Kung palagi na lamang nating aalalahanin ang mga pangit at di matuwid na gawain ng ibang mga tao, ay ating masusumpungang hindi natin maiibig sila na gaya ng pag-ibig sa atin ni Kristo; nguni’t kung ang ating mga isipan ay namamahay sa kahangga-hangang pag-ibig at habag ni Kristo sa atin, ay ganyan ding diwa o loobin ang dadaloy na buhat sa ating patungo sa mga iba. Dapat tayong mag-ibigan at magpitagan sa isa t isa, baga man hindi natin mapipigilang di makita ang mga pagkukulang at kapintasan. Dapat paunlarin ang kapakumbabaan at di-pagtitiwala sa sarili, at mahinahong kalooban sa mga pagkukulang ng mga iba. Ito ang papatay sa diwang makasarili at magpapaganda ng ating kalooban upang tayo’y maging mapagbigay. PK 168.2
Sinasabi ng mang-aawit: “Tumiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupain, at gawin mong kumain sa kanyang pagkatapat.” Awit 37:3. “Tumiwala ka sa Panginoon.” Bawa’t araw ay may sariling suliranin, may mga alalahanin at kabagabagan; at pagka tayo ay nagkakatagpo ay kay dali nating pag-usapan ang ating mga kahirapan at mga pagsubok. Kayrami ng gusot ng ibang tao na bumabagabag sa atin, mga pangambang pinamamahay sa kalooban, at malaking pag-aalaala na sinasalita na anupa’t aakalain na tuloy ng isang tao na wala na tayong mahabagin at maibiging Tagapagligtas, na handang makinig sa lahat nating karaingan, at tumulong sa atin sa bawa’t sandali ng pangangailangan. PK 169.1