Sa bahaging ito’y marami ang nagkakamali, at dahil dito’y hindi nila tinatamo ang tulong na ibig ni Kristong ibigay sa kanila. Inaakala nilang hindi sila malalapit kay Kristo kundi muna sila mangagsisi, at ang pagsisisi ang nagbibigay daan upang sila’y mapatawad sa kanilang mga kasalanan. To too nga na ang pagsisisi ay una kay sa pagpapatawad ng mga kasalanan; sapagka’t bagbag at nagsisising puso lamang ang makararamdam na kailangan ang isang Tagapagligtas. Datapuwa’t dapat bagang hintayin ng makasalanang siya’y makapagsisi muna bago siya lumapit kay Jesus? Gagawin baga ang pagsisisi na isang hadlang sa makasalanan sa paglapit sa Tagapagligtas? PK 33.2
Hindi itinuturo ng Biblia na dapat munang magsisi ang makasalanan, bago niya matanggap ang paanyaya ni Kristo: “Magsiparito sa Akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.” Mateo 11:28. Kabutihang nagmumula kay Kristo ang umaakay sa tunay na pagsisisi. Ang bagay na ito ay ipinaliwanag ni Pedro sa kanyang pahayag sa mga Israelita, nang kanyang sabihin: “Siya’y pinadakila ng Diyos ng Kanyang kanang kamay upang maging Prinsipe at Tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel, at kapatawaran ng mga kasalanan.” Gawa 5:31. Hindi tayo makapagsisisi kung di gisingin ng Espiritu ni Kristo ang ating budhi, gaya rin naman ng tunay na hindi tayo mapatatawad kung wala si Kristo. PK 33.3
Si Kristo ang pinagbubuhatan ng bawa’t matuwid na hangarin. Siya lamang ang makapagtatanim sa puso ng poot sa kasalanan. Bawa’t pagkaibig sa katotohanan at kadalisayan, bawa’t pagkakilala sa ating sariling pagkamakasalanan, ay katibayang kinikilos ng Kanyang Espiritu ang ating puso. PK 34.1