Isang bagong emperador, si Carlos V, ang umupo ngayon sa luklukan ng Alemanya, at ang mga kinatawan ng Roma ay nagmadaling nagharap ng kanilang mga papuri at kanilang sinulsulan ang hari na gamitin ang kanyang kapangyarihan laban sa Reporma. Datapuwa't ang prinsipe naman ng Sahonya, na pinagkakautangan ng malaki ni Carlos sa kanyang pagiging emperador, ay namanhik sa kanya na huwag siyang gumawa ng anuman laban kay Lutero hanggang hindi niya siya nabibigyan ng pagkakataong mapakinggan “sa harapan ng hukuman ng mga marurunong, may kabanalan, at walang kinikilingang mga hukom.”1J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 6, kab. 11. MT 129.1
Ang pansin ng lahat ng pangkatin ay napabaling ngayon sa kapulungan ng mga lalawigan ng Alemanya, na nagpulong sa Worms, pagkatapos na mapaupo si Carlos sa luklukan ng kaharian. May mahahalagang suliranin sa politika na kinakailangang suriin ng pambansang kapulungang ito, at ito ang kauna-unahang pagkakataon na makakapulong sa panayam ng mga prinsipe ng Alemanya ang kanilang kabataang emperador. Buhat sa lahat ng sulok ng bansa, ay dumating ang mga marangal na tao ng iglesya at ng pamahalaan. Ang mga pinapanginoon sa bayan, na mga mahal na tao, makapangyarihan, at mapagmalaki dahil sa mga karangalan at kapangyarihang kanilang minana, ang mga pangulo ng iglesya, na nagpapalalo dahil sa ipinalalagay nilang kataasan ng kanilang uri at kapangyarihan; ang mga kabalyero ng korte at ang kanilang mga tagapagdala ng sandata; at ang mga sugo ng iba't ibang malalayong lupain—silang lahat ay nagkatipon sa Worms. Datapuwa't sa malaking kapulungang iyon, ang suliraning nakalikha ng pinakamalalim na pagaasikaso ay ang usapin ng Repormador ng Sahonya. MT 129.2
Pinagbilinan na ni Carlos ang elektor na ipagsama si Lutero sa Diyeta 2Paliwanag: Ang Diyeta ay ang kapulungan ng empertador at ng kaniyang mga bonsehal para sa pamahalaan na tinatawag na Banal na Imperyo ng Roma sa Europa noong panahong Edad Medya (400-1400 P. K.) at ipinangako niyang siya'y ipagsasanggalang, magkakaroon ng malayang pakikipagkatuwiran sa mga taong may kakayahan hinggil sa suliraning pinag-uusapan. Si Lutero ay sabik na humarap sa emperador. Sa pagkalat ng balita sa Worms na si Lutero ay haharap sa Diyeta, ay nagkaroon ng pangkalahatang pagkaligalig. Si Aleandro, na kinatawan ng papa, na siyang tanging pinagtiwalaan ng usaping ito, ay nababahala at nagngingitngit. Napagkilala niya na ang ibubunga nito ay makasisira sa usapin ng papa. Kaya't madali siyang humarap kay Carlos at tumutul sa pagpapahintulot na paharapin si Lutero sa Worms. MT 131.1
Nang panahong ito'y inilathala ang bula na nagsasabing si Lutero ay eskomulgado na; at ito, kalakip ang mga pagtutol ng kinatawan ng papa, ang siyang nakahimok sa emperador na pumayag. Sinulatan niya ang elektor na kundi rin lamang babawiin ni Lutero ang kanyang mga sinabi ay maiwan na siya sa Wittenberg. MT 131.2
Hindi pa rin nasiyahan si Aleandro sa tagumpay na ito, kaya't gumawa pa siya na may bagong kapangyarihan at katusuhan, upang mahatulan si Lutero. Si Carlos, na nadaig palibhasa ng lalang ni Aleandro ay pumayag na iharap nito ang kanyang katuwiran sa Diyeta. MT 131.3
“Yaon ay isang dakilang araw ng palalong kinatawan ng papa. Dakila ang kapulungang yaon nguni't lalo pang dakila ang kanilang pag-uusapan. Si Aleandro ang magtatanggol sa Roma.” “May kaloob siya sa pananalumpati, at tumayo. siya sa dakilang pagtitipong iyan. Itinad- hana ng Diyos na bago hatulan ang Roma ay mapaharap muna siya sa pinakadakilang hukuman at ipagtanggol ng pinakamabuti sa kanyang mga mananalumpati.”3J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 6, kab. 4. MT 131.4
Ang talumpati ng sugo ng papa ay napakintal ng malalim sa isipan ng mga kaharap sa kapulungan. Doo'y walang kaharap na Lutero na magpapakilala ng malinaw at hindi matututulang mga katotohanan ng salita ng Diyos, upang ibagsak ang nagtatanggol sa papa. Wala sinumang magtanggol sa Repormador. Datapuwa't ang waring tagumpay ay siyang tiyak ng pagkatalo. Mula noon ay lalong maliwanag na makikita ang pagkakaiba ng katotohanan at ng kamalian. Sapol sa araw na iyon ay hindi na makatatayo ng matatag ang Roma na gaya ng kanyang dating pagkatayo. MT 132.1
