Ang protesta sa Espira at ang Pagpapahayag sa Augsburgo, na siyang naging tanda ng pagwawagi ng Reporma sa Alemanya, ay sinundan ng mga taon ng labanan at kadiliman. Ang Protestantismo na pinapanghina ng pagkakahati-hati ng mga tagatangkilik nito, at sinasalakay ng makapangyarihang kaaway, ay wari bagang hahantong sa pagkawasak. . . . Nguni't sa sandali ng wari kanyang pagtatagumpay, ang emperador ay hinampas ng pagkatalo. Nakita niyang naagaw ang huli niya sa kanyang mga kamay, at sa wakas ay napilitan siyang magbigay pahintulot sa mga aral na siyang naging hangaring iwasak ng kanyang kabuhayan. Itinaya niya ang kanyang kaharian, ang kanyang kayamanan, at ang buhay na rin, upang pawiin ang erehiya. Ngayo'y nakita niyang ang kanyang mga hukbo'y pinapanghina ng labanan, ang kanyang kabang-yaman ay wala nang laman, ang marami niyang mga kaharian ay binabalaan ng paghihimagsik, samantalang sa lahat ng dako'y lumalaganap ang pananampalatayang walang kabuluhang pinagsikapan niyang sugpuin. Si Carlos V ay nakipaglaban sa kapangyarihang walang-hanggan. Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag,” nguni't pinagsikapan ng emperador na papanatilihin ang kadiliman. Nabigo ang kanyang mga hangarin; at sa napadali niyang pagtanda, na pinapanghina ng matagal na pakikipagpunyagi, ay nilisan niya ang luklukan at itinago niya ang kanyang sarili sa isang kombento. MT 187.1
Sa Suisa, gaya rin sa Alemanya, ay nagkaroon ng madidilim na mga araw para sa Reporma. Bagaman mara- ming mga kanton [nakakatulad ng lalawigan] ang nagsitanggap sa bagong pananampalataya, ang iba nama'y nanatili sa aral ng Roma. Ang pag-uusig nila sa mga nagnanais na tumanggap sa katotohanan, ay siyang naging dahilan ng labanang sibil sa kawakasan. Si Zuinglio at ang marami pang ibang nakisama sa kanya sa gawaing pagbabago, ay nangabuwal sa madugong labanan sa Kappel. Si Ecolampadio, na napanagumpayan ng ganitong kasakunaan, ay di-natagala't inabot ng kamatayan. MT 187.2
Nagwagi ang Roma, at sa maraming dako'y wari bagang makukuha na niyang muli ang mga nawala sa kanya. Datapuwa't Siya na ang Kanyang payo ay buhat sa walang-hanggan ay di-nagpapabaya sa Kanyang gawain o sa Kanyang bayan. Ang kamay Niya ay siyang magliligtas sa kanila. Nagtayo Siya ng mga manggagawa sa ibang mga lupain upang magtaguyod ng gawaing pagbabago. MT 188.1
Sa Pransya, bago narinig ang pangalan ni Lutero bilang isang Repormador, ay dumating na ang pagbubukang-liwayway. Ang isa sa mga unang tumanggap ng liwanag ay ang matandang Lefevre, isang lalaking may malawak na kaalaman, isang propesor sa Unibersidad ng Paris, at isang tapat at masigasig na Katoliko Romano. Sa kanyang pagsasaliksik ng mga babasahin ng unang panahon ay natawag ang kanyang pansin sa Biblia, at kanyang itinagubilin ang pag-aaral nito sa mga magaaral niya. MT 188.2
Nang 1512, bago pinasimulan ni Lutero o ni Zuinglio ang kanilang gawain ng pagbabago, ay sumulat si Lefevre: “Ang Diyos ang nagbibigay sa atin, sa pamamagitan ng pananampalataya, na ang katuwiran sa pamamagitan lamang ng biyaya ang nagpapaging-dapat ukol sa buhay na walang-hanggan.”1J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 13, kab. 1. Sa pagsasaisip niya ng inga hiwaga ng pagtubos, ay sinabi niya, “Oh, ang di-mabig- kas na kadakilaan ng pagpapalit na yaon—ang Isang Walang-sala'y hinatulan, at siyang maysala'y pinalaya; ang Pagpapala ang nagdala ng sumpa, at ang sinumpa ay dinala sa pagpapala; ang Buhay ay namatay, at ang patay ay nabuhay; ang Kaluwalhatian ay binalot ng kadiliman, at siya na walang nalalaman kundi ang kaguluhan ng mukha ay nadaramtan ng kaluwalhatian.”2J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 12, kab. 2. (Limbag sa Londres.) MT 188.3
At samantalang itinuturo na ang kaluwalhatian ng kaligtasan ay sa Diyos lamang, ay ipinahayag din naman niya na ang tungkuling pagsunod ay sa tao. “Kung ikaw ay isang kaanib ng iglesya ni Kristo,” ang wika niya, “ay isang sangkap nga ikaw ng Kanyang katawan; kung ikaw ay sa Kanyang katawan, kung gayo'y puno ka ng banal na katutubo ng Diyos. . . . Oh, kung mauunawaan lamang ng mga tao ang tanging karapatang ito, gaano nga kadalisay, kalinis, at gaano kabanal na mamumuhay sila, at gaano nga ang gagawin nilang paghamak sa lahat ng kaluwalhatian ng sanlibutang ito, kung ihahambing sa kaluwalhatiang nasa kanila—kaluwalhatiang di-nakikita ng mata ng laman.”2J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 12, kab. 2. (Limbag sa Londres.) MT 189.1
May ilan sa mga mag-aaral ni Lefevre ang may kasabikang nakinig sa kanyang mga salita, at pagkaraan ng matagal na pagkatahimik ng tinig ng kanilang guro, ay magpapatuloy na magpahayag ng katotohanan. Gayon si Guillermo Farel. Anak ng mga makabanalang mga magulang, at tinuruan upang tanggaping may lubos na pananampalataya ang mga turo ng iglesya, ay maaari sanang nasabi niyang kasama ni Pablo, tungkol sa kanyang sarili, “Alinsunod sa lalong mahigpit na sekta ng aming relihiyon ay nabuhay akong isang Pariseo.”3Mga Gawa 26:5. Isang tapat na Romano, ay maningas ang kanyang kasiglahang lipulin ang lahat ng mangangahas na sumalungat sa iglesya. . . . Nguni't ang mga ginagawa niyang ito [mga bagay na ipinagagawa ng Iglesya Romana] ay di-maka- pagdulot ng kapayapaan sa kaluluwa. Ang sumbat ng kasalanan ay nangapit sa kanya, at ito'y di-mapawi ng lahat ng ginagawa niyang pagpipinitensya. Gaya ng isang tinig na buhat sa langit, ay pinakinggan niya ang mga salita ng Repormador: “Ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng biyaya.” “Ang Isang Walang-sala ay hinatulan, at ang kriminal ay pinalaya.” “Ang krus lamang ni Kristo ang nagbubukas ng mga pintuan ng langit, at nagpipinid ng mga pintuan ng impiyerno.”4J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 13, kab. 2. MT 189.2
Magalak na tinanggap ni Farel ang katotohanan. Sa pamamagitan ng isang pagkahikayat na katulad ni Pablo, ay iniwan niya ang pagkaalipin sa mga sali't saling sabi at tinungo niya ang kalayaan ng mga anak na lalaki ng Diyos. “Sa halip ng mamamatay na puso ng isang lobong maninila, ay nagbalik siya,” sinabi niya, “na matahimik, gaya ng isang maamo at mabait na tupa, na ang kanyang puso'y lubusang inalis sa papa, at ibinigay kay Jesu-Kristo.”5 J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 12, kab. 3. MT 190.1
