Ang kabanatang ito ay batay sa Lukas 10:25-37.
Sa kasaysayan ng mabuting Samaritano, ay iginuhit ni Kristo ang likas ng tunay na relihiyon. Ipinakilala Niyang ito'y hindi binubuo ng mga pamamaraan, mga kredo, mga rito o seremonya, kundi ng pagganap ng mga gawang kaibig-ibig, at ng paghahatid ng pinakamalaking kagalingan sa mga iba, sa tunay na kabutihan. BB 715.1
Samantalang nagtuturo si Kristo sa mga tao, “isang manananggol ang tumindig at tinukso Siya, na nagsabi, Panginoon, ano ang dapat kong gawin upang ako'y magmana ng buhay na walang-hanggan?” Halos di-humihinga ang malaking kalipunan sa paghihintay ng isasagot. Binalak ng mga saserdote at mga rabi na siluin si Kristo sa pagpapatanong sa manananggol ng tanong na ito. Nguni't hindi pumasok ang Tagapagligtas sa anumang pakikipagtalo. Ang pinasagot Niya ay ang nagtatanong na rin. “Ano ang nasusulat sa kautusan?” wika Niya; “ano ang nababasa mo?” May paratang ang mga Hudyo na niwawalang galang ni Jesus ang kautusang ibinigay sa Sinai; subali't ibinaling Niya ang suliranin ng kaligtasan sa pagtalima sa mga utos ng Diyos. BB 715.2
Sinabi ng manananggol, “Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo, at nang buong lakas mo, at nang buong pag-iisip mo; at ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” Sinabi ni Jesus, “Matwid ang sagot mo: gawin mo ito, at ikaw ay mabubuhay.” BB 715.3
Ang manananggol ay hindi nasisiyahan sa paninindigan at mga gawain ng mga Pariseo. Pinag-aralan niya ang mga Kasulatan sa hangad na matutuhan ang tunay na kahulugan. Napakalaki ng kaniyang interes sa bagay na ito, at kaya nga itinanong niya nang may buong katapatan ang, “Ano ang dapat kong gawin?” Sa ibinigay niyang sagot tungkol sa mga hinihingi ng kautusan, ay iniwan niya ang lahat ng mga tagubilin ng sari-saring seremonya at rito. Itinuring niyang walang halaga ang mga ito, nguni't iniharap niya ang dalawang malalaking simulaing kinabibitinan ng buong kautusan at ng mga propeta. Ang sagot na ito ay pinuri ni Kristo, at nagbigay sa Tagapagligtas ng kalamangan sa mga rabi. Hindi nila mahahatulan Siya sa pagsang-ayon Niya sa sinabi ng tagapagpaliwanag ng kautusan. BB 716.1
“Gawin mo ito at ikaw ay mabubuhay,” wika ni Jesus. Kaniyang ipinakilala na ang kautusan ay isang banal na kabuuan, at dito'y itinuro ang aral na hindi mangyayaring ganapin ang isang utos at saka labagin ang ikalawa; sapagka't iisang simulain ang nananalaytay sa lahat nang ito. Ang kapalaran ng tao ay papasiyahan ng kaniyang pagtalima sa buong kautusan. Sukdulang pagibig sa Diyos at walang-kiling na pag-ibig sa tao ang mga simulaing dapat isakabuhayan. BB 716.2
Napagkilala ng manananggol na siya'y isang manlalabag ng kautusan. Nakilala niya ang kaniyang kasalanan sa ilalim ng nananaliksik na mga salita ni Kristo. Ang pagiging-matwid ng kautusan, na inaangkin niyang kaniyang nauunawaan, ay hindi niya isinagawa. Hindi siya nagpakita ng pag-ibig sa kaniyang kapwa. Hinihingi sa kaniya ang magsisi subali't sa halip na magsisi, ay sinikap niyang bigyang-katwiran ang kaniyang ginawa. Sa halip na kilalanin ang katotohanan, sinikap niyang ipakilala na mahirap sundin ang kautusan. Sa ganito inasahan niyang maiiwasan ang sumbat ng kasalanan at mabibigyang-matwid ang kaniyang sarili sa harap ng mga tao. Ang mga pangungusap ng Tagapagligtas ay nagpakilalang kalabisan na ang tanong ng manananggol, yamang siya na rin ang nakasagot sa kaniyang katanungan. Gayunma'y nagtanong pa siya uli na sinasabi, “Sino ang aking kapwa?” BB 716.3
