Sa mga tinawagan upang ilabas ang iglesya sa kadiliman ng kapapahan at dalhin sa liwanag ng isang lalong malinis na pananampalataya, ay nangunguna si Martin Lutero. Masigasig, mapusok, at tapat, na walang nakikilalang takot kundi ang pagkatakot sa Diyos, at walang kinikilalang ibang patibayan ng iglesya hinggil sa pananampalataya kundi ang Banal na Kasulatan lamang, si Lutero ang taong lalong angkop sa panahong yaon; sa pamamagitan niya'y gumawa ang Diyos ng isang malaking gawain, sa pagbabago sa iglesya at sa paghahatid ng liwanag sa sanlibutan. MT 101.1
Si Lutero ay nagmula sa mga taong dukha tulad sa mga unang tagapamansag ng ebanghelyo. Ang mga unang taon ng kanyang kabuhayan ay ginugol niya sa abang tahanan ng isang taga-bukid na Aleman. Ang salaping ipinagpaaral sa kanya ay kita ng kanyang ama sa paggawa sa mina. Nais sana niyang siya'y mag-abogado datapuwa't niloob ng Diyos na siya'y tumulong sa pagtatayo ng malalaking templo na unti-unting tumataas sa loob ng maraming panahon. Kahirapan, kasalatan, at mahigpit na disiplina ang siyang paaralang pinagsanayan ng Diyos kay Lutero, upang siya'y mahanda sa mahalagang gawain ng kanyang kabuhayan. MT 101.2
Ang ama ni Lutero ay isang taong may malakas at masiglang pag-iisip, at makapangyarihang likas, mapagtitiwalaan, matibay at matapatin. Tapat siya sa pagkilala sa kanyang tungkulin mangyari na ang mangyayari. Ang mabuti niyang pagkakilala ay siyang nag-alis ng kanyang tiwala sa monasteryo. Ipinagngitngit na lubha ng kan- yang kalooban ang pagpasok ni Lutero sa monasteryong wala siyang pahintulot; at dalawang taon pa muna ang nakaraan bago siya nakipagkasundo sa kanyang anak, gayunma'y hindi rin nagbago ang kanyang palagay at pagkakilala. MT 101.3
Ang mga magulang ni Lutero ay totoong maingat sa pagtuturo at pagsasanay sa kanilang mga anak. Sinikap nilang sa kanila'y ituro ang pagkakilala sa Diyos at ang pagsasakabuhayan ng mga kabaitang kristiyano. Ang panalangin ng ama ay malimit na pumailanglang na naririnig ng kanyang anak upang matanim sa isipan nito ang pangalan ng Panginoon, at upang balang araw ay tumulong sa ikasusulong ng Kanyang katotohanan. Sabik na sinamantala ng mga magulang niya ang lahat ng pagkakataon upang bumuti ang pag-uugali o pag-iisip kaya nila, na ipinahintulot ng mahirap nilang kabuhayan. Ang kanilang mga pagsisikap ay tapat at matiyaga upang maihanda lamang ang kanilang mga anak sa isang banal at mabuting kabuhayan. Taglay ng katibayan at kalakasan ng kanilang likas, maminsan-minsan ay nagiging mabalasik sila; datapuwa't bagaman alam ng Repormador na sa ilang bahagi ay nagkakamali sila natagpuan naman niyang lalong marami ang kanyang masasang-ayunan sa kanilang disiplina kaysa mapupulaan. MT 103.1
Sa paaralang pinasukan ni Lutero noong siya‘y bata pa ay pinagpakitaan siya ng kagahasaan at karahasan. Gayon na lamang ang karukhaan ng kanyang mga magulang na anupa't nang umalis siya sa kanila upang magaral sa kasunod na bayan lamang, ay kinailangang siya'y lumapit sa bahay-bahay at umawit upang mayroon siyang ipagtawid-gutom. Ang madilim at batbat ng pamahiing paniniwala tungkol sa relihiyon na naghahari noon, ay siyang nagdulot sa kanya ng takot. Kung gabi, siya'y matutulog na nagdadalamhati ang puso at nanginginig na tinitingnan ang panahong hinaharap, at laging kinikilabutan sa pagkaalam niya na ang Diyos ay isang mahigpit, at walang awang hukom, isang mabagsik na puno, at hindi isang mahabaging Ama na nasa langit. MT 103.2
Datapuwa't sa ilalim ng gayong kayrami at kaylaking mga bagay na sukat ipanglupaypay, ay buong tapang na nagpatuloy si Lutero sa mataas na patakaran ng moralidad at kadalubhasaan na gumagayuma sa kanyang kaluluwa. Kinauhawan niya ang karunungan, at ang mataimtim at mapraktikang katutubo ng kanyang pag-iisip ay siyang nagpanabik sa kanya na nasain ang mga bagay na matatag at mapapakinabangan, ng higit kaysa mga bagay na mapagparangya at mapagpaimbabaw. MT 104.1
Nang pumasok siya sa unibersidad ng Erfurt, sa gulang na labingwalong taon, ang kanyang kalagayan ay mabuti-buti at ang kanyang hinaharap ay lalong may pag-asa kaysa noong siya'y bata. Ang kanyang mga magulang, nang makaipon ng salapi sa pamamagitan ng pagtitipid at kasipagan, ay nakapagbigay sa kanya ng lahat ng tulong na kanyang kailangan. At ang impluensya ng matatalino niyang kaibigan ay nakapagbago ng bahagya sa nakalulungkot na ibinunga ng kanyang unang pag-aaral. Iniubos niya ang kanyang pag-iisip sa pag-aaral ng mga sinulat ng pinakamabuting manunulat, at masikap na tinandaan ang kanilang pinakamahahalagang isipan, at ginawang kanya ang karunungan ng mga pantas. Maging sa ilalim man ng mabagsik na pagpapasunod ng kanyang mga unang tagapagturo ay ipinakilala niya ang kanyang katangian; at sa pamamagitan ng mabubuting impluensya ay malakas na sumulong ang kanyang pag-iisip. Isang matatandaing isip, buhay na pagkukuro, malakas na pangangatuwiran, at walang pagod na pagsasakatuparan, ay hindi nagluwat at siyang nagtampok sa kanya sa unahan ng kanyang mga kasama. Ang pagdisiplina sa pag-iisip ay siyang nagpagulang sa kanyang pang-unawa at nagpakilos ng kanyang pag-iisip at nagpatalas ng kanyang isipan na siyang mga naghanda sa kanya sa pakikitalad sa mga kahirapan sa buhay. MT 104.2
Ang pagkatakot sa Panginoon ay namahay sa puso ni Lutero, at ito ang tumulong sa kanya sa pagkakaroon ng matibay na hangarin, at umakay sa kanya sa lubos na pagpapakumbaba sa harap ng Diyos. Lagi niyang nadarama ang pananalig sa tulong ng Diyos, at kailan ma'y hindi niya pinasimulan ang araw ng walang panalangin, samantalang ang kanyang puso naman ay palaging nagpapailanglang ng isang kahilingang siya'y akayin at tangkilikin. “Ang mabuting pananalangin,” malimit niyang sabihin, “ay siyang lalong mabuting kalahati ng pagaaral.”1J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 2, kab. 2. MT 105.1
