Sa olanda ay maagang tumawag ng pagtutol ang kalupitan ng kapapahan. Noong pitong daang taon bago dumating ang kapanahunan ni Lutero, ang pontipiseng Romano ay walang katakutang pinaratangan ng dalawang obispo, na, noong ipadala sila bilang mga kinatawan sa Roma, ay nabatid nila ang tunay na likas ng “banal na luklukan:” “Ang reyna at kasintahan Niya [ng Diyos], ang iglesya, ay ginawa Niyang isang marangal at walang-hanggang taan sa kanyang sambahayan, na may isang dote na di-kumukupas ni masisira man, at binigyan siya ng walang-hanggang putong at setro; . . . sa lahat ng ito'y nakikinabang ka gaya ng isang manghaharang. Inilagay mo ang iyong sarili sa templo ng Diyos; sa halip na maging pastor, ikaw ay naging isang lobo sa mga tupa; . . . nais mong paniwalaan naming ikaw ay siyang kataas-taasang obispo, datapuwa't pinili mo ang pag-uugali ng isang malupit. . . . Sa halip na dapat ka sanang maging isang alipin ng mga alipin, gaya ng itinatawag mo sa iyong sarili, ay pinagsisikapan mong ikaw ay maging panginoon ng mga panginoon. . . . Ang mga utos ng Diyos ay dinadala mo sa paghamak. . . . Ang Banal na Espiritu ang siyang tagapagtayo ng lahat ng mga iglesya hanggang sa kalawakan ng lupa. . . . Ang lunsod ng ating Diyos, na roo'y mga mamamayan tayo, ay umaabot sa lahat ng dako ng mga langit; at yao'y lalong dakila kaysa lunsod, na pinanganlan ng mga propetang Babilonya, na nagkukunwang banal, itinataas niya ang kanyang sarili sa langit, at ipinangangalandakan na ang kanyang kaalaman ay walang-hanggan; at sa kahuli-hulihan, bagaman walang matuwid, na aniya'y di siya nagkamali kailan man, ni di-magkakamali kailan man.”1Gerard Brandt, History of the Reformation inand About the Low Countries, aklat 1, p. 6, 14. MT 215.1
May mga iba pang nagsibangon sa bawa't pagdating ng dantaon upang paalingawngawin ang ganitong pagtutol. At ang naunang mga tagapagturong yaon, na mga naglalakbay sa iba't ibang mga lupain at nangakikilala sa iba't ibang mga pangalan, na nagtaglay ng likas ng mga misyonerong Vaudois, at nagkalat sa lahat ng dako ng kaalaman ng ebanghelyo, ay nangakaabot hanggang sa Olanda. Madaling kumalat ang kanilang mga aral. Ang Bibliang Baldense ay isinalin sa tula sa wikang Olandes. Sinabi nila “na may malaking kalamangan ito; walang mga pagbibiro, walang mga katha-katha, walang mga bagay na walang kabuluhan, walang mga pagdaraya, kundi mga salita ng katotohanan; na dito at doon ay mayroon ngang bahaging matitigas, nguni't ito'y upang madaling matuklasan ang masarap at matamis ng bagay na mabuti at banal.”1Gerard Brandt, History of the Reformation inand About the Low Countries, aklat 1, p. 6, 14. Gayon ang isinulat ng mga kaibigan ng pananampalataya ng unang panahon, noong ikalabindalawang dantaon. MT 216.1
Nagsimula na ngayon ang mga pag-uusig; nguni't sa gitna ng mga pangsunog at pagpapahirap ay nagpatuloy ang pagdami ng mga nananampalataya, na walang tigatig na nagpapahayag na ang Biblia ay siya lamang walang pagkakamaling kapangyarihan sa relihiyon, at “wala sinumang tao ang dapat piliting maniwala, kundi siya'y dapat hikayatin sa pamamagitan ng pangangaral.”2W. C. Martyn, The Life and Times of Luther, tomo 2, p. 87. Ang mga aral ni Lutero ay nakasumpong ng tumpak na lupa sa Olanda, at may nagsibangong matataimtim at mga tapat na lalaki upang ipangaral ang ebanghelyo. Buhat sa isa sa mga lalawigan ng Olanda ay dumating si Menon Simonis. Isang Katoliko Romano sa pinag-aralan, at inordenahan sa pagkapari, ay lubos na wala si- yang nalalaman tungkol sa Biblia, at ayaw niya itong basahin, sa pangambang baka siya'y iligaw nito sa pagkaerehe. Nang gumigiit sa kanyang isipan ang isang pag-aalinlangan tungkol sa doktrinang transubstansyasyon, ay ipinalagay niya itong isang tukso buhat kay Satanas, at sa pamamagitan ng dasal at pangungumpisal ay pinagsikapan niyang palayain ang kanyang sarili; nguni't hindi ito maari. Pinagsikapan niyang patahimikin ang nagpaparatang sa kanyang tinig ng budhi sa pamamagitan ng mga isipan ng pagkariwara; nguni't ito ma'y hindi rin maari. Pagkaraan ng kaunting panahon ay naakay siya sa pag-aaral ng Bagong Tipan, at ito, kasama ang mga sinulat ni Lutero, ang siyang naging dahilan ng pagtanggap niya ng bagong pananampalataya. Hindi natagalan pagkatapos noon ay nasaksihan niya sa isang kalapit na nayon ang pagpugot sa ulo ng isang lalaking muling napabinyag. Ito ang nag-akay sa kanya upang kanyang pag-aralan sa Biblia ang tungkol sa pagbibinyag ng sanggol. Wala siyang makitang katibayan nito sa mga Kasulatan, kundi nakita niya sa bawa't dako na ang pagsisisi at pananampalataya ay kinakailangan bilang kondisyon sa pagtanggap ng binyag. MT 216.2
