundi upang magligtas.” At Siya'y nagtungo sa ibang nayon. BB 700.3
Hindi bahagi ng misyon ni Kristo na ang mga tao ay piliting tanggapin Siya. Si Satanas, at mga taong may diwang-satanas ang pumipilit sa budhi. Sa ilalim ng pagkukunwang masipag sa kabanalan, ay may mga taong nakikipanig sa masasamang anghel, na naghahatid ng hirap sa kanilang kapwa, upang papaniwalain sila sa kanilang relihiyon; nguni't si Kristo ay laging naaawa, na laging nagsisikap na humikayat sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kaniyang pag-ibig. Hindi Siya pumapayag na magkaroon ng kaagaw sa isang kaluluwa, ni hindi rin Niya tinatanggap ang kala-kalahating paglilingkod; nguni't ang tanging minimithi Niya ay kusang-loob na paglilingkod, at ang kusang pagpapasakop ng puso sa ilalim ng pamimilit ng pag-ibig. Wala nang lalo pang ga nap na katibayan na tayo'y nag-aangkin ng espiritu ni Satanas kundi ang ugaling makasakit at magpahamak sa mga hindi nagpapahalaga sa ating gawain, o sa mga sumasalungat sa ating mga kuru-kuro o paniniwala. BB 701.1
Ang katawan, kaluluwa at espiritu ng bawa't tao ay pag-aari ng Diyos. Si Kristo ay nagpakamatay upang tubusin ang lahat. At wala nang lalong labang-laban sa Diyos na di-gaya ng pinsalain ng tao yaong mga binili ng dugo ng Tagapagligtas, dahil lamang sa pagkainggit sa relihiyon. BB 701.2
“At Siya'y umalis doon at pumasok sa mga hangganan ng Judea at sa dako pa roon ng Jordan: at ang mga karamihan ay muling nakipisan sa Kaniya; at, ayon sa Kaniyang kinaugalian ay muling tinuruan Niya sila.” Marcos 10:1. BB 702.1
Ang malaking bahagi ng mga huling buwan ng ministeryo ni Kristo ay ginugol Niya sa Perea, ang lalawigang nasa “malayu-layong dako ng Jordan” mula sa Judea. Dito'y dumagsa sa Kaniya ang karamihan, gaya noong pasimula ng Kaniyang ministeryo sa Galilea, at marami sa mga iniaral Niya nang una ay inulit. BB 702.2
Kung paanong isinugo Niya ang Labindalawa, gayundin Siya'y “humirang ng pitumpu pa, at isinugo Niya sila nang dala-dalawa sa unahan Niya sa bawa't siyudad at dako, na Kaniyang malapit nang paroonan.” Lukas 10: 1, R.V. Ang mga alagad na ito ay maluwat nang kasamasama Niya, na tinuturuan para sa kanilang gawain. Nang isugo ang Labindalawa sa una nilang hiwa-hiwalay na pagmimisyon, may iba namang mga alagad na sumama kay Jesus sa paglalakbay Niya sa Galilea. Sa ganito sila'y nagkaroon ng karapatang makisama sa Kaniya at makipag-aral. Ngayon ang lalong malaking bilang na ito ay hahayo naman sa ibang pagmimisyon. BB 702.3
Ang mga tagubilin sa Pitumpu ay katulad din ng sa Labindalawa; nguni't ang utos sa Labindalawa, na huwag pumasok sa alinmang bayan ng mga Hentil o ng mga Samaritano, ay hindi ibinigay sa Pitumpu. Bagama't si Kristo ay pinaalis ng mga Samaritano, hindi rin nag babago ang Kaniyang pag-ibig sa kanila. Nang magsiyaon na ang Pitumpu sa Kaniyang pangalan, ang kauna-unahan nilang dinalaw ay ang mga siyudad ng Samaria. BB 702.4