Bagaman ang karamihan sa mga kaharap sa kapulungan ay hindi mag-aatubiling ibigay si Lutero sa paghihiganti ng Roma, marami sa kanila ang nakakita at nalunos sa kaabaan ng iglesya, at nagnanasang may pumigil ng mga kapaslangan dinaranas ng sambahayanang Aleman, bilang bunga ng mga kasamaan at kasakiman ng mga pari. Ipagtatanggol ng sugo ng papa sa pinakamabuting paraan ang paghahari ng papa. Ngayo'y kinilos ng Panginoon ang isang kasapi sa kapulungan na magbigay ng isang tunay na paglalarawan ng mga nagawa ng pagpapahirap ng kapapahan. Taglay ang marangal na katibayan, ay tumindig ang Duke ng Sahonya sa kapulungang yaon ng mga prinsipe at tiniyak ng malinaw ang mga pagdaraya at karumaldumal na mga gawa ng kapapahan, at ang mahalay na mga ibinunga niyaon. MT 132.2
Ni si Lutero man ay hindi makapaghaharap ng lalong malinaw at malakas na paghamak sa mga kapaslangan ng kapapahan kaysa rito; at ang katotohanan na ang nagsalita ay isang mahigpit na kaaway ng Repormador, ay nagbigay ng laong malaking bisa sa kanyang mga-pangungusap. MT 132.3
Kung mabubuksan lamang ang paningin ng kapulu- ngan disin ay nakita nila ang mga anghel ng Diyos sa gitna nila na naghahagis ng liwanag upang hawiin ang kadiliman ng kamalian, at magbukas ng pag-iisip at puso ng mga tao upang matanggap ang katotohanan. Kapangyarihan ng Diyos ng katotohanan at karunungan ang pumigil sa mga kalaban ng Reporma at sa gayo'y nahanda ang daraanan ng dakilang gawain na magaganap na lamang. Si Martin Lutero ay hindi kaharap; datapuwa't ang tinig ng Diyos na lalong dakila kay Lutero ay narinig sa kapulungang yaon. MT 132.4
Hiningi ngayon ng kapulungan na iharap sa kanila si Lutero. Sa kabila ng mga pamanhik, tutul, at babala ni Aleandro, ay pumayag din sa wakas ang emperador, at ipinatawag si Lutero upang humarap sa kapulungan. Sa pagtawag ay kalakip din naman ang pases, na nangangakong sa pag-uwi ay ihahatid siya sa isang pook na walang gagalaw sa kanya. Ito'y dinala sa Wittenberg ng isang utusan, na siyang pinagbilinang maghatid sa kanya sa Worms. MT 133.1
Datapuwa't si Lutero ay hindi yayaon sa kanyang mapanganib na paglalakbay na nag-iisa. Bukod sa sugo ng emperador, ay tatlo sa kanyang matatalik na kaibigan ang nagpasiyang sumama sa kanya. Malaki ang nasa ni Melanchton na sumama. Ang kanyang puso ay natatali kay Lutero, at maningas ang kanyang pag-ibig na sumunod sa kanya kahit sa bilangguan o sa kamatayan man, kung kinakailangan. Datapuwa't hindi pumayag si Lutero sa kanyang mga pamanhik. Sakaling mapahamak si Lutero, ang mga pag-asa ng Reporma ay walang mapaglalagyan kundi ang kanyang kamanggagawang ito na nasa kasibulan. Ang sabi ni Lutero nang iwan niya si Melanchton: “Kung hindi na ako bumalik at patayin na ako ng aking mga kaaway, ay magpatuloy kang magturo, at magtibay ka sa katotohanan. Gumawa kang kahalili ko.”4J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 7, kab. 6. MT 133.2
Nang siya'y dumating sa Worms, ay nagdagsaan ang maraming tao sa pintuang bayan upang siya'y salubungin. Walang ganito karami ang nagkatipon na sumalubong sa emperador. Hindi inakala ng mga makapapa na mangangahas si Luterong humarap sa Worms, at ang kanyang pagdatal ay lumigalig sa kanila. Ipinatawag agad ng emperador ang kanyang mga kasangguni upang pag-aralan nila kung ano ang marapat sundin. Ang isa sa mga obispo na isang mahigpit na makapapa, ay nagpahayag ng ganito: “Matagal na tayong nagsang-usapan tungkol sa bagay na ito. Ipag-utos nga ng iyong kamahalan, na ipapatay ang taong ito. Hindi baga ipinasunog ni Sigismundo si Juan Hus? Wala kaming tungkuling magbigay o magpitagan man sa pases ng isang erehe.” “Hindi mangyayari,” tugon ng emperador, “Kinakailangan naming tupdin ang aming ipinangako.”5J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 7, kab. 8. Kaya't ipinasiyang litisin ang Repormador. MT 134.1
Kinabukasan ay ipinatawag si Lutero upang dumalo sa kapulungan. Isang opisyal ng emperador ang pinagutusan na ihatid siya sa bulwagan na pinagpupulungan; gayon may nahirapan siya bago dumating sa pinagpupulungan. Ang bawa't daan ay siksik sa mga nanunuod, na mga sabik na makakita sa monghe na nangahas sumalungat sa kapangyarihan ng papa. MT 134.2