Isang araw, samantalang sinisiyasat ni Lutero ang mga aklat sa aklatan ng unibersidad, ay natuklasan niya ang isang Bibliang Latin. Kailan man ay hindi pa siya nakakita ng gayong aklat. Hindi niya alam na mayroon palang gayong aklat. Napakinggan na niyang binabasa sa mga tao ang mga bahagi ng mga ebanghelyo at epistola sa hayag na pagsamba, at ipinalagay niyang yaon na ang buong Biblia. Ngayon pa lamang niya unang nakita ang buong salita ng Diyos. Binuklat niya ang mga banal na dahon nito, taglay ang pitagan at pagkamangha, binasa niya ang mga salita ng buhay na taglay ang mabilis na pagpitik at tibok ng puso at maminsan-minsan ay huminto siya sa pagsasabing “Oh, bigyan sana ako ng Diyos ng ganitong aklat!”1J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 2, kab. 2. MT 105.2
Ang taimtim na pagnanasang maligtas sa kasalanan at magkaroon ng kapayapaan sa Diyos, ay siyang sa wakas ay umakay kay Lutero na pumasok sa isang kombento at italaga ang kanyang sarili sa buhay monasteryo. Dito'y kinailangan siyang gumawa ng kaabaabang gawain at magpalimos sa bahay-bahay Siya noo'y nasa gulang na katutubo sa tao ang magnasang siya'y purihin o igalang at dahil dito ang mabababang gawaing ito ay nakahahamak sa kanyang katutubong damdamin; datapuwa't matiyaga niyang binata ang mga kahirapang ito, palibhasa'y naniniwala siyang yao'y kailangan dahil sa kanyang mga kasalanan. MT 105.3
Bawa't sandali na kanyang itinitigil sa paggawa ay ginagamit niya sa pag-aaral, na ginugugol pati oras na dapat itulog, at binabawasan ang panahong ukol sa kaunti niyang pagkain. Higit sa lahat ay ikinaliligaya niya ang mag-aral ng salita ng Diyos. Nakasumpong siya ng isang Bibliang nakatanikala sa dingding ng kombento, at malimit siyang pumaroon. Nang makilala niya ng higit at higit ang kanyang pagkamakasalanan, ay sinikap niya sa pamamagitan ng kanyang sariling mga gawa na magtamo ng kapatawaran, at kapayapaan. Pinahirapan niyang mabuti ang kanyang katawan, na nag-aayuno, nagpupuyat, at pinasasakitan ang sarili upang masupil ang kasamaan ng kanyang likas, datapuwa't di siya mabigyang ginhawa ng buhay monasteryo. Hindi niya inurungan ang anumang hirap makamtan niya lamang yaong kadalisayan ng puso na makapagpapaari sa kanya na tumayong ganap sa harapan ng Diyos. “Tunay,” ang sabi niya sa dakong huli, “ako'y isang banal na monghe noon, at sumusunod sa mga patakaran ng aking orden na higit sa aking masasabi. Kung ang langit ay matatamo ninomang monghe dahil sa kanyang mga gawa, ako sana'y walang salang naging karapat-dapat na magkamit niyaon. . . . Kung ito'y nagpatuloy pa ng kaunting panahon, isinagawa ko pa rin sana ang pagpapahirap kahit hanggang sa kamatayan.”2J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 2, kab. 3. Bilang bunga ng mahigpit na disiplinang ito, siya'y nanghina at nagbata ng pasumpungsumpong na pagkahilo, at sa ibinunga ng sakit na ito'y hindi siya lubos na gumaling. Datapuwa't sa lahat niyang ginawang pagsisikap ay hindi rin siya nakasumpong ng ginhawa. Sa wakas ay dumating siya sa bingit ng kawalang-pag-asa. MT 106.1
Nang akalain ni Lutero na napariwara na ang lahat, ay nagbangon ang Diyos ng isang kaibigan at tagatulong sa kanya. Binuksan ni Staupitz, na maibigin sa kabanalan ang salita ng Diyos sa kanyang isipan, at pinagbilinan siyang huwag tumingin sa kanyang sarili ni isipin ang walang-hanggang kaparusahan dahil sa pagsalansang sa kautusan ng Diyos, kundi tumingin kay Jesus, na siya niyang mapagpatawad na Tagapagligtas. “Sa halip na pahirapan mo ang iyong sarili dahil sa iyong mga kasalanan, ay ipakupkup mo ang iyong sarili sa mga kamay ng Manunubos. Magtiwala ka sa Kanya, sa kabanalan ng Kanyang kabuhayan, at sa pagtubos na Kanyang ginawa sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan. . . . Pakinggan mo ang Anak ng Diyos. Nagkatawang-tao Siya upang ipadama sa iyo ang pag-asa sa Kanyang banal na paglingap.” “Ibigin mo Siya na unang umibig sa iyo.”3J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 2, kab. 4. Ganyan ang pananalita ng tagapagbalitang ito ng kaawaan. Ang kanyang mga pangungusap ay nabakas ng malalim sa isip ni Lutero. Pagkatapos ng maraming pakikilaban sa matatandang kamalian, ay nangyaring nadama rin niya ang katotohanan, at sumapit ang kapayapaan sa kanyang bagabag na kaluluwa. MT 107.1
Si Lutero ay inordenahan bilang isang pari, at tinawag siya mula sa kombento upang maging propesor sa unibersidad ng Wittenberg. Dito'y ibinigay niya ang kanyang sarili sa pag-aaral ng mga Kasulatan sa mga wikang orihinal. MT 107.2
Si Lutero ay tunay na anak pa rin ng iglesyang makapapa at wala siyang anumang akala na siya'y magiging iba pa. Sa talaga ng Diyos ay nakadalaw siya sa Roma. Yumaon siyang naglalakad, na tumitigil sa mga monasteryong kanyang dinadaanan. Sa isang kombento sa Italya ay nanggilalas siyang lubos sa nakita niya roong kayamanan, kagandahan at kasaganaan. Sa saganang sala- ping dumarating sa kanila, ang mga monghe ay nakatira sa maiinam na tahanan, nararamtan ng maiinam at mahal na damit, at kumakain ng masasarap na pagkain. Taglay ang mahapding pag-aalinlangan, ay ipinaris ni Lutero ang panooring ito sa mahirap niyang kabuhayan na pagtanggi sa sarili. Ang kanyang isipan ay nagulo. MT 107.3
Sa wakas ay nakita niya ang lunsod na natatayo sa pitong burol. Taglay ang malalim na pagkakilos ng damdamin ay dumapa siya sa lupa, na nagsabi: “Banal na Roma, pinagpupugayan kita!”4J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 2, kab. 6. Pumasok siya sa lunsod, dinalaw ang mga simbahan, pinakinggan ang nakapagtatakang mga balita na inuulit ng mga pari at mga monghe at ginawa ang lahat ng seremonya na kailangan. Sa bawa't dako ay nakakita siya ng mga panooring nagdulot sa kanya ng pagtataka at kakilabutan. Nakita niya ang kasamaang naghahari sa lahat ng uri ng pari. Napakinggan niya ang mahahalay na pagbibiruan ng mga prelado, at kinilabutan siya sa kanilang panunungayaw, maging sa oras ng pagsasagawa ng misa. Sa kanyang pakikisalamuha sa mga monghe at mga taong bayan ay nakita niya ang mahalay na pamumuhay at pagmamalabis. Saan man niya ibaling ang kanyang paningin sa dakong banal, ay kapusungan ang kanyang natatagpuan. “Hindi malirip ninuman ” ang isinulat niya, “ang kaylalaking kasalanan at masasamang gawang ginagawa sa Roma; kailangang makita at mapakinggan ang mga yaon upang paniwalaan. Anupa't pinagkaugalian na nila ang magsabi, ‘kung may impiyerno, ay sa ibabaw nito nakatayo ang Roma.’ Ito'y isang kalalimang pinagmumulan ng lahat ng uri ng kasalanan.”4J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 2, kab. 6. MT 108.1