Ang sariling pagdalaw ng Tagapagligtas sa Samaria, at nang dakong huli, ang papuri sa mabuting Samaritano, at ang masayang pasasalamat ng Ketonging Samaritano, na kaisa-isa sa sampu na nagbalik upang magpasalamat kay Kristo, ay puno ng kahulugan sa mga alagad. Ang aral ay natanim nang malalim sa kanilang mga puso. Sa tagubilin Niya sa kanila bago Siya umakyat sa langit, binanggit ni Jesus ang Samaria na kasama ng Jerusalem at Judea na mga dakong uunahin nilang pangaralan ng ebanghelyo. Ang Kaniyang turo ay nakatulong sa kanilang tupdin ang Kaniyang tagubilin. Nang sila'y magsitungo sa Samaria sa pangalan ng kanilang Panginoon, ay natagpuan nila ang mga taong handang tumanggap sa kanila. Narinig na ng mga Samaritano ang mga papuri ni Kristo at ang mga pagkakawanggawa Niya sa kanilang mga kabansa. Napagkilala niiang sa kabila ng magaspang na kaugaliang inasal nila sa Kaniya, ay minamahal pa rin Niya sila, at nahikayat ang kanilang mga puso. Nang makaakyat na si Jesus sa langit, sila na ang naganyaya sa mga sinugo ng Tagapagligtas, at nakatipon ang mga alagad ng maraming aning kaluluwa buhat sa dating mahihigpit nilang kaaway na ito. “Ang gapok na tambo ay hindi Niya babaliin, at ang timsim na umuusok ay hindi Niya papatayin: Siya ay maglalapat ng kahatulan sa katotohanan.” “At aasa sa Kaniyang pangalan ang mga Hentil.” Isaias 42:3: Mateo 12:21. BB 702.5
Nang suguin ni Jesus ang Pitumpu, pinagbilinan Niya silang tulad din ng Labindalawa, na huwag maglumagak sa mga ayaw sa kanila. “Sa alinmang bayang inyong pasukin, at hindi kayo tinanggap,” wika Niya “ay magsilabas kayo sa mga lansangan, at sabihin ninyo, Pati ng alikabok ng inyong bayan, na kumakapit sa amin. ay aming ipinapagpag laban sa inyo: gayon pa man ay inyong pakatandaan ito, na ang kaharian ng Diyos ay dumating na sa inyo.” Hindi nila gagawin ito nang dahil sa sila'y napulaan, kundi upang ipakilala kung gaano kabigat ang tumanggi sa pabalita ng Panginoon o sa Kaniyang mga tagapagbalita. Ang pagtanggi sa mga lingkod ng Panginoon ay pagtanggi rin kay Kristo. BB 703.1
“Sinasabi Ko sa inyo,” dagdag pa ni Jesus, “na lalo pang maipagpapaumanhinan ang Sodoma kaysa bayang yaon.” Pagkatapos ay bumaling ang Kaniyang isip sa mga bayan ng Galilea na pinaglingkuran Niya nang maluwat. At sa malalim na pagbubuntunghininga ay sinabi Niya, “Sa aba mo, Corazin! sa aba mo, Bethsaida! sapagka't kung ang mga makapangyarihang gawang ginawa sa inyo ay ginawa sa Tiro at Sidon, malaon na sana silang nagsisi, at nakaupong may magaspang na kayo at mga abo. Nguni't lalo pang maipagpapaumanhin ang Tiro at Sidon sa paghuhukom kaysa inyo. At ikaw Capernaum, na nagpakataas-taas hanggang sa langit, ay mahahagis ka hanggang sa impiyerno.” BB 705.1
Sa mga bayang yaong nasa paligid ng Dagat ng Galilea, ay inialok ang masaganang kayamanan ng langit. Araw-araw ay labas-masok sa gitna nila ang Prinsipe ng buhay. Ang kaluwalhatian ng Diyos, na minithing makita ng mga propeta at mga hari, ay sumilang sa karamihang nagsiksikan sa harapan ng Tagapagligtas. Gayunman ay tinanggihan nila ang Kaloob ng langit. BB 705.2
Taglay ang malaking pagmamayabang na pinagbawalan ng mga rabi ang mga tao na huwag tanggapin ang mga bagong aral na itinuturo ng bagong gurong ito; sapagka't ang Kaniyang mga teorya at mga gawain ay nasasalungat sa mga turo ng mga magulang. Pinaniwalaan ng mga tao ang itinuro ng mga saserdote at mga Pariseo, sa lugar na pagsikapan sa sarili nila na maalaman ang itinuturo ng salita ng Diyos. Pinarangalan nila ang mga saserdote at mga pinuno sa halip na ang parangalan ay ang Diyos, at tinanggihan nila ang katotohanan upang maingatan nila ang kanilang mga sali't saling sabi. Marami ang napapaniwala at halos susunod na lamang; subali't hindi nila sinunod ang iniuutos ng kanilang dam- damin, at sa gayon ay hindi sila napabilang sa panig ni Kristo. Ipinakilala ni Satanas ang kaniyang mga tukso, hanggang sa ang liwanag ay lumitaw na parang kadiliman. Sa ganyang paraan tumanggi ang marami sa katotohanan na sana'y siyang nagligtas sa kanilang kaluluwa. BB 705.3
