Bago dumating ang Reporma ay nagkaroon ng mga panahon na mayroong iilang kopya lamang ng Biblia; datapuwa't hindi pinahintulutan ng Diyos na lubusang mawala ang Kanyang salita. Ang mga katotohanan nito ay hindi lalaging nakatago magpakailan man. Madali rin naman Niyang mapalalaya ang salita ng buhay gaya ng pagbubukas Niya sa mga pintong bakal ng bilangguan, upang palayain ang kanyang mga lingkod. Sa iba't ibang bansa ng Europa ay kinilos ng Espiritu ng Diyos ang mga tao upang saliksikin ang katotohanang tulad sa paghanap sa mga natatagong kayamanan. Sa pagkaakay sa kanila sa mga Banal na Kasulatan ayon sa kalooban ng Diyos, pinag-aralan nilang may maningas na interes ang mga banal na dahon nito. Handa silang tumanggap ng liwanag, anuman ang mangyari sa kanila. Bagaman di-maliwanag na nakita nila ang lahat, ay ipinagkaloob na maunawa nila ang maraming malaon nang natatagong katotohanan. Sila'y yumaong tulad sa mga sinugo ng langit, na pinapatid ang mga tanikala ng kamalian at pamahiin, at tinatawagang bumalikwas yaong malaong nangabusabos upang ipakilala ang kanilang kalayaan. MT 65.1
Maliban sa mga Baldense, ang salita ng Diyos ay sinarhan sa mga wika na ang mga nag-aral lamang ang nakaaalam; datapuwa't dumating ang panahon na kailangang isalin sa ibang wika ang Banal na Kasulatan, at ipagkaloob sa mga tao sa iba't ibang lupain sa kanilang sariling wika. MT 65.2
Noong ikalabing-apat na dantaon ay sumipot sa Ing- latera ang “tala sa umaga ng Reporma.” Si Juan Wicleff ay siyang tagapagbansag ng reporma, hindi lamang para sa Inglatera, kundi sa lahat ng Sangkakristiyanuhan. Ang malaking pagtutol na pinahintulutang mabigkas niya laban sa Roma ay hindi mapatatahimik kailan man. Ang pagtutol na yaon ay siyang nagsimula sa labanan na nauwi sa pagpapalaya sa mga tao, sa mga iglesya, at sa mga bansa. MT 65.3
Si Wicleff ay nakapag-aral na mabuti, at sa ganang kanya ang pagkatakot sa Panginoon ay siyang pasimula ng karunungan. Siya'y nabantog sa kolehiyo dahil sa kanyang maningas na kabanalan at sa kahanga-hanga niyang mga talento at sa kabutihan sa pag-aaral. Sa kasabikan niya sa karunungan ay sinikap niyang matutuhan ang bawa't sanga ng kaalaman. Nag-aral siya ng pilosopiya eskolastika, ng mga batas ng iglesya, at ng batas sibil, lalung-lalo na yaong sa kanyang sariling bayan. Sa mga huli niyang gawa ay nahayag ang kahalagahan ng kanyang maagang pagkapag-aral. Ang kanyang ganap na kaalaman sa pilosopiya espekulatiba noong kanyang kapanahunan ay siyang sa kanya'y tumulong na ilantad ang mga kamalian ng pilosopiyang iyon; at sa pamamagitan ng kanyang pagkapag-aral sa batas ng bansa at ng relihiyon ay nahanda siya sa malaking pakikipagtunggali ukol sa kalayaang sibil at kalayaan ng relihiyon. Samantalang nagagamit niya ang mga sandatang nanggagaling sa salita ng Diyos, ay nagtamo naman siya sa mga paaralan ng disiplina ng isipan, at nataho niya ang mga paraan ng mga tao ng paaralan. Ang kapangyarihan ng kanyang katalinuhan at ang kalakihan at kaganapan ng kanyang kaalaman ay pinagpitaganan ng kanyang mga kaibigan at mga kalaban. MT 67.1
