Kay Guillermo Miller at sa kanyang mga kamanggagawa ay ipinagkatiwala ang pangangaral ng pabalita sa Amerika. Ang lupang ito ang naging sentro ng malaking Kilusang Adventista. Dito nagkaroon ng pinakatuwirang katuparan ang hula tungkol sa pabalita ng unang sinugong anghel. MT 279.1
Ang tanging hinirang ng Diyos upang manguna sa pagpapahayag ng ikalawang pagparito ni Kristo ay isang matuwid at tapat na magbubukid, na nag-aalinlangan sa banal na kapangyarihan ng Kasulatan, gayon ma'y buong pusong nananabik na maalaman ang katotohanan. Katulad ng maraming Repormador, si Guillermo Miller ay nakipagbaka sa karukhaan sa kanyang pagkabata pa lamang, at sa gayo'y natutuhan niya ang dakilang aral ng kasipagan at pagtitipid. MT 279.2
Siya'y may mabuting pangangatawan, at sa kabataan pa man ay nakitaan na siya ng katunayan ng hindi pangkaraniwang katalinuhan. Habang siya'y tumatanda ay lalo namang nahayag ito. Matalas at hinog ang kanyang pag-iisip, at malaki ang kauhawan niya sa karunungan. Bagaman hindi siya tumuntong ng kolehiyo, ang pagibig niyang makapag-aral, at ang ugali niyang banayad kung magkuru-kuro at mahigpit kung sumuri ay siyang sa kanya'y nagpaging isang tao na may malusog na pagiisip at malawak na kaalaman. Ang kanyang pag-uugali ay di-maaaaring hamakin at ang kanyang kabantugan ay kahili-hili, at siya'y pinupuri dahil sa kanyang pagkamatapat at pagkamatipid at kabutihang loob. Dahil sa sidhi ng kanyang kasipagan at katiyagaan, ay maagang natuto siya bagaman ang dati niyang ugali sa pag-aaral ay hindi nawala sa kanya. Siya'y napalagay sa iba t ibang tungkuling sibil at militar at pawang ipinagkapuri niya, at ang mga daan na tungo sa kayamanan at karangalan ay waring bukas na bukas sa harapan niya. MT 279.3
Ang kanyang ina'y isang babaeng sa kabanala'y di mapintasan at sa kasanggulan pa'y nakintal na sa isipan ni Miller ang mga bagay na ukol sa relihiyon. Nang siya'y magbinata na, napasapi siya sa kapisanan ng mga deista na may malalakas na impluensiya sa dahilang ang marami sa kanila'y mabubuting mamamayan, at maramayin at may magagandang kalooban. Palibhasa'y nanganirahan sila sa gitna ng mga kalipunang Kristiyano, ang likas nila ay nahubog ng diwang sa kanila'y nakapalibot. Ang mga kagalingan na dahil dito sila'y pinagkatiwalaan at iginalang, ay utang nila sa Banal na Kasulatan; gayunma'y ang mabubuting kaloob na ito ay binaligtad nila ng gayon na lamang na anupa't ang kanilang impluensya ay naging laban sa salita ng Diyos. Sa pakikilaguyo ni Miller sa mga taong ito, ay naakay siya sa pagtanggap ng kanilang mga paniniwala. Ang umiiral na mga paliwanag tungkol sa Banal na Kasulatan ay nagharap sa kanya ng mga kagusutan na mandi'y hindi mapanagumpayan; subali't bagaman tinatanggihan ng bago niyang paniniwala ang Banal na Kasulatan, wala namang anumang ibinibigay na lalong mabuti, at siya'y lalo lamang di-nasiyahan. Kulangkulang sa labindalawang taong pinanghawakan ni Miller ang mga paniniwalang ito. Datapuwa't nang sumapit na siya sa gulang na tatlumpu't apat na taon, ay ipinadama sa kanyang puso ng Banal na Espiritu ang kanyang pagkamakasalanan. Sa kanyang dating paniniwala ay wala siyang makitang anumang pangako na sa kanya'y magdudulot ng katuwaan sa likod ng libingan. Ang hinaharap ay madilim at makulimlim. MT 280.1
Nanatili siya ng mga ilang buwan sa ganitong kalagayan. “Biglang-bigla,” ang sabi niya, “na ang likas ng isang Tagapagligtas ay buhay na buhay na nakintal sa aking pag-isip. Wari mandi'y may isang gaya Niya na napakabuti at napakamaibigin, na tumubos sa ating mga pagsalansang, at sa gayo'y mailigtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan. Naramdaman ko na Siya'y totoong kaibig-ibig, ipinalagay kong maaari ko nang ilagak ang aking sarili sa Kanyang mga kamay at sa Kanyang kaawaan. Datapuwa't bumangon sa akin ang katanungan, paano ko mapatutunayan na may nabubuhay na gayon? Maliban sa Biblia ay napaghulo kong wala akong kasusumpungan ng anumang katunayan na talagang mayroon ngang nabuhay na isang ganyang Tagapagligtas, o may isang kalagayan sa hinaharap. . . . MT 280.2
“Nakita kong mayroon ngang isang ganyang Tagapagligtas na inihayag ng Kasulatan na siya kong kailangan; at ako'y nagulumihanan sa aking pagsisiyasat kung paano kayang ang isang aklat na hindi kinasihan ng Banal na Espritu ay makagagawa ng mga simulaing agpangna-agpang sa mga pangangailangan ng isang sanlibutarg nagkasala. Napilitan akong umamin na ang Banal na Kasulatan ay isang pahayag na mula sa Diyos. Ang mga ito ay naging aking kaluguran; at kay Jesus ay natuklasang ko ang isang kaibigan. Sa akin, ang Tagapagligtas ay naging pinakamainam sa sampung libo; at ang mga Banal na Kasulatan na noong una ay madilim at laban-laban, ngayon ay naging ilawan sa aking mga paa at liwanag sa aking landas. Nanahimik at nasiyahan ang aking pagiisip. MT 281.1
“Ang Banal na Kasulatan ay siya ngayong lagi kong pinag-aaralan, at tapat kong masasabi, na sinaliksik ko itong may malaking pagkalugod. Nasumpungan kong ang kalahati ay hindi nasabi sa akin kailan man. Pinagtakhan ko kung bakit hindi ko nakita ang kagandahan at kaluwalhatian nito noong una, at namangha ako kung bakit ito'y aking natanggihan. Nasumpungan kong nahahayag dito ang lahat ng mananasa ng aking puso, gayon din ang isang lunas sa bawa't sakit ng kaluluwa. Nawala sa akin ang pagnanasa na bumasa ng iba pang aklat, at itinalaga ko ang aking puso sa paghanap ng karunungang galing sa Diyos.”1S. Bliss, Memoirs of William Miller, p. 65-67. MT 281.2