Sinasabi ng Tunay na Saksi, “Narito, Ako'y nakatayo sa pintuan, at tumutuktok.” Apocalipsis 3:20. Bawa't babala, saway, at pakiusap na nakapaloob sa Salita ng Diyos o sinasalita man ng Kaniyang mga tagapagbalita, ay isang katok sa pintuan ng puso. lyon ang tinig ni Jesus na humihiling na Siya'y papasukin. Bawa't katok na di-pinakikinggan, ay lalong nagpapahina sa kalooban na magbukas. Ang mga udyok ngayon ng Espiritu Santo kung hindi papansinin, ay hindi na magiging kasinlakas ng sa bukas. Nagiging paking ang pakiramdam ng puso, hanggang sa mawala na sa alaala ang kaigsian ng buhay at pati ng buhay na walang-hanggan. Ang hatol sa atin sa paghuhukom ay hindi dahil sa tayo'y namali, kundi dahil sa kinaligtaan natin ang mga pagkakataong padala ng langit na makilala natin ang katotohanan. BB 706.1
Ang Pitumpu ay tulad din sa mga apostol na nagsitanggap ng di-pangkaraniwang sukat ng kasiglahan sa kanilang pagmimisyon. Nang matapos na nila ang kanilang gawain, nagsibalik silang nangatutuwa, na nangagsasabi, “Panginoon, pati ng mga demonyo ay sumusuko sa amin sa pamamagitan ng Iyong pangalan.” Sumagot si Jesus. “Nakita Ko si Satanas na nahuhulog na parang kidlat buliat sa langit.” BB 706.2
Nagdaan sa isip ni Jesus ang mga tanawin ng nakaraan at ng hinaharap. Nakita Niya si Lucifer nang ito'v unang ihagis buhat sa langit. Natanaw rin Niya ang dumarating Niyang paghihirap na doo'y malalantad ang tunay na likas ng magdaraya. Narinig Niya ang sigaw, “Naganap na” (Juan 19:30), na nagbabalitang tiyak na ang pagkatubos sa nagkasalang sangkatauhan, at ang langit ay hindi na magagambala pa ng mga paratang, hibo, at mga pakunwari ni Satanas. BB 706.3
Sa kabila ng krus ng kalbaryo, na kasama ang kadalamhatian at kahihiyan nito, ay tiningnan ni Jesus ang dakilang huling araw, na ang prinsipe ng kapangyarihan ng himpapawid ay ipapahamak sa lupang laon nang dinungisan ng kaniyang paghihimagsik. Natanaw ni Jesus na nawakasan na magpakailanman ang gawain ng kasamaan, at ang kapayapaan ng Diyos ay nag-uumapaw sa lupa at langit. BB 707.1
Buhat ngayon ay ituturing ng mga alagad ni Kristo na si Satanas ay isang lupig na kaaway. Nakamtan ni Jesus ang tagumpay para sa kanila doon sa ibabaw ng krus; ang tagumpay na hangad Niyang angkinin nila na parang kanilang sarili. “Narito,” sabi Niya, “binibigyan Ko kayo ng kapangyarihang yumurak sa mga ulupong at mga alakdan, at sa lahat ng kapangyarihan ng kaaway: at sa anumang paraan ay hindi kayo maaano.” BB 707.2
Ang walang-hanggang kapangyarihan ng Espiritu Santo ay siyang pananggalang ng bawa't nagsisising kaluluwa. Sinumang nagsisisi at sumasampalataya na umaangkin sa pagsasanggalang ni Kristo, ay hindi tutulutang mapasailalim ng kapangyarihan ng kaaway. Nasa piling ng Tagapagligtas ang mga tinutukso at sinusubok. Sa ganang Kaniya ay walang pagkabigo, walang pagkalugi, walang di-mangyayari, o walang pagkagapi; magagawa natin ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan Niya na nagpapalakas sa atin. Kapag dumarating ang mga tukso at mga pagsubok, huwag ninyong hintaying maalis muna ang lahat ng mga kahirapan, kundi tumingin kayo kay Jesus, na inyong katulong. BB 707.3
