Ang ilan ay palaging nangangamba, at nakikialam sa kaguluhan. Araw-araw ay naliligid sila ng mga tanda ng pag-ibig ng Diyos; araw-araw ay tinatamasa nila ang kasaganaan na Kanyang ipinagkaloob; subali’t kinaliligtaan nila ang pangkasalukuyang mga pagpapalang ito. Ang kanilang mga isip ay laging namamahay sa mga bagay na hindi kawili-wili, na pinangangambahan nilang darating; o maaari namang may ilang mahihirap na bagay, na baga ma’t maliit, ay siyang bumubulag sa kanilang mga paningin upang huwag nilang makita ang maraming bagay na dapat pasalamatan. Ang mga kahirapang nasasagupa nila, sa halip na maglapit sa kanila sa Diyos, na tanging pinagmumulan ng kanilang tulong, ay siya pa ngang naglalayo sa kanila sa Kanya, sapagka’t ang mga ito ang gumigising ng kaligaligan at pagdaing. PK 169.2
Mabuti ba ang tayo’y huwag manganiwala? Baki’t tayo walang utang na loob at walang tiwala? Si Jesus ang ating kaibigan; nais ng sangkalangitan na tayo’y bumuti. Huwag nga tayong pumayag na ang mga kagulumihan at mga pag-aalaala ng kabuhayan sa arawaraw ay gumulo sa ating pag-iisip at magpadilim ng ating noo. Kung pumayag tayo ay hindi tayo mawawalan ng ikagagalit at ikayayamot. Hindi dapat tayong magpakagumon sa anumang diwang nakagagalit at nakapapagod lamang, subali’t hindi naman nakatutulong upang mabata natin ang mga pagsubok. PK 170.1