Nang makaraan ang panahon ng una nilang paghihintay sa pagdating ng Panginoon— noong panahong tagsibol ng taong 1844—yaong mga may pananampalatayang nangaghihintay sa Kanyang pagpapakita ay may panahon ding nakasama sa pag-aalinlangan at sa dipagkakaroon ng kapanatagan. Bagaman ipinalalagay ng sanlibutang sila'y lubusang napagwagihan, at napatunayang nagtiwala sa isang karayaan, ang bukal ng kanilang kaaliwan ay naroon pa rin sa salita ng Diyos. Marami ang nagsipagpatuloy sa pagsasaliksik ng mga Kasulatan, na panibagong sinisiyasat ang mga katunayan ng kanilang pananampalataya, at maingat na pinag-aaralan ang mga hula upang magkaroon pa ng karagdagang liwanag. Ang patotoo ng Biblia na katibayan nila sa kanilang pananayuan ay waring maliwanag at tiyak. Ang mga tandang di-maaaring mapagkamalan ay tumutukoy sa malapit nang pagdating ni Kristo. Ang tanging pagpapala ng Panginoon, sa paghikayat sa mga makasalanan at muling pagpapasigla sa kabuhayang espiritual ng mga Kristiyano, ay nagpatotoo na ang pabalita ay buhat sa Langit. At bagaman di-maipaliwanag ng mga nananampalataya ang kanilang pagkabigo, ay nadama nila ang kasiguruhang ang Diyos ang umakay sa kanila sa lumipas nilang karanasan. MT 313.1
Kasama ng mga hulang ipinalagay nilang tungkol sa panahon ng ikalawang pagdating, ay tagubiling tanging naaangkop sa kalagayan nilang walang kapanatagan at aasa-asa, tagubiling nagpapatapang sa kanila upang matiyagang maghintay na may pananampalataya na ang madilim ngayon sa kanilang pang-unawa ay maliliwanagan sa tumpak na kapanahunan. MT 313.2
Ang isa sa mga hulang ito ay ang nasa Habakuk 2:1-4. Pagkaraan ng panahon ng pagkabigo, ang talatang ito'y waring nagkaroon ng totoong kahalagahan: “Ang pangitain ay sa panahong takda pa, at nagmamadali sa pagkatapos, at hindi magbubulaan: bagaman nagluluwat ay hintayin mo; sapagka't walang pagsalang darating, hindi magtatagal. . . . Ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.” MT 314.1
Natuwa ang mga nagsisipaghintay, sa paniniwalang Siya na nakaaalam ng pasimula hanggang sa kawakasan ay tumunghay sa mga panahon, at sa pagkakita sa kanilang kabiguan, ay nagbigay sa kanila ng mga salita ng kalakasang-loob at pag-asa. Kung hindi nga sa bahaging yaon ng Kasulatan na nagbibigay payo sa kanila na maghintay na may pagtitiis, at panghawakan ang kanilang pagtitiwala sa salita ng Diyos, ay maaaring nanghina sana ang kanilang pananampalataya sa panahong iyon ng pagsubok. MT 314.2
Ang talinghaga ng sampung dalaga sa Mateo 25 ay naghahalimbawa rin ng karanasan ng bayang Adventista.1Mateo 25:5-7. Ang kanilang karanasan sa talinghagang ito ay inihahalimbawa sa pamamagitan ng isang kasalan sa Silangan. “Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit ng sampung dalaga, na kinuha ang kanilang mga ilawan, at nagsilabas upang salubungin ang kasintahang lalaki. At ang lima sa kanila'y mga mangmang, at ang lima'y matatalino. Sapagka't nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nangagdala ng langis: datapuwa't ang matatalino ay nangagdala ng langis sa kanilang sisidlan na kasama ng kanilang mga ilawan. Samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalaki, ay nangag-antok silang lahat at nangakatulog. Datapuwa't pagkahating-gabi ay may sumi- gaw, Narito ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin siya.” MT 314.3
