Ang kabanatang ito ay batay sa Daniel 4.
Itinaas sa taluktok ng karangalang panlupa, at kinilala kahit na ng Inspirasyon bilang “hari ng mga hari” (Ezekiel 26:7), kung minsan si Nabucodonosor ay iniukol kay Jehova ang kaluwalhatian ng kanyang kaharian at ang kagandahan ng kanyang paghahari. Ganito ang naganap matapos ang kanyang panaginip ng dakilang larawan. Ang kanyang isipan ay malalim na naimpluwensyahan ng pangitain at ng isipang ang Imperyo ng Babilonia, pansalibutan man ito, ay babagsak din sa wakas, at ibang kaharian naman ang mamamayani, hanggang sa wakas ang lahat ng mga kapangyarihan sa lupa ay matabunan ng kahariang itatatag ng Dios ng kalangitan, at ang kahariang ito ay di kailanman mawawasak. PH 417.1
Ang marangal na isipan ni Nabucodonosor tungkol sa adhikain ng Dios sa mga bansa ay nawala sa huling bahagi ng kanyang karanasan; gayunman, nang ang kanyang mataas na diwa ay mapaamo sa harapan ng karamihan sa kapatagan ng Dura, muli ay kinilala niyang ang kaharian ng Dios ay “walang hanggang kaharian, at ang Kanyang kapangyarihan ay sa sali',t saling lahi.” Isang mananamba sa mga diyus-diyusan mula kapanganakan at kasanayan, at pinuno ng isang bansang mapagsamba sa mga diyos, gayunman ay mayroon siyang katutubong pagkadama ng katarungan at matuwid, at nagamit siya ng Dios bilang instrumento sa pagpaparusa ng bayang mapanghimagsik at para sa katuparan ng banal na adhikain. “Kaltila-kilabot sa mga bansa” (Ezekiel 28:7), matapos ang mga taon ng matiyaga at nakakapagod na paggawa ay nagapi ni Nabucodonosor ang Tiro; gayon din ang Egipto ay bumagsak sa kanyang mga hukbo; at habang idinaragdag niya ang bansa sa mga bansa sa kaharian ng Babilonia, naragdagan din ang kanyang kabantugan bilang dakilang hari ng kapanahunan. PH 417.2
Hindi kataka-takang ang matagumpay na hari, ambisyoso at mapagmataas ay matuksong lumihis sa landas ng kababaan, na siyang tanging aakay sa tunay na kadakilaan. Sa pagitan ng kanyang mga matagumpay na pakikidigma pinalakas at pinaganda niya ang kanyang kapitolyo, hanggang ang siyudad ng Babilonia ang naging pangunahing kaluwalhatian ng kanyang kaharian, ang “ginintuang bayan,” “ang kapurihan ng buong lupa.” Ang marubdob na naising magtayo, at ang kanyang tagumpay upang ang Babilonia ay maging isa sa mga kahanga-hanga sa mundo, ay naglingkod sa kanyang kataasan, hanggang sa halos nasa panganib na masira ang kanyang tala bilang isang matalinong hari na patuloy na magagamit ng Dios bilang instrumento ng pagsasagawa ng banal na adhikain. PH 417.3
Sa kahabagan ng Dios ay muling binigyan ang hari ng isa pang panaginip, upang bigyan siyang babala sa panganib at patibong na nasa harapan niya. Sa pangitain sa gabi, ay nakita ni Nabucodonosor ang isang malaking puno na tumutubo sa gitna ng lupa, ang taluktok nito ay umaabot sa langit at ang mga sanga ay abot sa mga dulo ng lupa. Mga hayop sa mga burol at kabundukan ay nangangalong sa kanyang lilim, at ang mga ibon sa himpapawid ay gumawa ng mga pugad sa kanyang mayayabong na sanga. “Ang mga dahon niyao’y magaganda, at ang bunga niyao’y marami, at pagkain sa lahat:...at ang lahat na laman ay nangabubusog doon.” PH 418.1
Sa pagtingin ng hari sa mataas na puno, nakita niya ang “isang Bantay,” maging ang “Isang Banal,” na lumapit sa puno, at nagsabi sa malakas na tinig: PH 418.2
