Ang kabanatang ito ay batay sa Daniel 5.
Sa pagtatapos ng buhay ni Daniel, mga dakilang pagbabago ay nagaganap sa lupain, noong animnapung taon ang nakalipas, ay pinagdalhan sa kanya at sa mga kasama pa niyang Hebreo. Si Nabucodonosor, “ang kakila-kilabot sa mga bansa” (Ezekiel 28:7), ay namatay na, at ang Babilonia, “ang kapurihan ng buong lupa” (Jeremias 51:41), ay napasa sa mga pumalit na walang karunungan, at nagbunga ng unti-unti datapuwat tiyak na pagkawasak. PH 423.1
Sa kahibangan at kahinaan ni Belsasar, ang apo ni Nabucodonosor, ang mapagmataas na Babilonia ay di magtatagal at babagsak. Bata pang binigyan ng bahagi sa otoridad sa kaharian, si Belsasar ay nagmayabang sa kapangyarihan at nagmataas ng puso sa Dios ng kalangitan. Marami ang mga pagkakataong dumating sa kanya upang malaman ang kalooban ng Dios at maunawaan ang kapanagutan ng pagsunod. Naalaman niya ang pagkatapon ng kanyang lolong hari, ayon sa utos ng Dios, mula sa lipunan ng mga tao; nalaman din niya ang naging pagkahikayat ni Nabucodonosor at mahimalang pagpapagaling dito. Ngunit binayaan ni Belsasar na ang pag-ibig sa kalayawan at pagmamapuri sa sarili ang mag-alis ng mga liksyong dapat sana ay di makalimutan. Sinayang niya ang mga pagkakataong mabiyayang nabigay sa kanya, at nagpabaya sa mga paraang laan sa kanya upang lalo pang makakilala ng katotohanan. Ang mga bagay na natamo ni Nabucodonosor sa pamamagitan ng di masukat na pagdurusa at kahihiyan, ay pinagwalang bahala ni Belsasar. PH 423.2
Di nagtagal at dumating ang mga kabalintunaan. Ang Babilonia ay kinubkob ni Ciro, na pamangkin ni Dariong Media, at heneral na nangungulo sa pinagsamang mga hukbo ng Medo at Persia. Datapuwat sa loob ng sa tingin ay di mapapasok na kuta, na may naglalakihang pader at mga pintuang tanso, nasasanggalang ng ilog Eufrates, at may nakaimbak na saganang pagkain, ang may kalayawang hari ay nakadama ng kapanatagan at pinaraan ang panahon sa mga kagalakan at pagtatamasa. PH 423.3
Sa kanyang pagmamataas at pagmamayabang, may walang patumanggang kapanatagan, si Belsasar ay “gumawa ng malaking piging sa isang libo na kanyang mga mahal na tao, at uminom ng alak sa harap ng sanlibo.” Lahat ng pang-akit na dulot ng kayamanan at kapangyarihan, ay nagdagdag karangyaan sa tanawin. Naggagandahang mga babae taglay ang kanilang mga panghalina ay kasama ng mga panauhin sa piging ng hari. Mga pantas na lalaki at mga edukado ay naroon din. Mga prinsipe at pangulo ng estado ay uminom ng alak na parang tubig lamang at nalango sa nakakasira ng ulong impluwensya nito. PH 424.1
Nang maalis ang katinuan ng isip sa walang kahihiyang paglalasing na ito, ang mabababang damdamin ang namayani, ang hari na rin ang nanguna sa magulong pagtatamasang ito. Habang ang pista ay nagpatuloy, siya ay “nag-utos na dalhin doon ang mga ginto at pilak na sisidlan na...kinuha ni Nabucodonosor mula sa templo na nasa Jerusalem; upang mainuman ng hari, at ng kanyang mahal na tao, kanyang mga asawa, at ng kanyang mga babae.” Pinatunayan ng hari na walang banal sa anumang hawakan niya. “Dinala nila ang mga gintong sisidlan;...at ang hari, at kanyang mahal na tao, kanyang mga asawa; at kanyang mga babae, kanilang mainuman ito. Sila’y nangaginuman ng alak, at nagsipuri sa mga diyos na ginto, at pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.” PH 424.2
