Sa gayo’y magalak na tatanggapin ang mga tinubos sa tahanang inihahanda ngayon ni Jesus. Doon ang mangakakasama nila ay hindi ang mga hamak na tagalupa, mga sinungaling, mapakiapid, marurumi, at hindi sumasampalataya sa Diyos; kundi ang mangakakasama nila ay yaong mga dumaig kay Satanas, at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ay nangagkaroon ng sakdal na likas. Bawa’t hilig sa pagkakasala, bawa’t kapintasan na nagpapahirap sa kanila sa lupang ito, ay inalis na ng dugo ni Kristo, at ang kadahilanan at kaliwanagan ng Kanyang kaluwalhatian na lumalalo sa liwanag ng araw, ay ibinigay sa kanila. At ang kagandahang moral, ang kasakdalan ng Kanyang likas, ay nagliliwanag sa kanila, na sa kahalagaha’y lalong higit sa karilagan kay sa kanilang kaluwalhatian. Sila’y mga walang kapintasan sa harapan ng dakila at maputing luklukan, na nakikibahagi sila sa karangalan at karapatan ng mga anghel. PK 175.2
Sa harap ng maluwalhating mana na matatamo ay “ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kanyang buhay?” Mateo 16:26. Maaaring siya’y dukha, nguni’t siya ay may hawak na isang kayamanan at karangalang hindi kailan man maibibigay ng sanlibutan. Ang kaluluwang natubos at nalinis sa mga kasalanan, at ang mararangal niyang kapangyarihan na itinalaga na sa paglilingkod sa Diyos, ay walang kapantay ang kahalagahan; at may kagalakan sa langit sa harapan ng Diyos at ng mga banal na anghel, dahil sa isang kaluluwang natubos, isang kagalakang binibigkas sa pamamagitan ng mga awit ng banal na tagumpay. PK 176.1