Samantalang nasa kolehiyo pa si Wicleff, ay pinag-aralan niya ang mga Kasulatan. Siniyasat niya ang mga ito na taglay ang gayon ding kaganapan sa paggawa na sa pamamagitan nito'y lubusan niyang natutuhan ang mga kaalaman ng mga paaralan. Bago dumating ang panahong ito ay naranasan niya ang isang malaking kasalatan, na hindi mabigyang kasiyahan ng kanyang natutuhan sa paaralan o ng mga aral man ng iglesya. Sa salita ng Diyos ay natuklasan niya ang di niya masumpungan nang una. Dito'y nakita niyang nahayag ang panukala ng kaligtasan, at dito'y nakita niyang si Kristo ang tanging pintakasi ng mga tao. Itinalaga niya ang kanyang sarili sa paglilingkod kay Kristo, at ipinasiya niyang ibalita ang mga katotohanang kanyang nasumpungan. MT 67.2
Nang simulan ni Wicleff ang kanyang gawain, ay hindi rin niya nakita ang kanyang kahahangganan na gaya ng mga Repormador na sumunod sa kanya. Hindi niya talagang pinanukala na salungatin ang Roma. Datapuwa't di-maaaring di siya dalhin ng kanyang pagtatapat sa katotohanan sa pakikipagtunggali sa kasinungalingan. Samantalang lalo niyang naliiiwanagan ang mga maling aral ng kapapahan, ay lalo naman niyang masikap na ipinakikilala ang iniaaral ng Biblia. Natuklasan niya na ang Roma ay tumalikod sa salita ng Diyos at bumaling sa sali't saling sabi ng tao; ang mga pari ay walang takot niyang pinaratangang nagtapon sa mga Kasulatan, at hiningi niyang isauli sa mga tao ang Biblia, at ang kapangyarihan nito ay itatag na muli sa iglesya. Siya ay may kakayahan at masipag na guro, magaling na mangangaral, at ang kabuhayan niya sa araw-araw ay naghayag ng katotohanang ipinangaral niya. Ang kaalaman niya sa Banal na Kasulatan, ang lakas ng kanyang pangangatuwiran, ang dalisay niyang kabuhayan, at ang hindi nangingimi niyang katapangan at kalinisan ng budhi, ay nagdulot sa kanya ng papuri at pagtitiwala ng mga tao. Maraming tao ang nangawalan ng tiwala sa kanilang dating pananampalataya nang makita nila ang kasamaang nananagana sa Iglesya Romana, at tinanggap nilang may hayag na katuwaan ang mga katotohanang ipinakikilala ni Wicleff; datapuwa't ang mga pinuno ng papa ay naginit na totoo nang makita nila na lumalaganap ang impluensya ng Repormador na ito, ng higit sa kanila. MT 68.1
Si Wicleff ay magaling na tumiktik ng kamalian, at walang gulat niyang binatikos ang mga kapaslangang ipinagtatanggol ng kapangyarihan ng Roma. Nang siya'y kapelyan pa ng hari, ay mahigpit niyang nilabanan ang pagbabayad ng buwis na hinihingi ng papa sa haring Ingles at ipinakilala niya na ang kapangyarihang ginagamit ng papa sa mga pinuno ng pamahalaan ay laban sa katuwiran at sa banal na pahayag. Ang mga kahingian ng papa ay lumikha ng malaking ngitngit at ang mga aral ni Wicleff ay lumaganap sa mga tanyag na tao ng bansa. Ang hari at ang matataas na tao ay nangagsitanggi sa inaangkin ng papa na kapangyarihan niya sa pamahalaan, at sa pagbabayad ng buwis. Sa ganya'y mabisang dagok ang tumama sa pangingibabaw ng kapangyarihan ng papa sa Inglatera. MT 69.1
Ang isa pang kasamaang matagal at malakas na pinakipaglabanan ng Repormador ay ang pagtatatag ng mga orden ng mga prayleng nagpapalimos. Dumagsa ang mga prayleng ito sa Inglatera, at dinungisan nila ang kadakilaan at kasaganaan ng bayan. Ang industriya, ang pagtuturo, at ang moralidad ay pawang nakadama ng sumisirang impluensya. Ang tamad at mapagpalimos na kabuhayan ng mga monghe ay hindi lamang humithit ng kayamanan ng bayan, kundi nakaalipusta pa sa pinakikinabangang paggawa. Ang mga kabataan ay nawalan ng moral at sumama. Dahil sa impluensya ng mga prayle ay marami ang naakit na pumasok sa kombento at italaga ang kanilang sarili sa gayong pamumuhay, at ito'y hindi lamang walang pahintulot ng mga magulang, kundi hindi nila nalalaman at laban sa kanilang mga ipinatutupad. MT 69.2
