Ang maraming lumalakad sa landas ng kabuhayan, ay lagi na lamang nag-aalaala ng kanilang mga kamalian at pagkabigo, at ang kanilang mga puso ay nangapupuno ng kapighatian at panglulupaypay. Noong ako’y nasa Europa, ang isang kapatid na babaeng gumagawa nito at nasa mapait na kapighatian, ay sumulat sa akin, na humihingi ng ilang salitang pampasigla. Nang kinagabihan, pagkabasa ko ng kanyang sulat, ay napanaginip kong ako’y nasa isang halamanan, at isang tao na waring siyang may-ari ng halamanan ay siyang nangunguna sa akin sa mga landas nito. Namimitas ako ng mga bulaklak at nasasamyo ko ang kanilang halimuyak nang ituro sa akin ng kapatid na ito, na kasabay ko sa paglakad, ang di-nakikitang mga tinik na humahadlang sa kanyang dinaraanan. Naroon siya, tumatangis at nahahapis. Hindi siya lumalakad sa landas at hindi sinusundan ang nangunguna, kundi siya’y lumalakad sa gitna ng mga dawagan at tinikan. “O,” anya na tumatangis, “hindi baga sayang ang magandang halamang ito na sinira ng mga tinik?” Nang magkagayo’y nagsalita ang nangunguna: “Pabayaan mo ang tinik, sapagka’t susugatan ka lamang. Pitasin mo ang mga rosal, ang mga liryo, at ang mga klabel.” PK 162.1
Wala bang magagandang sandali sa inyong karanasan? Hindi baga dumating sa inyo ang mainam na mga panahon, nang ang inyong puso’y tumibok sa kagalakan sa pagtugon sa Espiritu ng Diyos? Kung binubuklat ninyo ang nakaraang mga pangkat ng karanasan ninyo sa kabuhayan, hindi baga kayo nakakatagpo ng maiinam na dahon? Hindi ba ang mga pangako ng Diyos ay katulad ng mabangong mga bulaklak, na tumutubo sa magkabilang tabi ng inyong dinaraanan? Hindi ba ninyo pababayaan na ang inyong puso ay mapuno ng kagandahan at kabanguhan ng mga bulaklak na iyan? PK 163.1
Ang mga tinik at siit ay makasusugat at makasasakit lamang sa inyo; at kung ang mga ito lamang ang inyong titipunin at ipakikita sa iba, ay hindi baga ninyo pinipigil yaong nangasa palibot ninyo sa paglakad nila sa landas ng kabuhayan bukod pa sa hinahamak ninyo ang kabutihan ng Diyos? PK 163.2