Sa mga Hudyo ang tanong na ito ay pasimuno ng walang-katapusang pagtatalo. Wala silang alinlangan tungkol sa mga pagano at mga Samaritano; ang mga ito ay mga tagaibang-lupa at mga kaaway. Nguni't saan makikilala ang pagkakaiba sa kanilang mga kalahi, at sa mga iba't-ibang uri ng lipunan? Sino ang ituturing ng saserdote, ng rabi, at ng matanda, na kaniyang kapwa? Ang kanilang buhay ay ginugugol nila sa paulit-ulit na mga seremonya upang sila'y maging malilinis. Ang pakikipag-ugnay at pakikisalamuha sa mga di-nakaaalam at walang-ingat na karamihan, ay itinuro nilang magiging dahil ng karamihan na mangangailangan ng nakapapagod na pagsisikap upang mapawi. Ituturing ba nilang mga kapwa ang “marurumi”? BB 717.1
Muling tumanggi si Jesus na mahila sa pakikipagtalo. Hindi Niya tinuligsa ang kayabangan ng mga nagbabantay sa Kaniya upang hatulan Siya. Kundi sa pamamagitan ng isang simpleng istorya ay inilarawan Niya sa mga nakikinig sa kaniya ang pagdaloy ng pag-ibig na buhat sa langit, na kumilos sa puso ng lahat, at pumilit sa manananggol na aminin ang katotohanan. BB 717.2
Ang paraan upang maitaboy ang kadiliman ay papasukin ang liwanag. Ang pinakamabuting paraan ng pakikitungo sa kamalian ay iharap ang katotohanan. Ang pagkakahayag ng pag-ibig ng Diyos ay nagpapalitaw ng kapintasan at kasalanan ng pusong makasarili. BB 717.3
“May isang tao,” ani Jesus, “na lumulusong sa Jerico buhat sa Jerusalem; at siya'y nahulog sa kamay ng mga tulisan, na sa kaniya'y sumamsam at sa kaniya'y humampas, at siya'y iniwang halos patay na. At nagkataong bumababa sa daang yaon ang isang saserdote: at nang makita nito siya, ay nagdaan sa kabilang tabi. At sa gayunding paraan ang isang Levita naman, nang dumating ito sa dakong yaon, at nakita siya, ay dumaan sa kabilang tabi.” Lukas 10:30-32, R.V. Ito'y hindi kathakatha kundi isang tunay na pangyayari. Ang saserdote at ang Levitang lumampas sa kabilang panig ng daan ay kapwa nasa pulutong na nakikinig sa mga salita ni Kristo. BB 717.4
Sa paglalakbay na buhat sa Jerusalem hanggang sa Jerieo, ang isang tao ay kailangang dumaan sa ilang na pook ng Judea. Ang daan ay lumalagos sa isang magubat at mabatong bangin, na pinamumugaran ng mga tulisan, at malimit maging tagpo ng karahasan. Dito pi naslang ang naglalakbay, sinamsam ang lahat na mahahalagang dala, sinugatan at binugbog, at iniwang halos patay sa isang tabi. Sa gayong pagkakahandusay niya, ay dumating ang saserdote; nguni't sinulyapan lamang nito ang sugatan. Sumunod na dumating ang Levita. Ibig nitong maalaman ang nangyari, kaya ito'y tumigil at tiningnan ang sugatan. Batid niya kung ano ang marapat niyang gawin; subali't hindi iyon lsang nakalulugod na gawain sa kaniya. Nahangad niyang sana'y hindi na siya doon nakadaan, upang hindi na sana nakita ang nasalanta. Pinapaniwala niya ang kaniyang sarili na hindi siya ang may tungkuling mag-asikaso niyon. BB 718.1
Ang dalawang ito ay kapwa nasa banal na tungkulin, at nagpapanggap na sila'y tagapagpaliwanag ng mga Kasulatan. Kabilang sila sa lahing tanging pinili upang maging mga kinatawan ng Diyos sa mga tao. Sila'y dapat “magkaroon ng habag sa mga di-nakaaalam, at sa mga nalilihis ng daan” (Hebreo 5:2), upang maipaunawa nila sa mga tao ang malaking pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ang gawaing itinawag sa kanila na gawin nila ay katulad din ng sinabi ni Jesus na Kaniyang gawain, nang sabihin Niyang, “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasa Akin, sapagka't pinahiran Niya Ako ng langis upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga dukha; isinugo Niya Ako upang magpagaling ng mga may bagbag na puso, upang ipangaral ang kalayaan sa mga bihag, at isauli ang paningin ng mga bulag, at bigyan ng kalayaan ang nangaaapi.” Lukas 4:18. BB 718.2