Hayagang ipinagpanggap ni Miller ang kanyang pananampalataya sa relihiyong niwalang halaga niya noong una. Datapuwa't ang mga kasamahan niyang di-kumikilala sa Diyos ay nagharap sa kanya niyaong mga katuwirang ginagamit niya nang una laban sa banal na kapangyarihan ng mga Kasulatan. Hindi pa siya noon handang sumagot sa mga ito: datapuwa't iminatuwid niya na kung ang Biblia ay isang pahayag na mula sa Diyos ay dapat magkaroon ito ng kaisahan sa kanyang sarili; at sapagka't ito'y ibinigay upang magturo sa mga tao, dapat itong mabagay sa kaunawaan ng tao. Ipinasiya niya na pagaralan ang Banal na Kasulatan at siyasatin kung talaga ngang ang bawa't tila nagkakasalungatang sinasabi ay hindi mapagkakasundo. MT 282.1
Sa pagsisikap niyang iwan ang kanyang dating mga paniniwala hindi siya gumamit ng mga komentaryo, kundi ipinaris niya ang isang talata sa ibang talata sa pamamagitan ng tulong ng kongkordansya at ng mga reperensya sa gilid ng Kasulatan. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa isang maayos na paraan; mula sa Genesis ay binasa niya ang bawa't talata at hindi niya iniwan ang isang talata hanggang sa hindi niya nauunawa ang kahulugan niyaon, upang huwag siyang maiwan sa pagkalito. Pagka nakatagpo siya ng anumang bagay na malabo ay ugali niya ang ito'y iparis sa bawa't ibang talatang waring may kinalaman sa suliraning pinag-aaralan. Ang bawa't salita ay pinababayaan niyang mangahulugan sang-ayon sa punong isipan ng talatang kinapapalooban niya, at kung ang kanyang paniniwala tungkol dito ay kaayon ng katabing talata, hindi ito nagiging mahirap sa kanya. Sa ganyan, kailan ma't inakatagpo siya ng talatang mahirap unawain ay nakakasumpong naman siya ng paliwanag sa ibang bahagi ng Banal na Kasulatan. Sa kanyang pag-aaral na may kalakip na mga panalangin upang humingi ng banal na liwanag, yaong tila madilim sa kanya noong una ay lumiliwanag. Naranasan niya ang katotohanan ng pangungusap ng Mangaawit: “Ang bukas ng Iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ng unawa sa walang muwang.”2Mga Awit 119:130. MT 282.2
Pinag-aralan niya na taglay ang malaking kasabikan, ang aklat ni Daniel at ang Apokalipsis, na ginamit niya iyon ding mga simulain niya sa pagpapaliwanag ng ibang talata, at nagalak siyang totoo nang masumpungan niyang ang mga sagisag na ginamit ng hula ay maaaring maunawa. Nakita niyang ang mga hula, alinsunod sa naging katuparan, ay nangatupad ng sang-ayon sa natititik; na ang lahat ng iba't ibang paglalarawan, sagisag, pagwawangis, talinhaga, at iba pa, ay ipinaliliwanag doon din sa kinababanggitang iyon, o kung dili'y ang mga pangungusap nito ay ipinaliliwanag sa ibang talata, at kung ipinaliwanag sa ganyang paraan ay mauunawa na ayon sa pagkasulat. “Ako'y nasiyahan,” anya “na ang Banal na Kasulatan ay isang hanay ng mga inihayag na katotohanan, na gayon na lamang kalinaw at kagaan, na anupa't ang taong palakad-lakad kahi't mangmang man ay hindi dapat magkamali.”3S. Bliss, Memoirs of William Miller, p. 70. Sunud-sunod na pagkaalam ng katotohanan ang naging kagantihan ng kanyang mga pagsisikap, nang tugaygayan niyang sunud-sunod ang mga dakilang hanay ng hula. Ang kanyang pagiisip ay inaakay ng mga anghel ng langit, at binubuksan nila sa kanyang unawa ang mga Banal na Kasulatan. MT 283.1
Natagpuan ni Miller na ang literal at personal na pagparito ni Kristo, ay malinaw na itinuturo sa mga Banal na Kasulatan. Ani Pablo: “Ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Diyos.”41 Tesalonica 4:16, 17. At ipinahayag ng Tagapagligtas: “Mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” “Sapagka't gaya ng kidlat na kumikidlat sa silangan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak na tao.”5Mateo 24:30, 27, 31. Siya ay sasamahan ng lahat ng hukbo sa kalangitan. Paririto ang “Anak ng tao na nasa Kanyang kaluwalhatian, na kasama Niya ang lahat ng mga anghel.”6Mateo 25:31-34. At susuguin Niya ang Kanyang mga anghel na may matinding tunog ng pakakak, at kanilang titipunin ang Kanyang hinirang.”5Mateo 24:30, 27, 31. MT 283.2
Sa Kanyang pagparito ay bubuhayin ang mga patay na banal, at ang mga banal na nabubuhay ay babaguhin. “Hindi tayong lahat. ay mangatutulog,” ang sabi ni Pablo, “nguni't tayong lahat ay babaguhin, sa isang sandali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka't tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na mag-uli na walang kasiraan, at tayo'y babaguhin. Sapagka't kinakailangan na itong may kasira an ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.”71 Corinto 15:51-53. At sa kanyang sulat sa mga taga Tesalonika, pagkatapos na mailarawan niya ang pagparito ng Panginoon ay idinugtong niya: “Ang nangamatay kay Kristo ay unang mangabubuhay na mag-uli: kung magkagayon, tayong nangabubuhay na nangatitira ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin; at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man.”41 Tesalonica 4:16, 17. Hanggang sa hindi dumarating dito si Kristo na nasa Kanyang katawan ay hindi maipamamana sa Kanyang bayan ang kaharian. Anang Tagapagligtas: “Pagparito ng Anak ng tao, na nasa Kanyang kaluwalhatian, na kasama Niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo'y luluklok Siya sa luklukan ng Kanyang kaluwalhatian. At titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa; at sila'y pagbubukdin-bukdin Niya na gaya ng pagbubukod-bukod ng pastor sa mga tupa at sa mga kambing; at ilalagay Niya ang mga tupa sa Kanyang kanan, datapuwa't sa kaliwa ang mga kambing. Kung magkagayo'y sasabihin ng Hari sa nangasa Kanyang kanan: Magsiparito kayo mga pinagpala ng Aking Ama manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat ng itatag ang sanlibutan.”6Mateo 25:31-34. MT 284.1
