Nais ng Panginoon na ang lahat Niyang anak na lalaki at babae ay maging masaya, payapa at masunurin. Sinasabi ni Jesus: “Ang Aking kapayapaan ay ibinibigay Ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinigay Ko sa inyo: huwag magulumihanan ang inyong puso ni matakot man.” “Ang mga bagay na ito ay sinalita Ko sa inyo, upang ang Aking kagalakan ay mapasa inyo, at upang ang inyong kagalakan ay malubos.” Juan 14:27; 15:11. PK 173.1
Ang kasayahang nakukuha sa mga sakim na layunin, na labas sa landas ng tungkulin, ay tiwali, lumilipas at di panatag; ito ay nawawala at ang kaluluwa ay nangungulila at nalulungkot; subali’t may kaligayahan at kasiyahan sa paglilingkod sa Diyos; ang Kristiyano ay hindi pinababayaang mag-isang lumakad sa hindi tukoy na mga landas; hindi siya pinababayaan sa mga walang kabuluhang pagsisisi at pagkabigo. Kung hindi natin tinatanggap ang mga kaligayahan sa buhay na ito, ay maaari pa ring makaasa tayong may katuwaan sa kabilang buhay. PK 173.2
Datapuwa’t dito pa man ay maaaring magkaroon ang mga Kristiyano ng kaligayahan sa pakikipag-usap kay Kristo; maaaring tanggapin nila ang liwanag ng Kanyang pag-ibig, ang hindi lumilipas na kaaliwan ng Kanyang pakikiharap. Bawa’t hakbang sa kabuhayan ay makapaglalapit sa ating lalo kay Jesus, makapagdudulot sa atin ng lalong taimtim na karanasan sa Kanyang pag-ibig, at mailalapit tayo ng isang hakbang sa pinagpalang tahanan ng kapayapaan. Kaya nga, huwag nating alisin ang ating pagtitiwala, kundi magkaroon tayo ng matibay na pag-asa, lalong matibay kay sa nakaraan. “Hanggang dito’y tinulungan tayo ng Panginoon,” at tutulungan Niya tayo hanggang sa wakas. 1 Samuel 7:12. Masdan natin ang mga haliging bantayog, mga tagapagpagunita ng mga ginawa ng Diyos upang tayo’y aliwin at iligtas sa kamay ng manglilipol. Ingatan nating sariwa sa ating alaala ang lahat ng masintahing kaawaan na ipinakita sa atin ng Diyos—ang mga luhang pinahid Niya, ang mga sakit na Kanyang inalis, ang mga pangambang Kanyang hinawi, ang mga kasalatang Kanyang nilunasan, at ang mga pagpapalang Kanyang ipinagkaloob—sa ganito’y napalakas ang ating sarili upang magpatuloy sa nalalabi pang bahagi ng ating paglalakbay. PK 174.1