Malimit sabihin na si Jesus ay tumangis datapuwa’t kailan ma’y hindi nakitang ngumiti. Tunay nga na ang Tagapagligtas ay isang tao ng mga kalungkutan at bihasa sa kapanglawan, sapagka’t binuksan Niya ang Kanyang puso sa lahat ng kadalamhatian ng mga tao. Nguni’t bagaman ang Kanyang kabuhayan ay kabuhayan ng pagtanggi sa sarili at pinadilim ng hirap at pagaalaala, ay hindi rin nasira ang Kanyang loob. Ang Kanyang mukha ay hindi kinakitaan ng anumang anyong malungkot at masaklap, kundi ng palaging tahimik na kapayapaan. Ang Kanyang puso ay isang bukal ng buhay, at saan man Siya pumaroon ay dala-dala Niya ang katahimikan at kapayapaan, katuwaan at kagalakan. PK 167.2
Ang ating Tagapagligtas ay napakapormal at lubos ang pagkamataimtim, nguni’t hindi Siya malungkot o masungit man. Ang kabuhayan ng mga tumutulad sa Kanya ay magiging puno ng mataimtim na hangarin; mangagkakaroon sila ng malalim na pagkakakilala sa kapanagutan ng bawa’t isa. Ang kagaslawan ay mapipigil; mawawala ang magulong katuwaan at magaspang na pagbibiruan; nguni’t ang relihiyon ni Jesus ay nagbibigay ng kapayaang katulad ng isang ilog. Hindi nito pinapatay ang ilaw ng katuwaan; hindi nito pinipigil ang kasayahan, o pinagdidilim man ang masaya at nakangiting mukha. Si Kristo ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod; at pagka sa ating puso ay naghahari ang Kanyang pag-ibig, ay susundin natin ang Kanyang halimbawa. PK 168.1