Ang mga mongheng ito ay pinagkalooban ng papa ng karapatang kumumpisal at makapagpatawad ng mga ka- salanan. Ito'y naging isang bukal ng malaking kasamaan. Sa pagnanasa ng mga prayleng mapalaki ang kanilang pakinabang, sila'y naging laang magbigay ng kapatawaran sa tuwituwina na anupa't ang lahat ng uri ng mga kriminal ay nagsilapit sa kanila, at bilang bunga nito'y mabilis na lumago ang pinakamasasamang bisyo. Ang mga maysakit at mga dukha ay napabayaan sa kahirapan, samantalang ang mga kaloob na makatutulong sana sa kanilang mga pangangailangan ay nauwi sa mga monghe na sa pamamagitan ng mga pananakot ay humingi ng limos sa mga tao at pinararatangang walang kabanalan ang ayaw magbigay ng kaloob sa kanilang mga orden. Sa kabila ng pagbabansag ng mga prayle na sila'y mahihirap, ang kayamanan nila ay patuloy na lumaki at ang maaliwalas nilang gusali at masarap na pagkain ay nagpakilala ng patuloy na pagdadahop ng bansa. At samantalang ginugugol nila ang kanilang panahon sa kasaganaan at kasayahan, ay nagsusugo sila ng mga taong mangmang na walang nalalaman kundi magsalaysay lamang ng mga kuwentong katha-katha, mga alamat, at mga katatawanan panglibang sa mga tao, at ng sa gayo'y lalo silang maulul ng mga monghe. Gayon ma'y nanatili pa rin ang kapamahalaan ng mga prayle sa mga mapamahiing karamihan, at pinapaniwala ang mga ito na ang lahat ng tungkulin sa relihiyon ay nabubuo sa pagkilala sa kapangyarihan ng papa, sa pagsamba sa mga santo at sa paglilimos sa mga monghe at ito'y sapat na upang magkaroon ng tahanan sa langit. MT 69.3
Ang mga taong may pinag-aralan at maibigin sa kabanalan ay nangabigo sa pagsisikap na magpasok ng pagbabago sa mga gawain ng ordeng ito ng mga monghe; datapuwa't dahil sa maliwanag na pagkaunawa ni Wieleff ay sinapol niya ang ugat ng kasamaan, at ipinahayag niya na ang kaayusang ito'y may karayaan, at nararapat na alisin. Pinasimulan niyang sumulat at maglathala ng mga babasahin laban sa mga prayle, datapuwa't hindi upang makipagtalo sa kanila kundi upang tawagan ang alaala ng bayan sa mga iniaral ng Biblia at ng Diyos na Maygawa. Sinabi niya na ang kapangyarihan ng papa na magpatawad at mag-eskomunyon ay hindi higit sa kapangyarihan ng mga pari, at sinumang tao ay hindi maaaring maging eskomulgado malibang ipataw sa kanya ang hatol ng Diyos. Wala nang iba pang paraang magagawa siya upang ibagsak ang itinayo ng papa na napakalaking kahariang sumasakop sa pamahalaan at sa relihiyon, at kinabibilangan ng kaluluwa at katawan ng angaw-angaw na mga tao. MT 70.1
Ang mga kulog ng papa ay pinaputok agad laban sa kanya. Tatlong bula ang ipinadala sa Inglatera, isa sa unibersidad, isa'y sa hari, at ang isa'y sa mga prelado—ang lahat ng ito'y pawang nagbibiling gumawa ng madali at mahigpit na mga hakbang upang mapatahimik ang nagtuturo ng erehiya.1J. A. W. Neander, History of the Christian Religion and Church, ika-6 panahon, pangkat 2, bahagi 1, par. 8. Gayon man bago dumating ang mga bula ay ipinatawag ng mga masisigasig na obispo si Wicleff upang litisin. Datapuwa't ang dalawa sa pinakamalakas na prinsipe ng kaharian ay sumama sa kanya hanggang sa hukuman; at ang mga tao na lumiligid sa gusali, at nagpipilit na makapasok, ay nagbanta ng gayon na lamang sa mga hukom, na anupa't ipinagpaliban tuloy ang paglilitis at siya'y mapayapang pinaalis. Hindi nalaunan at ang haring si Eduardo III na sinusulsulan ng mga pari laban sa Repormador, ay namatay, at ang tagapagtanggol ni Wicleff noong una ay siyang pinagkatiwalaan ng kaharian. MT 71.1