Samantalang patuloy ang pagpapakalat ni Lefevre ng liwanag sa kanyang mga mag-aaral, si Farel na masigasig sa gawain ni Kristo gaya rin naman ng kasigasigan niya sa gawain ng papa, ay humayo upang ipahayag ang katotohanan sa madla. Ang obispo ng Meaux, na isang may marangal na tungkulin sa iglesya, ay di-natagala't sumama rin sa kanila. Ang iba pang mga guro na may kataasan sa kakayahan at sa karunungan, ay nagsamasama sa pagpapahayag ng ebanghelyo, at nakahikayat sa lahat ng uri ng mga tao, buhat sa mga tahanan ng mga nagsisigawa sa pagawaan at ng mga magbubukid hanggang sa palasyo ng hari. Ang kapatid na babae ni Francisco I, na siyang hari noon, ay tumanggap sa bagong pananampalataya. Ang hari na rin, at ang reynang ina, ay waring may pagsang-ayon din sa kaunting panahon, at ang mga Repormador ay nagkaroon ng mala- king pag-asa na darating ang panahong ang Pransya ay mahihikayat ng ebanghelyo. MT 190.2
Datapuwa't ang mga pag-asang yao'y hindi madarama. Pagsubok at pag-uusig ang naghihintay sa mga alagad ni Kristo. Gayunman, ay may kahabagang nilambungan ito mula sa kanilang mga paningin. Nagkaroon ng isang panahon ng kapayapaan, upang sila'y magkaroon ng kalakasang isasagupa sa bagyo; at ang Reporma ay nagkaroon ng mabilis na pagsulong. Ang obispo ng Meaux ay masigasig na gumawa sa sarili niyang nasasakupan upang turuan ang mga ministro at gayon din ang mga tao. Ang mga mangmang at mga paring nagsisigawa ng kahalayan ay pawang pinag-aalis, at, hangga't maaari, ay pinagpapalitan ng mga lalaking may kaalaman at kabanalan. Nilunggati ng obispo na ang mga taong nasasakupan niya'y magkaroon para sa kanilang sarili ng salita ng Diyos, at di-natagala't ito'y naisagawa. Isinagawa ni Lefevre ang pagsasalin ng Bagong Tipan; at nang panahong pinalalabas ang Bibliang Aleman ni Lutero sa Wittenberg, ang Bagong Tipang Pranses ay nalimbag na rin naman sa Meaux. Pinagpaguran at pinaggugulan ng obispo ang pagpapakalat nito sa kanyang mga distrito ng iglesya, at di-natagala't ang mga magbubukid ng Meaux ay nagkaroon ng mga Banal na Kasulatan. MT 191.1
Gaya ng magalak na pagtanggap ng mga naglalakbay na nanghihina na sa uhaw sa bukal ng buhay na tubig, gayon ding tinanggap ng mga kaluluwang ito ang pabalita ng langit. Pinasasaya ng mga nagsisigawa sa bukiran, at ng mga manggagawa sa mga pagawaan ang kanilang araw-araw na paggawa sa pamamagitan ng pagsasalitaan ng tungkol sa mahahalagang katotohanan ng Biblia. Sa gabi, sa halip na patungo sila sa mga tindahan ng alak, ay nagtititipon sila sa mga tahanan ng isa't isa upang basahin ang salita ng Diyos at magsama-sama sa pananalangin at pagpupuri. Isang malaking pagba- bago ang nahayag sa mga katipunang ito. Bagaman nasa pinakamababang uri ng mga tao, sa kabuhayan ng mga di-nagsipag-aral at mga batak sa trabahong mga magbubukid, ay namalas ang bumabago at nagpapadakilang kapangyarihan ng biyaya ng Diyos. Mapakumbaba, may pag-ibig, at banal, ay tumayo sila bilang mga saksi sa magagawa ng ebanghelyo sa mga taus-pusong magsisitanggap nito. MT 191.2
Malayo ang naabot ng liwanag na sinindihan sa Meaux. Araw-araw ay dumarami ang mga nahihikayat. Ang galit ng herarkiya sa kaunting panahon ay napigil ng hari, na nasusuklam sa pagkapanatiko ng mga monghe; nguni't sa wakas ay nanaig din ang mga namumunong maka-papa. Ngayo'y itinayo na ang sunugan. Ang obispo ng Meaux, na napilitang mamili sa apoy at sa pagbawi, ay tumanggap sa landas na lalong magaan; datapuwa't sa kabila ng pagkahulog ng nangunguna, ay nanatiling matatag ang kanyang kawan. Marami ang sumaksi sa katotohanan sa gitna ng ningas ng apoy. Sa pamamagitan ng lakas ng loob at pagtatapat nila doon man sa sunugan, ang mapakumbabang mga Kristiyanong ito ay nagsalita sa libu-libong hindi nakarinig ng kanilang mga patotoo noong mga araw ng katiwasayan. MT 192.1
Hindi lamang ang mga aba at mga dukha ang sumaksi kay Kristo sa gitna ng pag-uusig at paghamak. Sa mga bulwagan ng kastilyo at palasyo ng mga panginoonin, ay may mga likas-haring kaluluwa na ang pagpapahalaga sa katotohanan ay lalong higit kaysa kayamanan o taas ng tungkulin o kahit na buhay. Sa baluting makahari ay natatago ang lalong dakila at lalong matatag na espiritu kaysa masusumpungan sa loob ng balabal at mitra ng obispo. Si Luis de Berquin ay may marangal na pagsilang. Isang kabalyerong matapang at marunong kumilos sa korte, siya'y mahilig sa pag-aaral, linang sa kanyang mga pagkilos, at may moral na walang kapintasan. Katulad ng maraming mga iba, na naakay sa Bi- blia sa pamamagitan ng banal na kalooban, ay namangha siya nang matuklasan niya roon “hindi ang mga doktrina ng Roma, kundi ang mga doktrina ni Lutero.”6J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 13, kab. 9. Sapul noo'y ibinigay niyang lubusan ang kanyang sarili sa gawain ng ebanghelyo. MT 192.2
“Pinakamarunong sa lahat ng mga maharlika ng Pransya,” ang kanyang kadalubhasaan at kabutihang mangusap, ang di-nagugulat niyang katapangan at maka-bayaning kasigasigan, at ang impluensya niya sa korte—sapagka't siya'y nililingap ng hari—ay siyang naging dahilan ng pagpapalagay ng marami na siya'y magiging Repormador ng kanyang bayan. Ang wika ni Beza, “si Berquin sana'y naging ikalawang Lutero, kung nasumpungan niya kay Francisco I ang ikalawang elektor.” “Siya'y lalong masama kaysa kay Lutero,”6J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 13, kab. 9. ang sigaw ng mga kampon ng papa. Lalo nga siyang kinatakutan ng mga Katoliko Romano ng Pransya. Ibinilanggo nila siya bilang isang erehe, nguni't siya'y pinalaya ng hari. Maraming taon nagpatuloy ang tunggalian. Sa di-pagkaalam ni Haring Francisco kung sino ang kikilingan niya sa Roma at sa Reporma, ay pahintuluta't pigilin ang ginagawa niya sa maningas na kasigasigan ng mga monghe. Si Berquin ay makatatlong ibilanggo ng mga kapangyarihang maka-papa, upang palayain lamang ng hari, na dahil sa kanyang paghanga sa kanyang kadalubhasaan at karangalan ng likas, ay tumanggi sa pagsasakripisyo sa kanya sa galit ng herarkiya. MT 193.1
