Itinuro ni Kristo sa Kanyang mga alagad ang mga bulaklak sa parang, na nagdadamihan at nag-iinaman sa simpling kagandahang sa kanila’y ibinihis ng Ama, bilang isang pahayag ng Kanyang pag-ibig sa tao. Ang wika Niya: “Wariin ninyo ang mga liryo sa parang kung paanong nagsisilaki.” Ang kagandahan at kaayusan ng mga tunay na bulaklak na ito ay humigit pa sa karilagan ni Salomon. Ang pinakamainam na kasuutan na likha ng katalinuhan ng sining ay hindi maitutulad sa katutubong hubog at masanghayang ganda ng mga bulaklak na ginawa ng Diyos. Itinanong ni Jesus: “Kung pinararamtan ng Diyos ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasa’y iginagatong sa kalan, hindi baga lalong lalo na kayong pararamtan niya, oh kayong mga taong kakaunti ang pananampalataya?” Mateo 6:28,30. Kung ang Diyos, na banal na pintor, ay nagbibigay sa maiinam at iba’t ibang kulay na karaniwang mga bulaklak, na isang araw lamang ay nalalanta na, gaano kaya kalaki ang pag-iingat Niya roon sa mga linikha Niya ng ayon sa Kanyang sariling wangis? Ang aral na ito ni Kristo ay isang saway sa nangangambang kalooban, sa kagulumihanan at pag-aalinlangan ng pusong walang pananampalataya. PK 172.1