“Ibuwal ang kahoy, at putulin ang mga sanga niyan, lagasin ang mga dahon niyan, at isambulat ang mga bunga niyan: paalisin ang mga hayop sa ilalim niyan, at ang mga ibon sa mga sanga niyan: gayon ma ',y inyong iwan ang tuod ng kanyang mga ugat sa lupa, na magkatali ng bakal at tanso, sa murang damo sa parang; at bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasalo siya ng mga hayop sa damo sa lupa: bayaang ang kanyang puso na pusong tao ay mapalitan, at ang puso ng hayop ay mabigay sa kanya; at bayaang mangyari sa kanya na makapito. Ang hatol ay sa pamamagitan ng pasya ng mga bantay, at ang utos ay sa pamamagitan ng salita ng mga banal: upang makilala ng mga may buhay na ang Kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kanino mang Kanyang ibigin, at itinataas Niya sa kanya ang pinakamababa sa mga tao.” Lubos na nabagabag sa panaginip, na malinaw na propesiya ng kahirapan, inulit ng hari ang panaginip sa mga “mahiko, mga enkantador, mga Caldeo at mga manghuhula;” datapuwat bagaman maliwanag ang panaginip, wala sa mga pantas na lalaking ito ang makapagpaliwanang. PH 418.3
Muli sa bansang ito na sumasamba sa mga diyos, ang patotoo ay muling darating na tanging silang umiibig at natatakot sa Dios ang makakaunawa ng mga misteryo ng kaharian ng langit. Sa kagulumihanan ay pinatawag ng hari si Daniel, isang lalaking pinapapahalagahan dahilan sa kanyang pagtatapat at katatagan at sa kanyang karunungang walang kapantay. PH 419.1
Noong si Daniel, bilang tugon sa panawagan ng hari, ay tumayo sa harap ng hari, ay sinabi ni Nabucodonosor, “Oh Beltsasar, na pangulo ng mga mahiko, sapagkat talastas ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay sumasaiyo, at walang lihim na bumabagabag sa iyo, isaysay mo sa akin ang mga pangitain ng aking panaginip na aking nakita, at ang mga kahulugan niyaon.” Matapos sabihin ang panaginip, nagwika si Nabucodonosor: “Oh Beltsasar, ipahayag ang kahulugan, sapagkat lahat na pantas sa aking kaharian ay hindi makapagpaaninaw sa akin ng kahulugan: ngunit maipaaaninaw mo; sapagkat ang espiritu ng mga banal na diyos ay sumasa iyo.” PH 419.2
Kay Daniel malinaw ang kahulugan ng panaginip, at siya ay nagitla doon. Siya’y “natigilang sandali, at binagabag siya ng kanyang mga pag-iisip.” Nang mapansin ang pag-aatubili at kapighadan ni Daniel, may pakikiramay na nagwika sa kanyang lingkod ang hari. “Beltsasar,” sabi niya, “huwag kang bagabagin ng panaginip, o ng kahulugan.” PH 419.3
“Panginoon ko,” sumagot si Daniel, “ang panaginip ay mangyari nawa sa napopoot sa iyo, at ang kahulugan niyao’y mangyari nawa sa iyong mga kaaway.” Nalaman ng propetang siya'y binigyan ng Dios ng katungkulang ihayag kay Nabucodonosor ang hatol na ipapataw sa kanya dahil sa kanyang pagmamataas at pagkahambog. Kailangang ipaliwanag ni Daniel ang panaginip sa wikang mauunawaan ng hari; at bagaman ang nakasisindak na nilalaman niyon ay nagpaatubili sa kanya, gayunman ay kailangan niyang sabihin ang katotohanan, maging ano pa man ang kahihinatnan niyon para sa kanya. PH 419.4
Ipinaalam ni Daniel ang inatas ng Makapangyarihan sa lahat. “Ang punong kahoy na iyong nakita,” kanyang sinabi, “na tumutubo, at tumitibay, na ang taas ay umaabot sa langit, at ang tanaw niyao’y sa buong lupa; na ang mga daho’y magaganda, at ang bunga niyao’y marami, at pagkain sa lahat; na ang lilim ay tinatahanan ng mga hayop sa parang, at ang kanyang mga sanga’y dinadapuan ng mga ibon sa himpapawid: ay ikaw, Oh hari, na lumalaki at nagiging malakas: sapagkat ang iyong kadakilaan ay lumaki, at umaabot hanggang sa langit, at ang iyong kapangyarihan ay hanggang sa wakas ng lupa. PH 419.5