Sa pamamagitan ng isang pasiya kamakailan lamang, ay nangako ang papa ng isang indulhensya sa lahat ng aakyat na paluhod sa “hagdan ni Pilato,” na sinasabing siyang dinaanan ng ating Tagapagligtas nang siya'y manaog sa hukumang Romano, at mahiwagang nadala sa Roma buhat sa Jerusalem. Isang araw, si Lutero ay taimtim na umaakyat sa hagdang ito, nang wari manding narinig niya ang isang tinig na tulad sa kulog na nagsabi sa kanya: “Ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”5Roma 1:17. Siya'y biglang tumindig at nagmadaling umalis sa kahihiyan at pangingilabot. Ang talatang yaon ay hindi nawalan kailan man ng kapangyarihan sa kanyang kaluluwa. Mula na noo'y lalo niyang naliwanagang higit kaysa nang una ang kamalian ng magtiwala sa mga gawang sarili ng tao sa ikaliligtas, at naliwanagan din naman niya na kailangan ang palaging manampalataya sa mga karapatan ni Kristo. Namulat ang kanyang mga mata, at hindi na mapipikit kailan man, sa harap ng mga pandaya ng kapapahan. Nang italikod niya ang kanyang mukha sa Roma, ay tumalikod din naman ang kanyang puso, at mula noon ay lumaki na ng lumaki ang pagkakahiwalay hanggang sa patirin niya ang lahat niyang pakikiugnay sa iglesyang makapapa. MT 108.2
Pagkapanggaling ni Lutero sa Roma ay tumanggap siya ng titulong “Doktor ng Teolohiya” sa Unibersidad ng Wittenberg. Ngayon ay lubos na niyang itinalaga ang kanyang sarili, higit kailan man, sa pag-aaral ng Banal na Kasulatan na kanyang iniibig. Mahigpit niyang ipinanata na maingat niyang pag-aaralan at matapat na lpangangaral ang salita ng Diyos at hindi ang mga sabi at aral ng mga papa, sa buong panahong kanyang ikabubuhay. Hindi na siya isang monghe o guro lamang, kundi isang may pahintulot na tagapagbalita ng Banal na Kasulatan. Siya'y tinawagan bilang pastor na . magpapakain sa kawan ng Diyos, na nangagugutom at nangauuhaw sa katotohanan. Mahigpit niyang ipinahayag na ang mga Kristiyano ay hindi dapat tumanggap ng anumang ibang aral kundi yaong mga sinasang-ayunan ng Banal na Kasulatan. Ang mga pangungusap na ito ay pumukol sa mismong patibayan ng pangingibabaw ng kapapahan. Diyan napapaloob ang mahalagang simulain ng Reporma. MT 109.1
Nakita ni Lutero na mapanganib ang pagtataas ng mga kuru-kuro ng tao sa ibabaw ng salita ng Diyos. Buong tapang niyang sinalakay ang salat sa pananampalatayang haka-haka ng mga guro, at sinalungat niya ang pilosopiya at teolohiya na malaon nang panahong sumusupil sa mga tao. Ang ganyang mga pag-aaral ay ipinahayag niyang hindi lamang walang kabuluhan kundi nakasisira pa, at sinikap niyang ilayo sa mga maling katha-katha ng mga pilosopo at teologo ang pag-iisip ng mga nagsisipakinig sa kanya at ilagay sa mga walang-hanggang katotohanang itinuturo ng mga propeta at mga apostol. MT 110.1
Mahalaga ang pabalitang dinala niya sa karamihang sabik na naghihintay sa kanyang mga pangungusap. Kailan man noong una'y hindi sila nakarinig ng ganyang mga aral kundi ngayon lamang. Ang masasayang balita tungkol sa pag-ibig ng Tagapagligtas, ang pag-asa sa kapatawaran at kapayapaan sa pamamagitan ng Kanyang dugong itinubos ay nagpagalak sa mga puso nila, at lumikha ng isang pag-asa na hindi mamamatay sa kanilang kalooban. Sa Wittenberg ay sinindihan ang isang ilawan na ang liwanag ay aabot hanggang sa kasuluk-sulukan ng lupa at magliliwanag ng magliliwanag hanggang sa wakas ng panahon. MT 110.2
Datapuwa't ang liwanag at dilim ay di-maaaring magkasama. Sa pagitan ng katotohanan at ng kamalian ay may pagtutunggaling di-maaapula. Ang pagpapanatili at pagsasanggalang sa una ay pagsalakay at pagbabagsak sa pangalawa. Ang Tagapagligtas na rin ang may sabi: “Hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan kundi tabak.”6Mateo 10:34. Pagkaraan ng ilang taon buhat nang pasi- mulan ang Reporma ay ganito ang sinabi ni Lutero: “Ako'y hindi inaakay ng Diyos, ako'y kanyang itinutulak, ako'y dinadala Niya. Hindi ako ang panginoon ng aking sarili. Ibig kong mamuhay sa kapayapaan; datapuwa't ako'y napalulong sa gitna ng mga kaguluhan at mga himagsikan.”7J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 5, kab. 2. Noo'y malapit na siyang mapaloob sa pakikilaban. MT 110.3
Ang biyaya ng Diyos ay kinakalakal ng Iglesya Romana. Ang mga dulang ng mga nagpapalit ng salapi 8Mateo 21:12. ay itinayo sa tabi ng mga dambana, at ang himpapawid ay napuno ng sigawan ng nagbibili. Dahil sa hangad na makalikom ng salapi upang itayo ang katedral ni San Pedro sa Roma, ay inialok sa madla para sa kasalanan ang mga indulhensya na ipagbili sa pamamagitan ng pahintulot ng papa. Sa pamamagitan ng halaga ng kasalanang nagawa ay itatayo ang isang templong gagamitin sa pagsamba sa Diyos. MT 111.1
Si Tetzel ay siyang opisyal na hinirang upang mangasiwa sa pagbibili ng mga indulhensya sa Alemanya. Taglay ang makapal na mukha ay isinaysay niya ang pinakamalaking karayaaan at nagbalita ng mga kahanga-hangang mga pangyayari upang dayain ang isang bayang mangmang at mapamahiin. Kung nasa kanila ang salita ng Diyos ay hindi sana sila nadaya. Nang pumasok siya sa isang bayan ay nanguna sa kanya ang isang tagapagbalita, na nagsabi: “Ang biyaya ng Diyos at ng banal na padre ay nasa inyong mga pintuan.”9J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 3, kab. 1. At tinanggap ng bayan ang mapamusong na magdaraya, na wari manding siya'y Diyos na nanaog sa kanila mula sa langit. MT 111.2