Minamasdan ng mga anghel ng langit ang kapighatian ng sambahayan ng Diyos sa lupa, at gayak silang makipagtulungan sa mga tao upang malunasan ang paniniil at paghihirap. Itinalaga ng Diyos na ang saserdote at Levita ay magdaan sa kinahahandusayan ng sinalanta, upang makita nila na kailangan nito ang kanilang awa at tulong. Ang buong kalangitan ay nakatingin upang makita kung mababagbag ang puso mla sa kapighatian ng tao. Ang Tagapagligtas ay siyang nagturo sa mga Hebreo sa ilang; mula sa haliging ulap at haliging apoy ay Kaniyang tinuruan sila ng aral na ibang-iba kaysa tinatanggap ngayon ng mga tao buhat sa kanilang mga saserdote at mga guro. Ang may-kahabagang mga itinatadhana ng kautusan ay umabot hanggang sa mabababang uri ng mga hayop na hindi nakapagpapahayag ng kanilang ibig at ng kanilang damdamin. May mga tagubiling iniwan kay Moises para sa mga anak ni Israel na ganito: “Kung masumpungan mo ang baka ng iyong kaalit o kaniyang asno na nakawala ay tunay na ibabalik mo sa kaniya. Kung iyong makita ang asno ng napopoot sa iyo, na nakalugmok sa ilalim ng kaniyang pasan, at ayaw mo mang alisan ng pasan ay walang pagsalang iyong tutulungan pati ng may-ari niyaon.” Exodo 23:4, 5. Nguni't sa taong sinugatan ng mga tulisan, ay ipinakilala ni Jesus na ito'y isang kapatid na nasa paghihirap. Ga ano nga lalong dapat sana'y mahabag ang kanilang puso sa taong iyon kaysa isang hamak na hayop! Ang pasabing ibinigay sa kanila sa pamamagitan ni Moises na ang Panginoon nilang Diyos, na “isang dakilang Diyos, makapangyarihan at kakila-kilabot,” “ay nagsasagawa ng kahatulan sa ulila at babaing bao, at iniibig ang tagaibang-lupa.” Kaya nga ipinag-utos Niya, “Ibigin nga ninyo ang taga-ibang lupa.” “Iibigin mo siyang gaya ng iyong sarili.” Deuteronomio 10:17-19; Levitico 19:34. BB 719.1
Sinabi naman ni Job, “Ang tagaibang-lupa ay hindi tumahan sa lansangan: kundi binuksan ko ang aking mga pintuan sa manlalakbay.” At nang ang dalawang anghel na nag-anyong tao ay dumating sa Sodoma, ay nagpatirapa si Lot sa lupa, at nagsabi, “Narito ngayon, mga panginoon ko, magsituloy kayo ipinamamanhik ko sa inyo, sa bahay ng inyong lingkod, at magsitigil kayo buong gabi.” Job 31:32; Genesis 19:2. Batid ng saserdote at ng Levita ang mga turong ito, nguni't hindi nila isinagawa. Palibhasa'y nasanay sila sa pambansang kayabangang ukol sa mahigpit nilang paniniwalang panrelihiyon, sila'y naging makasarili, makitid ang isip, at waiang malasakit sa iba. Nang tingnan nila ang taong sugatan, hindi nila masabi kung ito ay kalahi nila o hindi. Ipinalagay nilang baka ito'y isa sa mga Samaritano, kaya sila'y pumihit at umalis. BB 720.1
Sa kanilang inasal, sang-ayon sa pagkakasalaysay ni Kristo, walang nakita ang manananggol na laban sa itinuro sa kaniya tungkol sa ibinibilin ng kautusan. Nguni't narito ngayon ang kasunod na tanawin: BB 720.2