Paulit-ulit na binalaan si Berquin ng panganib na nagbabala sa kanya sa Pransya, at pinipilit siyang sumunod sa mga hakbang niyaong mga nakasumpung ng kapanatagan sa kusang pag-alis sa lupain. Ang mahinang-loob at lambuting si Erasmo, na sa kabila ng kanyang maningning na pagkapag-aral ay salat siya sa kadakilaang moral na naglalagay sa buhay at karangalan sa ilalim ng katotohanan, ay sumulat kay Berquin: “Hingin mong suguin kang isang kinatawan sa ibang lupain; humayo ka at maglakbay sa Alemanya. Nakikilala mo si Beda at ang gaya niya—siya'y isang malaking hayop na may isang libong ulo, na bumubuga ng lason sa lahat ng dako. Ang ngalan ng iyong mga kaaway ay pulutong. Kung ang iyo mang gawain ay lalong mabuti kaysa gawain ni Jesu-Kristo, ay hindi ka rin nila bibitiwan hanggang sa ikaw ay di nila maipahahamak. Huwag mong gasinong panaligan ang pagsasanggalang ng hari. Sa anumang pangyayari, ay huwag mo akong pasang-ayunin sa sangay ng teolohiya.”6J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 13, kab. 9. MT 193.2
Datapuwa't sa paglaki ng kapanganiban, ay lalo namang lumalakas ang kasigasigan ni Berquin. Malayo sa paggamit ng makasariling pamamaraan at payo ni Erasmo, ay ipinasiya niya ang paggawang may lalo pang katapangan. Buhat sa mga sinulat ng mga doktor ay kumuha siya ng labindalawang suliranin na inihayag niya sa madla na “laban sa Biblia at eretiko;” at nanawagan siya sa hari upang siyang humatol sa kanilang pagtatalo. MT 194.1
Ang hari, na walang pag-aatubiling paghambingin ang lakas at katalasan ng nagtatanggol na magkalaban, at natutuwa sa pagkakataong ito upang hamakin ang kapalaluan ng mga mapagmataas na mga monghe, ay nagsabi sa mga Katoliko Romano na ipagsanggalang nila ang kanilang panig sa pamamagitan ng Biblia. Nalalaman nila na ang sandatang ito'y bahagya lamang ang maitutulong sa kanila; ang bilangguan, pagpapahirap, at ang sunugan, ang lalo nilang nalalamang gamitin. Nabaliktad na ngayon ang pangyayari, at nakita nila ang kanilang sarili na halos mahulog sa balong paghuhulugan sana nila kay Berquin. Namamanghang nagpalinga-linga sila upang humanap ng daang matatakasan. MT 194.2
“Nagkataon noon na ang isang inanyuang larawan ng birhen na nasa sulok ng isa sa mga lansangan, ay pinagpira-piraso ' Naligalig ng gayon na lamang ang bayan. Maraming mga tao ang nangagtitipon sa lugar na iyon, na kanilang ipinahahayag ang kanilang kalungkutan at pagka- poot. Ang hari ay nakilos din ng gayon na lamang. . . . “Ang mga ito ang bunga ng mga doktrina ni Berquin,” ang sigaw ng mga monghe. “Halos iwasak na ang lahat— ang relihiyon, ang mga kautusan, ang luklukan na rin— ng pagbabangong ito ng mga Luterano.”6J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat. 13, kab. 9. MT 194.3
Muling dinakip si Berquin. Umalis ang hari sa Paris, at ang mga monghe ay naiwang malayang gumawa ng kanilang maibigan. Nilitis ang Repormador, at hinatulan sa kamatayan, at dahil sa baka muling makialam ang Haring Francisco upang iligtas siya, noong ding araw ng paghatol ay isinagawa rin nila ang kahatulan. Nang tanghali ay dinala si Berquin sa dako ng kamatayan. Isang makapal na karamihan ang nagtitipon upang saksihan ang pangyayari, at marami sa mga nakakita ang nagtataka at nag-aalinlangan na ang biktima ay pinili sa pinakamabuti at pinakamatapang ng maharlikang sambahayan ng Pransya. MT 195.1
Ang abang karitong kanyang nilulanan, ang nakasimangot na mga mukha ng mga nag-uusig sa kanya, ang nakatatakot na kamatayang kanyang pinatutunguhan—ang mga ito'y di niya inalintana; Siya na nabubuhay na nakatikim ng kamatayan, at nabubuhay magpakailan man, at may mga susi ng kamatayan at ng impiyerno, ay nasa piling niya. Sa mukha ni Berquin ay nakikita ang liwanag at kapayapaan ng langit. Binihisan niya ang kanyang sarili ng magandang kasuutan, “isang balabal na gamusa, isang hustilyong satin at damasko, at ginintuang mga kalsa.”7J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Time of Calvin, aklat 2, kab. 16. Malapit na siyang magpatotoo tungkol sa kanyang pananampalataya sa harapan ng Hari ng mga hari at ng sumasaksing sansinukob, at wala ngang anumang tanda ng kalungkutan ang dapat makaulap sa kanyang kagalakan. MT 195.2
Samantalang marahang nagpapatuloy ang prusisyon sa nagsisikip sa taong lansangan, ay may pagkamanghang napuna ng mga tao ang walang ulap na kapayapaan, ang ma- galak na tagumpay, ng kanyang hitsura at anyo. “Siya, wika nila, “ay katulad ng isang nakaupo sa templo, at nagbubulaybulay ng mga banal na bagay.”6J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 13, kab. 9. MT 195.3
Sa sunugan, ay pinagsikapan ni Berquin ang magsalita ng ilang kataga sa mga tao; nguni't sapagka't natatakot sila sa ibubunga nito, ay nagsigawan ang mga monghe, at pinagpingki ng mga kawal ang kanilang mga sandata, at ang tinig ng martir ay nadaig ng kanilang kaingayan. Sa gayo'y nang 1529, ang pinakamataas sa sining ng panunulat at kapangyarihang eklesiyastiko ng linang na Paris “ay nagpakita sa mga mamamayan ng 1793 ng isang hamak na halimbawa ng pag-impit sa mga banal na salita ng isang malalagutan ng hininga sa sunugan.”6J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 13, kab. 9. MT 196.1
Ang balita ng pagkamatay ni Berquin ay nagdulot ng kalungkutan sa mga kaibigan ng Reporma sa buong Pransya. Nguni't hindi nawalang kabuluhan ang kanyang halimbawa. “Kami ay handa rin,” ang wika ng mga saksi ng katotohanan, “upang masayang tanggapin namin ang kamatayan, na ang aming mga mata'y nakapako sa buhay na darating.”7J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Time of Calvin, aklat 2, kab. 16. MT 196.2
Noong panalion ng pag-uusig sa Meaux, ang mga tagapagturo ng bagong pananampalataya ay inalisan ng lisensya sa pangangaral, at sila'y nagpunta sa ibang mga bukiran. Pagkaraan ng kaunting panahon ay lumipat si Lefevre sa Alemanya. Si Farel ay nagbalik sa bayan niyang tinubuan sa silangang Pransya, upang ikalat ang liwanag sa tahanan ng kanyang kabataan. Nakatanggap na ng balita ng tungkol sa nangyayari sa Meaux, at ang katotohanan, na kanyang ipinangaral sa pamamagitan ng walang takot na kasigasigan, ay nakasumpong na ng mga makikinig. Hindi natagala't ang mga namumuno ay nagsikilos upang patahimikin siya, at siya'y pinaalis sa lunsod. Bagaman hindi na siya makagawa pang hayagan, ay nilakbay niya ang mga kapatagan at mga nayon, at nagtuturo siya sa tirahan ng mga tao at sa mga tagong parang, at nakasumpong siya ng kanlungan sa mga gubat at sa mga yungib na bato na lagi niyang pinupuntahan nang panahon ng kanyang kabataan. MT 196.3