Sa wakas ay naharap din si Lutero sa kapulungan. Ang emperador ay nakaupo sa luklukan. Siya'y naliligid ng pinakamarangal na tao sa kaharian. Kailan man ay hindi napaharap ang sinumang tao sa isang marangal na kapulungang lalo pa kaysa kinaharapan ni Martin Lutero, noong ito'y managot tungkol sa kanyang pananampalataya. “Ang pagharap na ito ay isang maliwanag na tanda ng pagkatalo ng kapapahan. Hinatulan ng papa ang taong ito, at ngayo'y nakatayo siya sa harap ng isang hukuman, na dahil sa ganitong pangyayari ay naging mataas pa kaysa papa. Siya'y inilagay ng papa sa ilalim ng interdicto at itiniwalag sa lahat ng sambahan ng mga tao; gayon ma'y ipinatawag siya sa mapitagang pangungusap, at tinanggap sa harap ng pinakamalaking kapulungan sa sanlibutan. Hinatulan na siya ng papa na manahimik magpakailanman, at ngayon ay magsasalita siya sa harap ng libu-libong nagsisipakinig, na nagsipanggaling sa kalayu-layuang bahagi ng Sangkakristiyanuhan. Isang malaking pagbabago ang naibangon ni Lutero. Ang Roma ay nabababa na sa kanyang luklukan, at tinig ng isang monghe lamang ang gumagawa ng pagkababa niyang ito.”6Mateo 10:33. MT 134.3
Si Lutero ay sinamahan sa tapat ng harapan ng emperador. Malaking katahimikan ang nanaig sa nagsisiksikang kapulungan. Nang magkagayo'y tumindig ang isang opisyal ng kaharian, at pagkaturo sa natitipong mga aklat na sinulat ni Lutero, ay hininging tugunin ng Repormador ang dalawang katanungan—kung kinikilala niyang kanya ang mga yaon, at kung binabawi niya ang mga kuru-kuro na kanyang ipinakilala roon. Pagkatapos na mabasa ang mga pangalan ng mga aklat ay tumugon si Lutero na hinggil sa unang katanungan ay kinikilala niyang ang mga aklat na yaon ay kanya. “Hinggil sa ikalawa,” anya, “palibhasa'y iyan ay isang katanungang may kinalaman sa pananampalataya at ikaliligtas ng mga kaluluwa, at kinararamayan ng salita ng Diyos, na pinakadakila at pinakamahalagang kayamanan sa langit at sa lupa, ay magiging isang mangmang ako, kung ako'y sasagot nang walang paghuhunusdili. Baka ako'y makapagpatotoo ng kulang sa itinatanong o ng higit kaysa sa katotohanang kinakailangan, at sa gayo'y magkakasala ako laban sa pangungusap na ito ni Kristo: “Sino mang sa Aki'y magkaila sa harap ng mga tao, ay ikakaila Ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa mga langit.”6Mateo 10:33. Dahil dito ay may buong pagpapakumbaba na ipinamamanhik ko sa inyong kamahalan, oh kagalang-galang na emperador, na bigyan ninyo ako ng panahon, upang huwag akong makasagot ng ipagkakasala sa salita ng Diyos.”5J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 7, kab. 8. MT 135.1
Sa kinabukasan ay haharap siya upang ibigay ang kanyang huling tugon. Sandaling nanglumo ang kanyang puso habang dini-dilidili niya ang mga hukbong nangagtutulung-tulong laban sa katotohanan. Nanghina ang kanyang pananampalataya; takot at pangamba ay dumating sa kanya, at kakilabutan ang tumabon sa kanya. Mga panganib ay dumagsa sa harap niya; ang mga kaaway niya ay waring mananagumpay, at ang mga hukbo ng kadiliman ay nananaig. Sa kanyang paligid ay kumakapal ang dilim at ito mandin ang naglalayo sa kanya sa Diyos. Kinasabikan niya ang pangakong sasa kanya ang Panginoon ng mga hukbo. Sa panglulumo niya ay lumugmok siyang padapa sa lupa, at binigkas ang malulungkot na daing na ito, na sukat nang makadurog ng puso, na wala kundi Diyos lamang ang nakauunawa: MT 136.1
“Oh Diyos na makapangyarihan sa lahat, at walang hanggan,” ang kanyang daing, “totoong kakila-kilabot ang sanlibutang ito! Narito, ibinubuka niya ang kanyang bibig upang ako'y lamunin, at kayliit ng aking pagtitiwala sa Inyo. . . . Kung sa lakas lamang ng sanlibutang ito ilalagay ko ang aking tiwala, ay wala na ang lahat . . . . Dumating na ang aking wakas at ipinahayag na ang hatol sa akin . . . Oh Diyos, tulungan Ninyo ako laban sa katalinuhan ng sanlibutan. Gawin Ninyo ito . . . Kayo lamang; . . . sapagka't ito ay hindi aking gawain, kundi Inyo. Ako'y walang anumang magagawa rito, walang anumang ipinakikipaglaban sa mga dakilang taong ito ng sanlibutan. . . . Datapuwa't Inyo ang gawain, . . . at ito ay isang matuwid at walang-hanggang gawain. Oh Panginoon, tulungan Ninyo ako. Tapat at hindi nagbabagong Diyos, sa sinumang tao ay hindi ko inilalagak ang aking tiwala. . . . Ang lahat ng sa tao ay hindi maaasahan; ang lahat na nagmumula sa tao ay nabibigo. . . . Pinili Ninyo ako para sa gawaing ito. Tumayo Kayo sa tabi ko, alang- alang sa Inyong pinakaiibig na si Jesu-Kristo, na siya kong tanggulan, kalasag, at matibay na muog.”5J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 7, kab. 8. MT 136.2