Isang Samaritanong naglalakbay ang dumating sa kinahahandusayan ng sugatan, at nang makita niya siya ay nagdalang-habag sa kaniya. Hindi na siya nagtanong kung ang taong ito ay Hudyo o Hentil. Kung ito'y Hudyo, batid na mabuti ng Samaritano na, kung magkakapalit sila ng lugar, ay duduraan siya sa mukha ng taong ito. at siya'y lalampasan at pandidirihan. Gayunma'y hindi siya nag-atubili nang dahil dito. Hindi na rin niya inisip na baka siya ay mapasapanganib din sa pagtigil sa dakong iyon. Sa ganang kaniya ay sapat nang naroon sa harap niya ang isang taong nangangailangan at sugatan. Hinubad niya ang sarili niyang balabal at ibinalot sa tao. Ang langis at alak na itinaan niya sa kaniya sa paglalakbay ay ipinahid niya sa mga sugat at pasa ng taong sugatan. Binuhat niya ito at isinakay sa kaniyang asno, at marahang pinalakad ang hayop, upang hindi matigtig at hindi maragdagan ang sakit ng taong may sugat. Dinala niya ito sa isang bahay-tuluyan, inalagaan sa buong magdamag, at binantayang may pagmamahal. Sa kinaumagahan, palibhasa'y nakaramdam na ng ginhawa ang maysakit, ang Samaritano ay gumayak nang lumakad. Datapwa't bago siya umalis, pinaalagaan niya ito sa may-ari ng bahay-tuluyan, binayaran ang lahat ng gugol, at nag-iwan pa ng salaping panlaan; at hindi pa rin nasisiyahan dito, siya'y nagbilin sa may-ari para sa anumang kakailanganin pa, na sinasabi, “Alagaan mo siya; at kung magkano man ang magasta mong labis, ay babayaran ko sa iyo pagbalik ko.” BB 720.3
Matapos ang salaysay, tinitigan ni Jesus ang manananggol ng tinging parang nababasa ang kaniyang kaluluwa, at nagsabi, “Sino sa tatlong ito, sa akala mo, ang nagpakilalang kapwa-tao ng nahulog sa kamay ng mga tulisan?” Lukas 10:36, R.V. BB 721.1
Hanggang ngayon ay ayaw pang bigkasin ng manananggol ang pangalang Samaritano, at siya'y sumagot, “Siya na nagpakita ng kaawaan sa kaniya.” Sinabi ni Jesus, “Yumaon ka, at gayundin ang iyong gawin.” BB 721.2
Kaya't ang tanong na, “Sino ang aking kapwa?” ay nasagot na magpakailanman. Ipinakilala ni Kristo na ang ating kapwa ay hindi lamang ang isa na kasama natin sa iglesya o pananampalataya. Ito'y walang kinalaman sa lahi, kulay, o uri ng samahan. Ang ating kapwa ay ang bawa't taong nangangailangan ng ating tulong. Ang ating kapwa ay ang bawa't kaluluwang sinugatan at binugbog ng kaaway. Ang ating kapwa ay ang bawa't isang pag-aari ng Diyos. BB 721.3
Sa kasaysayan ng mabuting Samaritano, ay nagbigay si Jesus ng Kaniyang sariling larawan at ng larawan ng Kaniyang misyon. Ang tao ay dinaya, binugbog, ninakawan, at ipinahamak ni Satanas, at iniwan upang mamatay; nguni't naawa ang Tagapagligtas sa ating kahabag-habag na kalagayan. Iniwan Niya ang Kaniyang kaluwalhatian upang tayo'y saklolohan. Natagpuan Niya tayong mamamatay na lamang, at inasikaso Niya ang ating kalagayan. Pinagaling Niya ang ating mga sugat. Tinakpan Niya tayo ng Kaniyang balabal ng katwiran. Binuksan Niya sa atin ang isang kanlungan ng kaligtasan, at naglaan ng lahat nating kailangan sa Kaniyang sariling gugol. Siya'y namatay upang tubusin tayo. Itinuturo ang Kaniyang sariling halimbawa, sinasabi Niya sa mga sumusunod sa Kaniya, “Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, na leayo'y mangag-ibigan sa isa't isa.” “Kung paanong inibig Ko kayo, mag-ibigan din naman kayo sa isa't isa.” Juan 15:17; 13:34. BB 722.1
Ang naging tanong ng manananggol kay Jesus ay, “Ano ang dapat kong gawin?” at sa pagkakilala ni Jesus na ang pag-ibig sa Diyos at sa tao ay siyang kabuuan ng katwiran, ay sinabi Niya, “Gawin mo ito, at ikaw ay mabubuhay.” Tinalima ng Samaritano ang mga udyok ng maawain at maibiging puso, at ito ay nagpatunay na siya'y isang tagatupad ng kautusan. Inatasan ni Kristo ang manananggol, “Yumaon ka, at gayundin ang iyong gawin.” Pagtupad, at hindi pagsasalita lamang, ang inaasahan ng Diyos sa Kaniyang mga anak. “Ang nagsasabing nananahan sa Kaniya ay dapat din namang lumakad, na gaya ng inilakad Niy'a.” 1 Juan 2:6. BB 722.2