Datapuwa't ang mga bula ng papa na dumating ay nagbigay ng pangwakas na utos sa buong Inglatera na hulihin at ibilanggo ang erehe. Ang utos na ito ay nangangahulugan ng pagsunog. Malinaw na si Wicleff ay madaling mahuhulog sa paghihiganti ng Roma. Datapuwa't Siya na nagpahayag sa isang tao noong unang dako na “huwag kang matakot; Ako ang iyong kalasag,”2Genesis 15:1. ay nag-unat na muli ng Kanyang bisig upang ipagtanggol ang Kanyang lingkod. Dumating ang kamatayan hindi sa Repormador, kundi sa papa na nag-utos na patayin ang Repormador. Namatay si Gregorio XI, at ang lahat ng paring nagkatipon upang lumitis kay Wicleff ay nangaghiwa-hiwalay. MT 71.2
Ang kalooban ng Diyos ay namaibabaw pa rin sa mga pangyayari upang mapaunlad ang Reporma. Ang pagkamatay ni Gregorio ay sinundan ng paghahalal sa dalawang papang nagpapangagaw. Ang dalawang nagtutunggaling kapangyarihan, na ang bawa't isa'y nagpapanggap na hindi nagkakamali, ngayo'y nag-aangking nararapat silang sundin. Ang bawa't isa'y nanawagan sa mga tapat upang tulungan siya laban sa katunggali, ipinipilit niya ang kanyang mga hinihingi sa pamamagitan ng mga kakila-kilabot na sumpa laban sa kanyang mga kaaway, at ipinangangako ang mga gantimpala sa langit sa lahat ng tumutulong sa kanya. Ang pangyayaring ito ay nagpahinang lubha sa kapangyarihan ng kapapahan. Ang dalawang pangkating nagtutunggali ay wala nang iba pang magawa kundi ang tuligsain ang isa't isa, at nagkaroon si Wicleff ng panahon upang makapagpahinga. Sa tahimik na tahanan sa Lutterworth, ang Repormador na si Wicleff ay walang likat na nagpapagal upang alisin ang pag-asa ng mga tao sa dalawang papang naglalaban at ilagay kay Jesus na Prinsipe ng Kapayapaan. MT 72.1
Ipinangaral ni Wicleff ang ebanghelyo sa mga dukha gaya ng kanyang Panginoon. Sa hindi niya pagkakaroon ng kasiyahan sa paglalaganap ng liwanag sa tahanan ng mga dukha sa kaniyang parokya, ay ipinasiya niyang ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng sulok ng Inglatera. Upang maganap ilo, ay nagtatag siya ng isang kalipunan ng mga mangangaral, mga taong tapat at maibigin sa kabanalan, na umiibig sa katotohanan at walang ibang adhika kundi ang ito'y ilaganap. Ang mga taong ito'y humayo sa lahat ng dako na nagtuturo sa mga pamilihan, sa mga lansangan ng malalaking lunsod, at sa mga landas na patungo sa labas ng bayan. Pinaghanap nila ang mga matanda, ang mga maysakit, at ang mga dukha, at binuksan sa kanila ang mabuting balita ng biyaya ng Diyos. MT 72.2
Datapuwa't ang dakila sa lahat ng ginawa ni Wicleff ay ang pagsasalin ng mga Kasulatan sa wikang Ingles. Sa kanyang aklat na On the Truth and Meaning of the Scripture, ay ipinahayag niya ang kanyang adhika na isalin ang Biblia upang mabasa ng bawa't tao sa Inglatera sa sarili niyang wika ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. MT 73.1