Hindi man lamang naisip ni Belsasar na mayroong nasa langit na Nagmamasid ng lahat na ito; na ang banal na Tagapagbantay na hindi nakikilala, ay nakatingin sa mga pamumusong na ito, nadinig ang mga walang kabanalang katuwaan, namasdan ang idolatriya. Datapuwat hindi nagtagal ang hindi imbitadong Panauhin ay naghayag ng Kanyang presensya. Nang ang pagsasaya ay nasa sukdulan ang isang kamay ay lumabas at isinulat sa pader ng palasyo ang mga sulat na may ningning ng apoy—mga salitang, bagaman hindi alam ng karamihan, ay babala ng sakuna sa mga panauhin at haring nakadama ng panghihilakbot. PH 424.3
Natahimik ang magulong katuwaan, samantalang ang mga lalaki at babae, ay sinakmal ng takot, at minasdan nilang marahan na ang kamay ay sumulat ng misteryosong mga salita. Sa harapan nila, ay parang naging malawakang panoorin na namasdan, ang mga gawa ng kanilang masamang buhay, parang sila ay nakasakdal sa harapan ng hukuman ng Dios na walang kamatayan, na ang kapangyarihan ay kanilang nilabanan. Samantalang ilang sandali lamang ang lumipas ay katuwaan at pamumusong na pagsasaya, ngayon ay mga mukhang maputla ang sigaw ng pagkatakot. Kapag ang Dios ay nagbigay takot sa tao, hindi sila makapagtatago sa igting ng kanilang takot. PH 424.4
Si Belsasar ang higit na natakot sa lahat. Siya ang may kagagawan ng pagrerebeldeng ito sa Dios na nang gabing iyon ay dumating sa sukdulan sa kaharian ng Babilonia. Sa harapan ng di nakikitang Tagapagmasid, na ang kapangyarihan ay kanilang hinamon at ang pangalan ay niwalang kabuluhan, ang hari ay paralisado sa takot. Ang konsyensya ay nagising. “Ang pagkakasugpong ng kanyang mga balakang ay nakalag, at ang kanyang mga tuhod ay nagka-umpugan.” Walang kabanalang itinaas ni Belsasar ang kanyang sarili laban sa Dios ng langit at nagtiwala sa sarili niyang lakas, na hindi iniisip na may maglalakas-loob na magsabing, “Bakit ginagawa mo ang ganito?” subalit ngayon ay nadama niyang dapat siyang magsulit ng pagkakatiwalang nabigay sa kanya, at sa mga pagkakataong sinayang niya at ang isipang mapanghimagsik ay wala siyang maikakatuwiran. PH 427.1
Walang kabuluhang sinikap ng haring basahin ang mga nagniningas na mga letra. Datapuwat narito ang lihim na di niya matarok, isang kapangyarihang di niya maunawaan o makilala man. Sa kapanglawan ay binalingan niya ang mga pantas na lalaki ng kaharian. May sigaw na hiningi niya ang pagpapaliwanag sa mga astrologo, mga Caldeo, at manghuhula. “Sinumang makababasa ng sulat na ito,” ipinangako niya, “at makapagpapaaninaw sa akin ng kahulugan niyan, ay magdadamit ng kulay morado, at magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kanyang leeg, at magiging ikatlong puno sa kaharian.” Subalit walang nagtangka sa kanyang mga pinagkatitiwalaang tagapayo na gumawa niyon kahit pa may magagandang gantimpala. Ang karunungan ng langit ay hindi mabibili ni maipagbibili man. “Lahat na pantas ng hari ay...hindi nabasa ang sulat, o naipaaninaw man sa hari ang kahulugan niyaon.” Tulad ng naging karanasan ng mga pantas na lalaki noon na hindi maipaliwanag ang panaginip ni Nabucodonosor ay di rin nila magawa sa mga salitang nakasulat sa dingding. PH 427.2
