Sa hula ng balita ng unang anghel sa ikalabingapat na kapitulo ng Apokalipsis ay ipinagpapauna ang tungkol sa isang malaking pagbabagong sigla sa relihiyon sa pangangaral ng madaling pagbalik ni Kristo. Isang anghel ang nakitang lumilipad sa “gitna ng langit, na may dalang mabuting balita na walang-hanggan, upang ipangaral sa mga tumatahan sa lupa at sa bawa't bansa, at lipi, at wika at bayan.” Ang pabalita ay ipinahahayag niya ng “malakas na tinig:” “Matakot kayo sa Diyos, at magbigay kaluwalhatian sa Kanya; sapagka't dumating ang panahon ng Kanyang paghatol: at magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”1Apocalipsis 14:6, 7. MT 269.1
Ang katunayan na isang anghel ang sinasabing tagapagbansag ng babalang ito ay makahulugan. Sa pamamagitan ng kalinisan, ng kaluwalhatian, at ng kapangyarihan noong sugong taga-langit, ang Diyos ay nalugod na ipahayag ang mataas na uri ng gawaing gagampanan ng pabalita, at ang kapangyarihan at kaluwalhatiang aakbay rito. At ang paglipad ng anghel “sa gitna ng langit,” ang “malakas na tinig” sa pagpapahayag ng babala, at ang pagkakalat nito sa “mga tumatahan sa lupa,“—sa bawa't bansa' at angkan at wika, at bayan,” —ay nagpapatunay ng kabilisan at kalaganapan ng kilusang ito sa buong sanlibutan. MT 269.2
Ang pabalita na rin ang nagsasaad kung kailan mangyayari ang kilusang ito. Ito ay sinasabing kabahagi ng “mabuting balita na walang-hanggan;” at ito ang nagpa- pahayag ng pagpapasimula ng paghuhukom. Ang pabalita ng kaligtasan ay ipinangaral sa lahat ng kapanahunan; datapuwa't ang pabalitang ito ay isang bahagi ng ebanghelyo na sa mga huling araw lamang maipangangaral, sapagka't sa panahong ito lamang magkakatotoo na dumating na ang panahon ng paghuhukom. Ang mga hula ay naglalahad ng sunud-sunod na pangyayari hanggang sa pagbubukas ng paghuhukom. Ito'y lalo ang pagkakatotoo sa aklat ni Daniel. Datapuwa't sa bahagi ng kanyang hula na tumutukoy sa mga huling araw, ay sinabihan si Daniel na isara at tatakan ang aklat “hanggang sa panahon ng kawakasan.” Hanggang hindi natin inaabot ang panahong ito ay hindi maipahahayag ang isang pabalita hinggil sa paghuhukom, na nasasalig sa isang katuparan ng mga hulang ito. Nguni't sinasabi ng propeta na sa panahon ng kawakasan, “ay marami ang tatakbo ng paroo't parito at ang kaalaman ay lalago.”2Daniel 12:4. Pinagpaunahan ni apostol Pablo ang iglesya na huwag hintayin noong kapanahunan niya ang pagdating ni Kristo. Ang araw na yaon ay “hindi darating,” ang sabi niya, “kundi dumating muna ang pagtaliwakas, at mahayag ang taong makasalanan.”32 Tesalonica 2:3. Hangga't hindi dumarating ang malaking pagtalikod, at ang mahabang panahon na paghahari ng “taong makasalanan,” ay hindi natin maaasahan ang pagdating ng ating Panginoon. Ang “taong makasalanan” na tinatawag din namang “hiwaga ng kasamaan,” ang “anak ng kapahamakan,” “yaong tampalasan,” ay siyang kumakatawan sa kapapahan, na, gaya ng ipinagpauna ng hula ay maghahari sa loob ng 1260 taon. Ang panahong ito ay natapos noong 1798. Ang pagdating ni Kristo ay hindi mauuna pa sa riyan. Ang babala ni Pablo ay sumasaklaw sa buong panahong Kristiyano hanggang sa taong 1798. Sa panig na ito ng panahong yaon ipangangaral ang pabalita tungkol sa ikalawang pagparito ni Kristo. MT 269.3
