Yaong tinatawag na pananampalataya kay Kristo na nagsasabing hindi na tungkulin ng tao ang sumunod sa Diyos, ay hindi pananampalataya kundi pagsasapantaha. “Sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya.” Datapuwa’t “ang pananampalataya, na walang mga gawa ay patay.” Efeso 2: 8; Santiago 2:17. Bago naparito si Jesus sa lupa, ay ganito ang sinabi Niya tungkol sa Kanyang sarili: “Aking kinalulugurang sundin ang Iyong kalooban, Oh Diyos ko; oo, ang Iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.” Awit 40:8. At bago siya umakyat sa langil ay ipinahayag Niyang: “Aking tinupad ang mga utos ng Aking Ama, at Ako’y nananatili sa Kanyang pag-ibig.” Juan 15:10. Sinasabi ng Kasulatan na: “Sa ganito’y naaalaman natin na siya’y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang Kanyang mga utos. ... Ang nagsasabing siya’y nananahan sa Kanya, ay nararapat din namang lumakad ng gaya ng ilinakad Niya.” 1 Juan 2:3-6. “Sapagka’t si Kristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang Niya.” 1 Pedro 2:21. PK 85.1
Ang kondisyon ngayon upang matamo ang buhay na walang-hanggan ay gaya rin ng dati—gaya noong sa Paraiso bago nagkasala ang una nating mga magulang—sakdal na pagtalima sa kautusan ng Diyos, sakdal na katuwiran. Kung ang buhay na walang-hanggan ay ipagkakaloob sa anumang kondisyong sahol dito kung magkagayo’y mapapasa panganib ang kaligayahan ng buong santinakpan. Mabubuksan ang daang papasukan ng kasalanan, kasama ang buo niyang hukbo ng kahirapan at kadalamhatian na hindi mawawakasan magpakailan man. PK 86.1