Ang aral ay kailangan ngayon tulad nang ito'y unang mamutawi sa mga labi ni Jesus. Ang kasakiman at malamig na anyong pakitang-tao ay siyang pumapatay sa apoy ng pag-ibig, at nag-aalis ng mga biyayang dapat magpabango sa likas. Marami sa mga nagpapanggap na Kristiyano ay nakalilimot sa katotohanan na ang mga Kristiyano ay dapat maging kinatawan ni Kristo. Malibang makita sa kabuhayan ang pagpapakasakit na mapabuti ang mga iba, sa loob ng pamilya, sa mga kapitbahay, sa loob ng iglesya, at saanman tayo naroroon, kung gayo'y anuman nga ang ating sabihin ay hindi tayo mga Kristiyano. BB 722.3
Ikinawing ni Kristo ang Kaniyang buhay sa buhay ng sangkatauhan, at hinihingi Niyang tayo'y makiisa sa Kaniya sa pagliligtas ng mga tao. “Tinanggap ninyong walang-bayad,” wika Niya, “ipamahagi ninyong walangbayad.” Mateo 10:8. Ang kasalanan ay siyang pinakadakila sa lahat ng kasamaan, at tungkuiin natin ang maawa at tumulong sa makasalanan. Marami ang nangasisinsay, at nangahihiya sa kanilang pagkakamali. Gutom sila sa mga salitang nagpapalakas ng loob. Minamasdan nila ang kanilang mga pagkukulang at mga pagkakamali hanggang sa sila'y mawalan ng pag-asa. Ang mga kaluluwang ito ay hindi natin dapat pabayaan. Kung tayo'y mga Kristiyano, ay hindi tayo lalampas na daraan sa kabilang panig ng daan, na lumalayo hangga't maaari sa mga taong lalong nangangailangan ng ating tulong. Kapag nakakita tayo ng mga taong nasa paghihirap, maging ito'y dahil sa pagkakasakit o dahil sa pagkakasala, ay hindi natin kailanman sasabihing, Wala akong pakialam diyan. BB 723.1
“Kayong mga sa espiritu, inyong papanumbalikin ang gayon sa espiritu ng kaamuan.” Galacia 6:1. Sa pamamagitan ng pananampalataya at pananalangin, ay ipagtulakan ninyo ang kapangyarihan ng kaaway. Magsalita kayo ng mga salita ng pananampalataya at ng pampalakas ng loob na magiging parang balsamong pampagaling sa isang nabugbog at nasugatan. Maraming-marami na ang nanlumo at nanlupaypay sa malaking labanan ng buhay, gayong ang isang masayang salita ng kagandahang-loob ay nakapagpalakas sana sa kanila upang sila'y managumpay. Huwag natin kailanmang lalampasan ang kahit isang nagdurusang kaluluwa nang di pinagsisikapang ibigay sa kaniya ang pang-aliw na inialiw naman sa atin ng Diyos. BB 723.2
Ang lahat nang ito ay isang pagtupad sa simulain ng kautusan—ang simulaing inilarawan sa kasaysayan ng mabuting Samaritano, at inihayag naman sa kabuhayan ni Jesus. Ang likas Niya ay naghahayag ng tunay na kahulugan ng kautusan, at nagpapakilala ng kahulugan ng pag-ibig sa ating kapwa na gaya ng sa ating sarili. At kapag ang mga anak ng Diyos ay nagpapakita ng pagkaawa, kagandahang-loob, at pag-ibig sa lahat ng mga tao, pinatutunayan din naman nila ang likas ng mga kautusan ng langit. Pinatutunayan nila ang katotohanan na “ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa.” Awit 19:7. At sinumang hindi naghahayag ng pag-ibig na ito ay lumalabag sa kautusang sinasabi niyang kaniyang iginagalang. Sapagka't ang diwang ipinakikita natin sa ating mga kapatid ay nagpapahayag ng ating diwa sa Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos na nasa puso ay siyang bukal ng pag-ibig sa ating kapwa. “Kung sinasabi ng sinuman, Ako'y umiibig sa Diyos, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay siya'y sinungaling: sapagka't ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakikita, ay paanong makaiibig siya sa Diyos na hindi niya nakita?” Mga minamahal, “kung nag-iibigan tayo sa isa't isa ay nananahan sa atin ang Diyos, at ang Kaniyang pagibig ay nagieing sakdal sa atin.” 1 Juan 4:20. 12. BB 724.1