Nang mga nakaraang panahon ay walang iniaral na ganyang pabalita. Gaya ng ating nakita, hindi ito ipinangaral ni Pablo: Itinuro niya ang kanyang mga kapatid sa noon ay isang malayong hinaharap na pagdating ng Panginoon. Ito'y hindi ipinangaral ng mga Repormador. Inilagay ni Martin Lutero ang paghuhukom sa may tatlong daan pang taon pagkatapos ng kanyang kaarawan. Nguni't mula nang 1798 ay naalis ang tatak sa aklat ni Daniel, lumago ang pagkaalam sa mga hula, at marami ang nagpahayag ng mahalagang pabalita tungkol sa kalapitan ng kaarawan ng paghuhukom. MT 272.1
Katulad ng malaking Reporma noong ikalabing-anim na dantaon, ang kilusang Adventismo ay bumangong sabay-sabay sa iba't ibang bayan ng Sangkakristiyanuhan. Sa Europa at sa Amerika, ang mga taong may matitibay na pananampalataya at mga mapanalanginin ay naakay mag-aral ng mga hula, at nang saliksikin nila ang kinasihang ulat, ay nakita nila ang matitibay na katotohanan na dumating na ang wakas ng lahat ng bagay. Sa iba't ibang lupain ay may mga kalipunan ng mga Kristiyano na dumating sa paniniwala, sa pamamagitan lamang ng pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan, na malapit na ang pagdating ng Tagapagligtas. MT 272.2
Noong 1821, si Dr. Jose Wolff, ang “misyonero sa sanlibutan,” ay nagpasimulang mangaral ng tungkol sa madaling pagbalik ng Panginoon. MT 272.3
Sa loob ng dalawainpu't apat na taon, mula nang 1821 hanggang sa 1845, malawak ang nalakbay ni Wolff: sa Aprika, ay dinalaw niya ang Ehipto at Abisinya; sa Asya, ay nalakbay niya ang Palestina, Sirya, Persya, Bokhara, at Indiya. Nilakbay ni Dr. Wolff ang pinakamababangis na lupain, na wala isa mang nasa kapangyarihang Europeo ang sa kanya'y magsasanggalang, at nagbata siya ng maraming hirap at naligiran ng di-mabilang na kapahamakan. Siya'y hinampas at ginutom, ipinagbiling isang busabos, at makaitlong nahatulang patayin. Siya'y kinub- kob ng mga mandarambong, at kung minsa'y nanganganib mamatay dahil sa uhaw. Minsan ay sinamsaman siya ng lahat niyang ariarian, at iniwang maglakad ng daandaang milya na wala mang sapin ang paa, na sinasalpok ng niyebe ang kanyang mukha, at ang paa niyang walang sapin ay namanhid dahil sa lamig ng lupa. MT 272.4
Nang siya'y pagsabihang huwag makisama sa mga mababangis na tao kung wala siyang dalang sandata, ay ipinahayag niyang siya'y “may dalang sandata”—ang “panalangin at kasiglahan alang-alang kay Kristo, at pagtitiwala sa Kanyang tulong.” “Nasa aking puso rin naman,” ang wika niya “ang pag-ibig ng Diyos at ang pag-ibig sa aking kapuwa, at ang Banal na Kasulatan ay nasa aking kamay.”4W. H. D. Adams, In Perils Oft, p. 192. Saan man siya pumaroon ay dala niya ang Biblia sa wikang Hebreo at Ingles. Tungkol sa isa sa mga huli niyang paglalakbay ay ganito ang kanyang sinabi: “Aking. . . pinapanatiling bukas ang Biblia sa aking kamay. Naramdamang kong nasa aklat na ito ang aking kapangyarihan, at ang kapangyarihan nito'y siyang aalalay sa akin.”5W. H. D. Adams, In Perils Oft, p. 201. MT 273.1
Sa ganya'y nagpatuloy siya sa kanyang paggawa hanggang sa mailaganap sa malaking bahagi ng sanlibutang tinatahanan ng mga tao ang pabalita tungkol sa paghuhukom. Sa mga Hudyo, Turko. Parsis. at Hindu, at sa marami pang ibang bansa at lahi, ay ipinamahagi niya ang salita ng Diyos sa mga wikang ito at ipinahayag niya ang dumarating na paghahari ng Mesias. MT 273.2
