Ang kabanatang ito ay batay sa Nehemias 8; 9; 10.
Panahon noon ng Kapistahan ng mga Trumpeta. Marami ang nagkakatipon sa Jerusalem. Ang tanawin ay may kapanglawan. Ang pader ng Jerusalem ay naitayo na at ang pintuang-bayan ay nailagay na, ngunit ang kalakhang bahagi ng siyudad ay giba pa. PH 533.1
Sa isang entabladong yari sa kahoy, na itinayo sa isa sa mga malawak na lansangan, at napapalibutan sa lahat ng dako ng malagim na tanda ng nawalang kaluwalhatian ng Juda, ay nakatayo si Ezra, na matanda na. Sa kaliwa at kanan niya ay nakatayo ang kapatid na mga Levita. Tumitingin pababa mula sa entablado, ay nakita niya ang lubhang karamihan. Mula sa lahat ng nakapaligid na mga bansa ang mga anak ng tipan ay nagtipon. “At pinagpala ni Ezra ang Panginoon, ang dakilang Dios. At ang buong bayan ay tumugon, Amen:...at iniyukod nila ang mga ulo at sinamba ang Panginoon na ang kanilang mga mukha ay nakatungo.” PH 533.2
Ngunit kahit na dito ay makikita ang katibayan ng kasalanan ng Israel. Sa pakikipag-asawa nila sa mga taga-ibang lupa, ang wikang Hebreo ay sumama, at kinailangan ang maingat na pagsasalita upang maipaliwanag ang kautusan sa wika ng bayan, upang ito ay maunawaan ng lahat. Ang ilan sa mga saserdote at mga Levita ay kasama ni Ezra sa pagpapaliwanag ng mga prinsipyo ng kautusan. “At sila’y nagsibasa sa aklat sa kautusan ng Dios na maliwanag, at kanilang ibinigay ang kahulugan, na anupa’t kanilang nabatid ang binasa.” PH 533.3
“At ang pakinig ng bayan ay nakatuon sa aklat ng kautusan.” Nakinig silang may layunin at kabanalan, sa mga salita ng Kataastaasan. Habang ang utos ay ipinaliwanag, sila ay nakumbinse sa kanilang mga pagkakasala at sila ay namanglaw dahilan sa kanilang mga pag-salansang. Ngunit ang araw na ito ay kapistahan, araw ng pagdiriwang, isang banal na pagtitipon, isang araw na iniutos ng Dios sa bayan upang ingatang may kagalakan at sigla; at dahilan dito ay pinagbawalan silang malumbay; at sa halip ay magalak dahilan sa dakilang kahabagan ng Dios sa kanila. “Ang araw na ito ay banal sa Panginoon ninyong Dios,” sabi ni Nehemias. “Huwag kayong magsitaghoy, ni magsiiyak man.... Magsilakad kayo ng inyong lakad, magsikain kayo ng taba, at magsiinom kayo ng matamis, at mangagpadala kayo ng mga bahagi roon sa walang naihanda: sapagkat ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon: huwag din kayong inangamanglaw; sapagkat ang kagalakan sa Panginoon ay inyong kalakasan.” PH 533.4
Ang unang bahagi ng araw na iyon ay ginugol sa mga seremonyang relihiyoso, at ang bayan ay ginugol ang nalalabing oras na may pagpapasalamat at pag-alaala ng mga pagpapala ng Dios at sa pagtamasa ng Kanyang mga kaloob na kabutihan sa kanila. Ang ilang bahagi ay ipinadala rin sa mga dukha na walang naihanda. May dakilang pagdiriwang sapagkat ang mga salita ng Dios ay binasa at naunawaan. PH 534.1
Nang sumunod na araw ay ipinagpatuloy ang pagbasa at pagpapaliwanag ng kautusan. At sa panahong itinalaga—sa ikasampung araw ng ikapitong buwan—ang mga banal na serbisyo ng Araw ng Pagtubos ay isinagawa ayon sa utos ng Dios. PH 534.2
