Nang magkatawang-tao si Kristo ay itinali Niya ang sangkatauhan sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng isang panali ng pag-ibig na hindi malalagot kailan man ng kahi’t aling kapangyarihan, maliban na ang tao na rin ang magpasiyang gumawa nito. Palaging maghaharap si Satanas ng mga panghalina na sa ati’y hihikayat upang patirin ang panaling ito—upang pilitin natin ang paghihiwalay ng ating mga sarili kay Kristo. Dito kailangang tayo’y magpakaingat-ingat, magsikap, at manalangin, upang walang makahikayat sa atin na pumili ng ibang panginoon; sapagka’t sa tuwi-tuwina’y malaya tayong makagagawa nito. Subali’t huwag nating alisin kay Kristo ang ating mga paningin, at iingatan Niya tayo. Pagtingin natin kay Jesus, tayo’y panatag na. Walang makaaagaw sa atin sa Kanyang kamay. Sa palaging pagtingin sa Kanya ay “nababago tayo sa gayon ding larawan, mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian, samakatuwid ay sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon.” 2 Corinto 3:18. PK 99.1