Sa pamamagitan ng mga talatang ito ay nakita na natin, na sa pagdating ng Anak ng tao, ang mga patay ay mabubuhay na walang kasiraan, at ang nabubuhay ay babaguhin. Sa pamamagitan ng dakilang pagbabagong ito ay mahahanda silang manahin ang kaharian; sapagka't sinasabi ni Pablo, na “ang laman at ang dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos ni ang kasiraan ay magmamana ng walang kasiraan.”81 Corinto 15:50. Ang tao, sa kanyang kasalukuyang kalagayan ay may kamatayan, may kasiraan; datapuwa't ang kaharian ng Diyos ay hindi masisira, kundi mananatili magpakailan man. Kung gayon ang tao, sa kanyang kasalukuyang kalagayan, ay hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Datapuwa't pagka dumating na si Jesus, ay bibigyan niya ng kawalang kamatayan ang Kanyang bayan; at kung magkagayo'y tatawagin Niya sila upang manahin ang kaharian na hanggang sa mga panahong ito ay hindi pa nila namamana. MT 285.1
Ang hula na tila napakalinaw na naghahayag ng panahon ng ikalawang pagparito ni Kristo ay ang nasa Daniel 8:14: “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daan na hapon at umaga; kung magkagayo'y malilinis ang santuaryo.” Sa pagsunod ni Miller sa kanyang patakaran na gawin ang Kasulatan na tagapagpaliwanag ng Kasulatan, natutuhan niya na ang isang araw sa hulang sumasagisag ay kumakatawan sa isang taon;9Mga Bilang 14:34; Ezekiel 4:6. nakita niyang ang panahong 2300 araw na hula o 2300 taon, ay lalampas sa wakas ng kapanahunan ng mga Hudyo sa makatuwid ay hindi tumutukoy sa santuaryo ng kapanahunang iyon. Tinanggap ni Miller ang karaniwang paniniwala ng karamihan, na sa kapanahunang Kristiyano, ang lupa ay siyang santuaryo; kaya't ang pagkaalam niya sa paglilinis ng santuaryo na hinulaan sa Daniel 8:14 ay nangangahulugan ng paglilinis ng lupang ito sa pamamagitan ng apoy sa ikalawang pagparito ni Kristo. MT 285.2
Dahil dito'y kung matatagpuan lamang ang hustong panahon na ipagpapasimula ng 2300 araw ay sinabi niyang madaling matitiyak kung kailan paririto si Kristo sa ikalawa. Sa ganya'y mahahayag ang panahon ng dakilang wakas, panahon na ang kasalukuyang kalagayan ng mga bagay-bagay pati “ng lahat ng kapalaluan at kapangyarihan, karangyaan at kalayawan, katampalasanan at paniniil, ay darating sa wakas,” na kung magkagayo'y ang sama'y maaalis sa lupa, ang kamatayan ay lilipulin, ang kagantihan ay ibibigay sa mga lingkod ng Diyos, sa mga propeta at sa mga banal, at sa lahat na natatakot sa Kanyang pangalan, at ipapahamak niya ang lahat ng nagpahamak sa lupa.”10S. Bliss, Memoirs of William Miller, p. 76. MT 286.1
Taglay ang bago at taos na kasipagan ay itinuloy ni Miller ang pagsisiyasat ng mga hula, magdamagan, maghapunan ang ginugol noon na sa ganang kanya ay napakamahalaga at lubhang kailangan. Sa ikawalong pangkat ni Daniel ay wala siyang makita-kitang maaaring magsabi ng pasimula ng 2300 araw; ang anghel Gabriel bagaman inutusang ipaliwanag kay Daniel ang pangitain, ay bahagi lamang ang ipinaliwanag. Nang ilahad sa harap ng propeta ang kakila-kilabot na pag-uusig na daranasin ng iglesya ay nawalan siya ng lakas. Hindi na siya makapagbata, at sandaling iniwan siya ng anghel. Si Daniel ay “nanglupaypay at nagkasakit ng ilang araw.” “At ako'y natigilan sa pangitain,” ang wika niya “nguni't walang magpaaninaw.”11Daniel 8:27. MT 286.2
Gayunman, ay pinagbilinan ng Diyos ang Kanyang sugo: “Ipaaninaw mo sa taong ito ang pangitain.”12Daniel 8:16. Ang biling yaong ay nararapat tupdin. At dahil sa pagsunod dito, pagkatapos ng ilang panahon, ang anghel ay bumalik kay Daniel, na nagsabi: “Ako'y lumabas ngayon upang ipaaninaw ko sa iyo,” “kaya't gunitain mo ang bagay at unawain mo ang pangitain.”13Daniel 9:22, 23. MT 287.1
Sa pangitaing nasa ikawalong pangka't ay may isang mahalagang bahagi na iniwang hindi ipinaliwanag, yaong tungkol sa panahon—panahon ng 2300 araw; kaya nga't nang ipagpatuloy ng anghel ang kanyang paliwanag, ay tungkol sa panahon lamang ang kanyang sinabi: MT 287.2
“Pitumpung sanlinggo ang ipinasiya sa iyong mga tao at sa iyong banal na bayan. . . . Iyo ngang talas-tasin at bulayin, na mula sa paglabas ng utos na isauli at itayo ang Jerusalem sa Pinahiran na prinsipe, magiging pitong sanlinggo at animnapu't dalawang sanlinggo: ito'y matatayo uli, na may lansangan, at kuta, samakatuwid baga'y sa mga panahong mabagabag. At pagkatapos ng animnapu't dalawang sanlinggo, mahihiwalay ang Pinahiran, at mawawalan ng anuman. . . . At pagtitibayin Niya ang tipan sa marami sa isang sanlinggo; at sa kalahati ng sanlinggo ay Kanyang ipatitigil ang hain at ang alay.”14Daniel 9:24-27. MT 287.3
Ang anghel ay sinugo kay Daniel upang sa kanya'y ipaliwanag ang bahagi ng pangitain na hindi niya naunawa sa ikawalong pangkat, yaong pahayag na tumutukoy sa panahon—“Hanggang sa dalawang libo at tatlong daan na hapon at umaga, kung magkagayo'y malilinis ang santuaryo.” Pagkatapos na masabi ng anghel kay Daniel na “gunitain mo ang bagay, at unawain mo ang pangitain,” ay ganito ang mga una niyang pangungusap: “Pitumpung sanlinggo ang ipinasiya sa iyong mga tao, at sa iyong banal na bayan.” MT 287.4