Mula sa ikalabing-lima hanggang ikadalawampu’t-dalawa ng buwan ding iyon ang bayan at mga pinuno ay pinagdiwang ang Kapistahan ng mga Tabernakulo. At kanilang ihahayag at itatanyag “sa lahat ng kanilang mga bayan, at sa Jerusalem, na sasabihin, Magsilabas kayo sa bundok, at magsikuha kayo ng mga sanga ng olibo, at ng mga sanga ng olibong gubat, at ng mga sanga ng mirto, at mga sanga ng palma, at mga sanga ng mga mayabong na punong kahoy, upang magsigawa ng mga balag, gaya ng nakasulat. Sa gayo’y lumabas ang bayan, at nangadala sila, at nagsigawa ng mga balag, bawat isa’y sa bubungan ng kanyang bahay, at sa kanilang mga looban, at sa mga looban ng bahay ng Dios.... At nagkaroon ng totoong malaking kasayahan. Gayon din naman araw-araw, mula sa unang araw hanggang sa huling araw, kanyang [Ezra] binasa ang aldat ng kautusan ng Dios.” PH 534.3
Sa kanilang pakikinig sa bawat araw ng mga salita ng kautusan, nadama ng bayan ang kanilang mga pagkakasala, pari na ng mga kasalanan ng mga nagdaang lahi. Nakita nilang dahilan sa paglayo sa Dios na ang Kanyang sanggalang ay binawi at ang mga anak ni Abraham ay nangalat sa mga ibang lupain, at ipinasya nilang hanapin ang Kanyang habag at magpanatang sila ay muling lalakad sa Kanyang mga kautusan. Bago pumasok sa banal na serbisyo, sa ikalawang araw ng pagtatapos ng Kapistahan ng mga Tabemakulo, inihiwalay nila ang mga pagano sa gitna nila. PH 534.4
Habang ang bayan ay nangayupapa sa harapan ng Panginoon, sa pagkukumpisal ng mga kasalanan at pagsamo sa pagpapatawad, ang mga lider ay nagpasigla sa kanila na manampalatayang dininig ng Dios ang kanilang mga dalangin. Hindi lamang sila dapat malumbay, at tumangis, at magsisi, kundi manampalatayang pinatawad sila ng Dios. Dapat nilang ihayag ang pananampalataya sa pag-alaala ng mga kahabagan at pagpupuri sa Kanyang kabutihan. “Tumindig kayo,” wika ng mga guro, “at pagpalain ang Panginoon ninyong Dios magpakailanman.” PH 537.1
At mula sa nagkakatipong karamihan, na nakadipa patungong langit, nadinig ang awit: PH 537.2
“At purihin ang Iyong maluwalhating pangalan,
Na nataas ng higit sa lahat ng pagpapala at pagpuri.
Ikaw ang Panginoon, Ikaw lamang;
Ikaw ang lumikha ng langit, ng langit ng mga langit, pati ng lahat na
natatanaw roon,
Ng lupa, at ng lahat na bagay na nangaroon,
Ng mga dagat, at ng lahat na nangaroon, At Iyong pinamalaging lahat;
At ang hukbo ng langit ay sumasamba sa Iyo.” PH 537.3
Ang awit ng papuri ay natapos, ang mga lider ng kongregasyon ay inulit ang kasaysayan ng Israel, na nagpakita kung gaano kadakila ang kabutihan ng Dios sa kanila, at gaano rin kalaki ang kanilang kawalang utang na loob. At ang buong kongregasyon ay pumasok sa isang tipanan na iingatan ang lahat ng kautusan ng Dios. Nagdusa sila ng parusa dahilan sa kanilang mga kasalanan; ngayon ay kinilala nila ang katarungan ng pakikitungo ng Dios sa kanila at nangakong tutuparin ang Kanyang utos. At upang ito ay maging “tiyak na tipan,” at maingatan sa permanenteng porma, bilang alaala ng tungkuling ipinataw nila sa sarili, ito ay isinulat, at ang mga saserdote, at Levita, at mga prinsipe ay pinirmahan ito. Ito ay upang maging alaala ng kanilang tungkulin at sanggalang laban sa tukso. Ang bayan ay nagpanatang “lumakad sa kautusang nabigay sa pamamagitan ni Moises na lingkod ng Dios, at isagawa ang lahat ng utos ng Panginoong Dios, at ang Kanyang mga kahatulan at Kanyang mga panuntunan.” Ang panata sa panahong ito ay kasama ang pangakong hindi sila mag-aasawa sa mga tao ng lupain. PH 537.4