Ang mahalay na kalakal ay ipinasok sa simbahan, at sa pagtayo ni Tetzel sa pulpito, ay nagpahayag siya na ang mga indulhensya ay siyang pinakamahalagang kaloob ng Diyos. Sinabi niyang sa bisa ng kanyang mga katiba- yan ng pagpapatawad ng kasalanan, ang lahat ng kasalanan na ibiging gawin ng bibili ay ipatatawad, at ni “pagsisisi man ay hindi na kailangan.”9J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 3, kab. 1. Higit sa rito ay ipinangako niya sa nangakikinig, na ang mga indulhensya ay may kapangyarihang magligtas hindi lamang sa mga buhay kundi sa mga patay din naman na sa sandaling kumalansing sa kahon ang kanilang salapi, ang kaluluwang pinagpatungkulan ng pagbabayad ay aalis agad sa purgatoryo at lilipat sa langit.10K. R. Hagenbach, History of the Reformation, tomo 1, p. 96. MT 111.3
Bagaman noo'y tapat pa rin si Lutero sa relihiyon ng Katoliko Romano ay kinilabutan siya dahil sa mapamusong na pangungusap ng mga nagbibili ng mga indulhensya. Marami sa kanyang sariling mga kapisanan ang bumili ng mga indulhensyang ito, at hindi naglaon at lumapit sila sa kanilang pari, na ipinahahayag ang iba't iba nilang kasalanan, at nagsisiasang sila'y patatawarin, hindi dahil sa sila'y nagsisisi at ibig magbago, kundi dahil sa pagtitiwala nila sa biniling indulhensya. Tumanggi si Lutero na sila'y patawarin, at binalaan silang kapag di nagsisi at nagbago ng kabuhayan, ay walang pagsalang sila'y mapapahamak sa kanilang mga kasalanan. Sa malaki nilang kagulumihanan ay lumapit sila kay Tetzel at nagsumbong, na ang katibayang yaon ay niwalang kabuluhan ng kumukumpisal sa kanila; at ang ilan ay buong tapang na hininging isauli ang kanilang salapi. MT 112.1
Ang prayle ay nagngitngit sa galit. Bumigkas siya ng mga kakila-kilabot na sumpa, at nag-utos na magpalingas ng apoy sa mga liwasan, at nagpahayag na siya'y “tumanggap sa papa ng utos na sunugin ang lahat ng erehe, na nangangahas sumalansang sa kabanal-banalang indulhensya.”11J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 3, kab. 4. MT 112.2
Ngayo'y walang gulat na pumasok si Lutero sa kanyang gawain na tagapagsanggalang ng katotohanan. Na- rinig ang kanyang tinig mula sa pulpito sa mataimtim at solemneng pagbibigay ng babala. Ipinakilala niya sa mga tao ang karumaldumal na likas ng kasalanan, at itinuro sa kanila na ang sariling mga gawa ng tao ay hindi makaaawas ng kasalanan o makapagliligtas man sa kaparusahan. Wala kundi pagsisisi sa Diyos lamang at pananampalataya kay Kristo, ang makapagliligtas sa taong nagkasala. Ang biyaya ni Kristo'ay hindi mabibili; ito'y kaloob na walang bayad. Pinayuhan niya ang bayan na huwag bumili ng mga indulhensya kundi tuminging may pananampalataya sa isang napakong Manunubos. Inihanay niya ang kanyang sariling mahapding karanasan sa walang kabuluhang pagsisikap na magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapakumbaba at pagpapakahirap subali't walang kabuluhan, at tiniyak niya sa nagsisipakinig na nang alisin niya ang kanyang tiwala sa sarili at manampalataya kay Kristo ay saka lamang nagkaroon siya ng kapayapaan at katuwaan. MT 112.3
Sapagka't ipinagpatuloy din ni Tetzel ang kanyang kalakal at ang walang kabanalan niyang pagkukunwari, ay ipinasiya ni Lutero na mahigpit na tutulan ang mga pagpapakalabis na ito. Hindi nagtagal at dumating ang isang pagkakataon. Ang simbahan sa kastilyo ng Wittemberg ay may maraming mga relikya, na sa ilang kapistahan ay ipinakikita sa mga tao, at ganap na kapatawaran ng mga kasalanan ang ibinibigay sa lahat ng dadalaw sa simbahan at magkukumpisal. Kaya't sa mga araw na yaon ay maraming tao ang naparoroon. MT 113.1
Ang isa sa pinakamahalagang pagkakataong ito, na tinatawag na Kapistahan ng mga Banal o “Todos los Santos” ay dumarating noon. Nang bisperas ng pista ay nakisama si Lutero sa karamihang pumasok sa simbahan, at inilagay niya sa pinto ang isang papel na kinasusulatan ng siyamnapu't limang paksang laban sa aral ng mga indulhensya. Ipinahayag niyang siya'y handang magsanggalang ng mga paksang ito sa kinabukasan sa unibersidad, laban sa lahat ng nag-aakalang tumutul sa mga yaon. MT 113.2
Ang kanyang mga paksa ay tumawag sa pansin ng lahat. Ang mga ito ay binasa at muling binasa, at inulit sa lahat ng dako. Nagkaroon ng malaking pagkaligalig sa unibersidad at sa buong bayan. Ang mga paksang ito ay nagpakilala na ang kapangyarihan na makapagpatawad ng kasalanan at ang magparusa, ay hindi ibinigay kailan man sa papa o sa kanino mang tao. Ang buong pakanang yaon ay isang pagdaraya—isang lalang upang makakuha ng salapi sa pamamagitan ng paglalaro sa mga pamahiin ng tao—isang panukala ni Satanas upang ipahamak ang mga kaluluwa ng lahat na nananalig sa mga kasinungalingang ito. Maliwanag din namang ipinakilala na ang ebanghelyo ni Kristo ay siyang pinakamahalagang kayamanan ng iglesya, at ang biyaya ng Diyos, na roo'y nahahayag, ay ipinagkakaloob na walang-bayad sa lahat ng hahanap sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya. MT 114.1
Bagaman si Lutero ay kinilos ng Espiritu ng Diyos upang pasimulan ang kanyang gawain, ay hindi niya ito ipagpapatuloy na walang mahigpit na pakikitunggali. Ang mga paghamak ng kanyang mga kaaway, ang kanilang maling pagpapakahulugan sa kanyang mga adhika, ang kanilang di-matuwid at maling pagkaunawa sa kanyang likas at balak, ay dumagsa sa kanyang tulad sa isang malaking baha; at ikinabakla niyang mainam. Palagay ang kanyang loob na ang mga pinunong bayan, sa loob ng iglesya at sa mga paaralan, ay magalak na makikisama sa kanya sa mga pagsisikap ukol sa pagbabago. Ang mga pampasiglang pangungusap niyaong nangasa matataas na tungkulin ay nagdulot sa kanya ng tuwa at pagasa. Noon pa man ay inasahan na niyang makakakita siya ng lalong maliwanag na araw na magliliwayway sa iglesya. Datapuwa't ang pampasigla ay nabago at nauwi sa siphayo at hatol. MT 114.2