Isang Diyos na marunong sa lahat ang nagpahintulot kay Lutero na matalastas ang kanyang kapanganiban, upang huwag siyang magtiwala sa sariling lakas, at sa gayo'y mangahas na sumugba sa kapanganiban. Datapuwa't hindi takot sa hirap ng katawan, at pangingilabot sa mga pagpapasakit o kamatayan, na babagsak na mandin sa kanya, ang sa kanya'y nagpanglumo. Dumating na siya sa kagipitan, at naramdaman niya ang kawalan niyang kayang dito'y sumagupa. Sa pamamagitan ng kanyang kahinaan ay mangyayaring mapauntol ang pagsulong ng usapin ng katotohanan. Hindi dahil sa kanyang ikapapanatag, kundi dahil sa ikapananagumpay ng ebanghelyo, kaya siya nakipagbuno sa Diyos. Sa kanyang malaking kahinaan, ang kanyang pananampalataya'y natanim kay Kristo, na makapangyarihang Tagapagligtas. Siya'y pinalakas ng pananalig na hindi siya nag-iisang haharap sa kapulungan. Nanauli ang kapayapaan ng kanyang kaluluwa, at siya'y nagalak na pinahintulutan siyang magtanghal ng salita ng Diyos sa harap ng mga pinuno ng buong bansa. MT 137.1
Nang iharap siyang muli sa kapulungan ang kanyang mukha ay walang bakas ng takot o pagkahiya man. Siya'y humarap na tiwasay at payapa, gayon ma'y matapang at marangal na isang saksi sa gitna ng mga dakilang tao sa lupa. Hinihingi ngayon ng opisyal ng imperyo ang kasagutan na kung babawiin niya ang kanyang mga iniaral. Si Lutero ay sumagot sa isang marahan at mapagpakumbabang tinig, na walang galit o simbuyo ng damdamin. Ang kanyang kilos ay banayad at magalang; gayon ma'y nagpakilala siya ng isang pagtitiwala at kaluguran na ipinanggilalas ng kapulungan. MT 137.2
“Kataas-taasang emperador, mga marangal na prinsipe, mga maginoo,” ang wika ni Lutero, “humaharap ako sa inyo ngayon, alinsunod sa bilin sa akin kahapon, at sa pamamagitan ng mga kaawaan ng Diyos ay ipinamamanhik ko sa inyong kamahalan at sa inyong mga kaginoohan, na inyong matiyagang dinggin ang pagtatanggol ko sa isang usapin na kinikilala kong matuwid at tunay. Kung dahil sa di ko kaalaman ay malabag ko ang mga kaugalian at katumpakang pagkilos sa mga korte, ay ipinamamanhik kong ako'y patawarin; sapagka't ako'y hindi lumaki sa mga palasyo ng mga hari, kundi sa katahimikan ng isang kombento.”5J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 7, kab. 8. MT 137.3
Saka, sa pagpapatuloy niya sa pinag-uusapan, ay ipinahayag niyang ang kanyang mga aklat na inilathala ay hindi iisa ang uri. Sa ilang aklat ay ipinakilala niya ang pananampalataya at mabubuting gawa, at maging ang mga kaaway man niya ay nangagpahayag na yao'y hindi makasasama kundi pakikinabangan. Kung bawiin niya ang mga ito ay nangangahulugang hinamak niya ang mga katotohanang inaamin ng lahat ng pangkatin. Ang ikalawang uri ay binubuo ng mga aklat na naglalahad ng mga kasamaan at katampalasanan ng kapapahan. Kung sirain ang mga aklat na ito ay lalakas ang paghahari-harian ng Roma, at lalong luluwang ang pinto upang makapasok ang marami at malulubhang kabuktutan. Sa ikatlong uri ng kanyang mga aklat ay sinalakay niya ang mga tao na nagtatanggol sa mga lumilipanang katampalasanan. Hinggil sa mga ito malaya niyang ipinahayag na naging mabagsik siya ng higit sa nararapat. Hindi niya sinasabing hindi siya nagkakamali; datapuwa't ni ang mga aklat mang ito ay hindi rin niya mababago, sapagka't ang gayon ay magpapalakas ng loob ng mga kaaway ng katotohanan, at ito'y kanilang dadahilanin upang lipulin ang bayan ng Diyos sa lalong mabangis na paraan. MT 138.1
“Gayunman, ako ay isang tao lamang at hindi Diyos,” ang kanyang patuloy, “kaya't ipagtatanggol ko ang aking sarili na gaya ng ginawa ni Kristo; ‘kung Ako'y nagsalita ng masama patotohanan ninyo ang kasamaan.’7Juan 18:33. . . . Alang-alang sa kaawaan ng Diyos ay ipinamamanhik ko sa inyo, mahinahong emperador, kayong mga mahal na prinsipe, at lahat ng uri ng tao, na inyong patunayan sa pamamagitan ng mga alagad na ako'y nagkamali. Kung sa sandaling ito'y maipakilala sa akin, ay babawiin ko ang lahat at ako ang unang maghahagis ng mga iyan sa apoy.”5J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 7, kab. 8. MT 138.2