“At yamang nakita ng hari ang Isang Bantay at Isang Banal na bumababa mula sa langit, at nagsabi, Ibuwal ninyo ang punong kahoy, at inyong lipulin; gayon ma’y itira ninyo ang tuod ng mga ugat niyaon sa lupa, na magkatali ng bakal at tanso, sa murang damo sa parang; at bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasalo siya ng mga hayop sa parang, hanggang sa mangyari sa kanya na makapito; ito ang kahulugan, Oh hari, at siyang pasya ng Kataastaasan, na sumapit sa aking panginoon na hari: na ikaw ay mahihiwalay sa mga tao, at ang iyong tahanan ay mapapasama sa mga hayop sa parang, at ikaw ay pakakanin ng damo na gaya ng mga baka, at mababasa ka ng hamog ng langit, at makapitong mangyayari sa iyo, hanggang sa iyong maalaman na ang Kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at nagbibigay niyaon sa kanino mang ibigin Niya. At yamang kanilang iniutos na iwan ang tuod ng mga ugat ng kahoy; ang iyong kaharian ay tunay na magiging iyo, pagkatapos na iyong maalaman na ang mga Langit ay nagpupuno.” PH 420.1
Matapos na matapat na ipaliwanag ang panaginip, sumamo si Daniel sa mayabang na hari na magsisi at manumbalik sa Dios, upang sa matuwid na gawa ay mapigilan ang bantang kalamidad. “Oh hari,” nagsumamo ang propeta, “tanggapin mo ang aking payo, at lansagin mo ng katuwiran ang iyong mga kasalanan, at ng pagpapakita ng kaawaan sa dukha ang iyong katampalasanan; baka sakaling ikatibay ng iyong katiwasayan.” PH 420.2
Sa isang panahon ang impresyon ng babala at payo ng propeta ay malakas kay Nabucodonosor, datapuwat ang pusong hindi nabago ng biyaya ng Dios di nagtagal ay nawawalan ng impresyon ng Banal na Espiritu. Ang pagmamalabis sa sarili at ambisyon ay di pa rin naaalis sa puso ng hari, at di nagtagal ang mga likas na ito ay milling nakita. Sa kabila ng mga turo na mabiyayang nabigay sa kanya, at ang babala ng mga lumipas na karanasan, muli ay binayaan ni Nabucodonosor na siya ay makontrol ng diwa ng inggit sa mga kahariang susunod sa kanya. Ang paghahari niya, na hanggang noon ay naging makatuwiran at mahabagin, ay naging mapang-api. Nagmatigas sa puso, ginamit niya ang mga kaloob ng langit para sa sanling kapurihan, na itinaas ang sarili higit sa Dios na nagkaloob sa kanya ng buhay at kapangyarihan. PH 420.3
Sa loob ng ilang buwan ang mga hatol ng Dios ay umaaligid. Datapuwat sa halip na maakay sa pagsisisi sa pagpapahinuhod na iyon, ang hari ay nagpasasa sa kanyang pagmamataas hanggang sa mawala ang tiwala sa paliwanag ng panaginip, at pinagtawanan ang mga dating takot niya. PH 421.1
Isang taon matapos tanggapin ang babala, si Nabucodonosor, na naglalakad sa kanyang palasyo at iniisip sa pagmamataas ang kanyang kapangyarihan bilang hari at ang tagumpay bilang tagapagtayo, ay nagwika, “Hindi baga ito ang dakilang Babilonia, na aking itinayo na pinakatahanang hari sa pamamagitan ng lakas ng aking kapangyarihan, at sa ikaluluwalhati ng aking kamahalan?” PH 421.2
Habang ang pagmamayabang na ito ay nasa labi pa niya, isang tinig ay narinig mula sa langit na naghahayag ng itinakdang panahon na ang hatol ng Dios ay dumating na. At narinig niya ang sinabi ni Jehova: “Oh Haring Nabucodonosor, sa iyo’y sinalita; Ang kaharian ay mahihiwalay sa iyo. At ikaw ay palalayasin sa mga tao, at ang iyong tahanan ay mapapasama sa mga hayop sa parang: ikaw ay pakakanin ng damo na gaya ng mga baka, at makapitong mangyayari sa iyo, hanggang sa iyong maalaman na ang Kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay sa kanino mang Kanyang ibigin.” PH 421.3