Ang pagdating ni Kristo, gaya ng ipinahayag ng pabalita ng unang sugong anghel, ay naunawang kinakatawanan ng pagdating ng kasintahang lalaki. Ang laganap na pagbabago sa ilalim ng pagpapahayag ng malapit na pagdating Niya, ay siyang tumugon sa paglabas ng mga dalaga. Ang pagtatagal ng kasintahang lalaki ay kumakatawan sa paglampas ng panahong inaasahang idarating ng Panginoon, sa pagkabigo, at sa waring pagkabalam. Sa panahong itong walang kapanatagan, ang interes ng mga paimbabaw at di-buong pusong nananampalataya ay nagpasimulang maging mabuway, at huminto ang kanilang mga pagsisikap; nguni't yaong ang pananampalataya'y nasasalig sa personal na kaalaman ng Biblia, ay may batong tuntungan sa ilalim ng kanilang mga paa, na di-maaaring maianod ng mga alon ng kabiguan. MT 315.1
“Samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalaki, ay nangag-antok silang lahat at nangatulog. Datapuwa't pagkahating-gabi ay may sumigaw, Narito ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin siya. Nang magkagayo'y nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon, at pinag-igi ang kanilang mga ilawan.”1Mateo 25:5-7. Nang panahong tag-araw ng taong 1844, sa kalahatian ng panahong unang ipinalagay nilang katapusan ng 2300 araw, at nang panahong taglagas ng taon ding yaon, panahong natuklasan nilang inaabot ng bilang na ito, ang pabalita'y ipinahayag sa mga pangungusap na rin ng Kasulatan, “Narito ang kasintahang lalaki!” MT 315.2
Ang nag-akay sa kilusang ito ay ang pagkatuklas na ang pasiya ni Artaherhes na nag-uutos na gawin muli ang Jerusalem, ang pasiyang pasimula ng panahong 2300 araw, ay nagkaroon ng bisa noong panahong taglagas ng taong B. K. 457, at hindi noong magpasimula ang taon, gaya ng una nilang ipinalagay. Kung ang pagbi- lang ay pasisimulan sa panahong taglagas ng taong 457, ang 2300 taon ay magwawakas sa panahong taglagas ng taong 1844. MT 315.3
Ang mga pangangatuwirang hinango mula sa mga sagisag ng Matandang Tipan ay pawang tumutukoy rin sa panahong taglagas na panahong dapat ikatupad ng sinasabing “paglilinis ng santuaryo.” Ang mga sagisag na may kaugnayan sa ikalawang pagdating ay dapat matupad sa panahong tinutukoy ng umaaninong gawain. Sa ilalim ng kaayusan ng gawain ni Moises, ang paglilinis ng santuaryo, o ang dakilang araw ng pagtubos, ay ginaganap sa ikasampung araw ng ikapitong buwan2Levitico 16:29-34. ng mga Hudyo, na sa araw na ito'y lumalabas ang dakilang saserdote at pinagpapala ang bayan, pagkatapos na maganap ang pagtubos sa buong Israel at sa gayo'y maalis ang kanilang mga kasalanan mula sa santuaryo. Kaya't sa paniwala nila'y si Kristo, na ating Dakilang Saserdote, ay magpapakita upang linisin ang lupa sa pamamagitan ng pagpuksa sa kasalanan at sa mga makasalanan at upang pagkalooban Niya ng anyong walang-kamatayan ang bayan Niyang naghihintay. Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan, ang dakilang araw ng pagtubos, ang araw ng paglilinis ng santuaryo, araw ng taong 1884 na tumama sa Oktubre 22, ay ipinalagay na siyang araw na idarating ng Panginoon. Ito'y sang-ayon sa mga katibayan ipinakilala na, na ang 2300 araw ay magwawakas sa panahong taglagas, at ang huling diwang ito'y waring dimapaglalabanan. MT 316.1
Sa talinghaga ng Mateo 25 ang panahon ng paghihintay at pagtulog ay sinundan ng pagdating ng kasintahang lalaki. Ito'y kasang-ayon sa mga katuwirang ipinakilala na, sa hula man at sa mga sagisag. Ang katotohanan nito'y nagtaglay ng malaking paghikayat; at ang “sigaw sa hating-gabi” ay ibinansag ng libu-libong mga nananampalataya. MT 316.2