Bago natapos ang araw ng pag-aayuno, ang bayan ay higit pang naghayag ng pasyang magbalik-loob sa Panginoon, sa panatang titigil sa pagyurak sa Sabbath. Sa panahong ito ay hindi ginagamit ni Nehemias ang otoridad upang bawalan ang mga paganong mangangalakal na pumasok sa Jerusalem; ngunit sa pagsisikap na iligtas ang bayan sa tukso, tinalian niya sila ng isang banal na tipan, na huwag salangsangin ang Sabbath sa pagbili sa mga mangangalakal na ito, umaasang ito ang magpapahina ng loob ng mga mangangalakal at upang mahinto ang kalakalan. PH 538.1
Ang paglalaan ay ginawa din upang tangkilikin ang pagsambang hayagan sa Dios. Upang madagdagan ang ikapu ang kapulungan ay nanatang magkaloob taon-taon ng isang halaga para sa paglilingkod sa santuwaryo. “At kami ay nangasapalaran,” sinulat ni Nehemias, “upang dalhin ang mga unang bunga ng aming lupa, at ang mga unang bunga ng lahat na bunga ng sari-saring puno ng kahoy, taontaon, sa bahay ng Panginoon: gayon din ang panganay sa aming mga anak na lalaki, at sa aming hayop, gaya ng nasusulat sa kautusan, at ang mga panganay sa aming bakahan at sa aming mga kawan.” PH 538.2
Ang Israel ay nanumbalik sa Dios na may malalim na kapanglawan sa kanilang pagtalikod. Nagkumpisal silang may kalumbayan at panaghoy. Nakilala nila ang katuwiran ng pakikitungo ng Dios sa kanila, at sila’y nakipagtipang sundin ang Kanyang utos. Ngayon naman ay dapat silang maghayag ng pananampalataya sa mga pangako Niya. Tinanggap ng Dios ang kanilang pagsisisi; ngayon ay dapat silang magdiwang sa kasiguruhan ng pagpapatawad ng kasalanan at pagsasauli nila sa pabor ng langit. PH 538.3
Ang mga pagsisikap ni Nehemias na ibalik ang pagsamba sa tunay na Dios ay nagkaroon ng tagumpay. Hanggang ang bayan ay tapat sa kanilang pangako, hangga't sila ay masunurin sa salita ng Dios, gayon din ay tutuparin ng Panginoon ang Kanyang pangako sa pagbubuhos sa kanila ng mayamang pagpapala. PH 538.4
Sa kanila na nakadama ng kasalanan at nabigatan ng pagkadama ng kawalang kabuluhan, may mga liksyon ng pananampalataya at pampasigla sa talang ito. Ang Biblia ay tapat na naglalarawan ng bunga ng pagtalikod ng Israel; ngunit inilalarawan din nito ang malalim na kahihiyan at pagsisisi, ang taimtim na pagtatalaga at mabiyayang sakripisyo, na nahayag sa panahon ng panunumbalik sa Panginoon. PH 538.5
Bawat tunay na panunumbalik sa Panginoon ay naghahatid ng nananatiling kagalakan sa buhay. Kapag ang makasalanan ay sumuko sa impluwensya ng Banal na Espiritu, nakikita niya ang mga sariling pagkakasala at karumihan sa harap ng kabanalan ng dakilang Tagasiyasat ng mga puso. Nakikita niya ang sariling kahatulan bilang tagasalangsang. Ngunit hindi siya dapat malumbay, dahilan dito, sapagkat ang pagpapatawad sa kanya ay natiyak na. Maaari siyang magalak sa pagkadama ng kasalanang pinatawad, sa pag-ibig ng isang Ama sa langit na nagpapatawad. Kaluwalhatian ng Dios na palibutan ang makasalanan, nagsisising tao sa mga bisig ng Kanyang pag-ibig, upang talian ang mga sugat, linisin mula sa mga karumihan ng kasalanan, at damitan sila ng mga damit ng kaligtasan. PH 539.1