Gaya nang mga araw ng mga apostol, ang pag-uusig ay “naging sa ikasusulong ng ebanghelyo.”8Filipos 1:12. Nang palayasin sila sa Paris at sa Meaux, “silang nangapakalat ay nagpunta sa lahat ng dako na kanilang ipinangangaral ang salita.”9Mga Gawa 8:4. Sa gayo'y nakasumpong ang liwanag ng daang patungo sa malalayong dako ng mga lalawigan ng Pransya. MT 197.1
Naghahanda pa rin ang Diyos ng mga manggagawang magtataguyod ng Kanyang gawain. Sa isang paaralan sa Paris ay may isang maalalahanin, at tahimik na kabataan, na may ipinamamalas na isang malakas at matalas na pagiisip, at gayon ding kilala siya sa kabuhayang walang-kapintasan gaya ng sa alab ng pag-iisip at pagtatapat sa relihiyon. Dahil sa kanyang kadalubhasaan at pagsasagawa, di-nalauna't siya'y naging isang ipinagmamalaki ng kolehiyo, at nagtiwala sila sa pag-asa na si Juan Calvino ay magiging isa sa pinakamalakas at pinakamarangal na tagapagtanggol ng iglesya. Datapuwa't isang sinag ng banal na liwanag ay tumagos din sa mga kuta ng mga pinagaralan at pamahiin na siyang kumukulong kay Calvino. Nangatal siya ng marinig niya ang mga bagong doktrina, at wala siyang pag-aalinlangan na nararapat ngang mapasa apoy yaong mga erehe. MT 197.2
Nguni't sa kanyang pag-iisip ay may mga diwang di niya kusang mapawi. Kumapit sa kanya ang sumbat ng kasalanan; nakita niya ang kanyang sarili na walang tagapamagitan, sa harapan ng isang banal at makatarungang Hukom. Ang pamamagitan ng mga santo, ang mabubuting gawa, ang mga seremonya ng iglesya, ay pawang walang kapangyarihang maglinis ng kasalanan. Wala siyang makita sa harapan niya liban sa kaitiman ng walang-hanggang kawalang-pag-asa. Walang magawang anuman ang mga doktor ng iglesya upang pagaanin ang kanyang ka- abaan. Ang pangungumpisal, ang pagpipmitensya, ay ginawa niya nguni't walang kabuluhan; hindi maipakipagkasundo ng mga ito ang kaluluwa sa Diyos. MT 197.3
Samantalang patuloy pa rin ang pakikipagpunyagi niyang walang kabuluhan, ay di-kinukusang napadalaw si Calvino isang araw sa plasa ng bayan, at nasaksihan niya ang pagsusunog sa isang erehe. Namangha siya sa namalas niyang kapayapaan sa mukha ng martir. Sa gitna ng pagpapahirap ng kakila-kilabot na kamatayang iyon, at sa ilalim ng lalong nakatatakot na paghatol ng iglesya, ay ipinamalas niya ang isang pananampalataya at kalakasang loob, na masakit na inihambing ng kabataang magaaral sa kalagayan niyang salat sa pag-asa at sagana sa kadiliman, samantalang siya'y namumuhay sa mahigpit na pagsunod sa iglesya. Ipinasiya niyang pag-aaralan ito, at tuklasin, kung magagawa niya, ang lihim ng kanilang kagalakan. MT 198.1
Sa Kasulatan niya nasumpungan si Kristo. “O Ama,” ang wika niya, “ang sakripisyo Niya ang nagpalubag ng Inyong kagalitan; hinugasan ng dugo Niya ang aking karumihan; dinala ng Kanyang krus ang mga sumpa sa akin; ang kamatayan Niya ang tumubos sa akin. Gumawa kami para sa aming sarili ng mga walang kabuluhang kamalian, nguni't inilagay Ninyo sa harapan ko ang Inyong salitang gaya ng isang tanglaw, at kinilos Ninyo ang aking puso, upang aking kasuklaman ang lahat ng mga karapatan maliban yaong kay Jesus.”10W. C. Martyn, The Life and Times of Luther, tomo 3, kab. 13. MT 198.2
Tahimik na pinasukan ni Calvino ang kanyang gawain, at ang kanyang mga salita ay gaya ng hamog na nagpapanariwa sa lupa. Umalis siya sa Paris, at ngayo'y naroon na siya sa isang bayan sa lalawigan sa ilalim ng pagkakalinga ni Prinsesa Margarita, na, dahil sa pag-ibig niya sa ebanghelyo, ay ipinagkaloob niya ang kanyang pagsasanggalang sa mga alagad nito. Si Calvino ay isang kabataan pa lamang, na maamo, at may di-mapagkunuwang anyo. Ang kanyang gawain ay nagpasimula sa mga tao sa kanilang mga tahanan. Nalilibot ng mga kaanib ng sambahayan, ay binabasa niya ang Biblia, at binubuksan ang mga katotohanan ng kaligtasan. Ang mga nakakarinig ng pabalita ay nagdadala ng mabuting balitang ito sa mga iba, at di-natagala't ang tagapagturo ay nakaabot sa labas ng lunsod sa mga kalapit na bayan at mga nayon. Tinanggap siya sa kastilyo at sa dampa, at nagpatuloy siya, na naglalagay ng saligan ng mga iglesya na panggagalingan ng walang takot na mga saksi sa katotohanan. MT 198.3
Pagkaraan ng ilang buwan ay nagpunta siyang muli sa Paris. May di-pangkaraniwang pagkaligalig ang mga lalaking marunong at pantas. Ang pag-aaral nila ng mga wika ng unang panahon ay siyang nag-akay sa mga tao sa Kasulatan, at tinalakay ang mga katotohanan nito ng maraming mga pusong di pa nasasagid. Samantalang ang mga bulwagan ng mga unibersidad ay puno ng ingay ng mga pagtatalo sa teolohiya, si Calvino ay nagpupunta sa bahay-bahay, na binubuksan ang Kasulatan sa rnga tao, at nagsasalita sa kanila ng tungkol kay Kristo na ipinako sa krus. MT 199.1
Ayon sa kalooban ng Diyos, ang Paris ay minsan pang tatanggap ng panawagan sa pagtanggap ng ebanghelyo. Ang hari, na naimpluensya ng pagsasaalang-alang sa politika, ay di pa lubusang nakikipanig sa Roma laban sa Reporma. Ang Prinsesa Margarita ay nanghahawak pa rin sa pag-asang ang Protestantismo ang siyang mananagumpay sa Pransya. Ipinasiya niyang ang bagong pananampalataya ay dapat maipangaral sa Paris. Nang wala ang hari, ay iniutos niya sa isang ministrong Protestante na mangaral sa mga iglesya ng lunsod. Sapagka't ito'y ipinagbabawal ng mga maka-papang namumuno sa iglesya, ay binuksan ng prinsesa ang palasyo. Ang isang silid ay ginawa nilang kapilya, at ipinagbigay alam na araw-araw, sa tinuringang oras, ay mayroong magsasa lita, at ang lahat ng uri ng mga tao ay inaanyayahang dumalo. Marami ang nagsidalo sa pagpupulong. Hindi lamang ang kapilya, kundi pati ang mga silid na kaagapay nito at ang mga bulwagan ay puno rin n,g mga tao. Libu-libo ang nagtitipon araw-araw—mga maharlika, mga estadista, mga abogado, mga komersyante, at mga manggagawa sa mga pagawaan. Ang hari, sa halip na ipagbawal ang mga pagpupulong, ay nag-utos na buksan ang dalawang simbahan sa Paris. Kailan ma'y dinakilos ang lunsod sa pamamagitan ng salita ng Diyos gaya ng pagkakilos ngayon. Ang espiritu ng buhay mula sa langit ay waring siyang inihihinga sa mga tao. Ang pagpipigil, kalinisan, kaayusan, at kasipagan ang siyang kumukuha ng lugar ng paglalasing, kahalayan, pagkakagalit, at katamaran. MT 199.2
