Ang kabanatang ito ay batay sa Nehemias 5.
Ang pader ng Jerusalem ay di pa lubos na natapos nang tawagin ang pansin ni Nehemias sa malungkot na kalagayan ng mga mahihirap na tao. Sa hindi pa panatag na lupain, kalakhang bahagi ng lupa ay di pa nabubungkal. Bukod dito, ang masakim na ugali ng ilang nagbalik sa Judea, ang pumigil sa pagpapala ng Panginoon sa kanilang lupain, at nagkaroon ng kakulangan sa butil. PH 521.1
Upang magkaroon ng maipapakain sa kanilang mga pamilya, ang mga dukha ay napilitang umutang sa mataas na halaga ng paninda. Napilitan din silang manghiram ng salapi sa mataas na tubo upang bayaran ang buwis na ipinataw ng mga hari ng Persia. Dagdag pa sa paghihirap ng mga dukha, ang mga mayayamang Judio ay nagsamantala at nagpayaman sa sarili. PH 521.2
Nag-utos ang Panginoon sa Israel, sa pamamagitan ni Moises, na tuwing ikatlong taon ay magtipon ng isang ikapu para sa mga dukha; at may karagdagang probisyon pa sa pagpapahinga ng pagtatamm sa lupa tuwing ikapitong taon, at ang kusang tutubo sa lupa ay para sa mga nangangailangan. Ang tapat na pagsunod ukol sa mga handog na ito ukol sa mga mahirap ay nagpatingkad sana ng katotohanang ang Dios ang May-ari ng lahat, at sila ay dapat na maging daluyan ng pagpapala. Adhikain ni Jehova na ang Israel ay magkaroon ng pagsasanay na mag-aalis ng kasakiman, at magpalago ng marangal na likas. PH 521.3
Nag-atas din ang Dios kay Moises: “Kung magpautang ka ng salapi sa kanino man sa Aking bayan na kasama mo na dukha, huwag kang magpapakamanunubo sa kanya ni hihingan mo man siya ng tubo.” “Huwag kang magpapahiram na may tubo sa iyong kapatid; tubo ng salapi, tubo ng kakanin, tubo ng anumang bagay na ipinahihiram na may tubo.” Exodo 22:25; Deuteronomio 23:19. Muli ay Kanyang sinabi, “Kung magkaroon sa iyo ng isang dukha, na isa sa iyong mga kapatid, na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan sa iyong lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay huwag mong pagmamatigasin ang iyong puso, ni pagtitikuman ng iyong kamay ang iyong dukhang kapatid: kundi iyo ngang bubukahin ang iyong kamay sa kanya, at iyo ngang pauutangin siya ng sapat sa kanyang kailangan sa kanyang kinakailangan.” “Sapagkat hindi mawawalan ng dukha sa lupain kailanman: kaya’t Aking iniutos sa iyo, na Aking sinasabi, “Bubukahin mo nga ang iyong kamay sa iyong kapatid, sa nagkakailangan sa iyo, at sa dukha mo, sa iyong lupain.” Deuteronomio 15:7, 8, 11. PH 521.4
Sa ilang panahon pagkabalik ng mga bihag mula sa Babilonia, ang mga mayayamang Judio ay lumabag sa mga utos na ito. Nang ang mga dukha ay mapilitang mangutang upang makabayad ng buwis sa hari, ang mga mayaman ay nagpahiram ng salapi ngunit sa mataas na tubo. Kinuha bilang sangla ang mga lupa ng mga mahirap, at sa ganito ay nasadlak sa lubos na kahirapan ang mga dukha. Marami ang napilitang ipagbili ang mga anak na lalaki o babae upang maging alipin; at parang walang pag-asang bumuti ang kanilang kalagayan, walang paraang matubos ang kanilang mga anak o lupain, walang mabuting tanawin sa hinaharap liban sa palalang kadustaan, patuloy na kakulangan at pagkaalipin. Ngunit sila ay iisang bansa, mga anak ng iisang tipan, tulad ng mga mapapalad na kapatid nila. PH 522.1
Di nagtagal at ang bayan ay dumaing kay Nehemias, “Gayon ma’y,” kanilang sinabi, “aming dinadala sa pagkaalipin ang aming mga anak na lalaki at babae upang maging mga alipin, at ang iba sa aming mga anak na babae ay nangadala sa pagkaalipin: wala man lamang kaming kapangyarihang makatulong; sapagkat ibang mga tao ang nagtatangkilik ng aming bukid at ng aming mga ubasan.” PH 522.2
Nang marinig ni Nehemias ang malupit na pang-aapi, ang kanyang kaluluwa ay napuno ng pagkagalit. “At ako',y nagalit na mainam,” sabi niya, “nang aking marinig ang kanilang daing at mga salitang ito.” Nakita niya na kapag nagtagumpay siya na maputol ang mapangaping ugali ng paniningil ay dapat siyang manindigan. May kakayahan at determinasyon siya',y nagpunta upang gumawa upang magdala ng kaluwagan sa kanyang mga kapatid. PH 522.3