At naalaala ng inang reyna si Daniel, na, mahigit sa limampung taong lumipas, ay naipaalam kay Haring Nabucodonosor ang pagpapaliwanag sa panaginip ng dakilang larawan. “Oh hari, mabuhay ka magpakailanman,” kanyang sinabi. “Huwag kang bagabagin ng iyong mga pag-iisip, o mabago man ang iyong pagmumukha: may isang lalaki sa iyong kaharian, na kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na diyos; at sa mga kaarawan ng iyong ama, ay nasumpungan sa kanya ang liwanag at unawa at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga diyos; at ang haring Nabucodonosor...ay ginawa niya siyang panginoon ng mga mago, ng mga enkantador, ng mga Caldeo, at ng mga manghuhula; palibhasa’y isang marilag na espiritu, at kaalaman, at unawa, pagpapaaninaw ng mga panaginip, at pagpapakilala ng mga malabong salita, at pagpapaliwanag ng pag-aalinlangan, ay nangasumpungan sa Daniel na iyan, na pinanganlan ng hari na Beltsasar: tawagin nga ngayon si Daniel, at kanyang ipaaaninaw ang kahulugan. PH 427.3
“Nang magkagayo’y dinala si Daniel sa harap ng hari.” Sinikap na maibalik ang dating kahinahunan, sinabi ni Belsasar sa propeta: “Ikaw baga’y si Daniel, na sa mga anak ng pagkabihag sa Juda, na kinuha sa Juda ng haring aking ama? Nabalitaan kita, na ang espiritu ng mga diyos ay sumasa iyo, at ang liwanag at unawa at marilag na karunungan ay masusumpungan sa iyo. At ang mga pantas nga, ang mga enkantador, dinala sa harap ko, upang kanilang basahin ang sulat na ito, at ipaaninaw sa akin ang kahulugan: ngunit hindi nila naipaaninaw ang kahulugan ng bagay: ngunit nabalitaan kita, na ikaw ay makapagpapaaninaw ng mga kahulugan, at makapagpapaliwanag ng alinlangan: kung iyo ngang mabasa ang sulat, at maipaaninaw sa akin ang kahulugan, mananamit ka ng kulay morado, at magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng iyong leeg, at ikaw ay magiging ikatlong puno sa kaharian.” PH 428.1
Sa harap ng kinikilabutang karamihan, si Daniel, hindi natinag sa mga pangako ng hari, ay matahimik na tumayong may karangalan ng isang lingkod ng Kataastaasan, hindi upang magbigay ng di tapat na papuri, kundi upang ipabatid ang balita ng pagkawasak. “Iyo na ang iyong kaloob,” kanyang sinabi, “at ibigay mo ang iyong mga gantimpala sa iba; gayon ma'y aking babasahin sa han ang sulat, at ipaaaninaw ko sa kanya ang kahulugan,” PH 428.2
Ipinaalaala muna ng propeta kay Belsasar ang mga bagay na alam na alam nito, ngunit hindi naman nakapagturo sa kanya ng mga liksyon ng kababaan na sana’y nakapagligtas sa kanya. Binanggit ng propeta ang kasalanan at pagkabagsak ni Nabucodonosor, at ang naging pakikitungo ng Panginoon sa kanya—ang kapangyarihan at kaluwalhatiang nabigay sa kanya, ang hatol ng langit sa kanyang kataasan, at ang sumunod na pagkilala niya sa kapangyarihan at kahabagan ng Dios ng Israel; at sa matapang at mariing pangungusap ay tinuligsa niya si Belsasar sa kanyang dakilang kasamaan. Iniharap niya sa hari ang mga kasalanan nito, at ipinakita ang mga liksyong dapat sana nitong natutuhan datapuwat di binigyang pansin. Hindi nakita ni Belsasar ang karanasan ng kanyang lolo, o dininig man ang mga babala ng mga pangyayaring mahalaga sa kanya. Ang pagkakataong maalaman at masunod ang tunay na Dios ay nabigay sa kanya, datapuwat hindi niya isinapuso, at ngayon ay aanihin na niya ang bunga ng kanyang paghihimagsik. PH 428.3