Ang tunay na kahulugan ng salitang dito'y isinalin na “ipinasiya” ay “pinutol.” Ang pitumpung sanlinggo, o 490 taon ay sinabi ng anghel na pinutol, bilang tanging sa mga Hudyo lamang. Datapuwa't saan pinutol ang panahong iyon? Sapagka't ang 2300 araw ay siya lamang panahong binabanggit sa ikawalong pangka't, walang pagsalang ito nga ang panahon na pinagputulan ng pitumpung sanlinggo; samakatuwid ang pitumpung sanlinggo ay dapat na maging bahagi ng 2300 araw, at ang dalawang kapanahunang ito ay nararapat na magpasimulang sabay. Ipinahayag ng anghel na ang pitumpung sanlinggo ay magpapasimula sa paglabas ng utos na isauli at itayo ang Jerusalem. Kung masusumpungan ang taon na inilabas ng utos na ito, ay matitiyak ang panahong ipinagpasimula ng mahabang panahon na 2300 araw. MT 288.1
Ang utos ay matatagpuan sa ikapitong pangkat ng Ezra.15Ezra 7:12-26. Ang bagong kayarian ng utos na ito ay pinalabas ni Artaherhes na hari sa Persia, noong 457 B. K. Datapuwa't sa Ezra 6:14 ang bahay ng Panginoon sa Jerusalem ay sinabing naitayo “ayon sa utos ni Ciro, at ni Dario at ni Artaherhes na hari sa Persia.” Sa pagpapasimula, pagpapatibay na muli, at pagtatapos, ng tatlong haring ito sa pasiya, ay binuo nila ang utos alinsunod sa kahilingan ng hula, upang magtakda ng pasimula ng 2300 taon. Kung ang 457 B.K. panahon na ikinatapos ng pasiya, ay gagawin nating pasimula ng utos, ang bawa't katangian ng hula hinggil sa pitumpung sanlinggo ay makikita nating tupad na tupad. MT 288.2
“Mula sa paglabas ng utos na isauli at itayo ang Jerusalem hanggang sa pinahiran na Prinsipe ay magiging pitong sanlinggo, at animnapu't dalawang sanling- go” — samakatuwid ay animnapu't siyam na sanlinggo, o 483 taon. Ang pasiya ni Artaherhes ay nagkabisa nang magtatapos ang taong 457 B. K. Mula sa taong ito, kung bibilang tayo ng 483 taon, ay aabot tayo sa panahong taglagas ng 27 P.K.16Tingnan ang balangkas sa p… Nang panahong iyon ay natupad ang hula. Nang panahong taglagas ng taong 27 P.K. bininyagan ni Juan si Kristo at pinahiran siya ng Banal na Espiritu. Ang kahulugan ng salitang “Pinahiran na Prinsipe” ay “Mesias.” Pinatutunayan ni apostol Pedro na si “Jesus na taga Nazaret . . . ay pinahiran ng Diyos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan.”17Mga Gawa 10:38. At ang Tagapagligtas na rin ang nagsabi “Sumasa Akin ang Espiritu ng Panginoon, sapagka't Ako'y pinahiran Niya upang ipangaral ang mabuting balita sa mga dukha.”18Lucas 4:18. Pagkatapos na Siya'y mabinyagan ay naparoon Siya sa Galilea, “na ipinangangaral ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos at nagsasabi, Naganap na ang Panahon.”19Marcos 1:14, 15. MT 288.3
“Pagtitibayin Niya ang tipan sa marami sa sanlinggo.” Ang “sanlinggong” ito ay siyang kahuli-hulihan sa pitumpung sanlinggo; at ito ang huling pitong taon ng panahong itinaan sa mga Hudyo. Sa panahong ito, mula sa 27 P. K. hanggang sa 34 P. K. Si Kristo na rin, at pagkatapos ay ang Kanyang mga alagad, ang naglaganap ng paanyaya ng ebanghelyo sa mga Hudyo lamang. Sa paghayo ng mga alagad na taglay ang mabuting balita ng kaharian, ang bilin sa kanila ng Tagapagligtas ay “huwag kayong magsitungo sa alin mang daan ng mga Hentil at huwag kayong magsipasok sa alin mang bayan ng mga taga Samaria; kundi bagkus magsiparoon kayo sa mga tupang nangawaglit sa bahay ni Israel.”20Mateo 10:5, 6. MT 289.1
“Sa kalahati ng sanlinggo ay ipatitigil Niya ang hain at ang alay.” Nang 31 P. K. tatlong taon at kalahati pagkatapos na Siya'y mabinyagan, Siya'y ipinako sa krus. Kasama ng dakilang hain na inialay sa Kalbaryo, ay nawa- kasan iyong kaayusan ng mga paghahandog na sa apat na raang taon ay tumukoy sa Kordero ng Diyos. Nagkatagpo ang anino at ang inaninuhan, at lahat ng hain at alay ng seremonya ay nawakasan doon. MT 289.2
Nakita na natin na ang pitumpung sanlinggo, o 490 taon, na tanging itinaan sa mga Hudyo, ay nawakasan noong 34 P. K.21Paliwonag: Ang P. K. ay nangangahulugan nang “Pagkatapos na magkatawang tao si Kristo.” Ang B. K. av nangangahulugan nang “Bago magkatawang tao si Kristo.”Nang panahong yaon sa pamamagitan ng pasiya ng Sanhedrin ng mga Hudyo ay tinatakan ng bansang Hudyo ang kanyang pagtanggi sa ebanghelyo sa pamamagitan ng pagpatay kay Esteban at sa pag-uusig sa mga sumusunod kay Kristo. Nang magkagayo'y ang balita ng kaligtasan ay hindi lamang sa bayang hinirang ipinangaral kundi sa buong sanlibutan din naman. Ang mga alagad, na dahil sa pag-uusig ay napilitang tumakas sa Jerusalem, ay “nagsipaglakbay, na ipinangangaral ang Salita.” “Bumaba si Felipe sa bayan ng Samarya, at ipinangaral sa kanila si Kristo.” Si Pedro, na inakay ng Banal na Espiritu, ay nagbukas ng ebanghelyo sa punong kawal ng Cesarea, kay Cornelio na matatakutin sa Diyos; at ang masipag na si Pablo, nang manampalataya kay Kristo ay pinagbilinan na dalhin niya ang mabubuting balita sa “malayo sa mga Hentil.”22Mga Gawa 8:4, 5; 22.21. MT 290.1
Hanggang diyan ay maliwanag na natupad ang bawa't katangian ng hula, at ang pasimula ng pitumpung sanlinggo ay nailagay sa 457 B. K. na walang pag-aalinlangan at ang wakas nito ay sa 34 P. K. Mula sa mga katunayang ito ay wala nang liwag pang matatagpuan natin ang wakas ng 2300 araw. Pagkaalis ng pitumpung sanlinggo —490 araw—sa 2300 araw, ay malalabi ang 1810 araw. Pagkatapos ng 490 araw ay may 1810 pa na kailangang matupad. Mula sa 34 P. K. ay bumilang tayo ng 1810 taon at aabot tayo sa 1844. Ang katapusan, kung gayon, ng 2300 araw sa Daniel 8:14 ay noong 1844. Alinsunod sa patotoo ng anghel ng Diyos sa katapusan ng mahabang panahong ito ng hula, ay “malilinis ang santuaryo.” Malinaw kung gayon na tniutukoy nito ang paglilinis sa santuaryo—na pinaniniwalaan ng kalahatan na mangyayari sa ikalawang pagparito ni Kristo. MT 290.2