Dalawang taong ipinangaral ang salita ng Diyos sa punong-lunsod; nguni't bagaman marami ang nagsitanggap ng ebanghelyo, ay tinanggihan ito ng karamihan sa mga tao. Nagpamalas si Haring Francisco ng pagpapahintulot alang-alang sa kanyang sariling kapakanan, at nagtagumpay na muli ang mga maka-papa upang makapangibabaw. Muling ipininid ang mga simbahan, at itinayo ang mga sunugan. MT 200.1
Si Calvino ay nasa Paris pa noon, na inihahanda ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pag-aaral, pagbubulaybulay, at pananalangin, ukol sa gawain niya sa hinaharap, at patuloy na nagkakalat ng liwanag. Sa wakas, siya'y pinaghinalaan. Ipinasiya ng mga nasa kapangyarihan na dalhin siya sa sunugan. Sa pagpapalagay niyang mapanatag ang kanyang sarili sa kanyang taguan, ay di niya iniisip ang panganib, nang dumating ang mga kaibigan niya sa kanyang silid at taglay ang balitang dumarating ang mga opisyal upang siya'y dakpin. Dali-dali siyang nagpunta sa hanggahan ng lunsod. Nang makapagtago siya sa bahay ng isang trabahador na kaibigan ng gawaing pagbabago, ay nagbalatkayo siya sa pagsusuot ng damit ng kanyang tinuluyan, at pasan ang asarol, ay nagpatuloy siya sa paglalakbay. Sa paglalakad niyang patungo sa timugan, ay muli siyang nakasumpong ng kanlungan sa nasasakupan ng Prinsesa Margarita.11J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Time of Calvin, aklat 2, kab. 30. MT 200.2
Tumigil siya rito sa loob ng ilang buwan, na mapanatag sa ilalim ng pagkakalinga ng makapangyarihang kaibigan. Nang waring nakalipas na ang bagyo, ay humanap siya ng bagong bukirang magagawan sa Poitiers, na roo'y may isang unibersidad, at doo'y nakasumpung ng paglingap ang bagong mga kuru-kurong ito. Ang lahat ng uri ng mga tao'y magalak na nagsisipakinig sa ebanghelyo. Walang mga pangangaral sa publiko, kundi sa tahanan ng punong mahistrado, sa sarili niyang bahaytuluyan, at kung minsan ay sa halamanang bayan, ay binubuksan ni Calvino ang mga salita ng buhay na walanghanggan sa mga nag-nanais na makinig. Pagkaraan ng kaunting panahon, sa pagdami ng nagsisipakinig, ay inisip nila na lalong mapanatag ang magtitipon sa labas ng lunsod. Ang isang yungib sa tabi ng malalim at makitid na bangin, na ito'y lalo pang napatago dahil sa mga punong-kahoy at sa mga batong nasa itaas, ay siyang napili upang siyang pagpulungan. Ang maliliit na mga pulutong, na umaalis sa lunsod sa pamamagitan ng iba't ibang daan, ay nangagtatatagpo roon. Sa tagong dakong ito'y binabasa at ipinaliliwanag ang Biblia. Dito unangunang ginanap ang Banal na Hapunan (Komunyon) ng mga Protestante ng Pransya. Buhat sa maliit na iglesyang ito ay marami sa mga tapat na ebanghelista ang sinugo. MT 201.1
Minsan pang nagbalik si Calvino sa Paris. Hindi pa niya mapawi ang pag-asa na ang Pransya bilang isang bansa ay tatanggap sa Reporma. Datapuwa't nasumpungan niya na halos ang bawa't pinto'y nakapinid, kaya't ipinasiya niyang patungo sa Alemanya. MT 201.2
Sa kasabikan ng mga Repormador na Pranses na makita ang kanilang bansang nakakapantay ng Alemanya at Suisa, ay ipinasiya nila na may katapangan dagukan ang mga pamahiin ng Roma ng dagok na siyang gigising sa buong bansa. Nasasang-ayon dito, isang gabi ay naglagay sila ng mga paskil sa buong Pransya. Sa halip na makapagpasulong ito sa pagbabago, ang masigasig nguni't walang katalinuhang kilusang ito ay nagdulot ng kapahamakan, hindi lamang sa mga tagapagtaguyod nito, kundi sa mga kaibigan din naman ng bagong pananampalataya sa buong Pransya. Nagbigay ito sa mga Romanista ng matagal na nilang ninanais—isang dahilan upang pilit na mahingi nila ang lubusang paglipol sa mga erehe bilang mga manunulsol na mapanganib sa pagkatatag ng luklukan at sa kapayapaan ng bansa. MT 202.1
Sa pamamagitan ng isang lihim na kamay—kung iyon ma'y isang di-maingat na kaibigan o isang tusong kaaway kailan ma'y di ito napag-alaman—ang isa sa mga paskil ay inilagay sa pinto ng sariling silid ng hari. Ang hari ay napuno ng panghihilakbot. Sa papel na ito'y tinuligsa ng walang pakundangang kamay ang mga pamahiing pinagpitaganang napakaraming taon. At ang walang katulad na kalakasang loob na nangahas na naglagay ng tahas at nakagugulat na pananalitang ito sa harapan ng hari, ay naging sanhi ng kanyang pagkagalit. Sa gayon na lamang pagtataka niya ay may ilang sandali siyang nakatayong nanginginig at di-makapangusap. Pagkatapos ay naihinga niya ang kanyang kagalitan sa pamamagitan ng kakila-kilabot na mga salitang ito: “Dakping walang pagtatangi ang lahat ng pinaghihinalaang Luterano. Lilipuling ko silang lahat.”12J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Time of Calvin, aklat 4, kab. 10. Nayari ang kapasiyahan. Ipinasiya na ng hari na ibigay na lubusan ang kanyang sarili sa panig ng Roma. MT 202.2
Isinagawa nila kaagad ang pagdakip sa bawa't Lute- ranong nasa Paris. Hinuli nila ang isang hamak na trabahador, isang alagad ng bagong pananampalataya, na sanay na sa pagtawag sa mga nananampalataya sa pagpunta sa lihim nilang mga pagpupulong, at sa pamamamagitan ng balang biglang kamatayan sa sunugan, ay inutusang sumama sa mga tiktik ng papa upang puntahan ang tahanan ng bawa't Protestanteng nasa lunsod. Inurungan niyang nanghihilakbot. ang gayong napakaimbing mungkahi, nguni't sa wakas ay nakapanaig din ang takot sa ningas ng apoy, at pumayag siyang maging tagapagkanulo sa kanyang mga kapatid. Sumusunod sa ostiya, at nalilibot ng hanay ng mga pari, ng mga may dala ng kamanyang, ng mga monghe, at mga kawal, si Morin, na tiktik ng hari, kasama ang taksil, ay marahan at tahimik na lumalakad sa mga lansangan ng lunsod. Ang ginagawang ito ay isang pagpapakita alang-alang sa karangalan ng “banal na sakramento,” isang pagtubos dahil sa paghamak sa misa ng mga nagsipagprotesta. Datapuwa't sa ilalim ng palabas na ito ay natatago ang isang pumapatay na hangarin. Pagdating sa tapat ng bahay ng isang Luterano, ay nagbibigay ng hudyat ang nagkakanulo, nguni't wala ni anumang sinasalita. Humihinto ang prusisyon, pinapasok ang bahay, kinakaladkad ang buong sambahayan at tinatanikalaan, at ang nakapangingilabot na pulutong ay patuloy sa paghahanap ng mga bagong biktima. Sila'y “walang kinaligtaang bahay, malaki man o maliit, kahit na ang mga kolehiyo ng unibersidad ng Paris. . . . Pinapanginig ni Morin ang buong ulnsod. . . . Yao'y paghahari ng hilakbot.”12J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Time of Calvin, aklat 4, kab. 10. MT 202.3