Datapuwa't biglang napatigil ang kanyang paggawa. Bagaman wala pa siyang animnapung taon, ang walang tigil na paggawa, pag-aaral, at mga pagsalakay ng kanyang mga kaaway, ay nagpahina sa kanya at nagmukhang matanda siya agad. Dinapuan siya ng mabigat na sakit. Lubhang ikinatuwa ng mga prayle ang mga balitang ito. Inakala nilang ngayo'y mapait na niyang pagsisisihan ang masama niyang ginawa sa iglesya, at nagsipasok sila agad sa kanyang silid upang siya'y kumpisalin. Nagtipon ang mga kinatawan ng apat na orden, na may kasamang apat na opisyal, sa palibot ng taong ipinalalagay na mamamatay. “Nasa mga labi mo na ang kamatayan,” ang sabi nila; “ikalumbay mo na ang iyong mga kasalanan, at bawiin mo sa aming harap ang lahat ng paninira mo sa amin.” Tahimik na nakinig ang Repormador; pagkatapos ay iniutos niya sa nag-aalaga sa kanya na siya'y ibangon, at sa pagkatitig niya sa kanila samantalang sila'y naghihintay na bawiin niya ang lahat niyang sinabi, ay ipinahayag niya sa isang matatag at malakas na tinig, na malimit magpanginig sa kanila: “Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay, at muli kong ihahayag ang masasamang gawa ng mga prayle.”3J. H. Merle d'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 17, kab. 7. Nagsilabas agad ang mga prayle sa kanyang silid na nangamangha at nangapahiya. MT 73.2
Natupad ang mga sinabi ni Wicleff. Nabuhay siya upang ilagay sa kamay ng kanyang mga kababayan ang lalong makapangyarihang sandata na magagamit laban sa Roma—upang ibigay sa kanila ang Biblia na siyang kasangkapan na itinakda ng Diyos upang magpalaya, magbigay liwanag, at magpakilala ng ebanghelyo sa mga tao. MT 73.3
Marami at malaki ang nakahahadlang na kailangang pangibabawan upang maganap ang gawang ito. Si Wicleff ay may dinadalang mga karamdaman. Alam niyang iilan na lamang taon ang nalalabing kanyang igagawa, nakita niya ang pagsalansang na kakailanganin niyang sagupain; datapuwa't pinasigla palibhasa ng mga pangako ng salita ng Diyos, humayo siyang walang takot. Sa buong lakas ng kapangyarihan ng kanyang pag-iisip, na sagana sa malawak na karanasan, siya'y kinupkop at inihanda ng kalooban ng Diyos sa gawaing ito na siyang pinakadakila sa lahat niyang ginawa. Samantalang ang buong lupang Kristiyano ay puno ng kaguluhan, ang Repormador naman ay nasa kanyang rektorya sa Lutterworth, na hindi pinapansin ang bagyong bumabagsak sa labas, kundi masikap na inaasikaso ang pinili niyang gawain. MT 74.1
Sa wakas ay natapos ang kanyang ginagawa—ang kauna-unahang pagsasalin ng Biblia sa Ingles. Nabuksan sa Inglatera ang salita ng Diyos. Ngayo'y wala nang takot ang Repormador sa bilangguan o sunugan man. Nailagay na niya sa mga kamay ng sambayanang Ingles ang tanglaw na hindi mamamatay kailan man. Sa pagbibigay niya ng Biblia sa kanyang mga kababayan, ay lalong malaki ang nagawa niya upang patirin ang mga tanikala ng kamangmangan at bisyo, upang palayain at itaas ang kanyang bayan, kaysa nagawa kailan man ng pinakamaniningning na tagumpay sa larangan ng digma. MT 74.2
Sapagka't hindi pa nalalaman noon ang sining ng paglilimbag, sa pamamagitan lamang ng napakabagal at nakapapagod na gawain nakayayari sila ng mga kopya ng Biblia. Gayon na lamang kalaki ang kasabikan ng mga tao na magkaroon ng aklat, anupa't marami ang nagkusang tumulong sa pagkopya nito, datapuwa't napakahirap pa ring masapatan ng mga nagsisikopya ang kahilingan ng mga tao. Ang ilan sa mayayaman ay ibig bumili ng buong Biblia. Ang iba naman ay isang bahagi lamang nito. Sa maraming pangyayari ay maraming mga sambahayan ang nagsasama upang bumili ng isang salin. Sa gayo'y di nalauna't nakapasok ang Biblia ni Wicleff