Hindi natin kikitain ang kaligtasan sa pamamagitan ng ating pagtalima; sapagka’t ang kaligtasan ay walang bayad na kaloob ng Diyos, na ating tatanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya. Datapuwa’t ang pagtalima ay bunga ng pananampalataya. “Nalalaman ninyo na Siya’y nahayag upang mag-alis ng mga kasalanan; at sa kanya’y walang kasalanan. Ang sinumang nananahan sa Kanya ay hindi nagkakasala; sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa Kanya, ni hindi man nakakilala sa Kanya.” 1 Juan 3:5, 6. Naririto ang tunay na pagsubok. Kung tayo’y namamalagi kay Kristo, at kung ang pag-ibig ng Diyos ay nananahan sa atin, ang ating mga damdamin at ang ating mga pag-iisip at sampu ng ating mga kilos, ay magiging kasang-ayon ng kalooban ng Diyos alinsunod sa sinasabi ng Kanyang mga banal na utos. “Mumunti kong mga anak, huwag kayong padaya kanimo man: ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya Niya na matuwid.” 1 Juan 3:7. Sinasabi ng patakarang banal na kautusan ng Diyos kung ano ang katuwiran, ayon sa ipinahahayag ng sampling utos na ibinigay sa Sinai. PK 84.1