May mga Kristiyanong nag-aakala at nagsasalita nang labis tungkol sa kapangyarihan ni Satanas. Iniisip nila ang kanilang kaaway, dumadalangin sila at nagsasalita tungkol sa kaniya, at sa kanilang guni-guni at lumalaki siya nang lumalaki. Totoo nga kung sabagay, na si Satanas ay isang makapangyarihang kinapal; subali't salamat sa Diyos, mayroon tayong isang Tagapagligtas na makapangyarihan, na nagpalayas sa demonyo sa langit. Nasisiyahan si Satanas kapag dinadakila natin ang kaniyang kapangyarihan. Bakit nga hindi si Jesus ang ating pag-usapan? Bakit hindi natin dakilain ang Kaniyang kapangyarihan at ang Kaniyang pag-ibig? BB 707.4
Ang bahaghari ng pangako na nakapaligid sa luklu-, kan ng Diyos, ay isang walang-hanggang patotoo na “gayon na lamang ang pagsinla ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay Niya ang Kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sa Kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” Juan 3:16. Pinatutunayan nito sa santinakpan na hindi pababayaan ng Diyos ang Kaniyang bayan sa pakikilaban sa masama. Pangako ito sa atin na hindi papagkukulangin sa atin ang lakas at pag-iingat habang nananatili ang lukiukan ng Diyos. BB 708.1
Idinugtong ni Jesus, “Gayunma'y huwag ninyong ikagalak ito na sumusuko sa inyo ang mga espiritu; kundi inyong ikagalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.” Huwag ninyong ikagalak na mayroon kayong kapangyarihan, baka mawala sa inyong alaala ang pagtitiwala sa Diyos. Mag-ingat kayo na baka umasa kayo sa inyong sarili, at gumawa kayo sa inyong sariling lakas, at hindi sa espiritu at lakas ng inyong Panginoon. Palaging nakaabang ang sarili na ipagmapuri ang anumang tagumpay na kinamtan. Ang sarili ay nagmamapuri at nagyayabang, at hindi naiisip ng mga iba na ang Diyos ay siyang lahat at nasa lahat. Sinasabi ni apostol Pablo na, “Pagka ako'y mahina, saka ako malakas.” 2 Corinto 12:10. Kapag ating nakikilalang tayo'y mahihina, natututo layong umasa sa isang kapangyarihang wala sa atin. Waiang lalong malakas magpatapang sa kalooban kundi ang pananalig na mayroon tayong kapanagutan sa Diyos. Walang umaabot sa kalalim-lalimang udyok ng marangal na kaugalian na gaya ng mapagpatawad na pag-ibig ng Diyos. Makipag-ugnay muna tayo sa Diyos, at saka pa lamang tayo mapupuspos ng Kaniyang Espiritu Santo, na siyang nagbibigay-kaya sa atin na makipag-ugnay naman sa ating mga kapwa tao. Kaya pasalamat kayo na sa pamamagitan ni Kristo ay mayroon kayong pakikiugnay sa Diyos, kayong mga kaanib sa sambahayan ng langit. Habang tumitingin kayo nang higit na mataas kaysa inyong sarili, lagi kayong makadarama ng kahinaan ng sangkatauhan. Habang binabawasan ninyo ang pagtingin sa sarili, lalo namang lumiliwanag at nagiging ganap ang pagkakilala ninyo sa kagalingan ng Tagapagligtas. At habang lalo ninyong iniuugnay ang inyong sarili sa bukal ng liwanag at kapangyarihan, lalo, namang malaki ang liwanag na sisikat sa inyo, at lalong malaking kapangyarihan ang kakamtin ninyo upang makagawa para sa Diyos. Magalak nga kayo na kayo'y kaisa ng Diyos, kaisa ni Kristo, at kaisa ng sambahayan sa langit. BB 708.2
Habang nakikinig ang Pitumpu sa mga salita ni Kristo, ipinaliliwanag naman ng Espiritu Santo ang mga tunay na pangyayari, at isinusulat ang katotohanan sa mga pitak ng puso nila. Kahit na marami ang nakapalibot sa kanila sila'y para ding nakukulong ng Diyos. BB 709.1