Nanginig si Lutero nang mamalas niya ang kanyang sarili—isang laban sa pinakamalakas sa lahat ng kapangyarihan sa lupa. Maminsan-minsa'y pinag-aalinlanganan niya kung talagang inaakay nga siya ng Diyos upang ilagay ang kanyang sarili laban sa kapangyarihan ng iglesya. “Sino ako,” ang kanyang isinulat, “na sasalungat sa karangalan ng papa, na sa harap niya'y . . . nanginginig ang mga hari sa lupa at ang buong sanlibutan? . . . Wala sinumang nakaaalain kung ano ang tiniis ng aking puso sa loob ng unang dalawang taong ito, at kung sa anong pagaalapaap, masasabi kong panglulupaypay, ako nadala.”12J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 3, kab. 6. Datapuwa't hindi siya pinabayaan ng Diyos upang ganap na manglupaypay. Nang walang taong tumulong sa kanya, ay sa Diyos lamang siya tumingin at natutuhan niya na makasasandig siyang may ganap na kapayapaan sa kamay ng Makapangyarihan sa lahat. MT 114.3
Sa isang kaibigan ng Reporma ay ganito ang isinulat ni Lutero: “Hindi maaabot ng ating pag-iisip ang Banal na Kasulatan, maging sa pamamagitan ng pag-aaral o ng sariling karunungan man. Ang una mong tungkulin ay ang manalangin muna. Ipamanhik mo sa Panginoon, na alang-alang sa Kanyang malaking habag, ay pagkalooban ka Niya ng tunay na pagkakilala sa Kanyang salita. Walang ibang tagapagpaliwanag sa salita ng Diyos kundi ang May-gawa ng salitang iyan; gaya ng Kanyang sinabi: ‘Tuturuan silang lahat ng Diyos.’ Huwag kang umasa sa iyong mga gawa, ni sa iyong sariling kaalaman; sa Diyos ka lamang magtiwala, at sa kapangyarihan ng Kanyang Espiritu. Paniwalaan mo ito sapagka't sinasabi ng isang mayroon nang karanasan.”13J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 3, kab. 7. Narito ang isang mahalagang aral para roon sa nakakadama na sila'y tinawagan ng Diyos upang magpakilala sa mga iba ng mahalagang katotohanang ukol sa kasalukuyan. Ang mga katotohanang ito ay siyang kikilos ng galit ni Satanas, at ng mga taong umiibig sa mga sabi-sabing likha niya. Sa pakikibaka sa mga kapangyarihan ng kasamaan, ay higit sa lakas ng pag-iisip at karunungan ng tao ang kailangan. MT 115.1
Nang manawagan ang mga kaaway sa pamamagitan ng kaugalian at sali't saling sabi o ng mga pahayag at kapangyarihan ng papa, ay sinagupa sila ni Lutero sa pamamagitan ng Biblia at ng Biblia lamang. Narito ang mga katuwirang hindi nila masagot; kaya't hiningi ng mga alipin ng pormalismo at pamahiin ang kanyang dugo, gaya ng paghingi ng mga Hudyo sa buhay ni Kristo. “Siya'y isang erehe,” ang sigaw ng mga panatikong Romano. “Isang malaking kataksilan sa iglesya ang pabayaang mabuhay ng isang oras ang ganyang kakila-kilabot na erehe. Ihanda agad ang bibitayan sa kanya.”14J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 3, kab. 9. MT 116.1
Datapuwa't si Lutero ay hindi nahulog sa kanilang poot. Ang Diyos ay may ipinagagawa sa kanya, at ang mga anghel ng langit ay isinugo upang ipagsanggalang siya. MT 116.2
Sa lahat ng dako ay nagising ang pagnanasa ng mga tao sa pag-unlad sa espiritu. Sa bawa't pook ay mayroong malaking kagutuman at kauhawan sa kabanalan, na hindi nakita kailan man ng mga panahong nakaraan. Ang paningin ng mga tao, na malaong nakatunghay sa mga ritos at sa pamamagitang-tao, ay bumaling ngayon sa pagsisisi at pananampalataya kay Kristong napako sa krus. MT 116.3
Ang malaganap na kasabikang ito ay lalong ipinangamba ng mga may kapangyarihang makapapa. Si Lutero ay tumanggap ng pasabi na siya'y humarap sa Roma, upang tugunin ang ipinararatang sa kanya na erehiya. Ang utos na ito ay lubhang ikinatakot ng kanyang mga kaibigan. Alam na alam nila ang kapanganibang nakaabang sa kanya sa masamang bayang yaon, na lasing na sa dugo ng mga martir ni Jesus. Nagsitutol sila sa kanyang pagparoon sa Roma, at hiniling na siya'y sa Alemanya na lamang siyasatin. MT 116.4
Sa wakas ay sinunod ang pakikipag-ayos na ito, at hinirang ang kinatawan ng papa upang siyang duminig sa usapin. Sa mga habilin ng pontipisi sa kanyang kinatawang ito, ay nasasaad na si Lutero ay ipinahayag nang isang erehe. Kaya't sa kinatawan ay ipinagbilin na kanyang “isakdal at hulihing walang liwag.” Kung siya'y magmamatigas at hindi mahuhuli, ang kinatawan ng papa ay pinagkalooban ng kapangyarihan “na ituring siyang wala nang karapatan pang mabuhay sa alin mang dako ng Alemanya; itapon, sumpain, at eskomulgahin ang lahat niyang mga kapanalig.”15J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 4, kab. 2. MT 117.1
Nang panahong ito, na kailangang lubha ni Lutero ang pakikiramay at payo ng isang tunay na kaibigan, ay sinugo ng Diyos si Melanchton sa Wittenberg. Bagaman si Melanchton ay isang kabataan lamang, magalang at mahihiyain sa kanyang kilos, ang mabuting pagkukuro niya at malawak na kaalaman, at ang mapanghalinang pananalita, lakip ang malinis at matuwid niyang kabuhayan, ay siyang nagtanghal sa kanya, na anupa't hinangaan ng madla. Ang kagalingan ng kanyang mga katutubong kaloob ay hindi nakahihigit sa kabutihan ng kanyang pag-uugali. Di-nalauna't siya'y naging tapat na alagad ng ebanghelyo, at lalong pinagkakatiwalaang kaibigan at mabuting alalay ni Lutero; ang kanyang kabaitan, pagkamaingat, at kaganapan ay nagiging kapupunan ng tapang at lakas ni Lutero. Ang pagsasama nila sa gawain ay nakapagpalakas sa Reporma, at sa ganang kay Lutero ay naging isang bukal ng malaking kasiglahan. MT 117.2
Ang Augsburgo ay siyang itinakdang dako na paglilitisan, at ang Repormador ay lakad na naparoon. Nagkaroon ng malubhang pangamba alang-alang sa kanyang kapakanan. Hayagan siyang pinagbantaan na huhuli- hin at papatayin sa daan, kaya't ipinamanhik ng kanyang mga kaibigan na huwag na siyang mangahas pumaroon. Nagsumamo sila sa kanya na umalis muna siya sa Wittenberg, at tumira sa mga magsasanggalang sa kanya na buong galak. Datapuwa't ayaw niyang lisanin ang tungkuling iniatang sa kanya ng Diyos. Kailangang matapat niyang ipagtatanggol na lagi ang katotohanan, bagama't hinahampas ng mga bagyo. MT 117.3