Si Lutero ay nagsalita sa wikang Aleman; ngayon ay hiniling na ulitin niya ang mga pangungusap din iyon sa Latin. Bagaman pagod na siya dahil sa unang pagsasalita, ay sumunod din siya, at inulit ang kanyang talumpati, na maliwanag at mabisa ring gaya nang una. Kalooban ng Diyos ang nangasiwa sa bagay na ito. Ang pagiisip ng marami sa mga prinsipe ay nabulag na mabuti ng kamalian at pamahiin, kaya't sa unang talumpati ay hindi nila nakita ang lakas ng pangangatuwiran ni Lutero; datapuwa't ang pagkaulit ay nakatidong sa kanila na makitang malinaw ang mga katuwirang kanyang inilahad. MT 139.1
Yaong mga nagmatigas na nagpikit ng kanilang mga mata upang huwag makita ang liwanag, at nangagpasiyang huwag maniwala sa katotohanan ay nangagalit dahil sa kapangyarihan ng mga pangungusap ni Lutero. Nang tumigil na siya ng pagsasalita, ang tagapagsalita ng Panayam ay galit na nagsabi ng ganito: “Hindi mo sinagot ang itinatanong sa iyo. . . . Ikaw ay inuutusang magbigay ng isang malinaw at maikling tugon. . . . Babawiin mo ba, o hindi?”5J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 7, kab. 8. MT 139.2
Sumagot ang Repormador: “Yamang ang inyong mga kamahalan at ang inyong mataas na kapangyarihan ay humihiling na magbigay ako ng isang malinaw, maikli, at tiyak na sagot, ay isa lamang ang ibibigay ko sa inyo, at narito: Hindi ko maisusuko ang aking pananampalataya maging sa papa o sa mga kapulungan man, sapagka't kasing liwanag ng araw, na malimit silang magkamali at magkasalungatan sa isa't isa. Kaya't malibang ako'y mapaniwala sa pamamagitan ng mga patotoo ng Kasula tan o sa pamamagitan ng maliwanag na pangangatuwiran, malibang ako'y mapapaniwala ng mga sinipi kong pangungusap, at malibang ang mga ito ay magpakilala na ang aking budhi ay dapat sumang-ayon sa salita ng Diyos, hindi ko mababawi at ayaw kong bawiin, sapagka't hindi panatag na ang isang Kristiyano ay magsalita ng laban sa kanyang budhi. Dito ako nananayuan, di ko magagawa ang iba pa; tulungan nawa ako ng Diyos. Siya nawa.”5J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 7, kab. 8. MT 139.3
Sa unang tugon ay nagsalita si Lutero sa mahinang tinig na may magalang at banayad na kilos. Ipinalagay ngayon ng mga Romanista na nanghina na ang kanyang loob. Ang kahilingan niyang iliban ang paglilitis ay itinuturing nilang pasimula na ng kanyang pagbawi sa kanyang mga sinulat. Ang tapang at katibayan na ipinakilala niya ngayon, at gayon din ang kapangyarihan at kaliwanagan ng kanyang pangangatuwiran, ay kinamanghaan ng lahat ng pangkatin. MT 140.1
Ang emperador ay humanga at nagsabi: “Ang mongheng ito ay nagsasalitang may matapang na puso at hindi nagbabagong lakas ng loob.” Ang mga prinsipeng Aleman ay tuminging may pagmamalaki at katuwaan sa kinatawang ito ng kanilang bansa. MT 140.2
Lalong napasama ang mga kapanalig ng Roma; ang kanilang usapin ay lumitaw na pangit. Sinikap nilang ingatan ang kanilang kapangyarihan, hindi sa pamamagitan ng paggamit ng Kasulatan, kundi sa mga pananakot na siyang mapagtagumpay na kasangkapan ng Roma. Ang sabi ng tagapagsalita ng kapulungan: “Kung hindi mo babawiin ang iyong mga sinabi, ang emperador at ang mga lalawigan ng kaharian ay magsasang-usapan hinggil sa paraang nararapat gamitin laban sa isang ereheng mapagmatigas.” MT 140.3
Ang mga kaibigan ni Lutero na buong lugod na nakinig sa kanyang marangal na pagtatanggol, ay nanginig sa mga pangungusap na ito; datapuwa't ang Repormador ay banayad na nagsabi: “Nawa'y tulungan ako ng Diyos, sapagka't wala akong mababawing anuman.”5J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 7, kab. 8. MT 140.4
Siya'y pinagbilinang lumabas sa kapulungan, samantalang nagsasanggunian ang mga prinsipe. Ipinalagay noon na dumating na ang isang malaki at mapanganib na kalagayan. Ang di-mabali-baling pagtanggi ni Lutero na sumuko, ay mangyayaring bumago ng kasaysayan ng iglesya sa habang panahon. Kaya't pinagkaisahang bigyan siya ng isa pang pagkakataon upang bawiin ang kanyang mga aral. Iniharap siyang muli bilang kahulihulihan, sa kapulungan. Muli na namang tinanong siya kung babawiin niya ang kanyang mga aral. “Wala na akong ibang maisasagot,” ang kanyang sinabi, “kundi ang naisagot ko na.” Maliwanag na hindi siya mangyayaring mahimok sa pamamagitan ng mga pangako o ng mga pananakot man, na sumuko sa utos ng Roma. MT 141.1
