Sa pangangaral ng doktrina ng ikalawang pagdating, si Guillermo Miller at ang kanyang mga kasamahan ay nagsigawa na ang kanilang adhikain lamang ay gisingin ang mga tao upang humanda sa paghuhukom. Pinagsikapan nilang imulat ang mga nagpapanggap ng relihiyon sa tunay na pag-asa ng iglesya, at sa kanilang pangangailangan ng isang lalong malalim na karanasang Kristiyano; at gumawa din naman sila upang gisingin ang mga di pa nagsisipagbalik-loob sa tungkulin nilang pagsisising walang pagpapaliban at sa pagbabalik sa Diyos. “Hindi nila sinikap na hikayatin ang mga tao sa isang sekta o pangkatin ng relihiyon. Dahil dito'y nagsigawa sila sa lahat ng mga pangkat at mga sekta, na walang pakikialam sa kanilang organisasyon o disiplina.” MT 303.1
“Sa lahat kong mga paggawa,” ang wika ni Miller, “kailan ma'y hindi ako nagkaroon ng pagnanais o isipan na magtayo ng anumang interes na hiwalay sa mga naitatag nang denominasyon, o makatulong sa isa sa kalugihan naman ng iba. Inisip ko ang makatulong sa lahat. Halimbawang ang lahat ng mga Kristiyano'y magkaroon ng kagalakan sa inaasahang pagdating ni Kristo, at yaong mga di-nakakakita gaya ng aking pagkakita, ay di naman magkukulang ng pag-ibig sa mga magsisitanggap ng aral na ito, hindi ko nga ipinalalagay na kakailanganin pa ang pagkakaroon ng hiwalay na mga pagpupulong. Ang buo kong layunin ay ang isang hangaring hikayatin ang mga kaluluwa sa Diyos, ipabatid sa sanlibutan ang darating na paghuhukom, at akitin ang aking mga kapuwa sa paghahanda ng puso na siyang magpapaari sa kanila upang mapayapang makasalubong sila sa kanilang Diyos. Ang karamihan sa mga nahikayat sa pamamagitan ng aking paggawa ay nangagsianib sa iba't ibang nakatatag nang mga iglesya.”1S. Bliss, Memoirs of Wm. Miller, p. 328. MT 303.2
Sapagka't ang kanyang paggawa'y nakapagpapalakas sa mga iglesya, ito nang una'y kinatigan nilang may pagsang-ayon. Datapuwa't sa pagpapasiya ng mga ministro at ng mga pangulo ng relihiyon na tutulan ang aral ukol sa ikalawang pagdating, at sa pagnanais nilang patahimikin ang lahat ng usapan tungkol sa paksang ito, hindi lamang nila tinutulan ang pangangaral nito buhat sa pulpito, kundi inalis din naman nila ang karapatan ng mga kaanib na daluhan ang pagpupulong tungkol sa ikalawang pagparito, o kahit na ang pagpapahayag ng kanilang pag-asa sa mga pulong panglipunan ng iglesya. Sa gayo'y nasumpungan ng mga nananampalataya ang kanilang sarili sa isang kalagayang nasa mahigpit na pagsubok at kagulumihanan. Mahal sa kanila ang kani-kanilang mga iglesya, at di nila ibig ang humiwalay; nguni't sa pagkakita nilang ang patotoo ng Diyos ay di-bigyang laya, at di-ipagkaloob ang karapatan nilang magsiyasat ng mga hula, ang pagtatapat sa Diyos ayon sa kanilang damdamin ang siyang di-magpahintulot na sila'y magpahinuhod. Yaong mga nagnanais na tumanggi sa patotoo ng salita ng Diyos, ay di nila maaaring maipalagay na siyang bumubuo ng iglesya ni Kristo, na “haligi at suhay ng katotohanan.” Sa gayo'y ipinalagay nga nilang matuwid ang sila'y humiwalay sa dati nilang kinauugnayan. Nang panahong tag-araw ng taong 1844 ay may limampung libo ang humiwalay sa mga iglesya nilang kinaaaniban. MT 305.1