Kagaya ng baha, ang kilusang ito ay lumaganap sa boong lupain. Mula sa isang lunsod hanggang sa isa, mula sa isang nayon hanggang sa isa, at hanggang sa kalayulayuang pook ay umabot ito, hanggang sa napukaw ang naghihintay na mga tao ng Diyos. Sa harap ng pahayag na ito, ay naparam ang pagkapanatiko, gaya ng pagkaparam ng naging yelong hamog sa harap ng sumilang na araw. Nawala sa nangananampalataya ang pag-aalinlangan at kagulumihanan at ang kanilang mga puso ay binuhay ng pag-asa at kasiglahan. MT 317.1
Sa gawain nila ay di nagkaroon ng mga pagmamalabis na palaging nahayag kapag ang kasiglahan ng mga tao ay hindi pinangangasiwaan ng kapangyarihan ng salita at Espiritu ng Diyos. Yao'y kauri noong mga panahon ng pagpapakumbaba ng puso at panunumbalik sa Panginoon, na sa mga angkan ni Israel noong una, ay isinasagawa pagkatapos na sila'y hatdan ng lingkod ng Panginoon ng balita ng pagsaway. Taglay noon ang isang likas na nagiging katangian ng gawain ng Diyos sa lahat ng kapanahunan. Babahagya ang simbuyo ng malaking katuwaan, nguni't nagkaroon ng mataos na pagsasaliksik ng puso, pagpapahayag ng kasalanan, at pagtalikod sa sanlibutan. Ang mahanda upang sumalubong sa Panginoon ay siyang nilunggati ng kanilang nahahapis na espiritu. Nagkaroon ng matiyagang panalangin at lubos na pagtatalaga sa Diyos. MT 317.2
Sa lahat ng malalaking kilusang ukol sa relihiyon sapol pa noong panahon ng mga apostol ay wala ni isa mang lalong naging malinis mula sa kapintasan ng pagkatao at sa mga lalang ni Satanas kay sa kilusan noong panahong taglagas ng 1844. Sa panawagang “Narito ang Kasintahang lalaki! magsilabas kayo upang salubungin Siya,” ang mga naghihintay ay “nagsipagbangong lahat . . . at pinag-igi ang kanilang mga ilawan;” pinag-aralan nila ang salita ng Diyos na taglay ang masidhing pagsisikap at kasabikan na di nila naranasan nang una. MT 317.3
Noong panahong iyon ay may pananampalataya na nagdala ng mga sagot sa mga panalangin—pananampalataya na tumitingin sa gantimpalang kabayaran. Katulad ng ambon sa uhaw na lupa, ang Espiritu ng biyaya ay bumabaw sa mga mataos na nagsisihanap. Yaong mga umasa na hindi na magluluwat at mukhaan nilang makakaharap ang kanilang Manunubos, ay nakadama ng banal na katuwaang hindi mabigkas. Ang nagpapalambot at nagpapasukong kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay tumanaw sa kanilang mga puso, samantala nama'y ibinubuhos Niya sa mga tapat at nanampalataya ang Kanyang mayayamang pagpapala. MT 318.1
Yaong mga nagsitanggap ng pabalita ay maingat at magalang na sumapit sa panahong inaasahan nilang masasalubong nila ang kanilang Panginoon. Tuwing umaga, ay naramdaman nila na kailangang matiyak nila na sila'y tinatanggap ng Diyos. Sa ganang kanila, ang pagkatiyak na sila'y tinanggap na ng Diyos ay lalong kailangan kaysa pagkain; at kapag pinakukulimlim ng isang ulap ang kanilang mga pag-iisip, hindi sila nagtitigil hanggang sa yao'y maparam. Sa kanilang pagkadama sa patotoo ng biyayang mapagpatawad, ay ikinasabik nilang mamalas si Kristong minamahal ng kanilang kaluluwa. MT 318.2
Datapuwa't sila'y talagang mabibigo. Dumaan ang panahon nilang hinihintay, nguni't ang tagapagligtas ay hindi napakita. Tagrlay ang hindi nagmamaliw na pagtitiwala, ay umasa sila sa Kanyang pagdating at ngayo'y nadama nila ang damdaming suma kav Maria, noong siya'y lumapit sa libinp-an ng Tagapagligtas at masumpungang yao'y walang laman, siya'y tumatangis na nagsabi: “Kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko maalaman kung saan nila inilagay Siya.”3Juan 20:13. MT 318.3
Isang pagkasindak, katakutan na baka nga totoo ang pabalita, ang siyang nakapigil ng mga ilang panahon sa sanlibutang hindi nanampalataya. Nang du- maan ang panahong hinihintay, ang pagkatakot na ito ay hindi agad lumipas sa kanila; hindi pa muna nila tinuya ang nangabigo; datapuwa't palibhasa'y walang dumarating na mga tanda ng kagalitan ng Diyos, napawi ang kanilang mga takot, at sila'y nang-uyam at nanglibak. MT 318.4