Nang pasimula si Miller at ang kanyang mga kasama ay may paniniwala na ang 2300 araw ay magtatapos sa tagsibol ng taong 1844, samantalang ang tinutukoy ng hula ay ang taglagas ng taon ding iyon. Ang di-pagkaunawa sa puntong ito ay siyang nagdala ng kabiguan at kagulumihanan sa mga nagtaning ng lalong maagang panahong idarating ng Panginoon. Datapuwa't ni kaunti ma'y di nito napapanghina ang lakas ng pangangatuwirang nagpapakilala na ang 2300 araw ay natapos nang 1844, at ang dakilang pangyayaring kinakatawanan ng paglilinis ng santuaryo ay dapat ngang mangyari noon. MT 291.1
Sa pagpapatuloy ng pag-aaral ni Miller sa Banal na Kasulatan gaya na nga ng ginawa niya, upang patunayan na ang mga ito ay isang pahayag na galing sa Diyos, wala siya ni bahagya mang pag-aakala, sa pasimula, na aabot siya sa ganitong kapasiyahan. Ni siya man ay hindi nakatatalos ng ibinunga ng kanyang pagsisiyasat. Datapuwa't napakalinaw at napakaganap ang patotoo ng Kasulatan na hindi mangyayaring tanggihan. MT 291.2
At ngayon, muling gumiit sa kanya na katungkulan niyang ipaalam sa mga iba ang pinaniniwalaan niyang napakalinaw na itinuturo ng mga Banal na Kasulatan. “Nang ako'y nasa aking gawain,” ang sabi niya, “ay laging tumataginting sa aking mga pakinig ang ganitong pangungusap: ‘Yumaon ka at sabihin mo sa sanlibutan ang kanilang kapanganiban.’ Ang talatang ito ay lagi't laging sumasagi sa aking pag-iisip: ‘Pagka aking sinasabi sa masama, Oh masamang tao, ikaw ay walang pagsalang mamamatay, at ikaw ay hindi nagsasalita upang magbigay alam sa masama ng kanyang lakad; ang masamang yaon ay mamamatay sa kanyang kasamaan, nguni't ang kanyang dugo ay sisiyasatin Ko sa iyong kamay. Gayon ma'y kung iyong pagbibigyang alam ang masama ng kanyang lakad upang humiwalay, at hindi niya hiniwalayan ang kanyang lakad; mamamatay siya sa kanyang kasamaan, nguni't iniligtas mo ang iyong kaluluwa.’23Ezekiel 33:8, 9. Nadama ko na kung mapagsasabihan lamang ang masasama, ay marami sa kanila ang magsisipagsisi; at kung hindi ko sila pagsabihan ay sisiyasatin sa aking kamay ang kanilang dugo.”24S. Bliss, Memoirs of William Miller, p. 92. MT 291.3
Pinasimulan na ni Miller ang personal na pagpapakilala ng kanyang mga paniniwala kailan ma't magkakaroon siya ng pagkakataon, at kanyang idinalangin na madama nawa ng ilang ministro ang katotohanan ng mga paniniwalang ito at italaga ang kanilang sarili sa pagpapalaganap nito. Datapuwa't hindi niya mapawi sa kanyang alaala na siya'y may tungkuling ito'y ilaganap. Laging paulit-ulit sa kanyang pag-iisip ang mga pangungusap na ito: “Yumaon ka at sabihin mo ito sa sanlibutan; ang kanilang dugo ay sisiyasatin ko sa iyong kamay.” Siyam na taon siyang nagwalang bahala, datapuwa't patuloy na gumigiit sa kanyang puso ang kanyang tungkulin hanggang sa nang 1831 ay sinimulan niyang ihayag ang mga katuwiran tungkol sa kanyang pananampalataya. MT 292.1
Kung paanong si Eliseo ay tinawag mula sa pag-aararo upang tanggapin ang balabal ng pagtatalaga sa tungkuling panghuhula, gayon din si Guillermo Miller ay tinawagan na iwan ang kanyang araro, at ilahad sa mga tao ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos. Nanginginig siyang nagpasimula sa kanyang gawain, na unti-unti niyang inaakay ang nagsisipakinig sa kanya sa mga panahong tinutukoy ng hula hanggang sa muling pagpapakita ni Kristo. Sa bawa't pagsisikap, ay nagtamo siya ng lakas at sigla sa kanyang pagkakita ng malaking pananabik ng mga tao. MT 292.2
Dahil lamang sa pamanhik ng mga kapatid ni Miller na sa kanilang pangungusap ay narinig niya ang tawag ng Diyos, kaya siya sumang-ayon na ipahayag sa madla ang kanyang mga paniniwala. Siya ngayo'y limangpung taon nang gulang, walang kasanayan sa pananalumpati, at nag-aalaala na hindi siya angkop sa gawaing nasa kanyang harapan. Datapuwa't buhat pa sa pasimula ay pinagpala na ang kanyang gawain sa isang kataka-takang kaparaanan sa pagliligtas ng mga tao. Ang una niyang pagsasalita ay sinundan ng pagpapanibagong sigla sa relihiyon, na siyang ikinahikayat ng labintatlong mag-anakan, maliban sa dalawang tao. Inanyayahan siya kapagkaraka na magsalita sa mga ibang dako, at sa halos lahat ay nagbunga ang kanyang gawain ng pagbabagong sigla para sa gawain ng Diyos. Ang mga makasalanan ay napanumbalik sa Diyos, ang mga Kristiyano ay lalong mataos na nagtalaga ng kanilang sarili sa Panginoon, at ang mga ateo at infiel ay nangaakay na kumilala sa katotohanan ng Banal na Kasulatan at ng relihiyong Kristiyano. Ang patotoo ng mga pinangaralan niya ay ito: “Isang uri ng mga tao ang naabot niya na wala sa impluensya ng mga iba.”25S. Bliss, Memoirs of William Miller, p. 138. Ang kanyang mga pangangaral ay ipinalagay ng marami na kumilos sa mga tao tungkol sa mga bagay na ukol sa relihiyon at pumigil ng lumalaganap na pagkamakasanlibutan at kahalayan ng panahong yaon na naglipana. MT 293.1