Nang panahong ito ay nakita ang kapuna-punang pagbabago sa karamihan sa mga iglesya sa buong Estados Unidos. Maraming taon nang nagkakaroon ng unti- unti nguni't patuloy na pagsang-ayon sa mga gawain at ugali ng sanlibutan, at gayon din ng nakakatugong pagbaba ng tunay na kabuhayang ukol sa espiritu; nguni't nang taong yaon ay nagkaroon ng mga katunayan ng bigla at maliwanag na pagbaba sa halos lahat ng mga iglesya sa lupain. Bagaman waring walang makapagsabi ng kadahilanan, ang pangyayaring yao'y naging totoong kapansin-pansin at kapuna-puna sa pahatiran ng balita at sa pulpito. MT 305.2
Ganito ang patotoo ng isang manunulat sa Religious Telescope: “Kailan ma'y wala pa kaming nasaksihang pangkalahatang pagbaba ng relihiyon gaya ng nakikita sa kasalukuyan. Dapat ngang gumising ang iglesya, at siyasatin ang dahilan ng ganitong karamdaman; sapagka't dapat itong ipalagay na karamdaman ng bawa't isang umiibig sa Sion. Pagka ating naiisip kung gaano ‘kaunti at napakadalang’ ang mga tunay na pagkahikayat, at ang halos walang kaparang pagwawalang pitagan at katigasan ng mga makasalanan, ay halos di-kinukusang sabihin natin, ‘Nalimutan na kaya ng Diyos ang pagkamaawain? o, Nakapinid na kaya ang pinto ng awa?’” MT 306.1
Ang gayong kalagaya'y di-makikita kailan man sa iglesya na walang kadahilanan. Ang kadilimang ukol sa espiritu na lumulukob sa mga bansa, sa mga iglesya, at sa bawa't tao, ay hindi dahil sa sapilitang pag-aalis ng tulong ng banal na biyaya ng Diyos, kundi ito'y dahil sa pagpapabaya o pagtanggi ng mga tao sa banal na liwanag. Ang maliwanag na halimbawa ng katotohanang ito ay ipinakikilala sa kasaysayan ng bayang Hudyo noong panahon ni Kristo. Sa pamamagitan ng kanilang pagmamahal sa sanlibutan at paglimot sa Diyos at sa Kanyang salita, ay dumilim ang kanilang pang-unawa, ang kanilang mga puso ay naging makalupa at mahalay. Sa gayo'y di nila nalaman ang tungkol sa pagdating ng Mesias, at dahil sa kanilang kapalaluan at kawalan ng pananampalataya ay tinanggihan nila ang Manunubos. Noon ma'y hindi pa rin inalis ng Diyos ang bansang Hudyo mula sa kaalaman, o sa pakikibahagi, sa mga pagpapala ng kaligtasan. Datapuwa't yaong mga nagsitanggi sa katotohanan ay lubusang nawalan ng pagnanais ukol sa kaloob ng Langit. Inari nilang “dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim,” hanggang sa ang liwanag na nasa kanila ay naging kadiliman; at ano ngang laki ng kadilimang yaong! MT 306.2
Nasasang-ayon sa pamamalakad ni Satanas na manghawak ang tao sa anyo ng relihiyon, kung ito'y kulang sa espiritu ng kailangang kabanalan. MT 307.1
Ang pabalita ng unang anghel sa Apokalipsis 14, na nagpapahayag ng paghuhukom ng Diyos, at nananawagan sa tao upang matakot at sumamba sa Kanya, ay siyang pinanukalang maghiwalay sa mga nagpapanggap na bayan ng Diyos buhat sa nagpapasamang impluensya ng sanlibutan, at gumising sa kanila upang makita nila ang tunay nilang kalagayang makasanlibutan at pagtalikod. Sa pamamagitan ng pabalitang ito, ay nagpadala ang Diyos sa iglesya ng babalang, kung tinanggap, nakapagwasto sana sa mga kasamaang naghihiwalay sa kanila mula sa Kanya. Kung tinanggap sana nila ang pabalita buhat sa langit, na nagpapakumbaba ang kanilang mga puso sa harapan ng Panginoon, at mataimtim na pinagsisikapang humanda sa pagtayo sa Kanyang harapan, ang Espiritu at kapangyarihan ng Diyos ay nahayag sana sa kanila. Maaaring muling naabot sana ng iglesya ang pinagpalang kalagayan ng pagkakaisa, ng pananampalataya, at pag-ibig, na nakita noong mga kaarawan ng mga apostol, nang ang mga nagsisisampalataya ay “nangagkakaisa ang puso at kaluluwa” at “kanilang sinalita na may katapangan ang salita ng Diyos,” nang idagdag “sa kanila ng Panginoon araw-araw yaong nangaliligtas.”2Mga Gawa 4:32, 31; 2:47. MT 307.2