Marami sa nangagbansag na nanampalataya sa madaling pagdating ng Panginoon ang nagtakwil ng kanilang pananampalataya. Nasugatan ng malubha ang mga damdamin ng ilan sa mga lubos na nanampalataya at tapat ang mga loob, anupa't minabuti pa nila ang sila'y wala na sa sanlibutan. Katulad ni Jonas, idinaing nila ang Diyos, at inibig pa nila ang mamatay kaysa mabuhay. Ang mga nagsalig ng kanilang pananampalataya sa mga palagay ng mga iba, at hindi sa salita ng Diyos, ay handa na ngayong magbago ng kanilang mga paniniwala. MT 319.1
Naakit ng mga manglilibak sa kanilang panig yaong mga mahihina at mga duwag, at lahat ng ito ay nagkaisa sa pagsasabi na wala na ngayong ikatatakot o aantabayanan pa. Nakaraan na ang panahon, ang Panginon ay hindi dumating, at ang sanlibutan ay mangyayaring manatiling gaya ng dati sa ilan pang libong taon. MT 319.2
Iniwan ng mga mataimtim at tapat na nanampalataya ang lahat alang-alang kay Kristo, at nakabahagi ng Kanyang pakikiharap na higit kaysa noong una. Alinsunod sa kanilang pananampalataya ay ibinigay nila sa sanlibutan ang kahuli-hulihang babala; at sa pag-asa nilang sandali na lamang at tatanggapin na sila sa lipunan ng kanilang banal na Panginoon at mga anghel sa langit ay nilisan nila ang pakikisama sa mga hindi tumanggap ng pabalita. Taglay ang mataos na pagnanasa ay dumalangin sila: “Pumarito Ka. Panginoong Jesus at Pumarito Kang madali.” Nguni't hindi Siya dumating. At ang pagpasang muli ng mabigat na dalahin ng mga pag-aalaala sa buhay at ang mga kagulumihanan, at ang bathin ang mga pagtuya at biro ng sanlibutang lumilibak, ay isang kakila-kilabot na pagsubok sa kanilang pananampalataya at pagtitiis. MT 319.3
Ang karanasan ng mga alagad na nagsipangaral ng “ebanghelyo ng kaharian” noong unang pagparito ni Kristo, ay nagkaroon ng katugon sa karanasan niyaong mga nagsipangaral ng pabalita ng ikalawa Niyang pagdating. Kung paanong ang mga alagad ay nagsihayong nangangaral, “Naganap na ang panahon, at malapit na ang kaharian ng Diyos,” gayon ding si Miller at ang kanyang mga kasama ay nagsipangaral na ang pinakamahaba at huli sa lahat na panahon ng hula na ipinahahayag ng Biblia ay malapit nang matapos, na ang paghuhukom ay dumating na, at ang walang-hanggang kaharian ay dumarating. Ang pangangaral ng mga alagad tungkol sa panahon ay ibinatay sa pitumpong sanlinggo ng Daniel 9. Ang pabalitang ibinigay ni Miller at ng kanyang mga kasama ay siyang nagpahayag ng katapusan ng 2300 araw ng Daniel 8:14, na ang pitumpong sanlinggo ay bahagi nito. Ang pangangaral ng bawa't isa ay nasasalig sa magkaibang bahagi ng dakilang panahon ng hula ding ito. MT 320.1
Gayunma'y ang kabiguan ng 1844 ay hindi kasimpait ng naranasan ng mga alagad noong unang pumarito si Kristo. Sa may pagwawaging pagpasok ni Jesus sa Jerusaiem, inakala ng Kanyang mga alagad na uupo na Siya sa luklukan ni David, at ililigtas Niya ang Israel sa mga maniniil. Taglay ang mga dakilang pag-asa at masayang paghihintay ay nag-unahan silang gumalang sa kanilang Hari. Marami ang naglatag ng kanilang kasuutan bilang alpombra sa Kanyang daraanan, o naglatag kaya ng mga madahong sanga ng palma. Sa malaki nilang katuwaan, nagsama-sama sila sa masayang pagpupuri. “Hosana sa Anak ni David!” Nang ang mga pariseo, na nagulo at nagalit sa ginawang pagkakatuwang ito ay naghangad na sansalain ni Jesus ang kanyang mga alagad, tumugon Siya: “Kung hindi mangagsiimik ang mga ito, ang