Sa hangad ng mga paring mapapanatili ang malaking kagalitan, ay nagpakalat sila ng nakapangingilabot na mga paratang laban sa mga Protestante. Pinaratangan sila na sila'y nagsasapakatan upang pagpapatayin ang mga Katoliko Romano, ibagsak ang pamahalaan, at patayin ang hari. Wala silang mapalitaw ni kaunti mang anino ng katunayan na magpapatibay sa kanilang mga pahayag. Gayunma'y ang mga hulang ito ng kasamaan ay magkakaroon ng katuparan; datapuwa't sa ilalim ng iba-ibang mga pangyayari, at sa mga dahilang may salungat na likas. Ang mga kalupitan ng mga Katoliko Romano sa mga Protestante, ay nag-imbak ng isang mabigat na kagantihan, at pagkaraan ng ilang daang taon ay ginawa nito ang kasawiang sinabi nilang darating, sa hari, sa kanyang pamahalaan, at sa kanyang mga sakop; datapuwa't ginawa ito ng mga walang kinikilalang Diyos, at ng mga maka-papa na rin. Hindi ang pagtatatag, kundi ang pagsugpo sa Protestantismo, ang siyang magdadala sa Pransya, pagkaraan ng tatlong daang taon, ng gayon na lamang mga sakuna. MT 203.1
Ang paghihinala, di-pagtitiwala, at sindak ang siyang naghari sa lahat ng uri ng mga lipunan. Sa gitna ng pangkalahatang pangamba ay nakita nila kung gaano kalalim ang pagkatanim ng aral ng Luterano sa isipan ng mga taong may pinakamataas na pinag-aralan, impluensya, at kabutihan ng likas. Ang mga tungkuling may tiwala at karangalan ay bigla nilang nakitang iniwan. Ang mga manggagawa sa pagawaan, mga maglilimbag, mga dalubhasa, mga propesor sa mga unibersidad, mga manunulat, at kahit na ang mga tagapaglingkod sa korte ay nangawala. Daan-daan ang nagsialis sa Paris, mga kusang-loob na nagsialis sa lupa nilang tinubuan, na sa maraming pangyayari'y unang nagsasaad na kinakatigan nila ang bagong pananampalataya. Ang mga maka-papa ay nangagtatakang patingin-tingin sa palibot nila na iniisip ang di-pinaghihinalaang mga erehe na pinabayaang makahalubilo nila. Inubos nila ang kanilang kagalitan sa maraming mga hamak na biktima na nasa kanilang kapangyarihan. Nagsikip ang mga bilangguan, at ang mismong hangin ay waring maitim sa usok ng mga talaksang nagniningas, na sinindihan ukol sa mga umaamin sa ebanghelyo. MT 204.1
Ang Pransya sa pamamagitan ng isang solemne at hayagang seremonya ay lubusang magbibigay ng kanyang sarili sa paglipol sa Protestantismo. Mapilit na hiningi ng mga pari na ang paghamak sa mataas na Langit sa ginawang paghatol sa misa, ay dapat tubusin sa pamamagitan ng dugo, at, sa kapakanan ng kanyang bayan, ay dapat hayagang ibigay ng hari ang kanyang pagsang-ayon sa kakila-kilabot na gawaing ito. MT 204.2
Ang ika-21 ng Enero, 1535, ay siyang taning na araw ukol sa nakapanghihilakbot na seremonyang ito. Nagising ang maka-pamahiing takot at pusok ng kagalitan ng buong bansa. Nagsisikip ang Paris sa mga nagsisiksikan sa mga lansangan na mga taong buhat sa mga bayang nasa palibot. Ang araw ay pasisimulan ng isang prusisyong malaki at dakila. “Ang mga bahay sa tabi ng daraanan ay binitinan ng mga paladlad ng pananangis, at naglagay sila ng mga dambanang may agwatan.” Sa bawa't pinto ay may isang tanglaw na may sindi sa karangalan ng “banal na sakramento.” Bago dumating ang bukangliwayway, ay isinaayos na nila ang prusisyon sa palasyo ng hari. “Ang nangunguna ay mga watawat at ang mga krus ng iba't ibang mga distrito ng mga pari; sumusunod dito ang mga mamamayan, na nagsisilakad na daladalawa, at may dalang mga tanglaw.” Sumusunod dito ang apat na orden ng mga prayle, ang bawa't orden ay may tangi niyang kasuotan. Pagkatapos ay sumunod dito ang maraming natipong bantog na mga relikya. Ang sumusunod sa mga ito ay ang mga nakasakay na mga panginooning eklesiyastiko na nadaramtan ng mga balabal na kulay-ubi at napapalamutihan ng mga hiyas, isang napakaganda at kumikislap na kasuutan. MT 205.1
“Ang ostiya ay dala ng obispo ng Paris sa ilalim ng isang magandang langit-langit, . . . na alalay ng apat na prinsipe ng kaharian. . . . Kasunod ng ostiya ay lumalakad ang hari. . . . Si Francisco I ay hindi nagkorona nang araw na iyon ni nagsuot man ng balabal ng estado.” Ang hari ng Pransya na “walang takip ang ulo, ang mga ma- ta niya'y nakatingin sa lupa, at sa kamay niya'y hawak ang isang may sinding kandila,” ay wari bagang “isang nagsisisi.”13J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 13, kab. 21. Sa bawa't dambana ay yumuyuko siyang may pagpapakumbaba, hindi dahil sa anumang kasamaang dumungis sa kanyang kaluluwa, ni sa walang-salang dugong nagmantsa sa kanyang mga kamay, kundi dahil sa pumapatay na kasalanan ng kanyang mga sakop na may kapangahasang humatol sa misa. Sumusunod sa kanya ay ang reyna at ang mga kamahalan ng estado, nagsisilakad ding dala-dalawa, na ang bawa't isa'y may dala ng sinindihang tanglaw. MT 205.2
Naging kakila-kilabot ang kadiliman ng bansang tumanggi sa liwanag ng katotohanan. “Napakita ang biyaya ng Diyos na may dalang kaligtasan;” datapuwa't ang Pransya, pagkatapos na mamasdan niya ang kapangyarihan nito at kabanalan, pagkatapos na ang libu-libo'y maakit ng banal na kagandahan nito, pagkatapos na ang mga bayan at mga nayon ay maabot ng liwanag nito, ay tumalikod, na pinili pa niya ang kadiliman kaysa kaliwanagan. Nilayuan nila ang kaloob ng langit, nang ito'y ialok sa kanila. Tinawag nilang masama ang mabuti, at mabuti ang masama, hanggang sa sila'y sawiin ng kanila na ring pagdaya sa sarili. Ngayon bagaman tunay na paniwalaan nilang ginagawa nila ang gawain ng Diyos sa pag-uusig nila sa Kanyang bayan, gayunma'y hindi sila pinawawalang sala ng tapat na loob nilang paggawa. Ang liwanag na nagligtas sana sa kanila sa pagkadaya, mula sa pagdungis sa kanilang kaluluwa ng kasalanang pagpatay, ay kinusa nilang tinanggihan. MT 206.1