Sa pagkaalam na nahagip ng kanilang isip ang mga ibig Niyang sabihin, si Jesus ay “natuwa sa espiritu, at nagsabi, Nagpapasalamat Ako sa Iyo, Oh Ama, Panginoon ng langit at lupa, na Iyong inilihim ang mga ito sa mga pantas at matatalino, at Iyong inihayag sa mga sanggol: gayon nga, Ama; sapagka't siya Mong minagaling. Lahat ng bagay ay ibinigay sa Akin ng Aking Ama: at walang taong nakakikilala sa Anak, kundi ang Ama, at wala rin taong nakakikilala sa Ama, kundi ang Anak, at ang sinumang ibiging pagpahayagan Niya.” BB 709.2
Ang mararangal na tao ng sanlibutan, ang tinatawag na mga dakila at pantas, taglay ang ipinagmamalaki nilang karunungan, ay hindi makaunawa ng likas ni Kristo. Hinatulan nila Siya nang alinsunod sa nakikita nila sa labas, dahil sa napakaabang kalagayang dumating sa Kaniya sa pagiging-tao. Subali't sa mga mamamalakaya at mga maniningil ng buwis ay ipinakita ang Di-nakikita. Hindi rin naabot ng unawa, maging ng mga alagad, ang lahat ng ibig ni Jesus na ihayag sa kanila; datapwa't sa pana-panahon, nang ipasakop nila sa kapangyarihan ng Espiritu Santo ang kanilang mga sarili, ay naliwanagan ang kamlang mga pag-iisip. Napagtante nila na ang makapangyarihang Diyos, na nagbihis ng pagkatao, ay nasa gitna nila. Ikinagaiak ni Jesus na bagama't wala sa mga pantas at matatalino ang pagkakilalang ito, nahayag naman ito sa mabababang taong ito. Madalas na pagka naiharap na Niya ang mga Kasulatan ng Matandang Tipan, at naipakilala Niyang ang mga ito ay natutupad sa Kaniya at sa Kaniyang gawain ng pagtubos ay ginigising sila ng Kaniyang Espiritu, at itinataas sila sa isang kalagayang makalangit. Lalong malinaw ang pagkakilala nila sa mga katotonanang espirituwal na sinalita ng mga propeta kaysa mga orihinal na nagsisulat nito. Buhat noon pagka binasa nila ang mga talata ng Matandang Tipan ay hindi na ito tulad sa mga aral ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi na tulad sa mga pahayag ng mga taong pantas na pawang mga patay na, kundi tulad sa isang bagong pahayag na buhat sa Diyos. Namasdan nila Siyang “hindi matanggap ng sanlibutan.. sapagka't hindi Siya nakikita nito, ni nakikilala man Siya: nguni't Siya'y nakikilala ninyo; sapagka't Siya'y tumatahan sa inyo, at sasainyo.” Juan 14:17. BB 710.1
Ang natatanging paraan upang tayo'y magkaroon ng lalong ganap na pagkaunawa sa katotohanan ay ang pamalagiing malambot ang puso at supil ng Espiritu ni Kristo. Linisin ang kaluluwa sa mga bagay na walang-kabuluhan at kayabangan, at pawiin ang lahat ng dito'y nakapupuno, at si Kristo ang dapat paluklukin sa loob nito. Totoong natatakdaan ang karunungan ng tao kaysa hindi nito kayang unawain ang pagtubos. Napakalawak ang naaabot ng panukala ng pagtubos kaya hindi ito kayang ipaliwanag ng pilosopiya. Ito'y mamamalaging isang hiwaga na hindi matatarok ng kalalim-lalimang pagpapaliwanag. Ang siyensiya ng kaligtasan ay hindi maipaliwanag ng salita; subali't ito'y mapagkikilala sa pamamagitan ng karanasan. Siya lamang na kumikilala sa sarili niyang pagkamakasalanan ang makakakilala ng kahalagahan ng isang Tagapagligtas. BB 710.2
Puno ng mga aral ang turo ni Kristo samantalang Siya'y banayad na lumalakad buhat sa Galilea patungo sa Jerusalem. Sabik namang nakinig ang mga tao. Sa Perea at sa Galilea ang mga tao ay hindi gasinong supil ng kayabangan ng mga Hudyo na gaya sa Judea, at dito'y maluwag na tinanggap sa puso ng mga tao ang Kaniyang turo. BB 711.1