Gayon ang pinagpalang mga bungang dinanas ni- yaong mga tumanggap sa pabalita ng ikalawang pagdating. Sila'y galing sa iba't ibang mga denominasyon, at iwinasak nila ang mga hadlang ng kanilang pagkakaibaiba; ang nagkakasalungat na mga aral nila ay nangadurog hanggang sa naging maliliit na atomo; ang di-nababatay sa Kasulatang paniniwala sa sanlibong taon ng kaginhawahan dito sa lupa ay binayaan na nila, iniwasto nila ang mga di-tamang paniniwala tungkol sa ikalawang pagdating, ang kapalaluan at pagsang-ayon sa sanlibutan ay inalis na lahat; ang mga kamalian ay ltinuwid; nagkaisa ang mga puso sa matamis na pagsasamahan, at ang pag-ibig at kagalakan ang siyang nangibabaw. Kung ito ang nagawa ng doktrina sa ilang nagsitanggap nito, ito rin sana ang nagawa nito sa lahat, kung ang lahat ay nagsitanggap. MT 307.3
Datapuwa't, sa isang pangkalahatang pagsasabi, ang mga iglesya ay hindi tumanggap sa babalang ito. Ang kanilang mga ministro, bilang mga “bantay sa sambahayan ni Israel,” na siya sanang unang nakaunawa ng mga tanda ng pagparito ni Jesus, ay siyang di-nakaalam ng katotohanan mula sa patotoo ng mga propeta o buhat sa mga tanda ng mga panahon. MT 308.1
Sa kanilang pagtanggi sa babala ng unang anghel, ay tinanggihan nila ang bagay na itinaan ng langit ukol sa kanilang pagkasauli. Tinanggihan nila ang maawaing sugo na siya sanang nagwasto sa mga kasamaang naghiwalay sa kanila sa Diyos, at may higit na kasabikan nilang pinagbalikan ang pakikipag-ibigan sa sanlibutan. Narito ang kadahilanan ng nakatatakot na kalagayang iyon ng pagkamakasanlibutan, pagtalikod, at kamatayang espiritual na nakita sa mga iglesya noong taong 1844. MT 308.2
Sa Apokalipsis 14, ang unang anghel ay sinusundan ng ikalawa, na nagsasabi, “Naguho, naguho ang dakilang Babilonya, na siyang nagpainom sa lahat na bansa ng alak ng kagalitan ng kanyang pakikiapid.”3Apocalipsis 14:8. Ang sa- litang “Babilonya” ay buhat sa salitang “Babel,” na ang ibig sabihin ay kagusutan. Ito'y ginagamit sa Kasulatan upang kumatawan sa iba't ibang anyo ng di-tunay at tumalikod na iglesya. MT 308.3
Ang pabalita ng ikalawang anghel ng Apokalipsis 14 ay unang ipinangaral noong panahong tag-araw ng taong 1844, at noo'y nagkaroon ito ng lalong tuwirang kaangkupan sa mga iglesya ng Estados Unidos, na roo'y pinakamalawak ang pagkapagpahayag ng babala ng paghuhukom, at doon din naman pinakatanggihan ito sa isang pangkalahatang pagsasabi, at doon din naging pinakamabilis ang pagbaba ng mga iglesya. Nguni't ang pabalita ng ikalawang anghel ay di-lubos na nagkaroon ng katuparan noong 1844. Ang mga iglesya noon ay dumanas ng pagbagsak na moral, bilang bunga ng kanilang pagtanggi sa liwanag ng pabalita ng ikalawang pagdating; nguni't hindi nalubos ang pagbagsak na iyon. Sa patuloy na pagtanggi nila sa tanging