Halos sa bawa't bayan ay may puu-puo at mga iba naman ay daandaan, na nangapanumbalik sa Diyos, bilang bunga ng kanyang pangangaral. Sa maraming dako ay bukas sa kanya ang halos lahat ng iglesya ng mga Protestante at dumarating sa kanya ang mga paanyaya ng mga ministro ng iba't ibang kapulungan. Ang kanyang patakaran ay huwag gumawa sa alin mang dako kailan man at hindi siya inaanyayahan doon, gayon ma'y natagpuan niyang hindi niya magampanan ang kalahati man lamang ng mga paanyayang dumarating sa kanya. MT 293.2
Ang marami na hindi umayon sa kanyang paniniwala tungkol sa tiyak na panahon na idarating ni Kristo ay nanganiwala naman sa katotohanan at kalapitan ng pagdating ni Kristo, at nakilala nilang kailangang sila'y maghanda. Sa ilang malalaking lunsod ay nakakilos ng malaki sa puso ng mga tao ang kanyang pangangaral. Iniwan ng mga mag-aalak ang pagtitinda ng alak, at ginawang mga pulungan ang kanilang mga tindahan; ang mga sugalan ay iniwan; ang mga impiyel deista, universalista, at pati ng mga kasama-samaang tao, ay napapagbago, na ang ilan sa mga ito ay matagal nang hindi nakakapasok ng simbahan. Nagdaos ng mga pulong panalangin ang maraming denominasyon sa iba't ibang dako, sa halos bawa't oras, at ang mga mangangalakal ay nagtitipon sa tanghali upang manalangin at magpuri sa Diyos. Hindi nagkaroon ng malabis na pagkaligalig, kundi sa isip ng karamihan ay naghari ang banal na kuru-kuro. Ang gawain ni Miller, gaya ng mga unang Repormador, ay nagawi sa paghikayat sa paniniwala at paggising sa budhi ng mga tao at hindi lamang isang pagkilos sa kanilang damdamin. MT 294.1
Noong 1833, dalawang taon pagkatapos ng unang pagpapakilala ni Miller sa madla ng mga katunayan ng pagparito ni Kristo ay nakita ang huli sa tatlong tanda na ipinangako ng Tagapagligtas na magiging tanda ng kanyang ikalawang pagparito. “Mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit.”26Mateo 24:29. At nang makita ni Juan sa pangitain ang mga panooring magbabalita ng kaarawan ng Diyos, ay ganito ang kanyang ipinahayag sa Apokalipsis: “Ang mga bituin sa langit ay nangahulog sa lupa gaya ng puno ng igos na isinasambulat ang kanyang mga bungang bubot pagka hinahampas ng malakas na hangin.”27Apocalipsis 6:13. MT 294.2
Ang hulang ito ay nagkaroon ng maliwanag na katuparan nang malaglag ang maraming bituin noong Nob- yembre 13, 1833. Yaon ang pinakamalaganap at lalong kagila-gilalas na malasin ng pagkakalaglag ng mga bituin na natatala sa dahon ng kasaysayan; “ang buong kalawakan ng buong Estados Unidos, ay mga ilang oras ding nagliliwanag! Wala pang kahanga-hangang bagay sa langit na nangyari sa bayang ito, mula nang magkatao, na tiningnan ng mga iba na taglay ang malaking pagkamangha, at ng iba naman, ng malaking pangingilabot.” “Ang kadakilaan at kagalang-galang na kagandahan nito ay nababakas pa hangga ngayon sa pag-iisip ng marami. . . Kailan man ay wala pang ulang lumagpak ng kasingsinsin ng paglagpak ng mga bituing yaon sa silangan, sa kalunuran, sa hilagaan, at sa timugan, ay gayon din. Sa madaling sabi, ang buong sangkalangitan ay tila gumagalaw. . . . Ang pagpapakitang ito ayon sa paglalarawan ng pahayagan ni Propesor Silliman, ay nakita sa buong Hilagang Amerika. . . . Mula sa ikalawa ng madaling araw hanggang sa mataas na ang araw, samantalang ang langit ay maliwanag at walang kaulap-ulap, ay patuloy ang walang patid na pagkakalaglag ng nakasisilaw na mga liwanag sa buong langit.”28R. M. Devens, American Progress; or, The Great Events of the Greatest Century, kab. 28, par. 1-5. MT 294.3
“Walang pangungusap na magagamit upang isaysay ang karilagan ng panooring yaon; . . . sinumang hindi nakamalas nito ay hindi makabubuo ng ganap na larawan ng kanyang karilagan. Wari mandi'y natipon sa isang pook sa taluk'tok ng langit ang mga bituin, at mula roo'y nangahuhulog sa lupa na kasimbilis ng kidlat, na napatutungo sa lahat ng dako; datapuwa't hindi maubos—libulibo ang sumusunod sa libu-libo na mandi'y itinaang talaga sa pangyayaring ito.”29F. Reed, sa Christian Advocate and Journal, Dis. 13, 1833. “Wala nang makikita pang nakakahambing ng isang tunay na larawan ng puno ng igos na nananambulat ang kanyang bunga kapag hinahampas ng malakas na hangin.”30“The Old Countryman” sa Evening Advertiser, Portland, Maine, E. U. A., Nob. 26, 1833. MT 295.1
Sa ganya'y nahayag ang huli sa mga tandang iyon ng pagdating ni Jesus na hinggil dito ay ganito ang sinabi niya sa Kanyang mga alagad: “Pagka nakita ninyo ang lahat ng bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga.”31Mateo 24:33. Pagkaraan ng mga tandang ito, ang sumunod na dakilang pangyayaring nakita ni Juan, ay nahawi ang langit na tulad sa isang lulong aklat samantalang ang lupa nama'y umuga, ang mga bundok at ang mga pulo ay nangaalis sa kanilang kinalalagyan, at sa takot ng mga masama ay tumakas sila sa harap ng Anak ng tao.32Apocalipsis 6:12-17. MT 296.1
Marami sa nakakita ng pagkalaglag ng mga bituin ay nagpalagay na ito'y isang tagapagbalita ng dumarating na paghuhukom—“isang kakila-kilabot na anino, isang tunay na nangunguna, isang tanda ng kaawaan, niyaong dakila at kakila-kilabot na kaarawan.”30“The Old Countryman” sa Evening Advertiser, Portland, Maine, E. U. A., Nob. 26, 1833. Sa ganitong kaparaanan, ang isipan ng mga tao ay nangabaling sa katuparan ng hula, at marami ang nangaakay na makinig sa babala ng ikalawang pagdating ng Panginoon. MT 296.2
Ang mga lalaking nag-aral at may matataas na tungkulin ay nakiisa kay Miller, sa pangangaral at sa pagpapalathala ng kanyang mga iniaaral, at buhat nang 1840 hanggang 1844 ay mabilis na sumulong ang gawain. MT 296.3