Ang katotohanang ang mga nangingikil ay mga mayayaman at ang tangkilik nila ay kailangan, ay hindi nakaimpluwensya kay Nehemias. Matalas na sinasansala niya ang mga marangal at pinuno, at nang matipon niya ang malaking pulutong ay iniharap sa kanila ang mga kahilingan ng Dios tungkol sa bagay na ito. PH 522.4
Tinawag niya ang pansin ng bayan sa mga pangyavaring naganap sa paghahari ni Haring Ahaz. Inulit niya ang salita ng Dios na ipinadala noon sa Israel upang sansalain ang kalupitan at pang-aapi. Ang mga anak ng Juda, dahilan na rin sa kanilang idolatriya, ay nadala sa kamay ng mga kapatid na Israel na lalong mapagsamba sa mga diyos. Ang mga ito ay nagpahayag ng galit sa Juda sa pagpaslang ng libo at paghuli sa kababaihan at mga bata, upang gawing mga alipin o ipagbili sa pagkaalipin ng mga pagano. PH 523.1
Dahilan sa kasalanan ng Juda, ang Panginoon ay hindi namagitan upang mapatigil ang digmaan; ngunit sa pamamagitan ni propeta Oded ay Kanyang sinansala ang pakana ng nagtagumpay na hukbo: “At ngayo’y inyong inaakalang pasukuin ang mga anak ni Juda at ng Jerusalem na maging pinaka aliping lalaki at babae sa inyo: wala ba kayong pagsalangsang sa inyong sarili laban sa Panginoon ninyong Dios?” 2 Cronica 28:10. Nagbabala si Oded sa bayan ng Israel na ang galit ng Panginoon ay nag-alab sa kanila at ang kawalang katarungan at opresyong ginagawa nila ay hihila ng Kanyang hatol. Nang madinig nga ang mga salitang ito, ay iniwan nila ang mga bihag at mga samsam sa harapan ng mga pinuno at ang buong kongregasyon. Ilan sa nangungunang mga lalaki sa tribu ni Ephraim ay “kumuha sa mga bihag, at ang mga lalaking nasaysay sa pangalan ay nagsitindig, at kinuha ang mga bihag, at sa samsam ay binihisan ang lahat na hubad sa kanila, at dinamtan, at sinapayusan, at mga pinakain at pinainom, at mga pinahiran ng langis, at dinala ang lahat na mahina sa kanila na nakasakay sa mga asno, at mga dinala sa Jerico, na bayan ng mga puno ng palma, sa kanilang mga kapatid.” Talatang 15. PH 523.2
Tinubos ni Nehemias at mga kasama ang ilan sa mga Judio na naipagbili sa mga pagano, at ginawa niya itong halimbawa para sa mga nagsasamantala upang yumaman sa pang-aalipin sa kanilang mga kapatid. “Ang bagay na inyong ginagawa ay hindi maburi,” sinabi niya, “hindi ba kayo marapat magsilakad sa takot sa ating Dios dahil sa pagdusta ng mga bansa na ating mga kaaway?” PH 523.3
Ipinakita ni Nehemias na siya, bilang sugo ng hari ng Persia, at taglay ang otoridad ay maaari ding magpataw sa kanila ng mga buwis para sa personal na pakinabang. Ngunit sa halip nito ay hindi niya kinuha sa kanila ang marapat na kanya, at nagkaloob pang malaya para sa mga dukha sa kanilang mga pangangailangan. Hinamon niya ang mga pinuno sa Juda na nagkasala ng pangingikil, na tumigil na sa masamang gawa; na ibalik ang mga lupain sa mga dukha, na ibalik din ang salaping ipinataw sa kanila; at magpahiram na walang tubo o prenda. PH 523.4
Ang mga salitang ito ay sinalita sa harapan ng buong kapulungan. Kung ninais ng mga pinuno na ipagtanggol ang sarili, ay magagawa sana nila. Ngunit hindi sila nagmatuwid sa sarili. “Aming isasauli,” kanilang ipinahayag, “at wala kaming hihilingin sa kanila; gayon namin gagawin, gaya ng iyong sinasabi.” Nang magkagayo’y, tinawag ni Nehemias ang mga saserdote at “pinanumpa sila, na sila’y magsisigawa ng ayon sa pangakong ito.” “At ang buong kapisanan ay nagsabi, Siya nawa, at pumuri sa Panginoon. At ginawa ng bayan ayon sa pangakong ito.” PH 524.1
