“Maawa Ka sa akin, Oh Diyos,
ayon sa Iyong kagandahang-loob:
Ayon sa karamihan ng Iyong malumanay
na kaawaan ay pinapawi Mo ang aking mga pagsalansang.
Hugasan Mo akong lubos sa aking kasamaan,
at linisin Mo ako sa aking kasalanan.
Sapagka’t kinikilala ko ang aking mga pagsalansang:
at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.
Laban sa Iyo, sa Iyo lamang ako nagkasala,
at nakagawa ng kasamaan sa Iyong paningin:
upang Ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita Ka.
At maging malinis pag humahatol Ka.
Narito, ako’y inanyuan sa kasamaan;
at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.
Narito, Ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa mga loob na sangkap:
at sa kubling bahagi ay Iyong ipakikilala sa akin ang karunungan.
Linisin Mo ako ng hisopo, at ako’y magiging malinis:
hugasan Mo ako, at ako’y magiging lalong mabuti kaysa niyebe.
Pagparinggan Mo ako ng kagalakan at kasayahan;
upang ang mga buto na Iyong binali ay mangagalak.
Ikubli Mo ang Iyong mukha sa aking mga kasalanan,
at pawiin Mo ang aking lahat na mga kasamaan.
Likhaan Mo ako ng isang malinis na puso,
Oh Diyos; at magbago Ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.
Huwag Mo akong paalisin sa Iyong harapan:
at huwag Mong bawiin ang Iyong Santong Espiritu sa akin.
Ibalik Mo sa akin ang kagalakan ng Iyong pagliligtas:
at alalayan ako ng kusang espiritu.
Kung magkagayo’y ituturo ko
sa mga mananalansang ang Iyong mga lakad;
at ang mga makasalanan ay mangahihikayat sa Iyo.
Iligtas Mo ako sa salang pagbububo ng dugo,
Oh Diyos, Ikaw na Diyos ng aking kaligtasan;
at ang aking dila ay aawit ng malakas
tungkol sa Iyong katuwiran.” Awit 51:1-14. PK 32.1
Ang ganitong pagsisisi ay hindi kaya ng sarili nating kapangyarihan; ito’y natatamo sa pamamagitan lamang ni Kristo, na umakyat sa kaitaasan, at nagbigay ng mga kaloob sa mga tao. PK 33.1