Hindi nakapagpatuloy si Guillermo Miller sa kanyang paggawa na walang mahigpit na pagsalungat ang kanyang mga kalaban. Gaya ng mga unang Repormador, ang mga katotohanang ipinakilala niya ay hindi tinanggap ng mga tanyag na tagapagturo ng relihiyon. Sapagka't hindi mapatotohanan nila ang kanilang katuwiran sa pamamagitan ng mga Banal na Kasulatan, napilitan silang gumamit ng mga salawikain at aral ng mga tao, at ng mga sali't saling sabi ng mga Padre. Datapuwa't ang salita ng Diyos ay siya lamang patotoong tinanggap ng mga nangangaral ng katotohanang nagsasaad ng tungkol sa ikalawang pagparito ni Kristo. “Ang Biblia at ang Biblia lamang,” ang sila nilang bukang bibig. Ang kakulangan ng katuwiran nababatay sa Kasulatan ng kanilang mga katunggali, ay pinunan nila ng pagsiphayo at pagkutya. Panahon, salapi, at katalinuhan ay ginamit nila upang siraan ng puri yaong ang kasalanan ay walang iba kundi ang paghihintay na may katuwaan sa pagbalik ng kanilang Panginoon, at nangagsisikap na mamuhay ng mga banal na kabuhayan, at payuhan ang mga iba na humanda sa kanyang pagpapakita. MT 296.4
Ang pasimuno ng lahat ng kasamaan ay nagsikap, hindi lamang upang pigilin ang pagsulong ng pabalitang Adventismo kundi upang ipahamak din naman pati ang tagapagbalita. Ang katotohanan ng Banal na Kasulatan ay ginagamit ni Miller sa puso ng nagsisipakinig sa kanya na sinasaway ang kanilang mga kasalanan at ginagambala sila sa kanilang kasiyahan sa sarili, at ang kanyang malinaw at tahakang pangungusap ay nakauntag sa kanilang kapootan. Ang pagsalungat sa kanyang pabalita ng mga nasasapi sa iglesya ay nagpatapang sa masasamang tao upang magpatuloy sa masama nilang gawa; at sa isang pagkakataon, ay tinangka ng kanyang mga kaaway na kitlin ang kanyang buhay pag-alis niya sa pulong. Datapuwa't ang mga banal na anghel ay kalahok ng karamihan, at ang isa sa mga ito, sa anyong tao, ay humawak sa kamay ng lingkod na ito ng Panginoon, at inakay siyang ligtas mula sa nagagalit na karamihan. Hindi pa tapos ang kanyang gawain at si Satanas at ang kanyang mga kasamahan ay nangabigo sa kanilang balak. MT 297.1
Sa pana-panahon ang mga babalang ipinadadala ng Diyos sa sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod ay paraparang hindi pinaniwalaan at hindi sinampalatayanan. Nang sa kasamaan ng mga tao noong unang panahon ay napilitan ang Diyos na magpadala ng baha sa sangkalupaan, ipinakilala muna Niya sa kanila ang Kanyang adhika, upang magkaroon sila ng pagkakataon na tumalikod sa kanilang masasamang gawa. Sa loob ng isang daan at dalawampung taon ay pinaalingawngaw sa kanilang pakinig ang pamanhik na sila'y magsisi, baka sila lipulin ng Diyos dahil sa Kanyang poot. Datapuwa't ipinalagay nilang biro ang pabalita, at hindi nila sinampalatayanan. Tumapang palibhasa sa kanilang kasamaan, hinamak nila ang sugo ng Diyos, niwalang kabuluhan ang kanyang mga pamanhik, at pinaratangan pang mapangahas. Paano makapangangahas na tumindig ang isang tao laban sa lahat ng dakilang tao sa lupa? Kung ang pabalita ni Noe ay totoo, bakit hindi iyon nakita at sinampalatayanan ng buong sanlibutan? Kurukuro lamang ng isang tao laban sa karunungan ng libulibo! Ayaw nilang kilalaning tunay ang babala, ni ayaw rin naman nilang magkanlong sa loob ng daong. MT 297.2
Itinuturo ng mga manunuya ang kalikasan—ang pagsusunud-sunod ng walang pagbabagong panahon, ang bughaw na langit na hindi pa nagbubuhos ng ulan, ang mga sariwang damo na binabasa ng hamog ng gabi—at sila'y sumigaw: “Hindi ba siya'y mapagsalita ng mga talinghaga?” Sa kanilang poot ay sinabi nilang ang nangangaral ng katuwiran ay isang natatangay lamang ng walang kabuluhang kasigasigan; at sila'y nagpatuloy na lalong sabik sa paghanap ng kalayawan, lalong sinadya ang paggawa ng kasamaan kaysa nakaraan. Datapuwa't ang hindi nila pananampalataya ay hindi nakapigil sa hinulaang pangyayari. Matagal na nagtiis ang Diyos sa kanilang mga kasamaan, at binigyan Niya sila ng mabuting pagkakataon upang magsisi; datapuwa't sa panahong takda ay dumating ang Kanyang kahatulan sa mga tumanggi sa Kanyang kaawaan. MT 298.1
Ipinahahayag ni Kristo na magkakaroon ng ganyan ding hindi paniniwala sa Kanyang ikalawang pagparito. Kung paanong “hindi naalaman” ng mga tao nang kaarawar ni Noe “hanggang sa dumating ang paggunaw, at sila'y tinangay na lahat ng baha; gayon din naman,” ayon sa pangungusap ng ating Tagapagligtas, “ang pagparito ng anak ng tao.”33Mateo 24:39. Pagka ang mga nagpapanggap na tao ng Diyos ay nakikisama sa sanlibutan, nakikitulad sa kanilang pamumuhay, at nakikisalamuha sa kanila sa ipinagbabawal na kalayawan; pagka ang kinaluho ng sanlibutan ay naging kinaluho ng iglesya, pagka ang mga batingaw ng kasalan ay tumutunog at ang lahat ay umaasa sa maraming taon ng kasaganaan ng sanlibutan—kung magkagayo'y gaya ng kidlat na biglang gumuguhit sa mga langit, darating ang wakas ng kanilang maniningning na pangarap at magdarayang pag-asa. MT 298.2
Kung paanong isinugo ng Diyos ang Kanyang lingkod upang babalaan ang sanlibutan sa dumarating na baha, gayon ding isinugo Niya ang mga piling tagapagbalita upang ipaalam ang kalapitan ng huling paghuhukom. At kung paanong nilibak ng mga tao noon ang hula ni Noe na tagapangaral ng katuwiran, gayon din noong kaarawan ni Miller, marami sa nangagpanggap na mga tao ng Diyos ang kumutya sa babala. MT 299.1