Sa mga paglalakbay niya sa Bokhara ay nakatagpo siya ng mga tao sa malalayong dako na nananampalataya sa aral ng madaling pagparito ng Panginoon. Sinasabi niyang ang mga Arabe sa Yemen, “ay may isang aklat na tinatawag na Seera na nagpapahiwatig sa ikalawang pagparito ni Kristo at ng Kanyang paghahari sa kaluwalhatian; at inaasahan nilang mangyayari ang mga dakilang pangyayari sa taong 1840.”6Journal ni Rev. Joseph Wolff, p. 377. “Sa Yemen . . . ay anim na araw akong nakisama sa mga inanak ni Rekab. Hindi sila umiinom ng alak, o nagtatanim man ng ubas, o naghahasik man ng binhi, at sila'y tumitira sa mga tolda, at ginugunita nila ang mabuting matanda na si Jonadab, na anak ni Rekab; at sa kanilang kapulungan ay nakita ko ang mga anak ni Israel, sa angkan ni Dan . . . na, kasama ng angkan ni Rekab, ay umaasang madaling darating ang Mesias sa mga alapaap ng langit.”7Journal ni Rev. Joseph Wolff, p.389. MT 273.3
Ganyan ding pananampalataya ang natagpuan ng isang misyonero sa Tartarya. Nagtanong ang isang saserdoteng Tartaro sa misyonero kung kailan ang ikalawang pagparito ni Kristo. Nang itugon ng misyonro na wala siyang anumang naaalaman tungkol doon, nagtakang mainam ang saserdote sa gayong di pagkaalam ng isang nagbabansag na tagapagturo ng Biblia, at ipinahayag niya ang kanyang paniniwala na nasasalig sa hula, na si Kristo'y paririto humigit kumulang sa 1844. MT 274.1
Noon pa mang 1826 ay ipinangaral na sa Inglatera ang pabalitang Adventismo. Ang kilusan dito ay hindi tiyakang nakatulad ng kilusan sa Amerika; ang hustong panahon na idarating ni Kristo ay hindi itinuro sa karamihan, nguni't ipinangaral sa lahat ng pook ang dakilang katotohanan ng madaling pagparito ni Kristo sa kapangyarihan at kaluwalhatian. At ito'y ipinangaral hindi lamang sa gitna ng mga nagsisitutol at ng mga ayaw sumang-ayon. Ipinahayag ni Mourant Brock, isang manunulat na Ingles, na kulang-kulang sa pitong daang ministro ng Iglesya sa Inglatera ang nangaral ng “ebanghelyong ito ng kaharian.” Ang pabalitang tumutukoy sa 1844 na siyang panahong iparirito ni Kristo ay ipinangaral din naman sa Gran Britanya. Ang mga babasahing galing sa Estados Unidos tungkol sa muling pagparito ay malawak na ipinangalat. Mga aklat at pahayagan ay muling nilimbag sa Inglatera. At noong 1842 si Roberto Winter, isang Ingles, na tumanggap ng pananampalatayang Adventismo sa Amerika, ay umuwi sa kanyang tinubuang bayan upang ihayag ang pagparito ng Panginoon. Marami ang nakisama sa kanya sa gawaing ito, at ang pabalita tungkol sa paghuhukom ay ipinangaral sa iba't ibang bahagi ng Inglatera. MT 274.2
Sa Timog Amerika, sa gitna ng mga barbaro at kahigpitan ng mga pari, si Lacunza na isang Jesuitang Kastila, ay nakakilala ng mga Banal na Kasulatan, at sa ganito'y tinanggap niya ang katotohanan tungkol sa madaling pagdating ni Kristo. Mahigpit na nakilos upang magbigay ng babala, gayon ma'y nais din niyang maiwasan ang pagsinghal ng Roma, inilathala niya ang kanyang mga kuru-kuro sa pangalang “Rabbi Ben-Ezra,” na nagkukunwaring siya'y isang Hudyong nahikayat. Nabuhay si Lacunza noong ikalabingwalong dantaon, nguni't ang kanyang aklat na nakarating sa Londres ay noon lamang taong 1825 napasalin sa wikang Ingles. Ang pagkapaglathala nito ay nagpalaki ng interes sa paksa ng ikalawang pagdating na noo'y nagsisimula na sa Inglatera. Sa Alemanya ay si Bengel, isang ministro ng Iglesya Luterana, at isang palaaral ng Banal na Kasulatan, at tagasuri, ang nagturo ng aral ding ito noong ikalabingwalong dantaon. MT 275.1