“Ikaw,...” “Oh Belsasar,” pahayag ng propeta, “hindi mo pinapagpakumbaba ang iyong puso, bagaman iyong nalalaman ang lahat na ito; kundi ikaw ay nagpakataas laban sa Panginoon ng langit; at kanilang dinala ang mga kasangkapan ng Kanyang bahay sa harap mo, at ikaw, at ang iyong mga mahal na tao, ang iyong mga asawa, at ang iyong mga babae, ay nagsiinom ng alak sa mga yaon; at iyong pinuri ang mga diyos na pilak, at ginto, tanso, bakal, kahoy, at bato, na hindi nangakakakita, o nangakakarinig man, o nakakaalam man: at ang Dios na kinaroroonan ng iyong hininga, at kinaroroonan ng lahat na iyong lakad, hindi mo niluwalhati: nang magkagayo’y ang bahagi nga ng kamay ay sinugo mula sa harap Niya; at ang sulat na ito’y nalagda.” PH 429.1
Humarap sa mensahe mula sa Langit na nasa pader, binasa ng propeta, “MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN.” Hindi na nakita ang kamay na sumulat, ngunit ang apat na mga salitang ito ay sumisinag pa ring may kaibahan; at ngayon ay pigil-hiningang nagsipakinig ang mga tao samantalang nagpahayag ang matandang propeta: PH 429.2
“Ito ang kahulugan ng bagay: MENE; Binilang ng Dios ang iyong kaharian, at winakasan. TEKEL; Ikaw ay tinimbang sa timbangan, at ikaw ay nasumpungang kulang. PERES; Ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga taga Medo at taga Persia.” PH 429.3
Sa huling gabing iyon ng kahibangan, si Belsasar at ang mga maginoo niya ay pinuno ang sukat ng kanilang pagkakasala at gayon din ng kahariang Caldeo. Hindi na mapipigil pa ng kamay ng Dios ang nagbabantang kasamaan. Sa maraming mga paglalaan, ay sinikap ng Dios na ituro sa kanila ang paggalang sa Kanyang kautusan. “Ibig sana nating mapagaling ang Babilonia,” sa mga hinuhusgahan na sa langit, Siya ay nagpahayag, “ngunit siya’y hindi napagaling.” Jeremias 51:9. Dahilan sa kakaibang kasamaan ng puso ng tao, sa wakas ay kinailangan ng Dios na ipataw ang di mababawing sentensya. Si Belsasar ay babagsak, at ang kaharian niya ay masasalin sa ibang kamay. PH 429.4
Sa pagtatapos ng pagsasalita ng propeta, nag-utos ang hari na siya ay bigyan ng mataas na karangalan tulad ng ipinangako; at kaugnay nito, “pinanamit nila si Daniel ng kulay morado, at nilagyan ng kuwintas na ginto sa palibot ng leeg niya, at nagtanyag ng tungkol sa kanya, na siya ',y ikatlong puno sa kaharian.” PH 430.1
Sa naunang mahigit sa isang daang taon, inihula ng Inspirasyon na sa “gabi ng...kalayawan” na doon ang hari at mga tagapayo niya ay magpapaligsahan sa pamumusong laban sa Dios, ang tanawin ay mapapalitan ng pagkatakot at pagkawasak. At ngayon, sa mabilis na pangyayari, ay naganap ang tiyakang inilahad ng kasulatan sa propesiya. PH 430.2
Samantalang nasa bulwagan pa ng pistahan at napapalibutan ng mga taong natatakan ng pagkawasak, ang hari ay binigyang pabalita na “ang kanyang bayan ay nasakop” ng mga kaaway na nakasisiguro sa kanilang mga paraan; “at ang mga tawiran ay nangasapol,...at ang mga lalaking mandirigma ay nangatakot.” Talatang 51:31, 32. Kahit na habang nag-iinuman pa ang maharlika mula sa mga sisidlang banal ni Jehova, at pinapupurihan ang mga diyos ng pilak at ginto, ang mga Medes at Persiano, ay iniba ang daluyan ng Eufrates, at ngayon ay nagmamartsa sa tuyong lupa papasok sa siyudad na walang nagbabantay. Ang hukbo ni Ciro ay nasa ilalim na ng mga pader ng siyudad; at ito ay napuno ng mga sundalo ng kaaway na “parang balang” (talatang 14); ang sigaw nila ng pagtatagumpay ay nadinig sa ibabaw ng iyak ng mga nagulat na nagkakasayahan. PH 430.3
“Nang gabing yaon ay napatay si Belsasar na hari ng mga Caldea,” at pinalitan ng haring taga ibang bayan. PH 430.4