At bakit nga ang doktrina at pangangaral ng tungkol sa ikalawang pagparito ni Kristo ay hindi tinanggap ng mga iglesya? Bagaman sa makasalanan ay nagdadala ng hirap at kamatayan ang pagdating ng Panginoon, sa mga matuwid ay puspos ito ng ligaya at pag-asa. Ang dakilang katotohanang ito ay siyang naging kaaliwran ng mga tapat na anak ng Diyossa buong kapanahunan; bakit nga, gaya ng Maygawa, ito ay naging “isang batong katitisuran,” at “batong pangbuwal” sa nangagpapanggap na Kanyang mga tao? MT 299.2
Ang ating Panginoon din ang nangako sa Kanyang mga alagad: “At kung Ako'y makaparoon at kayo'y maipaghanda ng kalalagyan ay muling paririto Ako, at kayo'y tatanggapin Ko sa Aking sarili.”34Juan 14:3. Ang mahabagin din nating Tagapagligtas, sa pagkaalam na mamamanglaw at malulungkot ang Kanyang mga alagad, ay nagsugo ng mga anghel upang aliwin sila na may dalang pangako na siya'y muling paririto, na may katawan, gaya ng pag-akyat Niya sa langit. MT 299.3
Samantalang nangakatayo ang mga alagad na nakatitig ang kanilang paningin sa lumayo nilang minamahal, ang kanilang pansin ay natawagan ng mga pangungusap na ito: “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nangakatayong tumitingin sa langit? itong si Jesus na tinanggap sa langit mula sa inyo, ay pariritong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon Niya sa langit.”35Mga Gawa 1:11. Ang kanilang pag-asa ay pinapanariwa ng pangungusap ng anghel. Ang mga alagad ay “nagsibalik sa Jerusalem, na may malaking galak at palaging sila'y nasa templo, na nagpupuri sa Diyos.”36Lucas 24:52, 53. Hindi sila nangagalak sapagka't nahiwalay sa kanila si Jesus, at naiwan sila upang makipagpunyagi sa mga pagsubok at mga tukso ng sanlibutan, kundi dahil sa pangako ng anghel na siya'y muling paririto. MT 300.1
Ang pangangaral ngayon ng pagdating ni Kristo ay dapat maging mabuting balita ng malaking kagalakan gaya noong ipinahayag ng mga anghel sa mga pastor ng Betlehem. Ang mga tunay na umiibig sa Tagapagligtas ay tatanggap na may katuwaan sa pahayag na nasasalig sa salita ng Diyos na Siya na kinaroroonan ng lahat nilang pag-asa, ay muling darating, hindi upang hamakin, siphayuin, at uyamin, gaya noong siya'y unang pumarito, kundi upang tubusin, sa kapangyarihan at kaluwalhatian, ang Kanyang bayan. Yaon lamang hindi umiibig sa Tagapagligtas ang magnanasang huwag na Siyang dumating; at wala nang lilinaw pang patotoo na talagang ang mga iglesya ay tumalikod nga sa Diyos, kaysa pagkayamot at pagkapoot nila sa tagapagbalitang sinugo ng Langit. MT 300.2
Taglay ang kasabikang di-masambitla, yaong nagsitanggap ng pabalita ay nagsipaghintay sa dumarating nilang Tagapagligtas. Ang panahong inaasahan nilang isasalu- bong sa Kanya ay malapit na. Nilapitan nila ang oras na ito sa isang banal na katahimikan. Nakasumpong sila ng kapahingahan sa matamis na pakikipag-usap sa Diyos, kapahingahang patinga ng kapayapaan na magiging kanila sa marilag na panahong kanilang hinaharap. MT 300.3
Sinumang nakaranas at nagtiwala sa pag-asang ito ay hindi makalilimot sa mahalagang sandaling iyon ng paghihintay. Mga ilang sanlinggo bago dumating ang panahon na inaasahan nilang darating siya, ang kalakal at hanapbuhay ay pinabayaan na. Ang mga tapat na nanampalataya ay maingat na nagsiyasat ng bawa't isipan at damdamin ng kanilang mga puso na wari bagang mamamatay na sila at ilang oras na lamang ay ipipikit na ang kanilang mga mata sa mga panoorin sa lupa. Walang ginawang mga “balabal ng pag-akyat sa langit;” Naramdaman ng lahat na kailangang magpatotoo ang kanilang kalooban na sila nga'y handang sumalubong sa Tagapagligtas; ang mapuputi nilang damit ay kalinisan ng kaluluwa—mga likas na hinugasan sa kasalanan ng tumutubos na dugo ni Kristo. MT 301.1
Oh, kung naghahari sana hangga ngayon sa mga taong nagbabansag na bayan ng Diyos ang gayon ding diwa ng pagsasaliksik ng puso, ang gayon ding mataimtim at napasiyahang pananampalataya! Kung nagpatuloy sila na nagpakumbaba sa harap ng Panginoon at nagharap ng kanilang mga pamanhik sa luklukan ng awa, disi'y magtatamo sila ng lalong mayamang karanasan kaysa tinatamo nila ngayon. Ngayo'y bihirang-bihira ang pananalangin, bahagyang-bahagya ang tunay na pagkilala sa kasalanan, at dahil sa kawalan ng buhay na pananampalataya ay marami ang salat sa biyayang ipinamamahaging masagana ng ating Manunubos. MT 301.2
Pinanukala ng Diyos na subukin ang Kanyang bayan. Tinakpan ng Kanyang kamay ang kamalian nila sa pagbilang ng mga panahon ng hula. Hindi napuna ng mga Adventista ang kamalian nila noon at hindi rin ito natuklasan ng pinakamarunong sa kanilang tagasalungat. MT 301.3
Lumampas ang panahon nilang inaantabayanan, at hindi dumating si Kristo upang iligtas ang Kanyang bayan. Yaong mga may tapat na pananampalataya at pagibig na naghintay sa kanilang Tagapagligtas, ay nakaranas ng mapait na pagkabigo. Gayon ma'y nangatupad ang mga panukala ng Diyos: Sinusubok Niya ang mga puso niyaong nagbabansag na naghihintay sa Kanyang pagpapakita. Marami sa kanila ang nangakilos dahil sa takot lamang. Ang pagpapanggap nila na nananampalataya ay hindi nagbago ng kanilang mga puso o ng kanilang mga kabuhayan. Nang hindi natupad ang inaasahan ng mga taong ito na pangyayari ay ipinahayag nilang hindi sila nabigo; hindi naman nila talagang pinaniwalaang si Kristo'y darating. Sila ang unang-unang nanuya sa pagkabigo ng mga tunay na nananampalataya. MT 302.1
Datapuwa't si Jesus at ang buong hukbo ng sangkalangitan ay tumingin na may pag-ibig at pagkahabag sa mga sinubok at mga tapat gayunma'y nangabigo. MT 302.2