sa tahanan ng mga tao. Ang pagkakaroon ng mga Kasulatan ay nagdulot ng pangamba sa mga pamunuan ng iglesya. Dapat silang makitalad ngayon sa isang lalong makapangyarihan kaysa kay Wicleff—isang laban dito'y walang gasinong magagawa ang kanilang mga sandata. Sa Inglatera nang panahong ito ay wala pang batas na nagbabawal ng Biblia, sapagka't kailan man noong una ay di pa ito napapalimbag sa wika ng mga tao. Ang gayong mga batas ay saka pa lamang ginawa at mahigpit na ipinatupad nang sumunod na mga panahon. Samantala'y sa kabila ng pagsisikap ng mga pari, ay nagkapanahon sa pagkakaroon ng pagkakataong maikalat ang salita ng Diyos. MT 74.3
Halos matapos na ang gawain ni Wicleff; ang watawat ng katotohanang dinala niyang mahabang panahon ay malapit nang bitiwan ng kanyang kamay. Sa iglesya niya sa Lutterworth, nang halos ipamahagi na niya ang komunyon, ay nabuwal siya, sa sakit na paralisis, at di-nalauna't nalagutan siya ng hininga. MT 75.1
Si Wicleff ay nanggaling sa kalabuan ng Madilim na Kapanahunan. Walang nauna sa kanya na nagkaroon ng gawaing maaaring pagbatayan ng kanyang pagbabago. Ibinangong gaya ni Juan Bautista upang gumanap ng isang tanging gawain, siya ang tagapagbansag ng isang bagong kapanahunan. Gayon ma'y ang ayos ng katotohanang kanyang ipinakilala ay nagkaroon ng pagkakaisa at kaganapang di-nahigitan ng mga repormador na nagsisunod sa kanya, at ni di-naabot ng mga iba, kahit na nang sumunod na sandaang taon. Napakalawak at mala- lim ang pinagsasaligan, napakatibay at tunay ang balangkas nito, na anupa't di na ito dapat pang baguhin ng mga nagsisunod sa kanya. MT 75.2
Si Wicleff ay isa sa mga pinakadakilang Repormador. Sa lawak ng katalinuhan, sa liwanag ng pag-iisip, sa tibay ng pananatili sa katotohanan, at sa katapangang ipagsanggalang ito, ay iilan sa mga nagsisunod sa kanya ang sa kanya'y nakapantay. Ang malinis na kabuhayan, ang hindi napapagod na kasipagan sa pag-aaral at sa paggawa, ang walang dungis na kalinisang-budhi, at ang pag-ibig at katapatan sa paglilingkod na gaya ni Kristo, ay siyang katangian niya na una sa mga Repormador. Ito'y sa kabila ng kadiliman ng pag-iisip at sa karumihang moral na siya niyang sinilangan. MT 76.1
Ang likas ni Wicleff ay isang patotoo ng nagtuturo at bumabagong kapangyarihan ng Banal na Kasulatan. Ang Biblia ang gumawa ng kabutihan ng kanyang pagkatao. Ang pagsisikap na matamo ang mga dakilang katotohanan ng banal na pahayag ay nagbibigay ng kasariwaan at kalakasan sa buong pag-iisip. Ito ang nagpapalawak sa isipan, nagpapatalas sa pang-unawa, at nagpapagulang sa pagkukuro. Ang pag-aaral ng Biblia ay magpaparangal sa bawa't isipan, damdamin, at mithiin na hindi magagawa ng pag-aaral ng anumang bagay. Ito ang nagbibigay ng katibayan ng hangarin, ng pagtitiyaga, ng tapang, at ng matining na kalooban; ito ang nagpapalinis sa likas at nagpapabanal sa kaluluwa. Ang masikap at magalang na pag-aaral ng Banal na Kasulatan, na doo'y inilalapit ng nag-aaral ang kanyang pag-iisip sa pag-iisip ng Diyos, ay magbibigay sa sanlibutan ng mga tao na may lalong matibay at masiglang pag-iisip, at may lalong marangal na simulain kaysa pag-iisip at simulain na ibinunga ng pilosopiya ng tao. “Ang bukas ng iyong mga salita,” ang sabi ng mang-aawit, “ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ng unawa.”4Mga Awit 119:130. MT 76.2