Ang balita, na dumarating na si Lutero sa Augsburgo, ay ikinaligaya ng kinatawan ng papa. Ang manggugulong erehe, na lumiligalig sa buong sanlibutan ay wari ngayong nasa kapangyarihan ng Roma, at ipinasiya ng kinatawan ng papa na huwag siyang paligtasin pa. Nakaligtaan ni Lutero ang humingi ng liham na nagbabawal na siya'y galawin ninuman. Dahil dito'y pinayuhan siya ng kanyang mga kaibigan na huwag humarap sa kinatawan ng papa ng walang pases, at sinikap nilang humingi nito sa emperador. Tinangka ng kinatawan ng papa, na kung mangyayari, ay pilitin si Lutero na bawiin ang kanyang mga sinabi at mga sinulat, o kung hindi man ito mangyari ay ipadala siya sa Roma, upang tanggapin ang kapalarang tinanggap nina Hus at Jeronimo. Kaya't sa pamamagitan ng kanyang katulong ay sinikap niyang himukin si Lutero na humarap sa kanya ng walang anumang pases buhat sa emperador, at siya na ang bahala sa kanya. Ito ay mahigpit na tinanggihan ng Repormador. Hanggang hindi niya tinanggap ang katibayan ng emperador na nangangakong siya'y ipagtatanggol, ay hindi siya humarap sa sugo ng papa. MT 118.1
Inakala ng mga Katoliko Romano na ang mabuting paraan ay ang hikayatin si Lutero sa pamamagitan ng pagkukunwaring sila'y may kabaitan. Ang sugo ng papa, sa pakikipag-usap kay Lutero, ay nag-anyong mabuting kaibigan, datapuwa't mapilit niyang hiniling na lubos na sumuko si Lutero sa kapangyarihan ng iglesya, at tanggihan ang lahat ng bagay ng walang anuman katu- wiran. Nagkamali ang pag-aakala niya sa likas ng taong kanyang kinakaharap. Bilang katugunan, ay ipinahayag ni Lutero na pinagpipitaganan niya ang iglesya, iniibig niya ang katotohanan, at handa siyang sumagot sa lahat ng itinututol sa kanyang mga itinuro, at ipinaiilalim ang kanyang mga aral sa kapasiyahan ng ilang tanyag na tao ng unibersidad. Datapuwa't tumutol siya sa kahilingan ng kardenal na kanyang bawiin ang kanyang mga sinabi samantalang di siya napatutunayang nasa kamalian. MT 118.2
Ang sagot lamang sa kanya ay: “Bawiin mo, bawiin mo!” Ipinakilala ng Repormador na ang kanyang katuwiran ay pinatutunayan ng Banal na Kasulatan, at mahigpit niyang ipinahayag na hindi niya matatanggihan ang katotohanan. Nang wala nang maisagot ang kinatawan ng papa sa mga katuwiran ni Lutero ay pinabagsakan na lamang siya ng isang bagyo ng pagsiphayo, paglait, at pagkutya, na sinasalitan ng mga sipi mula sa sali't saling sabi at pahayag ng mga Padre, at hindi na binigyan ng panahong makapagsalita ang Repormador. Yamang naalaman ni Lutero na kung magpapatuloy ng pagayon ang konsilyo ay walang mangyayari, sa wakas ay napilitang binigyan siya ng pahintulot na iharap na nakasulat ang kanyang sagot. MT 119.1
Nang ganapin ang sumunod na paglilitis, ay iniharap ni Lutero ang isang malinaw, maikli, at malakas na pagpapakilala ng kanyang mga paniniwalang ganap na pinatutunayan ng maraming sipi ng Banal na Kasulatan. Nang matapos niyang basahin ang sulat na ito, ay iniabot niya sa kardenal; at ito ay kanyang itinapon at ipinahayag na isang bunton ng mga walang kabuluhang salita at mga siping hindi nababagay sa usapan. Sapagka't nag-init na mabuti si Lutero ay sinagupa niya ngayon ang kardinal sa kanyang pinagtitibayan—sa mga sali't saling sabi at mga aral ng iglesya—at ganap na ginapi ang kanyang mga katuwiran. MT 119.2
Nang makita ng kardenal na ang katuwiran ni Lu- tero ay hindi niya masasagot, nawala ang kanyang pagtitimpi, at sa kagalitan ay sumigaw siya ng wikang: “Bawiin mo! o kung hindi ay ipadadala kita sa Roma, upang doo'y humarap sa mga hukom na sisiyasat ng iyong kasalanan. Eeskomulgahin kita, at lahat ng mga kapanalig mo, lahat ng aayon sa iyo sa ano mang panahon ay ititiwalag ko sa iglesya.” At sa katapusan ay kanyang sinabi sa palalo at galit na pangungusap: “Bawiin mo, kung dili ay hindi ka na makauuwi.”16J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 4, kab. 8. (Limbag sa Londres.) MT 119.3
Biglang umalis ang Repormador na kasaina ang kanyang mga kaibigan, na sa gayo'y malinaw niyang ipinahayag na siya'y hindi maaasahang babawi ng kanyang mga sinabi at iniaral. Hindi ito ang hinahangad ng kardenal. Buong-buo ang kanyang akala na sa pamamagitan ng dahas ay matatakot niya si Lutero upang sumuko. Ngayong naiwan siyang kasama ng kanyang mga kapanalig, ay tiningnan niya ang isa't isa na lubhang nababalisa sa hindi niya inaasahang pagkabigo ng kanyang pakana. MT 120.1
Ang mga ginawa ni Lutero sa ganitong pagkakataon ay di nawalan ng mabuting ibinunga. Ang nagkakatipong malaking kapulungan ay nagkaroon ng pagkakataon upang pagparisin ang dalawang taong ito, at hatulan sa ganang kanilang sarili, ang isa't isa, ayon sa kanilang diwang ipinakita, sa ipinakilalang kalooban, at ng lakas at katotohanan ng kanilang mga katuwiran. Anong laki ng pagkakaiba! Ang Repormador, na mahinhin, mapagpakumbaba, matibay, ay tumindig sa lakas ng Diyos, na nasa panig ng katotohanan, at ang kinatawan ng papa, palalo, mabagsik, mapaghari-harian, at walang katuwiran, at wala ni isa mang katuwirang galing sa Kasulatan, gayon ma'y malakas na humihiyaw ng “Bawiin mo, kung hindi ay ipadadala kita sa Roma upang doon ka parusahan.” MT 120.2
Bagaman si Lutero ay binigyan ng emperador ng isang katibayan na walang gagalaw sa kanya, gayon ma'y ang mga Katoliko Romano ay nagtangkang siya'y hulihin at ibilanggo. Ipinayo ng kanyang mga kaibigan na walang mararating ang kanyang mga pagtatagal doon, at dapat siyang bumalik sa Wittenberg kapagkaraka, at kailangang gumamit ng malaking pag-iingat upang mailihim ang kanyang mga balak. Dahil dito'y umalis siya sa Augsburgo bago nagliwayway ang araw, na sakay sa kabayo, .at kasama ng isang taliba na ibinigay sa kanya ng punong bayan. Sa kabila ng maraming kapanganiban ay lihim siyang nagdaan sa madilim at tahimik na mga lansangan ng bayan. Ang kanyang mga kaaway na palaging nakabakay at mabagsik, ay nangagtangkang siya'y patayin. Makaliligtas kaya siya sa mga silong iniuumang sa kanya? Yao'y mga sandali ng kabalisahan at mataos. na pananalangin. Dumating siya sa isang maliit na pinto ng kuta ng bayan. Yao'y binuksan para sa kanya, at kasama ang kanyang taliba ay nakaraan silang walang hirap. Nang panatag na silang makalabas, ay nagdumali silang tumakas, at bago naalaman ng kinatawan ng papa na lumayas na si Lutero, ay malayo na siya at di na maaabot ng nagsisiusig. Si Satanas at ang kanyang mga kinatawan ay nangagapi. Ang lalaking inaakala nilang nasa kanilang kapangyarihan ay wala na, at tumakas na gaya ng ibon sa silo ng humuhuli. MT 121.1