mga bato'y sisigaw.”4Lukas 19:40. Ang hula ay dapat matupad. Tumupad ang mga alagad sa adhika ng Diyos; datapuwa't walang pagsalang darating sa kanila ang isang mapait na pagkabigo. Subali't lumipas muna ang ilang araw bago nila nasaksihan ang kaawaawang pagkamatay ng Tagapagligtas, at inilibing nila siya. Ang mga paghihintay nila ay hindi natupad ni bahagya man, at ang kanilang mga pag-asa ay namatay na kasama ni Jesus. Hanggang sa di lumabas sa libingan ang kanilang Panginoon na nagtatagumpay ay hindi nila nakitang ipinagpauna nga ng hula ang lahat ng iyon na “kinakailangang si Kristo ay maghirap, at muling mabuhay sa mga patay.”5Mga Gawa 17:3. MT 320.2
Limang daang taon pa bago ito nangyari ay ipinahayag na ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Zakarias: “Magalak kang mainam, oh, anak na babae ng Sion; humiyaw ka, oh anak na babae ng Jerusalem; narito, ang iyong Hari ay naparirito sa iyo: Siya'y ganap at may pagliligtas; mapagpakumbababa, at nakasakay sa isang asno, sa isang batang asno na anak ng asnong babae.”6Zakarias 9:9. Kung nabatid lamang ng mga alagad na si Kristo'y tutungo sa hukuman at sa kamatayan, hindi sana naaring tinupad nila ang hulang ito. MT 321.1
Ganyan ding paraan ang pagtupad ni Miller at ng mga kasama niya sa hula, at ipinangaral nila sa sanlibutan ang isang pabalitang ipinagpauna ng Banal na Espiritu na dapat ibigay sa sanlibutan; pabalita na hindi sana nila naibigay kung lubos nilang naunawaan ang mga hulang tumutukoy sa kanilang pagkabigo at naghaharap ng ibang pabalitang ipangangaral sa lahat ng bansa bago dumating ang Panginoon. Ang pabalita ng una at ikalawang anghel ay natupad sa hustong panahon, at natapos ng mga ito ang gawaing itinalaga ng Diyos na kanilang tapusin. MT 321.2
Nagmamasid noon ang sanlibutan, at umasa na, kung lumampas ang panahon at hindi pa dumating si Kristo, ang buong kaayusan ng Adventismo ay mapabayaan. Datapuwa't bagaman marami, sa ilalim ng mahigpit na tukso, ang nagbitiw ng kanilang pananampalataya, may ilan namang tumayong matatag. Ang mga bunga ng Kilusang Adventismo, ang diwa ng pagpapakababa at pagsasaliksik ng puso, ng pagtalikod sa sanlibutan at pagbabago ng kabuhayan, na siyang sumubaybay sa gawain, ay nagpatotoo na iyon nga'y sa Diyos. Hindi nila maitanggi na ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay sumaksi sa pangangaral ng pabalita tungkol sa ikalawang pagparito at wala silang makitang anumang pagkakamali sa kanilang pagbilang ng mga panahong itinuturo ng hula. Ang pinakamatalino sa kanilang mga katunggali ay hindi nagtagumpay sa pagbabagsak sa ayos ng kanilang paliwanag sa hula. Hindi sila makapayag, kung wala rin lamang patotoo ang Biblia, na iwan ang mga katayuang inabot na sa pamamagitan ng mataimtim, at puno ng panalanging pag-aaral ng mga nasulatan, ng mga isipang tinanglawan ng Espiritu ng Diyos at mga pusong pinapag-alab ng buhay na kapangyarihan nito; mga katayuang naging matatag sa harap ng pinakamahigpit na pagsuri at pinakamapait na pagsalansang ng mga tanyag na guro ng relihiyon at matatalinong tao sa sanlibutan, at tumayo ring matatag laban sa naglakip na mga kapangyarihan ng karunungan at tamis ng dila, at sa pagkutya at pag-uyam ng mararangal at mga imbi. MT 321.3
Tunay ngang nabigo sila sa hinihintay na pangyayari, datapuwa t ni ito man ay hindi nakaliglig ng kanilang pananalig sa salita ng Diyos. Nang ipahayag ni Jonas sa mga lansangan ng Ninibe na pagkatapos ng apatnapung araw ay iwawasak ang bayan, tinanggap ng Panginoon ang pagpapakumbaba ng mga taga-Ninibe, pinalugitan ang kanilang panahon ng biyaya; bagaman ang pabalita ni Jonas ay ipinadala ng Diyos at ang Ninibe ay sinubok alinsunod sa Kanyang kalooban. Ang mga Adven- tista ay nanganiwalang pinangunahan din sila ng Diyos sa gayong paraan upang iaral ang babala tungkol sa paghuhukom. MT 322.1