mga katotohanang ukol sa panahong ito ay patuloy din naman ang kanilang pagkabagsak. Gayon ma'y hindi pa masasabi na “Naguho ang dakilang Babilonya, na siyang nagpainom sa lahat na bansa ng alak ng kagalitan ng kanyang pakikiapid.” Hindi ang lahat ng bansa ay napagawa na niya ng bagay na ito. Ang espiritu ng pakikisang-ayon sa sanlibutan at pgwawalang bahala sa sumusubok na mga katotohanan ukol sa ating kapanahunan, ay umiiral at nakapananaig sa mga iglesya ng pananampalatayang Protestante sa lahat ng lupain ng Sangkakristiyanuhan; at ang mga iglesyang ito ay sinasaklaw sa solemne at kakila-kilabot na paghatol ng ikalawang anghel. Nguni't ang gawang pagtalikod ay di pa umaabot sa katapusan nito. MT 309.1
Sinasabi ng Biblia na bago dumating ang Panginoon, si Satanas ay gagawa na “may buong kapangyarihan at mga tanda at mga kahanga-hangang kasinungalingan, at may buong daya ng kalikuan;” at silang di-tumanggap ng “pag-ibig sa katotohanan, upang sila'y mangaligtas,” ay pababayaan sa “paggawa ng kamalian, upang magsipaniwala sila sa kasinungalingan.”42 Tesalonika 2:9-11. Hindi malulubos ang pagkaguho ng Babilonya hanggang hindi naaabot ang kalagayang ito, at ang pakikipag-isa ng iglesya sa sanlibutan ay lubusang maganap sa buong Sangkakristiyanuhan. Ang pagbabago ay hakbang-hakbang, at ang lubos na katuparan ng Apokalipsis 14:8 ay nariyan pa sa hinaharap. MT 309.2
Sa kabila ng kadilimarg espiritual at pakikipagkasira sa Diyos na umiiral sa mga iglesyang bumubuo ng Babilonya, ang malaking bahagi ng tunay na mga alagad ni Kristo ay masusumpungan pa rin sa kanilang kapulungan. Marami sa mga ito ang kailan ma'y di pa nakakikita ng tanging mga katotohanan ukol sa panahong ito. Hindi iilan ang di-nasisiyahan sa kalagayan nila sa kasalukuyan, at kinasasabikan nila ang lalong malinaw na kaliwanagan. Walang kabuluhan silang naghahanap ng wangis ni Kristo sa mga iglesyang kinauugnayan nila ngayon. Sa paglayo nang paglayo ng mga iglesyang ito buhat sa katotohanan, at sa lalong pakikipanig nila sa sanlibutan, ay lalo namang lalaki ang pagkakaiba sa dalawang uring ito ng nananampalataya, at ito'y magwawakas sa paghihiwalay. Darating ang parahon na yaong mga nagsisiibig sa Diyos ng lalo sa lahat ay hindi na makapananatili pang kaugnay ng “mga maibigin sa kalayawan kaysa mga maibigin sa Diyos; na inay anyo ng kabanalan, datapuwa't tinanggihan ang kapangyarihan nito.” MT 310.1
Ang Apokalipsis 18 ay tumutukoy sa panahong, dahil sa pagtanggi sa tatlong babala ng Apokalipsis 14:6-12, ay lubusan nang maaabot ng iglesya ang kalagayang paunang sinabi ng ikalawang anghel, at ang bayan ng Diyos na nasa Babilonya pa rin ay tatawagin upang humiwalay sa kanyang kapulungan. Ang pabalitang ito ang siyang kahuli-hulihang ibibigay sa sanlibutan; at gagana- pin nito ang kanyang gawain. Pagka yaong mga “hindi nagsisampalataya sa katotohanan, kundi nangalugod sa kalikuan,”5Tesalonika 2:12. ay naiwan sa paggawa ng kamalian at sa paniniwala sa kasinungalingan, kung magkagayo'y ang liwanag ng katotohanan ay sisikat doon sa ang mga puso'y bukas upang tanggapin ito, at ang lahat ng mga anak ng Panginoon na naroon pa sa Babilonya ay magsisipakinig sa panawagang “Mangagsilabas kayo sa kanya, bayan Ko.”6Apocalipsis 18:4. MT 310.2