Maliwanag na ibinigay ng propeta ang tungkol sa pagkabagsak ng Babilonia. Kung paanong inihayag sa kanila ng Dios ang mga mangyayari sa hinaharap, sila ay napabulalas: “Ano’t nasakop ang Sesach! at ang kapurihan ng buong lupa ay nagitla! ano’t ang Babilonia ay naging kagibaan ng mga alon niyaon!” “Ano’t naputol at nabali ang pamukpok ng buong lupa! ano’t ang Babilonia ay nasira sa gitna ng mga bansa!” “Sa ingay ng pagsakop sa Babilonia, ay nayayanig ang lupa, at ang hiyaw ay naririnig sa mga bansa.” PH 430.5
“Ang Babilonia ay biglang nabuwal at napahamak.” “Ang manglilipol ay dumating doon, sa Babilonia, at ang mga makapangyarihang lalaki niyaon ay nangahuli, ang kanilang mga busog ay nagkaputulputol: sapagkat ang Panginoon ay Dios ng mga kagantihan, siya’y tunay na magbabayad. At Aking lalanguhin ang kanyang mga prinsipe, at ang kanyang mga pantas, ang kanyang mga gobernador, at ang kanyang mga kinatawan, at ang kanyang mga makapangyarihan: at siya’y matutulog ng walang hanggang pagtulog, at hindi magigising, sabi ng Hari, na ang pangalan ay ang Panginoon ng mga hukbo.” PH 431.1
“Pinaglagyan kita ng silo, at ikaw naman ay nahuli, Oh Babilonia, at hindi mo ginunita: ikaw ay nasumpungan, at nahuli rin, sapagkat ikaw ay nakipagtalo laban sa Panginoon. Binuksan ng Panginoon ang Kanyang lalagyan ng armas, at inilabas ang mga armas ng Kanyang pagkagalit: sapagkat ito ay gawain ng Panginoong Dios, ang Panginoon sa lupain ng mga Caldeo.” PH 431.2
“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo; Ang mga anak ni Israel at ang mga anak ni Juda ay napipighating magkasama: at lahat na nagsikuhang bihag sa kanila ay hinahawakang mahigpit sila; ayaw pawalan sila. Ang Manunubos sa kanila ay malakas; ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang Kanyang pangalan: Kanyang ipakikipaglabang maigi ang kanilang usap, upang mabigyan Niya ng kapahingahan ang lupa, at bagabagin ang mga nananahan sa Babilonia.” Jeremias 51:41; 50:23, 46; 51:8, 56, 57; 50:24, 25, 33, 34. PH 431.3
Sa ganito, “ang makapal na kuta ng Babilonia” ay “lubos na magigiba, at ang kanyang mga mataas na pintuang-bayan...ay masusunog ng apoy.” Kaya si Jehova ng mga hukbo ay “patitigilin ang kahambugan ng palalo,” at ibababa “ang kapalaluan ng kakilakilabot.” “At ang Babilonia, ang kaluwalhatian ng mga kaharian, ang ganda ng kapalaluan ng mga Caldeo,” ay naging gaya ng Sodoma at Gomorra—lugar na sinumpa magpakailanman. “Hindi matatahanan kailanman,” pahayag pa ng Kasulatan, “na di tatahanan sa buong panahon: ni di magtatayo roon ang taga Arabia ng tolda; ni di pahihigain doon ng mga pastor ang kanilang kawan. Kundi mga maiilap na hayop sa ilang ang magsisihiga roon; at ang kanilang mga bahay ay mangapupuno ng mga hayop na nagsisi-ungal; at mga avestruz ay magsisitahan doon, at ang mga lalaking kambing ay magluluksuhan roon. At ang mga lobo ay magsisihiyaw sa kanilang mga moog, at mga chakal sa mga maliligayang palasyo.” “Akin namang gagawing pina-kaari ng hayop na erizo, at mga lawa ng tubig: at Aking papalisin ng pangpalis na kagibaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.” Jeremias 51:58; Isaias 13:11, 19-22; 14:23. PH 431.4
Sa huling hari ng Babilonia, gayon din sa una, ay dumating ang sentensya ng Tagapagmasid na banal: “Oh hari,...sa iyo’y sinalita; Ang kaharian ay mahihiwalay sa iyo.” Daniel 4:31. PH 432.1
“Ikaw ay bumaba, at umupo sa alabok, Oh anak na dalaga
ng Babilonia,
Lumagmak ka sa lupa: na walang luklukan...