Hindi itinakwil ng Diyos ang Kanyang bayan; ang Kanyang Espiritu ay naninirahan pa sa mga hindi biglang tumanggi sa liwanag na kanilang tinanggap, at hindi tumalikod sa Kilusang Adventismo. Sa Sulat sa mga Hebreo ay napapalaman ang mga pangungusap na pampasigla at babala sa mga sinubok na naghihintay ang sandaling yaon ng kagipitan: “Huwag nga ninyong itakwil ang inyong pagkakatiwala, na may dakilang gantimpala. Sapagka't kayo'y nangangailangan ng pagtitiis, upang kung inyong magawa ang kalooban ng Diyos, ay magsitanggap kayo ng pangako. Sapagka't sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating, at hindi magluluwat. Nguni't ang Aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya; at kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng Aking kaluluwa. Nguni't tayo'y hindi doon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan, kundi doon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.”7Hebreo 10:35-39. MT 323.1
Na ang payong ito ay iniuukol sa iglesya sa mga huling araw, ay malinaw, mula sa pangungusap na tumutukoy sa kalapitan ng pagdating ng Panginoon: “Sapagka't sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating at hindi magluluwat.” At maliwanag na isinasaad na magkakaroon mandin ng pagluluwat at ang Panginoon ay tila magtatagal. Ang aral na rito'y itinuturo ay angkop sa karanasan ng mga Adventista sa panahong ito. Ang mga taong dito'y pinagsasabihan ay nasa panganib na masiraan ng pananampalataya. Ginanap nila ang kalooban ng Diyos sa kanilang pagsunod sa pangungulo ng Kanyang Espiritu at ng Kanyang salita; datapuwa't hindi nila maunawa ang Kanyang adhika sa nakaraan nilang karanasan, ni hindi nila makita ang landasing nasa kanilang harapan, at natukso silang mag-alinlangan kung pinangu- ngunahan nga sila ng Diyos. Nang panahong yaon ay agpang ang mga pangungusap: “Ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya.” Sa pagtanglaw ng maliwanag na ilaw ng “sigaw sa hating-gabi” sa kanilang dinaraanan, at sa pagkakita nilang nangabuksan ang mga hula, at ang mabilis na natutupad na tandang nagsasaad na malapit na ang pagbalik ni Kristo, ay wari bagang nagsilakad sila sa tulong ng kanilang mga mata. Datapuwa't ngayong pinapanglupaypay sila ng nangabigong pag-asa, makatatayo sila sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang salita. MT 323.2
Ang sanlibutang umuuyam ay nangagsabi: “Kayo'y nangadaya. Iwan na ninyo ang inyong pananampalataya, at sabihin ninyong ang Kilusang Adventismo ay kay Satanas.” Datapuwa't ipinahayag ng salita ng Diyos: “Kung siya ay umurong ay hindi kalulugdan ng Aking kaluluwa.” Ang pagbibitiw nila ngayon ng kanilang pananampalataya, at ang pagtanggi sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu na kumasi sa pabalita, ay pag-urong na tungo sa kapahamakan. Ang mga pangungusap ni Pablo ay siyang nagpasigla sa kanila na magtumibay, “huwag nga ninyong itakwil ang inyong pagkakatiwala;” “kayo'y nangangailangan ng pagtitiis” “sapagka't sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating at hindi magluluwat.” Ang kanila lamang kapanatagan ay ingatan ang liwanag na tinanggap na nila sa Diyos, manghawak sa Kanyang mga pangako, magpatuloy sa pagsisiyasat ng mga Banal na Kasulatan, at magtiis na maghintay at magpuyat upang tumanggap ng iba pang liwanag. MT 324.1