Lahat ay may mga pagsubok; mga dalamhating mahirap bathin, mga tuksong mahirap paglabanan. Huwag ninyong sabihin sa inyong mga kapuwa-tao ang inyong mga bagabag, kundi dalhin ninyo ang lahat ng bagay sa Diyos sa dalangin. Gawin ninyong isang tuntunin ang huwag bumigkas ng isa mang salita ng pagaalinlangan o panglulupaypay. Sa pamamagitan ng mga salitang nagbibigay ng pag-asa at banal na katuwaan ay malaki ang inyong magagawa upang mapagliwanag ang kabuhayan ng mga iba at mapasigla ang kanilang mga pagsisikap. PK 166.2
Maraming matapang na kaluluwa ang nadadagsaang lubha ng mga tukso, halos ay malugmok na lamang sa pakikilaban sa sarili at sa mga hukbo ng diyablo. Huwag ninyong papanglupaypayin ang ganyang tao sa mahigpit niyang pakikilaban. Palakasin ninyo ang kanyang loob sa pamamagitan ng matapang at masiglang mga pangungusap, na siyang sa kanya’y maguudyok na magpatuloy sa landas niyang linalakaran. Sa gayo’y maaaring sumikat sa inyo ang liwanag ni Kristo. “Ang sinuman sa atin ay hindi nabubuhay sa kanyang sarili.” Roma 14:7. Sa pamamagitan ng ating mga walang-malay na impluensiya ay mangyayaring ang mga iba ay mapasigla at mapalakas, at maaari din namang sila’y mapapanglupaypay at mailayo kay Kristo at sa katotohanan. PK 166.3
Marami ang may maling pagkakilala sa kabuhayan at likas ni Kristo. Inaakala nilang Siya’y walang sigla at tuwa, na Siya’y mahigpit, mabagsik, at walang kasayahan. Sa maraming pangyayari ay nababahiran ng madilim na mga paniniwalang ito ang buong karanasan sa relihiyon. PK 167.1