Ang panalangin ni David pagkatapos na siya’y magkasala, ay nagpapakilala ng uri ng tunay na kalungkutan dahil sa pagkakasala. Ang kanyang pagsisisi ay tapat at taimtim. Hindi nadungisan ng anumang pagsisikap na pangatuwiranan ang kanyang pagkakasala; ang panalangin niya ay hindi udyok ng pagnanasang makaiwas sa nabibiting kahatulan. Nakita ni David ang laki ng kanyang pagsalansang; nakita niya ang karumihan ng kaniyang kaluluwa; kinasusuklaman niya ang kanyang kasalanan. Hindi lamang kapatawaran ang kanyang hiningi sa dalangin, kundi kalinisan din naman ng puso. Kinasabikan niya ang kaligayahan ng kabanalan—ang pagkasauli sa pakikiisa at pakikipagusap sa Diyos. Ito ang pangungusap ng kanyang kaluluwa: PK 31.1
“Mapalad siyang pinatawad ng pagsalansang,
na tinakpan ang kasalanan.
Mapalad ang tao na hindi paratangan
ng kasamaan ng Panginoon.
At walang pagdaraya ang diwa niya.” Awit 32:1, 2. PK 31.2