Itinatanong ba ninyo: “Papaano ako mananatili kay Kristo?—Gaya ng inyong pagkatanggap sa Kanya sa pasimula. “Kung paano nga na inyong tinanggap si Kristo Jesus na Panginoon, ay magsilakad kayong gayon sa Kanya.” Colosas 2:6. “Ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya.” Hebreo 10:38. Ibinigay na ninyo sa Diyos ang inyong sarili, upang maging Kanyang lubusan at upang sa Kanya’y maglingkod at tumaliina, at tinanggap ninyo si Kristo na maging Tagapagligtas ninyo. Hindi ninyo matutubos ang inyong mga kasalanan o mababago man ninyo ang inyong puso; datapuwa’t yamang naibigay na ninyo sa Diyos ang inyong sarili, ay sumampalataya kayong ginawa Niya ang lahat ng ito para sa inyo alang-alang kay Kristo. Sa pamamagitan ng pananampalataya ay naging kay Kristo kayo, at sa pamamagitan ng pananampalataya ay lalaki kayo sa Kanya—sa pamamagitan ng pagbibigay at pagtanggap. Dapat ninyong ibigay ang lahat—ang inyong puso, ang inyong kalooban, at ang inyong paglilingkod—ibigay ninyo sa Kanya ang inyong sarili upang talimahin ang lahat Niyang ipinag-uutos, at kailangan namang tanggapin ninyo ang lahat—si Kristo na siyang kapuspusan ng buong pagpapala, upang manahan sa inyong puso, maging inyong katuwiran, at inyong tagatulong magpakailan man—upang magbigay sa inyo ng kapangyarihang tumalima. PK 95.2