Nang mabalitaan ng kinatawan ng papa ang pagtakas ni Lutero, ay nagtaka siya at nagalit. Inasahan niyang tatanggap siya ng malaking karangalan, dahil sa kanyang katalinuhan at kahigpitan sa pakikitungo sa manggugulong ito ng iglesya; datapuwa't nabigo ang kanyang pag-asa. Ang kanyang kagalitan ay ipinahayag niya sa isang liham na ipinadala niya kay Federico na elektor ng Sahonya, na may kapaitang binatikos si Lutero, at hiniling na ipadala siya ni Federico sa Roma o kaya'y palayasin sa Sahonya. MT 121.2
Sa pagsasanggalang ni Lutero ay hiniling niyang patunayan sa kanya ng kinatawan o ng papa man sa pamamagitan ng Kasulatan ang kanyang mga pagkakamali, at mahigpit na nangakong itatakwil ang kanyang mga aral sakaling maipakilala sa kanyang siya'y nasisinsay sa salita ng Diyos. At ipinahayag niya ang kanyang pagpapasalamat sa Diyos na nabilang din siyang marapat magbata alang-alang sa napakabanal na gawain. MT 122.1
Noo'y bahagya pa lamang ang pagkaalam ng elektor sa mga bagong aral datapuwa't malalim ang pagkakintal sa kanyang alaala, ng katapatan, lakas at linaw ng pangungusap ni Lutero; at hanggang hindi napatutunayang nasa kamalian nga ang Repormador ay ipinasiya ni Federico na ipagsanggalang siya. Bilang tugon sa kahilingan ng kinatawan ng papa ay ganito ang kanyang isinulat: “‘Yamang humarap sa iyo sa Ausburgo si Doctor Martin, ay dapat ka nang masiyahan. Hindi namin inaakala na pipilitin mo siyang bawiin ang kanyang mga aral na hindi mo muna naipakilalang siya'y namamali. Wala isa mang matalinong tao sa aming bayan na nagsabi sa akin na ang aral ni Martin ay hindi ukol sa kabanalan, o laban kaya sa Kristiyano, o eretikal.’ Bukod sa rito'y tumanggi ang prinsipe na ipadala si Lutero sa Roma o palayasin kaya sa mga lalawigang kanyang nasasakupan.”17J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 4, kab. 10. MT 122.2
Nakita rin ng elektor na sa pagkaguro ng unibersidad, si Lutero ay tanyag na matagumpay. Isang taon pa lamang ang nakaraan buhat nang ipaskil niya sa simbahan ng kastilyo ang siyam napu't limang paksa laban sa mga indulhensya, ay malaki ang iniunti ng bilang ng mga nagsisipaglakbay upang dumalo sa iglesya kung Todos los Santos. Ang Roma ay nabawasan ng mga sumasamba at ng mga handog, nguni't sa lugar nila'y nahalili ang iba namang uri ng mga taong nagsisiparoon sa Wittenberg, hindi upang sumamba sa kanyang mga relikya, kundi upang mag-aral sa kanyang mga paaralan. Ang mga sinulat ni Lutero ay lumikha sa lahat ng dako ng kasipagan sa pagsasaliksik ng Banal na Kasulatan, at hindi lamang sa lahat ng bahagi ng Alemanya, kundi sa lahat ng lupain, nagmumula ang mga nagsisipag-aral upang pumasok sa unibersidad. Ang mga kabataan sa kanilang kauna-unahang pagkakita sa Wittenberg, “ay nagtataas ng kanilang mga kamay sa langit, at pinuri ang Diyos, sa pagpapasilang ng tanglaw ng katotohanan mula sa bayang ito na gaya ng Sion nang unang kapanahunan, at buhat dito'y lumaganap sa malalayong bayan.”17J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 4, kab. 10. MT 122.3
Ang mga sinulat ni Lutero at ang kanyang aral ay kumalat sa lahat ng bansa ng Sangkakristiyanuhan. Ang gawain ay umabot sa Suisa at Olanda. Ang mga kopya ng kanyang mga sinulat ay nakarating sa Pransya at Espanya. Sa Inglatera, ang kanyang mga aral ay tinanggap na tulad sa salita ng buhay. Sa Belhika at sa Italya ay dumating din naman ang katotohanan. Libu-libo ang bumalikwas sa mahimbing na pagkakatulog at nadulutan ng ligaya at pag-asa sa isang kabuhayan ng pananampalataya. MT 123.1
Sa isang pamanhik sa emperador at sa mga maharlika ng Alemanya alang-alang sa ikababago ng Kristiyanismo, ay ganito ang isinulat ni Lutero hinggil sa papa: “Isang bagay na kakila-kilabot ang masdan ang tao na nagbabansag na kahalili ni Kristo, at nagpapakita ng karangalang hindi napantayan nino mang emperador. Ang tao bagang ito ay katulad ng abang si Jesus, o ng mapagpakumbabang si Pedro? Ang wika nila'y siya ang panginoon ng sanlibutan. Datapuwa't si Kristo, na ipinagpapalalo niya na kanyang kinakatawan ay nagsabi: ‘Ang kaharian Ko ay hindi sa sanlibutang ito.’ Ang nasasakupan kaya ng isang kinatawan ay hihigit pa roon sa nakatataas sa kanya?”18J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 6, kab. 3. MT 123.2
Ganito naman ang kanyang isinulat tungkol sa mag unibersidad: “Nanganganib akong totoo na baka ang mga unibersidad ay maging malalaking pinto ng impiyerno, maliban na lamang kung sila'y magsikap sa pagpapaliwanag ng Banal na Kasulatan, at sa pagtatanim ng mga yaon sa mga puso ng kabataan. Hindi ko maipapayo sa kaninuman na papag-aralin ang kanyang anak sa lugar na hindi kinikilala o pinahahalagahan ang Banal na Kasulatan. Ang lahat ng institusyon na hindi palaging nagsisiyasat ng Banal na Kasulatan ay walang pagsalang mapapahamak.”18J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 6, kab. 3. MT 123.3
Ang pamanhik na ito ay madaling pinalaganap sa buong Alemanya, at nagkabisa sa mga tao. Nakilos ang buong bansa, at nagsitindig ang karamihan upang tumulong sa pagbabago. Ang mga kalaban ni Lutero, na nagngingitngit sa kagalitan at nagbabantang maghiganti, ay nagpilit sa papa na gumawa siya ng mahigpit na pamamaraan laban kay Lutero. Ipinag-utos na ang lahat niyang aral ay dapat ipahayag agad ang kamalian. Animnapung araw ang ipinalugit sa Repormador at sa kanyang mga kapanalig, at paglampas niyaon at hindi pa nila binabawi ang kanilang mga aral ay eeskomulgahin na silang lahat. MT 124.1