Nangahiya ang mga pinunong makapapa palibhasa'y ang kanilang kapangyarihan, na nagpanginig sa mga hari at mataas na tao, ay hinamak ng isang monghe lamang; ibig sana nilang madama niya ang kanilang poot. Datapuwa't sa pagkaunawa ni Lutero ng kanyang kapanganiban, ay nagsalita siya sa lahat na may karangalan at kahinahunang Kristiyano. Ang kanyang mga pangungusap ay hubad sa kapalaluan, at galit, bagkus panay na katotohanan. Nalayo ang paningin niya sa kanyang sarili at sa mga dakilang taong nakapaligid sa kanya, at ang nadama lamang niya ay siya'y nasa harapan ng Isang walang-hanggan, na mataas kaysa mga papa, mga mataas na pari, mga hari, at mga emperador. Si Kristo ang nagsalita sa pamamagitan ng patotoo ni Lutero, na may kapangyarihan at kadakilaan na sandaling nagbigay ng takot at pagtataka sa mga kaibigan at mga kaaway ng Repormador. Ang Espiritu ng Diyos ay kaharap sa kapulungang yaon, na kumikilos sa mga puso ng mga pangulong tao ng imperyo. Ang marami sa mga prinsipe ay lakas-loob na kumilala na nasa matuwid ang usapin ni Lutero. Marami ang nakakilala ng katotohanan; subali't ang pagkabakas nito sa isipan ng ilan ay hindi nagluwat. May mga iba rin naman na ng mga sandaling yaon ay hindi nagpahayag ng kanilang paniniwala, subali't pagkatapos na masiyasat nila ang Banal na Kasulatan ay nangaging walang takot na tagapagtanggol ng Reporma nang dumating na ang kapanahunan. MT 141.2
Dalawang nagkakalabang paniniwala ang iginigiit ngayon ng mga kasapi sa kapulungan. Ang mga sugo at mga kinatawan ng papa, ay nag-utos na hindi na dapat pansinin ang pases ng Repormador. “Ang Rin,” anila, “ay siyang nararapat tumanggap sa kanyang mga abo gaya ng pagtanggap sa mga abo ni Juan Hus noong may isang daan na ngayong taong nakaraan.”8J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 7, kab. 9. Datapuwa't ang mga prinsipe ng Alemanya, bagaman mga makapapa at mahigpit na mga kaaway ni Lutero, ay tumutol sa ganyang pagsira sa pagtitiwala ng madla, at anila'y isang dungis sa karangalan ng bansa. Dinaliri nila ang mga kapahamakang sumunod sa pagkamatay ni Hus, at kanilang ipinahayag na hindi maaatim ng kanilang kalooban na bumagsak sa Alemanya at sa ulo ng kanilang kabataang emperador, ang gayong kakila-kilabot na mga kasamaan. MT 142.1
Nang tugunin ni Carlos ang hamak na panukala, ay nagsabi siya ng ganito: “Kung ang dangal at pananampalataya ay pawiin man sa buong sanlibutan, ay dapat makasumpong ang mga ito ng kanlungan sa mga puso ng mga prinsipe.”8J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 7, kab. 9. Pinamanhikan pa rin siya ng mga pinakamabagsik na makapapang kaaway ni Lutero, na gawin sa Repormador ang gaya ng ginawa ni Sigismundo kay Hus—ibigay ito sa kapamahalaan ng iglesya; nguni't nang maalaala niya ang panoorin, na sa gitna ng madla ay dinaliri ni Hus ang kanyang tanikala at ipinaalaala sa hari ang kanyang nasirang pangako, ay ipinahayag ni Carlos: “Ayaw kong mamula sa hiya gaya ni Sigismundo.”9J. Lenfant, History of the Council of Constance, tomo 1, p. 422. MT 142.2
Datapuwa't sadyang tinanggihan ni Carlos ang mga katotohanang ipinakilala ni Lutero. “Matibay kong ipinasisiya, na susundin ko ang halimbawa ng aking mga ninuno,“8 ang isinulat ng emperador. Pinagtibay niya sa kanyang puso, na hindi siya aalis sa kinagisnan upang lumakad sa mga daan sa katotohanan at katuwiran. Sapagka't ipinagtanggol ng kanyang mga magulang ang kapapahan ay yaon din ang kanyang gagawin, sa buong katampalasanan at kabulukan nito. Sa gayo'y nagpakatibay siya, na tinatanggihan niya ang anumang liwanag na hindi tinanggap ng kanyang magulang ni gumanap kaya ng anumang tungkulin na hindi nila ginampanan. MT 143.1
Marami ngayon ang ganyang nangungunyapit sa mga ugali at sali't saling sabi ng kanilang mga magulang. Kapag pinadadalhan sila ng Panginoon ng karagdagang liwanag, ay ayaw nilang tanggapin, sapagka't hindi iyon tinanggap ng kanilang magulang, palibhasa'y hindi ipinagkaloob sa kanila. Hindi tayo inilalagay sa kinalagyan ng ating mga magulang; dahil dito'y ang ating mga tungkulin at pananagutan ay hindi katulad ng kanila. MT 143.2