Maupo kang tahimik,
At masok ka sa kadiliman, Oh anak na babae ng mga Caldeo:
Sapagkat hindi ka na tatawagin, Ang mahal na babae ng mga kaharian.
“Ako’y napoot sa Aking bayan,
Aking dinumhan ang Aking mana, at ibinigay Ko sa
iyong kamay:
Hindi mo pinagpakitaan sila ng kaawaan;...
“At iyong sinabi, Ako’y magiging mahal na babae magpakailanman:
Na anupa’t hindi mo ginunita ang mga bagay na ito sa iyong kalooban,
O inalaala mo man ang huling wakas nito.
“Ngayon nga’y dinggin mo ito,
Ikaw na hinati sa mga kalayawan,
Na tumatahang matiwasay,
Na nagsasabi sa kanyang puso,
Ako nga, at walang iba liban sa akin;
Hindi ako uupong gaya ng babaing balo,
O mararanasan man ang pagkawala ng mga anak-...
“Ngunit ang dalawang bagay na ito ay darating sa iyo sa isang sandali sa isang araw,
Ang pagkawala ng mga anak, at pagkabalo:
Sa kanilang karamihan ay darating sa iyo
sa karamihan ng iyong panggagaway, at sa totoong
kasaganaan ng iyong mga enkanto.
Sapagkat ikaw ay tumiwala sa iyong kasamaan:
Iyong sinabi, Walang nakakakita sa akin.
“Ang iyong karunungan at ang iyong kaalaman, nagpaligaw sa iyo;
At iyong sinabi sa iyong puso,
Ako nga, at walang iba liban sa akin.
Kaya’t ang kasamaan ay darating sa iyo; PH 432.2
Hindi mo malalaman ang bukang liwayway niyaon:
At kasakunaan ay sasapit sa iyo;
Hindi mo maaalis:
At kagibaan ay darating sa iyong bigla,
na hindi mo nalalaman.
“Tumayo ka ngayon sa iyong mga enkanto, at sa
karamihan ng iyong panggagaway, na iyong
ginawa mula sa iyong kabataan;
Marahil makikinabang ka,
Marahil mananaig ka.
“Ikaw ay yamot sa karamihan ng iyong mga payo.
Magsitayo ngayon ang nanganghuhula
Sa pamamagitan ng langit, at ng mga bituin, ang mga mangingilala
ng tungkol sa buwan,
At siyang magligtas sa iyo sa mga bagay na mangyayari sa iyo.
Narito, sila’y magiging gaya ng pinagputulan ng trigo;...
Sila’y hindi makaliligtas sa bangis ng fiyab:...