Ang talang ito ay nagtuturo ng mahalagang liksyon. “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat na kasamaan.” 1 Timoteo 6:10. Sa henerasyong ito ang pagnanais ng pakinabang ang sumisipsip sa damdamin. Ang kayamanan ay kinukuha sa pandaraya. Malaking karamihan ang nagdarahop, napipilitang gumawang parang alipin para sa kakarampot na sahod, na halos ang mga simpleng pangangailangan ay di masapatan. Paggawa at kakulangan, na walang pagasang bumuti ay nagpapabigat ng pasan nila. Pagod na sa pasanin at pinahihirapan pa, wala silang masuungan. At ang lahat na ito ay upang masunod ng mga mayayaman ang kanilang nasang magkamkam upang tugunan ang luho at karangyaan. PH 524.2
Ang pag-ibig sa salapi at kapalaluan ang naghatid sa mundong ito upang maging lungga ng mga mangungulimbat at mga magnanakaw. Inilalarawan ng Kasulatan ang kasakiman at opresyong makapangyayari sa mundo bago ang ikalawang pagparito ni Kristo. “Magsipanto ngayon, kayong mayayaman,” isinulat ni Santiago; “kayo’y nagtipon ng inyong mga kayamanan sa mga huling araw. Nanto, ang kaupahan ng mga manggagawa na nagsiani sa inyong mga bukid, na inari ninyo sa pamamagitan ng daya, ay humihibik: at ang mga hibik ng mga nagsiani ay nagsipasok sa mga pakinig ng Panginoon ng mga Hukbo. Kayo’y nangabuhay ng tamasa sa ibabaw ng lupa, at nangagalak; inyong pinataba ang inyong mga puso sa araw ng patayan. Inyong hinatulan at inyong pinatay ang matuwid; at hindi niya kayo nilalabanan.” Santiago 5:1, 3-6. PH 524.3
Kahit sa kanilang nagpapanggap na lumalakad sa pagkatakot sa Panginoon, mayroong muling nagsasakatuparan ng mga ginawa ng mararangal sa Israel. Sapagkat hawak nila ang kapangyarihan, kumukuha sila ng labis, at nagiging mapang-api. At sapagkat kasakiman at katusuhan ang nakikita sa buhay kahit na sa mga tumatawag sa pangalan ni Kristo, sapagkat nananatili pa rin sa mga aklat ng iglesia ang mga pangalan ng nagkamal ng kayamanan dahilan sa pagmamalabis, ang relihiyon ni Kristo ay nalalagay sa kahihiyan. Luho, pagmamalabis, pangingikil, ay nagpapasama ng pananampalataya ng marami at nagwawasak ng espirituwalidad. Ang iglesia na rin sa malaking bahagi ay may kapanagutan sa kasalanan ng kanyang mga kaanib. Kinukunsind niya ang kasamaan kung hindi siya nagtataas ng tinig laban dito. PH 525.1
Ang mga ugali ng sanlibutan ay hindi panuntunan ng Kristiano. Hindi niya ito dapat tularan, ang mga pagmamalabis, at pangingikil nito. Bawat walang katarungang kilos laban sa kapatid ay paglabag sa ginintuang batas. Bawat masamang gawa sa mga anak ng Dios ay kay Kristo na rin ginawa sa katauhan ng Kanyang mga banal. Bawat pagsisikap na pagsamantalahan ang kawalang kaalaman, kahinaan, o kakulangang palad ng sinuman ay itinatala sa aklat sa langit bilang pandaraya. Siya na tunay na natatakot sa Dios ay pipiliin pang gumawa gabi at araw, at kanin ang tinapay ng kahirapan, kaysa magpasasa sa pakinabang na nagpahirap sa babaeng balo at ulila o sa tagaibang lupa upang mag-iba ng daan. PH 525.2
Ang pinakamaliit na paglisan sa katuwiran ay nagbubuwag ng hadlang at naghahanda sa puso sa lalong malaking kawalang katarungan. At kung ang tao ay magsasamantala sa kapwa, ang kaluluwa niya ay magiging manhid sa impluwensya ng Espiritu ng Dios. Ang pakinabang na natamo sa ganitong paraan ay nakatatakot na kalugihan. PH 525.3
Tayong lahat ay may pagkakautang sa katarungan ng Dios, at wala tayong sukat na maibabayad. Ang anak ng Dios, na nahabag sa atin, ang nagbayad ng halaga ng ating katubusan. Siya ay naging dukha upang sa Kanyang kadukhaan tayo naman ay yumaman. Sa pamamagitan ng mga gawa ng kagandahang loob at biyaya sa Kanyang mga dukha ay maaari nating patunayan ang kataimtiman ng ating pagtanaw ng utang na loob sa kahabagang naipagkaloob sa atin. “Magsasagawa tayo ng mabuti sa lahat,” ang tagubilin ni apostol Pablo, “lalong lalo na sa mga kasambahay sa pananampalataya.” Galacia 6:10. At ang kanyang mga salita ay kaisa ng Tagapagligtas: “Sapagkat laging nasa inyo ang mga dukha, at kung kailanman ibigin ninyo ay mangyayaring magawan ninyo sila ng magaling.” “Kaya nga lahat ng mga bagay na ibig ninyong sa inyo’y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila: sapagkat ito ang sa kautusan at ang mga propeta.” Marcos 14:7; Mateo 7:12. PH 525.4