Sa sandaling ang katuwirang nabigay sa kanya ng Dios ay tinanggal; ang paghatol na inakalang sakdal ng hari, ang karunungang ipinagmamalald niya, ay inalis, at ang daring malakas na hari ay naging baliw. Hindi na niya maitaas ang setro. Ang mga babala ay napakita; ngayon, tinanggal ng Manlalalang ang kapangyarihang ibinigay sa kanya, at pinalayas sa mga tao, si Nabucodonosor ay “kumain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit, hanggang sa ang kanyang buhok ay lumagong parang balahibo ng mga agila, at ang kanyang mga kuko ay parang mga kuko ng mga ibon.” PH 421.4
Sa loob ng pitong taon si Nabucodonosor ay naging panoorin sa lahat ng kanyang nasasakupan; sa loob ng pitong taon siya ay napababa sa harap ng buong lupa. Matapos ito ay bumalik ang kanyang bait, at sa pagtingin sa langit sa pagpapakababa sa Dios, nakilala niya ang kamay ng Dios na nagparusa sa kanya. Sa paghahayag sa publiko ay tinanggap niya ang kanyang kasalanan at ang dakilang kahabagan ng Dios sa pagsasauli sa kanya. “Sa katapusan ng mga kaarawan,” kanyang sinabi, “akong si Nabucodonosor ay nagtaas ng aking mga mata sa langit, at ang aking unawa ay nanumbalik sa akin, at aking pinuri ang Kataastaasan, at aking pinuri at pinarangalan ko Siya na nabubuhay magpakailanman; sapagkat ang Kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan, at ang Kanyang kaharian ay sa sali’t saling lahi: at ang lahat na mananahan sa lupa ay nabilang sa wala: at Kanyang ginagawa ang ayon sa Kanyang kalooban sa hukbo ng langit, at sa mga mananahan sa lupa: at walang makahahadlang sa Kanyang kamay, o makapagsasabi sa Kanya, Anong ginagawa Mo? PH 421.5
“Sa oras ding yaon ay nanumbalik sa akin ang aking unawa; at sa ikaluluwalhati ng aking kaharian, ay nanumbalik sa akin ang aking kamahalan at kakinangan; at hinanap ako ng aking mga kasangguni at mga mahal na tao; at ako’y natatag sa aking kaharian, at marilag na kadakilaan ay nadagdag sa akin.” PH 422.1
Ang dating mayabang na hari ay naging maamong anak ng Dios; ang malupit na pinuno, ay naging matalino at mahabaging hari. Siyang lumaban at namusong sa Dios ng langit, ngayon ay kumilala sa kapangyarihan ng Makapangharihan sa Lahat at taimtim na hinangad na pasulungin ang pagkatakot kay Jehova at ang kaligayahan ng kanyang nasasakupan. Sa pagsansala ng Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, sa wakas ay natutuhan ru Nabucodonosor ang liksyon na dapat matutuhan ng lahat ng mga namununo—na ang tunay na kadakilaan ay nasa tunay na kabutihan. Kinilala niya si Jehova bilang Dios na buhay, at nagwikang, “Akong si Nabucodonosor ay pumupuri at nagbubunyi at nagpaparangal sa Hari ng langit, sapagkat ang lahat Niyang gawa ay katotohanan, at ang Kanyang mga daan ay kahatulan: at yaong nagsisilakad sa kapalaluan ay Kanyang mapabababa.” PH 422.2
Ang adhikain ng Dios na ang pinakadakilang kaharian sa lupa ay maghahayag ng papuri sa Kanya ay natupad ngayon. Ang paghahayag na ito sa publiko na doon ay kinilala ni Nabucodonosor ang kahabagan at kabutihan at otoridad ng Dios, ang huling gawa ng kanyang buhay na natala sa banal na kasaysayan. PH 422.3