Walang magliligtas sa iyo.” Isaias 47:1-15. PH 433.1
Bawat bansang nalagay sa entablado ng pagkilos ay nabigyang pahintulot na kunin nito ang lugar sa lupa, upang mapagpasyahan kung sinunod nito ang mga adhikain ng Tagapagmasid at Niyang Banal. Sinundan ng hula ang naging pagbangon at progreso ng mga dakilang imperyo—Babilonia, Medo-Persia, Grecia, at Roma. Sa bawat isa sa mga ito, tulad din ng mga bansang maliliit lamang ang kapangyarihan, ang kasaysayan ay nauulit. Bawat isa ay dumaan sa panahon ng kanyang pagsubok; bawat isa ay nabigo, ang kaluwalhatian ay kumupas at ang kapangyarihan nito ay tumakas. PH 433.2
Bagama',t ang mga bansa ay tumanggi sa mga simulain ng Dios, at sa ganitong paraan ay gumawa ng sariling pagkawasak, gayunman ay maldldtang ang banal na adhikain ay gumagawa pa rin at namamayani sa buong kapanahunan. Ito ang nakita ni propeta Ezekiel sa mga kahanga-hangang paglalarawang nabigay sa kanya sa panahon ng pagkatapon nila sa lupain ng mga Caldeo, nang sa kanyang namanghang pangmasid ay nahayag ang mga simbulo ng namamayaning Kapangyarihang lumulukob sa mga gawain ng mga pangulo sa lupa. PH 433.3
Sa pampang ng ilog Chebar, nakita ni Ezekiel ang ipu-ipong parang nagmula sa hilaga, “isang malaking ulap, na may isang apoy na naglilikom sa sarili, at isang ningning sa palibot, at mula sa gitna niyao’y may parang metal na nagbabaga mula sa gitna ng apoy.” May maraming gulong sa siping ng apat na nilalang na may buhay. Higit sa lahat “ay may kawangis ng isang luklukan na parang anyo ng batong zafiro: at sa ibabaw, ng kawangis ng luklukan ay may kawangis ng isang tao sa itaas niyaon.” “At lumitaw sa gitna ng mga kerubin ang anyo ng kamay ng isang tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.” Ezekiel 1:4, 26; 10:8. Ang mga gulong na ito ay kumplikado ang pagkakaayos anupa’t sa unang tingin ay parang nagkakagulo; gayunman ay umiikot na magkakatugma. Mga nilalang na makalangit na pinapatnubayan ng kamay sa ilalim ng mga bagwis ng kerubin, ang nagtutulak sa mga gulong; sa ibabaw ng mga ito, sa luklukang zafiro, ay ang Isang Walang Kamatayan; at sa palibot ng trono ay isang bahaghari, ang sagisag ng kahabagan ng Dios. PH 433.4
Kung paano ang mga gulong ay nasa patnubay ng kamay sa ilalim ng mga bagwis ng kerubin, gayundin ang komplikadong gawain ng tao ay nasa kontrol ng langit. Sa gitna ng kaguluhan at pag-aalit ng mga bansa Siyang nakaupo sa itaas ng mga kerubin ay Siya pa ring pumapatnubay sa mga gawain sa lupa. PH 434.1
Ang kasaysayan ng mga bansa ay nangungusap sa atin ngayon. Sa bawat bansa at sa bawat tao ang Dios ay may nakatalagang lugar para sa Kanya sa dakilang panukala. Ang mga tao at bansa ngayon ay sinusubok sa pamamagitan ng panukat Niyang hindi nagkakamali kailanman. Ang lahat sa pamamagitan ng kanilang pagpapasya ay nagtatakda ng sariling hantungan, at ang Dios naman ay namamayani sa lahat upang maisakatuparan ang Kanyang mga adhikain. PH 434.2
Ang mga propesiyang ibinigay ng dakilang AKO NGA sa Kanyang salita, na nag-uugnay ng kawing sa kapwa kawing, mula sa walang hanggang lumipas hanggang sa walang hanggang darating, ay nagbabadya sa atin kung saan tayo naroroon ngayon sa hanay ng mga kapanahunan at kung ano ang maaaring asahan sa hinaharap. Lahat ng inihulang naganap, hanggang sa kasalukuyan, ay natutunton sa kasaysayan, at nakatitiyak tayong lahat na magaganap pa ay matutupad ayon sa pagkakasunud-sunod. PH 434.3
