Sa ganyan ding paraan ang unang mga alagad naging kawangis ng kaibig-ibig na Tagapagligtas. Nang mapakinggan ng mga alagad na iyon ang mga pangungusap ni Jesus, ay nadama nilang Siya ay kanilang kailangan. Hinahanap nila Siya, natagpuan, at sinundan. Sila’y nakasama niya sa bahay, sa dulang, sa silid, at sa parang. Sila’y kasama Niyang tulad sa mga nag-aaral na kasama ng isang guro, na sa araw-araw ay tumatanggap sila sa Kanyang mga labi ng mga aral ng banal na katotohanan. Sila’y umasa sa Kanya, gaya ng pag-asa ng mga lingkod sa kanilang panginoon, upang matutuhan ang kanilang tungkulin. Ang mga alagad na iyan ay mga lalaking “may pagkataong gaya rin ng atin.” Santiago 5:17. Nagkaroon sila ng pakikilaban sa kasalanan na gaya natin. Kinailangan nila ang biyayang kailangan din natin, upang makapamuhay ng isang banal na kabuhayan. PK 100.1
Kahit si Juan na minamahal na alagad, yaong lubos na kinakitaan ng wangis ng Tagapagligtas, ay katutubong wala niyaong kaibig-ibig na likas. Hindi lamang siya isang naggigiit ng kaniyang sarili at mapagmithi ng karangalan, kundi isa rin namang pabigla-bigla at nanglalaban pa pagka naaapi. Subali’t nang mahayag na sa kanya ang likas ni Jesus ay nakita niya ang sariling kakulangan, at siya’y pinagpakumbaba ng kanyang kalooban. Ang lakas at pagtitiis, ang kapangyarihan at pagkamahabagin, ang karangalan at kaamuangloob, na nakita niya araw-araw sa kabuhayan ng Diyos Anak, ay pumuno sa kanyang kaluluwa ng paghanga at pag-ibig. Araw-araw ang kanyang puso ay nalalapit kay Kristo, hanggang sa nawala sa paningin niya ang sarili dahil sa pag-ibig sa kanyang Panginoon. Sa humuhugis na kapangyarihan ni Kristo ay ipinasakop niya ang kanyang ugaling mapaghimagsik at mapagmithi. Ang nagbibigay-buhay na kapangyarihan ng Banal na Espiritu ang bumago ng kanyang puso. Ang kapangyarihan ng pag-ibig ni Kristo ang bumago ng kanyang likas. Ito nga lamang ang walang salang ibubunga ng pakikiisa kay Jesus. Pagka sa puso’y naninirahan si Kristo, ay nababago ang buong pagkatao. Ang Espiritu ni Kristo at ang Kanyang pag-ibig, ay siyang nagpapalambot sa puso, nagpapasuko sa kaluluwa, at nagtataas ng mga pag-iisip at mga hangarin sa Diyos at sa langit. PK 100.2