Ang mga sinulat ni Bengel ay ikinalat sa buong Sangkakristiyanuhan. Ang kanyang mga paniniwala tungkol sa hula ay tinanggap ng kalahatan sa kanyang lalawigan sa Wurtemberg, at sa iba pang bahagi ng Alemanya. Ang kilusan ay nagpatuloy pagkamatay niya, at ang pabalitang Adventismo ay narinig sa Alemanya noong mga panahong ang pabalitang ito'y tumatawag ng mga tao sa ibang lupain. Sa pasimula ng kilusan, ang ilan sa nanampalataya ay tumungo sa Rusya, at doo'y bumuo sila ng mga kolonya, at ang pananampalataya sa madaling pagparito ni Kristo ay iniingatan pa rin hangga ngayon ng mga iglesyang Aleman sa bayang yaon. MT 275.2
Sumilang din naman ang liwanag na ito sa Pransya at sa Suisa. Sa Henebra, na pinangaralan nina Farel at Calvino ng mga katotohanan ng Reporma, ay ipinangaral naman ni Gausen ang pabalita tungkol sa ikalawang pagparito. Sa Eskandinabya ay ipinangaral din ang pabalitang Adventismo at ito'y lumikha sa mga tao ng malaking pag-ibig sa katotohanan. Marami ang nagising sa kanilang walang-ingat na kapanatagan, upang magpahayag at tumalikod sa kanilang mga kasalanan, at hanapin ang kapatawaran sa pangalan ni Kristo. Datapuwa't ang mga pari ng iglesya ng pamahalaan ay sumalansang sa kilusan, at sa pamamagitan nila ay nabilanggo ang iba sa pangangaral ng pabalita. Sa maraming pook na pinipigil ang mga nangangaral ng ikalawang pagparito ng Panginoon, ay minarapat ng Diyos na magsugo ng kanyang pabalita, sa isang mahiwagang kaparaanan, sa pamamagitan ng maliliit na bata. Dala ng kanilang kabataan, at wala pa sila sa hustong gulang ay hindi sila mapigil ng batas ng pamahalaan at pinahintulutan silang makapangaral. MT 276.1
Ang kilusan ay lalong namayani sa mga hamak na mamamayan, at sa tahanan ng mga karaniwang manggagawa nagkatipon ang mga tao upang makinig sa babala. Ang mga batang nangangaral ay kadalasang mga dukha. Ang ilan sa kanila ay hindi pa hihigit sa anim o walong taong gulang; at bagaman ang kanilang mga kabuhayan ay sumasaksing iniibig nila ang Tagapagligtas at nagsisikap silang sumunod sa mga banal na utos ng Diyos, ang karaniwan nilang kabuhayan ay nagpapakilala ng kaalaman at kakayahan na makikita lamang sa mga bata sa gulang na iyon. Gayon ma'y kapag tumatayo sila sa harap ng mga tao, maliwanag na kinikilos sila ng isang kapangyarihang higit sa kanilang katutubong mga kaloob. Ang kanilang pananalita at kilos ay nababago, at sa pamamagitan ng banal na kapangyarihan ay ipinahayag nila ang banal na babala tungkol sa paghuhukom, na ang pangungusap na rin ng Banal na Kasulatan ang kanilang ginamit: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay kaluwalhatian sa Kanya sapagka't dumating ang panahon ng kanyang paghatol.” Sinaway nila ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, hindi lamang ang kalaswaan at masamang kaugalian ang kanilang hinatulan, kundi pati ng pagkamakasanlibutan at pagtalikod sa pananampalataya, at pinangaralan ang sa kanila'y nakikinig na tumakas sa darating na poot. MT 276.2
Nanginig ang mga tao sa pagkarinig nila ng mga pangungusap na ito. Ang Espiritu ng Diyos na sumumbat sa mga kasalanan ay nagsalita sa kanilang mga puso. Marami ang naakay na muling magsaliksik ng mga Banal na Kasulatan na taglay ang mataos na pag-ibig, nagbago ang mga walang pagtitimpi at may maruming kaugalian, ang iba naman ay humiwalay sa kanilang masamang gawain, at isang gawain ang hayag na hayag na naganap na anupa't ang mga ministro ng iglesya ng pamahalaan ay napilitang kumilala na ang kamay ng Diyos ay nasa kilusang yaon. MT 277.1