Ang mga tanda ng panahon ngayon ay naghahayag na tayo’y nakatayo sa pintuan ng mga dakila at maselang pangyayari. Ang bawat bagay sa mundo ay ligalig. Nakikita nadng ang mga propesiya ng Tagapagligtas ukol sa Kanyang pagbabalik ay nangatutupad: “At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan.... Magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian: at magkakagutom, at lilindol, sa iba’t ibang dako.” Mateo 24:6, 7. PH 434.4
Ang kasalukuyan ay panahon ng nakagigilalas na interes sa lahat ng nangabubuhay. Mga pangulo at mambabatas, mga lalaking nasa puwesto ng dakilang pagkakatiwala at otoridad, mga mapag-isip na mga lalaki at babae ng alinmang antas, ay nakatuon sa mga pangyayaring nagaganap sa palibot natin. Nagmamasid sila sa mga ugnayang namamagitan sa mga bansa. Nakikita nila ang igting ng mga nangyayari sa bawat sangkap ng lupa, at nakikilala nilang may dakila at may kapasyahang bagay na malapit nang maganap na ang mundo ay nasa bingit ng nakakagulat na krisis. PH 435.1
Ang Biblia, at tanging Biblia lamang, ang nagbibigay ng tumpak na pananaw sa mga bagay na ito. Dito ay nahahayag ang mga huling tagpo sa kasaysayan ng ating mundo, mga pangyayaring nagsasabog ng lambong, ang ugong ng kanilang paglapit ay nagpapanginig sa mga bansa at mga puso ng tao upang sila ay matakot. PH 435.2
“Narito, pinawawalan ng laman ng Panginoon ang lupa, at sinisira, at binabaligtad, at pinangangalat ang mga nananahan doon;...sapagkat kanilang sinalangsang ang kautusan, binago ang alituntunin, sinira ang walang hanggang tipan. Kaya’t nilamon ng sumpa ang lupa, at silang nagsisitahan doon ay nangasumpungang salarin.” Isaias 24:16. PH 435.3
“Sa aba ng araw na yaon! sapagkat ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na, at darating na parang kagibaan na mula sa Makapangyarihan sa lahat.... Ang mga binhi ay nangabubulok sa kanilang bugal; ang mga kamalig ay nangakahandusay na sira, ang mga imbakan ay bagsak; sapagkat ang trigo ay natuyo. Ganyan na lamang ang ungal ng mga hayop! ang mga kawan ng mga hayop ay natitigilan, sapagkat wala silang pastulan; oo, ang mga kawan ng tupa ay nangapahamak.” “Ang puno ng ubas ay natuyo, at ang puno ng higos ay nalalanta; ang puno ng granada, ang puno ng palma, at gayon din ang puno ng mansanas, lahat ng punong kahoy sa parang ay tuyo: sapagkat ang kagalakan ay nawala sa mga anak ng mga tao.” Joel 1:15-18, 12. PH 435.4
“Ako’y nagdaramdam sa aking puso;...hindi ako matahimik, sapagkat iyong narinig, Oh kaluluwa ko, ang tunog ng trumpeta, ang hudyat ng pakikipagdigma. Kagibaan at kagibaan ang inihihiyaw; sapagkat ang buong lupain ay nasira.” Jeremias 4:19, 20. PH 435.5
“Ay! sapagkat ang araw na yaon ay dakila, na anupa’t walang gaya niyaon: siya ngang panahon ng kabagabagan ng Jacob; ngunit siya’y maliligtas doon.” Jeremias 30:7. PH 436.1
“Sapagkat ikaw Oh Panginoon, ay aking kanlungan!
Iyong ginawa ang Kataastaasan na iyong tahanan;
Walang kasamaang mangyayari sa iyo,
Ni anumang salot ay lalapit sa iyong tolda.” PH 436.2
Awit 91:9,10. PH 436.3
“Oh anak na babae ng Sion,...doon ka tutubusin ng Panginoon sa kamay ng iyong mga kaaway. At ngayo’y maraming bansa ay nangagpupulong laban sa iyo, na nangagsasabi, Madumhan siya, at makita ng ating mata ang nasa natin sa Sion. Ngunit hindi nila nalalaman ang mga pag-iisip ng Panginoon, ni nauunawa man nila ang Kanyang payo.” Mikas 4:10-12. Hindi bibiguin ng Dios ang Kanyang iglesia sa oras na siya ay nasa napakalaking panganib. Kanyang ipinangako ang pagliligtas. “Aking ibabalik uli mula sa pagkabihag ang mga tolda ng Jacob,” ipinahayag Niya, “at pakukundanganan Ko ang kanyang mga tahanang dako.” Jeremias 30:18. PH 436.4
Sa ganito ay matutupad ang adhikain ng Dios; ang mga simulain ng Kanyang kaharian ay mapaparangalan ng lahat sa ilalim ng araw. PH 436.5