Isang taimtim na sumpa upang pawiin ang erehiya ay ginawa sa isang malaking simbahan na roon di'y, pagkatapos ng tatlong daang taon, ang “Diyosa ng Katuwiran” ay iluluklok ng isang bansang lumimot sa Diyos na buhay. “Sa layong maliliit ang agwat ay nagtayo sila ng mga sunugan, na roo'y sisilabang buhay ang ilang mga Protestanteng Kristiyano, inayos nila ito upang ang pampalingas ay sindihan sa pagdating ng hari, at ang prusisyon ay hihinto upang saksihan ang pagsusunog.”13J. A. Wyie, History of Protestantism aklat 13, kab. 21. Ang mga kuntilbutil ng mga pahirap na tiniis ng mga saksi kay Kristo ay totoong nakasasakit na ulitin pa, nguni't di-nagkaroon ng pagkatigatig ang mga biktima. Nang pinipilit na tumakwil, ay sinabi ng isa sa kanila: “Ako'y naniniwala lamang sa mga ipinangaral ng mga propeta at mga apostol noong una, at sa lahat ng pinaniniwalaan ng lahat ng mga banal. Ang aking pananampalataya'y may pagtitiwala sa Diyos na makikipaglaban sa lahat ng kapangyarihan ng impiyerno.”14J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Time of Calvin, aklat 4, kab. 12. MT 206.2
Ang ebanghelyo ng kapayapaang tinanggihan ng Pransya ay tunay ngang tiyak. na papawiing lubusan, at kakila-kilabot ang ibubunga nito. Noong ika-21 ng Enero, 1793, dalawang daan at limampu't walong taon buhat noong tiyak na araw na lubusang napabigay ang Pransya sa pag-uusig sa mga Repormador, ay may iba nanamang prusisyon, na may napakaibang hangarin, ang nagdaan sa mga lansangan ng Paris, “Muli nanamang ang hari ang siyang punong panoorin; muling nagkaroon ng gusot at hiyawan; muling narinig ang sigaw ukol sa marami pang mga biktima; muling nagkaroon ng maiitim na bibitayan; at muling nagpinid ang mga pangyayari ng araw na iyon sa pamamagitan ng nakapanghihilakbot na pagkitil ng buhay; si Luis XVI, na nagpupumiglas sa mga kamay ng nangagbilanggo at sa mga pupugot sa kanya, ay pilit na hinila nila sa pugutan, at doo'y pinigilan siya ng buong lakas hanggang sa bumagsak ang patalim, at ang napahiwalay niyang ulo ay gumulong sa pugutan.”13J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 13, kab. 21. Hindi lamang ang hari ang sinawi; sa malapit sa dako ring iyon ay dalawang libo at walong daang tao ang inalisan ng buhay sa pamamagitan ng gilotina nang madugong mga araw na yaon ng Paghahari ng Hilakbot. MT 207.1
Iniharap ng Reporma sa sanlibutan ang isang bukas na Kasulatan, na inihayag ang mga utos ng Diyos, at binigyang diin ang mga pag-aangkin nito sa budhi ng mga tao. Ang Walang-hanggang Pag-ibig ang naghayag sa tao ng mga utos at mga simulain ng langit. Ang wika ng Diyos, “Ingatan nga ninyo at inyong isagawa; sapagka't ito ang inyong karunungan at ang inyong kaalaman sa paningin ng mga tao, na makakarinig ng palatuntunang ito, at magsasabi, Tunay na ang dakilang bansang ito ay isang pantas at maalam na bayan.”15Deuteronomio 4:6. Nang tanggihan ng Piansya ang kaloob ng langit, ay naghasik siya ng binhi ng kaguluhan at kawasakan, at ang di-maiiwasang ibinubunga ng anumang paggawa ay siyang nagbunsod sa Himagsikan at sa Paghahari ng Hilakbot. MT 208.1
Matagal na panahon bago nagkaroon ng pag-uusig na ibinunsod ng mga paskil, ang malakas ang loob at masigasig na si Farel ay napilitang umalis sa lupang kanyang tinubuan. Nagpunta siya sa Suisa, at sa pamamagitan ng kanyang mga paggawa, na pangalawa ng paggawa ni Zuinglio, ay nakatulong siya upang mapalamang ang timbang sa panig ng Reporma. Ang huli niyang mga taon ay gugugulin sa bansang ito, gayunma'y nagkaroon siya ng malaking impluensya sa reporma sa Pransya. MT 208.2
Pinasukan ni Farel ang gawain niya sa Suisa sa pamamagitan ng mapakumbabang balatkayo ng isang guro ng paaralan. Napatungo siya sa isang malayong distrito, at ibinigay niya ang kanyang sarili sa pagtuturo sa mga bata. Bukod sa mga karaniwang sangay ng karunungan, ay maingat niyang itinuturo ang mga katotohanan ng Biblia, at umaasa siyang maaabot nito ang mga magulang sa pamamagitan ng mga bata. May ilang nagsisampalataya, nguni't pinahinto ng mga pari ang paggawa, at ang mga mapamahiing mga taong bukid ay pinakilos upang sumalungat dito. Gaya ng unang mga alagad, nang siya'y pinaguusig sa isang bayan ay napatungo naman siya sa iba. Bu- hat sa isang nayo'y doon sa isa, at mula sa isang baya'y doon sa isa, ay humayo siyang naglalakad, nagtitiis ng gutom, ginaw, at kapaguran, at sa bawa't dako'y napapanganib ang kanyang buhay. Nangaral siya sa mga pamilihan, sa mga simbahan, at kung minsan ay sa mga pulpito ng mga katedral. Nagpatuloy siya sa paggawa. Bagaman madalas siyang mapaurong, sa pamamagitan ng walang kapagalang pagpupumilit ay binabalikan niya ang pakikitalad; at isa-isa niyang nakita ang mga bayan at mga lunsod na naging mga muog ng kapapahan, na nagbubukas ng kanilang mga pintuan sa ebanghelyo. Ang maliit na distritong una niyang ginawaan, ay di-nagluwat at tumanggap sa bagong pananampalataya. Itinakwil na rin ng mga lunsod ng Morat at Neuchatel ang mga ritos ng papa, at inalis na nila ang mga inanyuang mga diyus-diyusan sa kanilang mga simbahan. MT 208.3
Malaon nang nilulunggati ni Farel na maitayo ang watawat ng Protestante sa Henebra. Kung makukuha ang lunsod na ito, ay maaaring maging sentro ito ng Reporma sa Pransya, sa Suisa, at sa Italya. Taglay ang layuning ito, ay ipinagpatuloy niya ang paggawa hanggang sa ang maraming mga bayan sa palibot at mga nayon ay makuha. Pagkatapos ay pinasok niya ang Henebra na iisa ang kanyang kasama. Datapuwa't dadalawang sermon ang kanyang naipangaral doon. MT 209.1