Hindi tayo sasang-ayunan ng Diyos kung titingnan natin ang halimbawa ng ating mga magulang upang makilala ang ating tungkulin, sa halip na saliksikin ang Salita ng katotohanan, sa ganang atin. Ang ating pananagutan ay lalong malaki kaysa ating mga magulang. Tayo'y mananagot sa liwanag na kanilang tinanggap at iniwan sa atin na pinaka mana, at may pananagutan din naman tayo sa karagdagang liwanag na kumikinang ngayon sa atin mula sa salita ng Diyos. MT 143.3
Inutusan agad si Lutero, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng emperador, na umuwi, at naalaman niyang ang patalastas na ito ay susundan agad ng hatol. Mapanganib na mga ulap ay nakahalang sa kanyang daraanan; datapuwa't nang umalis siya sa Worms ay umapaw ang tuwa at pagpupuri sa kanyang puso. Anya, “Ang diyablo ay nakabantay sa kuta ng papa; datapuwa't si Kristo ay gumawa ng malaking sira sa kutang ito at napilitan si Satanas na kumilalang ang Panginoon ay makapangyarihan kaysa kanya.”10J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 7, kab. 11. MT 143.4
Nang makaalis na si Lutero palibhasa'y ibig niyang huwag ipagkamali na ang kanyang katibayan ay paghihimagsik, sumulat siya sa emperador: “Ang Diyos na siyang sumisiyasat ng mga puso, ay siya kong saksi,” ang wika niya, “na ako'y handang tumalima sa inyong kamahalan, sa karangalan o sa di-karangalan, sa buhay at sa kamatayan, pagtalimang walang di-sinasaklaw maliban sa salita ng Diyos, na ikinabubuhay ng tao. Sa lahat ng mga gawain ng buhay na ito, ang aking pagtatapat ay hindi makikilos, sapagka't dito ang mawalan o magkaroon ay walang kinalaman sa kaligtasan. Datapuwa't kapag ang nabibilang ay mga kapakanang walang-hanggan, ay hindi kalooban ng Diyos na ang tao ay sumuko sa tao. Sapagka't ang ganyang pagsuko sa mga bagay na ukol sa espiritu ay isang tunay na pagsamba, at dapat iukol lamang sa May-lalang.”10J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 7, kab. 11. MT 144.1
Sa kanyang paglalakbay mula sa Worms, ang pagpaparangal sa kanya ng mga bayan ay lalong maringal kaysa kanyang pagdating doon. Ang mga prinsipe ng iglesya ay nag-anyaya sa paring eskomunikado, at ang mga pinuno ng pamahalaan ay gumagalang sa taong hinatulan ng emperador. Siya'y pinilit na mangaral, at bagaman pinagbawalan na siya ng emperador ay muli na namang tumayo siya sa pulpito. “Kailan ma'y hindi ako nangako na aking itatanikala ang salita ng Diyos,” ang kanyang sinabi, “at talagang hindi ko ito gagawin.”11W. C. Martyn, The Life and Times of Luther, tomo 1, p. 420. MT 144.2
Hindi pa siya natatagalang nakaaalis sa Worms nang manaig ang mga makapapa sa emperador na magpalabas ito ng isang utos laban sa kanya. Sa pasiyang ito ay hinatulan siya at sinabing siya'y si “Satanas na rin na nag-anyong tao at nararamtan ng damit monghe.” Ipinag- utos ng emperador na kapagkarakang lumipas ang kanyang pases ay gawin na ang lahat ng paraan upang mapatigil ang kanyang paggawa. Lahat ay pinagbawalang siya'y patuluyin, o bigyan kaya ng pagkain o inumin, o kaya'y maging sa pamamagitan ng salita o gawa, sa hayag o sa lihim, siya ay huwag tulungan o saklolohan. Siya'y huhulihin saan man siya maparoon, at ibibigay sa mga may kapangyarihan. Ang kanyang mga kapanalig ay ibibilanggo rin naman at ang kanilang pag-aari ay sasamsamin. Ang kanyang mga sinulat ay sisirain, at sa wakas, ang lahat ng sasalungat sa pasiyang ito ay lalapatan ng hatol ding ito. Kapagkarakang siya'y umalis, ang prinsipe ng Sahonya, at ang mga prinsipeng matalik niyang kaibigan ay umalis din, at ang pasiya ng emperador ay pinagtibay ng kapulungan. Nagdiwang ngayon ang mga Romanista. Ipinalagay nilang natatakan na ang kamatayan ng Reporma. MT 144.3
Ang Diyos ay naglaan ng daang matatakasan ng kanyang lingkod sa panahong ito ng kapanganiban. Isang matang nagmamasid ang tumutugaygay sa mga pagkilos ni Lutero, at isang tapat at marangal na puno ang nagpasiyang sumagip sa kanya. Malinaw na ang Roma ay hindi masisiyahan hanggang sa di siya napapatay; pagkukubli lamang ang tanging makapagliligtas mula sa bunganga ng liyon. Kaya't ang Diyos ay nagkaloob ng karunungan kay Federico ng Sahonya upang gumawa ng isang panukala sa ikaliligtas ng Repormador. Sa tulong ng mga tapat na kaibigan, ang panukala ng elektor ay naisagawa, at si Lutero ay nailayo sa kanyang mga kaibigan at kaaway. Sa kanyang pag-uwi ay dinakip siya, inagaw sa kanyang mga kasama, at dinala agad sa parang hanggang sa kastilyo ng Wartburgo, isang kuta na nagiisa sa bundok. Ang pagkaagaw at pagkatago sa kanya ay nabibilot ng hiwaga, anupa't ni si Federico ay hindi nakaalam kung saan siya dinala. Ang hindi pagkaalam na ito ay may adhika; habang hindi niya nalalaman ang kinalalagyan ni Lutero ay wala siyang masasabing anuman. Inaliw niya ang kanyang loob sa paniniwala na si Lutero ay panatag, at dahil dito siya'y nasiyahan. MT 145.1