Ang mga aral na itinuro ni Wicleff ay patuloy na lumaganap ng ilang panahon; ang mga kapanalig niya na kung tawagin ay mga Wiclefista o mga Lolardo, ay hindi sa Inglatera lamang tumawid kundi nangalat sa ibang lupain, taglay ang kanilang kaalaman ng ebanghelyo. Ngayong wala na ang nangunguna sa kanila, ay lalong pinagibayo kaysa noong una ng mga mangangaral ang kanilang kasigasigan, at marami ang nagsilapit upang pakinggan ang kanilang mga aral. Ang ilan sa mga maharlika, at pati ang asawa ng hari, ay nangaakit sa pananampalataya. Sa maraming pook ay nagkaroon ng malaking pagbabago sa mga pag-uugali ng mga tao, at ang mga tanda ng pagsamba sa mga diyus-diyusan ng Romanismo ay inalis sa mga iglesya. MT 77.1
Datapuwa't di-nalauna't bumulalas ang walang-awang bagyo roon sa mga tumatanggap sa Biblia na pinakapatnubay nila. Dahil sa pananabik ng mga haring Ingles na palakasin ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagtatamo ng tulong ng Roma, ay di sila nag-atubiling isakripisyo ang mga Repormador. Ito ang kauna-unahang panahon sa kasaysayan ng Inglatera na ipinag-utos sunugin ang mga alagad ng ebanghelyo. Sunud-sunod na pinagpapatay ang mga martir. Ang mga nagtatanghal ng katotohanan, na pinararatangan at pinarurusahan ay walang magawa kundi ibuhos na lamang ang kanilang mga pagtangis sa pakinig ng Panginoon ng mga hukbo. Bagaman tinugis tulad sa mga kaaway ng iglesya at mga taksil sa kaharian, ay nagpatuloy din silang nangaral sa mga lihim na dako, na hanggang mangyayari'y nangagkukubli sa mga abang tahanan ng mga dukha, at malimit na nagtatago sa mga yungib at mga kuweba. MT 77.2
Sa kabila ng mabangis na pag-uusig, ay nagpatuloy sa loob ng daan-daang taon ang isang tahimik, banal, masikap, at matiyagang pagtutol laban sa kumakalat na kasamaan ng pananampalataya ng relihiyon. Ang mga Kristiyano ng naunang panahong yaon ay mayroong ba- hagya lamang kaalaman sa katotohanan subali't matiyaga silang nangagbata alang-alang sa salita ng Diyos. Gaya ng mga alagad nang kapanahunan ng mga apostol, marami sa kanila ang nagsakripisyo ng kanilang mga ariarian sa sanlibutang ito para sa gawain ni Kristo. Magalak na inampon niyaong mga tinulutang tumira sa kani-kanilang tahanan ang kanilang mga kapatid na ipinatatapon; at kapag pati sila ay itinataboy, ay buong lugod nilang tinatanggap ang kapalaran ng itinapon. Tunay nga na tinalikdan ng libu-libo ang kanilang pananampalataya makalaya lamang sila dahil sa takot sa kabangisan ng sa kanila'y nagsisiusig, at sila'y nagsilabas sa bilangguan na nararamtan ng damit-nagsisi, upang ilathala ang kanilang pagbawi. Datapuwa't hindi kakaunti ang bilang —at dito'y kasama ang mga maharlika at abang mga tao —niyaong mga walang takot na sumaksi sa katotohanan, sa mga silid ng bilangguan, sa mga “tore ng mga Lolardo,” at sa gitna ng pagpapahirap at apoy, at nangatutuwang sila'y naging karapat-dapat makaalam ng “pakikisama sa Kanyang mga kahirapan.” MT 77.3
Sa pamamagitan ng mga sinulat ni Wicleff ay naakay si Juan Hus na taga-Bohemya, upang tumalikod sa mga kamalian ng aral ng Roma, at tumulong sa gawain ng Reporma. Kaya't sa dalawang lupaing ito, na malaki ang pagkakaagwat, ay nahasik ang binhi ng katotohanan. Mula sa Bohemya ay lumaganap sa ibang lupain ang gawain. Nabaling ang mga pag-iisip ng mga tao sa salita ng Diyos, na malaon nang nalimutan. Isang banal na kamay ang naghahanda ng daan ng Dakilang Reporma. MT 78.1