Subali’t inyong punahin sa bahaging ito, na ang pagtalima ay di pakitang tao lamang, kundi isang paglilingkod ng pag-ibig. Ang kautusan ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang likas; isang kabuuan ng dakilang simulain ng pag-ibig, at dahil dito’y siyang pinagsasaligan ng Kanyang pamahalaan sa langit at sa lupa. Kung nabago na ang ating mga puso at natulad na sa Diyos, kung ang banal na pag-ibig ay natanim na sa kalooban hindi baga natin isasakabuhayan ang kautusan ng Diyos? Pagka sa puso’y natanim na ang simulain ng pag-ibig, pagka nabago na ang pagkatao ayon sa wangis Niyang lumikha sa kanya, kung magkagayo’y natutupad ang pangako ng bagong pakikipagtipan: “Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang puso, at isusulat Ko rin naman sa kanilang pag-iisip.” Hebreo 10:16. At kung ang kautusan ay nasusulat sa puso, hindi baga ito ang aayos sa kabuhayan? Ang pagtalima—ang paglilingkod at pagtatapat ng pag-ibig—ay siyang tunay na tanda ng pagkaalagad. Kaya’t ganito ang sinasabi ng Kasulatan: “Ito ang pag-ibig sa Diyos, na ating tuparin ang Kanyang mga utos.” “Ang nagsasabing Nakikilala ko Siya, at hindi tumutupad ng Kanyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya.” 1 Juan 5:3; 2:4. Sa halip na ilabas ang tao sa pagtalima, ang pananampalataya pa nga, oo, at pananampalataya lamang ang nakapagpapaaring tayo’y maging kabahagi ng biyaya ni Kristo na sa atin ay umaalalay upang sa Kanya’y tumalima. PK 83.2