Dumaan ang tagsibol, tag-araw, at taglagas, at dumating ang tagginaw, at si Lutero ay bilanggo pa rin. Si Aleandro at ang kanyang mga kapanalig ay nangagkatuwa nang waring kumukupas na ang liwanag ng ebanghelyo. Subali't hindi; kundi pinupuno lamang ng Repormador ang kanyang ilawan ng mga katotohanan; at ang liwanag nito ay sisilang ng lalong matingkad. MT 146.1
Sa mapayapang kanlungan ng Wartburgo ay sandaling nalugod si Lutero dahil sa kanyang pagkalayo sa higpit at ligalig ng labanan. Datapuwa't hindi siya lubhang masiyahan sa pananahimik at pagpapahingalay. Palibhasa'y namihasa sa kasipagan at mahigpit na pakikilaban, ay hindi niya matiis ang manatiling walang ginagawa. Sa mga araw na itong siya'y natatago, ay naalaala niya ang kalagayan ng iglesya, at siya'y napasigaw sa kagulumihanan na nagsabi: “Anong kaabaan! na wala ni isa man sa huling araw na ito ng kagalitan ng Diyos na tumayong tulad sa isang kuta sa harap ng Panginoon upang iligtas ang Israel!”12J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 9, kab. 2. Muli na namang naalaala niya ang kanyang sarili, at natakot siyang maparatangang duwag sa pag-urong sa pakikilaban. Sa gayo'y sinisi niya ang kanyang katawan dahil sa kanyang katamaran at pagbibigaylugod sa sarili. Gayon ma'y mayroon siyang ginagawa sa araw-araw na waring hindi makakayang gawin ng isang tao lamang. Ang kanyang panulat ay hindi natitigil. Samantalang ang kanyang mga katunggali ay naghahambog na siya, anila'y kanilang napatahimik, ay nanggilalas sila at nangatilihan sa malinaw na katotohanan na siya'y walang humpay na gumagawa. Ang isang karamihan ng mga maliliit na babasahin, na nagmumula sa kanyang panulat, ay kumalat sa buong Alemanya. Napakalaki rin naman ang kanyang naipaglingkod sa kanyang mga kababayan sa pagkapagsalin niya ng Bagong Tipan sa wikang Aleman. Mula sa kanyang mabatong Patmos na ito ay nagpatuloy siyang kulang-kulang sa isang taong singkad na nagpahayag ng ebanghelyo, at sumansala sa mga kasalanan at kamaliang laganap nang panahong yaon. MT 146.2
Datapuwa't hindi lamang upang iligtas si Lutero mula sa galit ng kanyang mga kalaban, ni upang bigyan siya ng panahon ng katahimikan na magawa ang mahalagang gawaing ito, kung kaya pinigil ng Diyos ang Kanyang lingkod mula sa hayag na kabuhayan. Mayroon pang lalong mahalagang bagay na ibinunga ito. Sa katahimikan at kalayuan ng bundok na pinagtataguan ni Lutero ay naputol ang pagkandili ng mga tao sa kanya sampu ng papuri nila. Sa gayo'y naligtas siya sa kapalaluan at pagtitiwala sa sarili na malimit ibunga ng pananagumpay. Sa pamamagitan ng paghihirap at pagpapakababa ay nahanda siyang muli upang lumakad ng panatag sa matayog na kataasan na bigla niyang kinalagyan. MT 147.1
Sa katuwaan ng mga tao sa mga kalayaang dinala sa kanila ng katotohanan, ay katutubong itanyag nila yaong ginamit ng Diyos upang patirin ang mga tanikala ng kamalian at pamahiin. Sinisikap ni Satanas na alisin ang pag-iisip at pagibig ng mga tao sa Diyos, at ilagay sa mga taong kanyang ginagamit; inaakay niya silang parangalan ang ginagamit lamang, at pawalang kabuluhan ang Kamay na nangungulo sa lahat ng pangyayari. Napakalimit na ang mga pinuno sa relihiyon na pinupuri at iginagalang ng gayon ay nakalilimot ng kanilang pagasa sa Diyos, at nangaaakay na magtiwala sa kanilang sarili. Bilang bunga nito'y sinisikap nilang pangibabawan ang pag-iisip at budhi ng mga tao, na malamang umasa sa kanilang pagpatnubay sa halip na umasa sa salita ng Diyos. Ang gagawin ng pagbabago ay malimit mauntol dahil sa pag-iimpok ng diwang ito niyaong mga nagtataguyod. Ibig ng Diyos na ilayo ang gawain ng Reporma sa kapanganibang ito. Nais Niya na ang gawaing ito ay tumanggap, hindi ng tatak ng tao kundi ng tatak ng Diyos. Ang paningin ng mga tao ay nangapabaling kay Lutero na pinakatagapagpaliwanag ng katotohanan; kaya't si Lutero'y inilayo upang ang lahat ng paningin ay mabaling sa walang-hanggang Bukal ng katotohanan. MT 147.2