Ukol sa susunod na gagawing pagsubok ay pinili ang isang may kababaang instrumento—isang kabataang lalaki, na totoong napakamapakumbaba ang anyo na anupa't malamig ang pakikitungo sa kanya kahit na noong mga nagpapanggap na mga kaibigan ng pagbabago. Ano nga ang magagawa ng isang gayon sa lugar na roo'y tinanggihan nila si Farel? Paano nga makatatayo ang isang halos walang tapang at karanasan sa bagyong sa harap nito'y napilitang tumakas ang pinakamalakas at pinakamatapang? “Hindi sa pamamagitan ng kalakasan, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng Aking Es- piritu, sabi ng Panginoon.”16Zacarias 4:6. “Pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina ng sanlibutan, upang hiyain Niya ang mga bagay na malalakas.” “Sapagka't ang kamangmangan ng Diyos ay lalong marunong kaysa mga tao; at ang kahinaan ng Diyos ay lalong malakas kaysa mga tao.”171 Corinto 16:27, 25. MT 209.2
Pinasimulan ni Fromento ang kanyang gawain bilang isang guro ng paaralan. Ang mga katotohanang itinuturo niya sa mga bata sa paaralan, ay inuulit naman nila sa kanilang mga tahanan. Hindi natagala't nagsilapit ang mga magulang upang mapakinggan ang pagpapaliwanag ng Biblia, hanggang sa ang silid-aralan ay mapuno ng sabik na mga nagsisipakinig. Ang mga Bagong Tipan at mga polyeto ay malaya nilang ipinamahagi, at marami ang naabot nilang mga di-makapangahas na hayagang magsipakinig sa mga bagong doktrina. Pagkaraan ng panahon ay napilitan ding umalis ang manggagawang ito; nguni't ang mga katotohanang kanyang itinuro ay nakapanghawak na sa isipan ng mga tao. Naitanim na ang Reporma, at ito'y nagpatuloy na lumakas at lumawak. Nagbalik ang mga mangangaral, at sa pamamagitan ng kanilang paggawa ang pagsambang Protestante ay napatatag sa Henebra. MT 210.1
Ang lunsod ay nagpahayag na sa panig ng Reporma, nang pasukin ni Calvino ang mga pintuan nito, pagkatapos ng kanyang mga paglalagalag at papalit-palit na kalagayan. MT 210.2
Sa pagdalaw na ito, ay nakita ni Farel ang kamay ng Diyos. Bagaman tinanggap na ng Henebra ang bagong pananampalataya, ay may isa pa ring malaking gawain ang dapat gampanan doon. Ang mga tao'y nahihikayat sa Diyos hindi bilang mga bayan-bayanan kundi isaisa; ang pagbabago ay dapat magawa sa puso at sa budhi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, hindi sa pamamagitan ng pasiya ng mga sanggunian. Ba- gaman iwinaksi na ng mga mamamayan ng Henebra ang kapangyarihan ng Roma, ay hindi pa rin sila gasinong handa upang itakwil ang mga bisyong lumago sa ilalim ng kanyang pamamahala. Ang pagtatatag rito ng dalisay na mga simulain ng ebanghelyo, at ang paghahanda sa mga taong ito upang maging karapat-dapat sila sa tungkuling waring ipinananawagan sa kanila ng Banal na Kalooban, ay isang di-magaang gawain. MT 210.3
May pagtitiwala si Farel na nasumpungan niya kay Calvino ang isang maaaring makasama niya sa kanyang gawain. Sa pangalan ng Diyos ay mataimtim na tinagubilinan niya ang kabataang ebanghelista na manatili upang gumawa rito. Umurong si Calvino sa pangamba. Nguni't ang mataimtim na payo ni Farel ay dumating sa kanya bilang isang panawagang mula sa langit, at di niya ito matanggihan. Ayon sa kanya'y wari bagang “iniunat ng Diyos ang Kanyang kamay buhat sa langit, at hinawakan siya, at ipinirmi siya sa isang paraang di na siya makatanggi pa sa lugar na iyong totoong balisa na siya sa pag-alis.”18J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Time of Calvin, aklat 9, kab. 17. MT 211.1
Sa buong Sangkakristiyanuhan, ang Protestantismo ay pinagbabalaan ng malalakas na kaaway. Pagkalipas ng unang mga pagtatagumpay ng Reporma, ay gumamit ang Roma ng mga bagong kalakasan, sa pag-asang maisasagawa niya ang kawasakan nito. MT 211.2
Nguni't sa ilalim ng pagpapala ng Diyos at sa pagsisikap ng mga lalaking ibinangon ng Diyos na humalili kay Lutero, ang Protestantismo ay hindi naiwasak. Hindi sa pagkupkop o sa mga sandata ng mga prinsipe ito nangutang ng kanyang kalakasan. Ang kaliit-liitang mga bansa, ang kababaan at mahina sa lahat na mga bansa, ang siyang naging mga muog ng kalakasan nito. Ito'y ang maliit na Henebra sa gitna ng malalakas na kaaway na nagpapanukala ng kanyang kawasakan; ito'y Olanda sa buhanginang pasigan niya sa dagat sa hilagaan, na nakikipagpunyagi sa kalupitan ng Espanya, na noo'y pinakadakila at pinakasagana sa lahat ng mga kaharian; ito'y ang maginaw, at baog na Suesya, na siyang nagkaroon ng mga pagtatagumpay ukol sa Reporma. MT 211.3
Si Calvino ay gumawa sa Henebra sa nalolooban ng halos tatlumpung taon; una ay ang pagtatatag ng isang iglesyang nanghahawak sa kalinisang moral ng Kasulatan, at sumunod ang pagpapasulong ng Reporma sa buong Europa. Ang paggawa niya bilang pangulo sa harapan ng madla ay hindi isang walang kapintasan, ni ang mga doktrina niya ay hindi rin yaong walang kamalian. Nguni't siya'y naging isang kasangkapan sa pagtataguyod ng mga katotohanang may tanging kahalagahan nang kanyang kapanahunan, sa pagpapanatili ng mga simulaing Protestantismo laban sa mabilis na nagbabalik na aral ng kapapahan, at sa pagpapaunlad sa mga bagong iglesya ng kasimplihan at kalinisan ng kabuhayan, sa lugar ng kapalaluan at kasamaang pinalago sa ilalim ng aral ng Roma. MT 212.1
Buhat sa Henebra, ay humayo ang mga palathala at mga tagapagturo upang ikalat ang bagong mga aral. Sa lugar na ito tumitingin sa aral, sa payo, sa kasiglahan ang mga pinag-uusig sa lahat ng lupain. Ang lunsod ni Calvino ay siyang naging kublihan ng mga pinaghahanap na mga Repormador sa buong Kanlurang Europa. Sa pagtakas nila buhat sa katakut-takot na mga bagyong nagpatuloy sa nalolooban ng daan-daang taon, ang mga nangungubling ito'y nagsidating sa pintuan ng Henebra. Nagugutom, sugatan, inulila sa tahanan at sa mga kamag-anak, ay taus-puso silang tinanggap at may kahabagang kinalinga; at sa pagkasumpong nila ng isang tahanan dito, ang lunsod na itong inari nilang sarili ay pinagpala nila sa pamamagitan ng kanilang kasanayan, ng kanilang karunungan, at ng kanilang kabanalan. Marami sa mga nangagkubli rito ang nagsibalik din naman sa sarili nilang lupain upang pakipaglabanan ang kalupitan ng Roma. Si Juan Knox, na matapang na Repormador ng Eskosya, ang di iilan sa mga Puritanong Ingles, ang mga Protestante ng Olanda, at ng Espanya, at ang mga Hugonote ng Pransya, ang mga ito'y nangagdala buhat sa Henebra ng tanglaw ng katotohanan upang paliwanagin ang kadiliman ng bansa nilang tinubuan. MT 212.2