Sa nalolooban ng mga huling buwang ito ng Kaniyang ministeryo, ay binigkas ni Kristo ang marami sa Kaniyang mga talinhaga. Mahigpit na Siya'y sinubaybayan ng mga saserdote at mga rabi, at Kaniya namang ikinubli sa malarawang mga salita ang Kaniyang mga saway at babala sa kanila. Hindi nila mapagkakamalan ang kahulugan ng mga sinasabi Niya, nguni't wala naman silang masumpungang salita Niya na magagamit nilang dahilan upang Siya'y paratangan. Sa talinhagang tungkol sa Pariseo at maniningil ng buwis, ang may-kapalaluang panalanging, “Diyos, ako'y nagpapasalamat sa Iyo na ako'y di-gaya ng ibang mga tao,” ay ibang-iba sa daing ng makasalanang, “Maawa Ka sa akin na makasalanan.” Lukas 18:11, 13, R.V. Sa ganito sinaway ni Kristo ang pagpapaimbabaw ng mga Hudyo. At sa mga talinhaga ng puno ng igos at ng malaking piging na hapunan, ay sinabi Niya nang pauna ang kapahamakang malapit nang bumagsak sa bansang di-nagsisisi. Yaong mga buong pagkutyang tumanggi sa paanyaya sa piging na pang-ebanghelyo ay nakarinig ng Kaniyang babala: “Sinasabi Ko sa inyo, Na alinman sa mga taong inanyayahan ay hindi makakatikim ng Aking hapunan.” Lukas 14:24. BB 711.2
Napakamahahalaga ang mga aral na ibinigay sa mga alagad. Ang talinhaga tungkol sa mapanggiyagis na babaing balo at ang kaibigang humihingi ng tinapay sa oras ng hatinggabi, ay nagdagdag ng bagong lakas sa mga salita Niyang, “Kayo'y magsihingi, at kayo'y bibigyan; kayo'y magsihanap, at kayo'y mangakakasumpong; kayo'y magsituktok, at kayo'y bubuksan.” Lukas 11:9 At malimit ay napatibay ang mabuway nilang pananampalataya sa tuwing maalaala nila ang sinabi ni Kristong, “Hindi kaya ipaghihiganti ng Diyos ang Kaniyang mga hinirang, na dumaraing sa Kaniya araw at gabi, at Siya'y mapagpahinuhod sa kanila? Sinasabi Ko sa inyo, na ipaghihiganti Niya silang madali.” Lukas 18:7, 8, R.V. BB 712.1
Ang magandang talinhaga ng tupang nawala ay inulit ni Kristo. At dinagdagan pa Niya ang aral, nang sabihin Niya ang mga talinhaga ng nawalang putol na salapi at ng alibughang anak. Noon ay hindi pa lubos na napagkikilala ng mga alagad ang bisa ng mga aral na ito; nguni't nang maibuhos na ang Espiritu Santo, nang matanaw na nila ang nahikayat na mga Hentil at ang naiinggit na pagkagalit ng mga Hudyo, ay saka nila lalong naunawaan ang aral ng anak na alibugha, at nalasap ang ligaya ng mga salita ni Kristo na, “Karapat-dapat na tayo'y magsaya at magkatuwa;” “sapagka't ang aking anak na ito ay patay na, at muling nabuhay; siya'y nawala, at muling nasumpungan.” Lukas 15:32, 24. At nang magsihayo na sila sa pangalan ng kanilang Panginoon, na hinaharap ang kakutyaan at karalitaan at pag-uusig, ay madalas na pinatatapang nila ang kanilang loob sa pamamagitan ng pag-ulit sa Kaniyang bilin, na sinalita sa huling paglalakbay na ito, “Huwag kayong mangatakot, munting kawan; sapagka't nakalulugod na mainam sa inyong Ama na sa inyo'y ibigay ang kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik, at kayo'y mangaglimos; maglaan kayo ng mga supot na hindi naluluma, ng isang kayamanan sa langit na hindi nagkukulang, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, ni sumisira man ang tanga. Sapagka't kung saan naroon ang inyong kayamanan, doon naman doroon ang inyong puso.” Lukas 12:32-34. BB 712.2