Ang pangyayaring yaon ay isang kakila-kilabot na kagipitan ng Reporma. Sa loob ng daan-daang taon ang pageeskomulga ay kinatakutan ng makapangyarihang mga hari; ito ang pumuno sa mga kaharian ng hirap at kasiraan. Yaong mga nilagpakan ng hatol na ito, ay pinangilagan at kinatakutan ng lahat; itiniwalag sila sa kanilang mga kapuwa, at ipinalagay na salarin, upang usigin at puksain. Alam ni Lutero ang bagyong malapit nang bumagsak sa kanya; datapuwa't tumayo siyang matatag, na nagtitiwalang si Kristo ang kanyang tanggulan at kalasag. Taglay ang pananampalataya at tapang ng isang martir ay sumulat siya ng ganito: “Kung ano ang malapit nang mangyari ay hindi ko nalalaman, ni hindi ko iniibig na maalaman. . . Bumagsak na nga ang dagok kung saan babagsak, wala akong gulat. Ni ang isang dahon man ng kahoy ay hindi nalalagas kung hindi kalooban ng Ama. Gaano pa kaya tayo! Isang madaling bagay ang mamatay alang-alang sa Verbo yamang ang Verbo na nagkatawangtao ay namatay. Kung mamamatay tayong kalakip Niya, ay mabubuhay rin naman tayong kalakip Niya; at sapagka't dinanas natin yaong Kanyang dinanas ay doroon naman tayo sa Kanyang kinaroroonan at mananahang kasama Niya magpakailan man.”19J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 6, kab. 9. (Ikatlong pagkalimbag, Walther, Londres, 1840.) MT 124.2
Nang dumating kay Lutero ang bula ng papa ay nagsabi siya ng ganito: “Iya'y aking kinasusuklaman at tinutuligsa na walang kabanalan at walang katotohanan. . . . Si Kristo na rin ang hinahatulan diyan. . . . Ikinatutuwa kong magtamo ng ganitong mga hirap alang-alang sa pinakamabuti sa lahat ng layunin. Ngayon pa man ay nadarama ko na sa aking puso ang lalong malaking kalayaan; sapagka't napagkilala ko na ang papa ay siyang antikristo, at ang kanyang luklukan ay luklukan ni Satanas.”20J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 6, kab. 9. MT 125.1
Gayon ma'y ang utos ng Roma ay may nagawa rin. Bilangguan, pahirap, at tabak, ay mga sandatang gagamitin upang ipasunod ang utos. Ang mahihina at mapamahiin ay nanginig sa harap ng pasiya ng papa at bagaman may pakikiramay ang damdamin ng lahat kay Lutero ay ipinalagay ng marami na totoong mahalaga ang kanilang buhay, na hindi nila maibibigay dahil lamang sa kapakanan ng pagbabago. Ang lahat ay waring nagsasaad na ang gawain ni Lutero ay malapit nang mawakasan. MT 125.2
Gayunma'y ang huling pagpapasiya ni Lutero upang humiwalay sa iglesya ay hindi niya nagawa na walang mahigpit na pakikipaglaban sa sarili. Nitong mga pa nahong ito ay sumulat siya: “Sa araw-araw ay lalo't lalo kong nararamdaman na mahirap iwaksi ang pagkamaingat sa natutunan ng isang tao buhat sa kanyang pagkabata. Oh! anong laking sakit ang dinanas ko, bagaman kaayon ko ang Banal na Kasulatan, sa pag-aaring ako'y nasa matuwid, at pangahasang kong tumayong nag-iisa laban sa papa, at ipakilala na siya'y antikristo! Ano pang mga kapighatian ang hindi dinanas ng aking puso! Gaano kalimit kong itanong sa aking sarili yaong katanungang madalas bukhin ng mga makapapa: ‘Ikaw ba lamang ang maalam? Namamali na ba ang lahat? Ano nga, kung pagkatapos ng lahat ay ikaw ang mali at inakit mo ang marami sa iyong kamalian, sino kung gayon ang mapapariwara magpakailan man?’ Ganyan ang aking pakikibaka sa aking sarili at kay Satanas, hanggang sa pagtibayin ni Kristo ang aking puso laban sa mga pag-aalinlangang ito, sa pamamagitan ng Kanyang di-nagkakamaling pangungusap.”21W. C. Martyn, The Life and Times of Luther, p. 372, 373. MT 125.3
Si Lutero ay pinagbantaan ng papa na eskomulgahin kapag hindi niya binawi ang kanyang mga iniaral, at ngayo'y ginawa na ang ibinabanta. Lumabas ang isang bagong bula, na nagsasabing eskomulgado na ang Repormador, at sinumpa ng Langit siya at ang lahat ng tatanggap sa kanyang mga aral. Nasubo na siya sa malaking pakikilaban. MT 126.1
Pagsalungat ang laging nagiging karanasan ng lahat na ginagamit ng Diyos upang magpakilala ng mga katotohanang nauukol sa kanilang kapanahunan. Nagkaroon ng isang pangkasalukuyang katotohanan nang mga kaarawan ni Lutero—isang katotohanang napakamahalaga nang panahong yaon; ngayon naman ay may isang pangkasalukuyang katotohanan para sa iglesya. Siya na gumagawa ng lahat ng bagay, alinsunod sa payo ng Kanyang kalooban, ay nalugod na ilagay ang mga tao sa ilalim ng iba't ibang pangyayari, at bigyan sila ng mga tungkuling katangi-tangi sa kanilang kinaroroonan. Kung pahahalagahan nila ang liwanag na sa kanila ay ibinigay ay malaking bahagi ng katotohanan ang ipakikita pa sa kanila. Datapuwa't ang katotohanan ay tinatanggihan ng marami sa mga tao sa panahong ito gaya ng pagtanggi ng mga makapapang nagsitutol kay Lutero. MT 126.2
May gayon ding kaisipan na tanggapin ang mga hakahaka at pamahiin ng mga tao sa halip ng salita ng Diyos gaya noong unang mga kapanahunan. Yaong mga nagpapakilala ng katotohanang ukol sa panahong ito ay dapat umasang magdadanas din ng malaking hirap gaya ng mga unang Repormador. Ang malaking tunggalian ng katotohanan at kamalian, ni Kristo at ni Satanas, ay sisidhi ng sisidhi hanggang sa dumating ang wakas ng kasaysayan ng sanlibutang ito. MT 127.1
Ang sabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Kung kayo'y taga sanlibutan, ay iibigin ng sanlibutan ang kanyang sarili; nguni't sapagka't kayo'y hindi taga sanlibutan, kundi kayo'y hinirang Ko sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. Alalahanin ninyo ang salitang sa inyo'y Aking sinabi: Ang alipin ay hindi dakila kaysa kanyang panginoon. Kung Ako'y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din; kung tinupad nila ang Aking salita, ang inyo man ay tutuparin din.”22Juan 15:19, 20. MT 127.2
Sa kabilang dako naman ay malinaw ang pagkasabi ng ating Panginoon: “Sa aba ninyo, pagka ang lahat ng mga tao ay mangagsalita ng magaling tungkol sa inyo! sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga bulaang propeta.”23Lucas 6:26. MT 127.3
Kung paano noong unang kapanahunan ay gayon din naman ngayon, na ang espiritu ng sanlibutan ay hindi kaayon ng espiritu ni Kristo; at yaong mga nangangaral ng malinis na ebanghelyo ay tatanggap ng gayon ding malaking pagkaapi gaya ng tinanggap nila noon. Mang- yayaring magbago ang anyong pagsalansang; mangyayaring ang kapootan ay di-mahayag sapagka't ito'y may katusuhan; datapuwa't iyon ding pagsalungat na iyon ang mananatili, at mahahayag hanggang sa wakas ng panahon. MT 127.4