Iniwan ni Menon ang iglesya Romana, at lubusang ibinigay niya ang kanyang buhay sa pagtuturo ng katotohanang kanyang natanggap. Sa Alemanya at sa Olanda ay nagkaroon ng isang uri ng mga taong panatiko, na nagtuturo ng mga doktrinang walang katuturan at labag sa bayan, na pumapalibhasa sa kaayusan at sa kalinisang moral, at nagbubunsod sa karahasan at pagbabangon laban sa mga maykapangyarihan. Nakita ni Menon ang walang pagsalang kakila-kilabot na ibubunga ng ganitong mga pagkilos, at buong lakas na tinutulan niya ang mga maling turong ito at ligaw na mga pakana ng mga panatiko. Gayunman, ay marami rin ang nailigaw ng mga panatikong ito, nguni't mga nagtakwil na ng mga mapanirang aral na ito; at marami pa rin ang natitirang mga inanak ng mga Kristiyano noong unang panahon, na mga bunga ng aral ng mga Baldense. Sa mga uri ng taong ito gumawa si Menon na may malaking kasigasigan at tagumpay. MT 217.1
Sa nalolooban ng dalawampu't limang taon ay naglakbay siyang kasama ang kanyang asawa at mga anak, at tiniis niya ang malaking hirap at kasalatan, at malimit na mapasa panganib ang kanyang buhay. Nilakbay niya ang Olanda at ang hilagaan ng Alemanya, at gumawa siyang lalo na sa mababang uri ng mga tao, datapuwa't nagkaroon siya ng malaki at malawak na impluensya. Katutubong magandang magsalita, bagaman mababa ang kanyang pinag-aralan, siya'y isang taong may matatag na kalinisang-budhi, may mapakumbabang espiritu at banayad na pagkilos, at may tapat at taimtim na kabanalan, na ipinakikita sa sarili niyang kabuhayan ang mga tuntuning kanyang itinuturo, at nakuha niya ang pagtitiwala ng mga tao. Ang mga tagasunod niya ay kalat-kalat at sinisiil. Malaki ang kahirapang kanilang tiniis dahil sa sila'y napaghinalaang kasamahan ng mga panatikong Munsterita. Gayunma'y marami ang nahikayat sa ilalim ng kanyang paggawa. MT 218.1
Wala nang iba pang dakong doo'y lalong pangkalahatang tinanggap ang bagong aral liban sa Olanda. Sa iilan lamang lupain nagtiis ng lalong higit na pag-uusig ang kanilang mga tagasunod. Ipinagbawal ni Carlos V ang Reporma sa Alemanya, at magalak sana niyang ipahahatid sa sunugan ang mga kakampi nito; nguni't tumayo ang prinsipe na isang hadlang sa kanyang kalupitan. Sa Olanda ay lalong malaki ang kapangyarihan niya, at sunud-sunod ang pagdating ng mga kapasiyahan tungkol sa pag-uusig. Ang pagbasa ng Biblia, ang pakikinig o pangangaral nito, o kahit na ang pagsasalitaan lamang tungkol dito, ay pagbabayaran ng kamatayan sa sunugan. Ang lihim na pagdalangin sa Diyos, ang di-pagyuko sa inanyuang larawan, o ang pagkanta ng awit, ay may parusa ring kamatayan. Kahit na yaong mga bumabawi sa nagawa nilang mga kamalian, ay hinahatulan din, kung mga lalaki, ay sa kamatayan sa pamamagitan ng tabak; kung mga babae, ay inililibing na buhay. Libu-libo ang nilipol sa ilalim ng paghahari ni Carlos at ni Felipe II. MT 218.2
Minsan ang buong sambahayan ay dinala sa harapan ng mga ingkisidor, pinaratangan sila ng hindi pakikimisa, at ng pagsasagawa ng pagsamba sa kanilang tahanan. Sa paglilitis na ito kung ano ang lihim na ginagawa nila, ay sumagot ang pinakabunsong anak na lalaki, “Naninikluhod kami, at idinadalangin naming liwanagan nawa ng Diyos ang aming mga isipan at patawarin ang aming mga kasalanan; idinadalangin namin ang namumuno sa amin, upang ang kanyang pamamahala ay maging maunlad at ang kanyang kabuhayan ay maging masaya; idinadalangin namin ang aming mga mahistrado, upang sila'y kupkupin ng Diyos.”3J. A. Wylie, History of Prtestantism, aklat 18, kab. 6. Nakilos ng malaki ang ilan sa mga tagahatol, gayunma'y ang ama at ang isa sa kanyang mga anak na lalaki ay hinatulang dalhin sa sunugan. MT 219.1
Ang galit ng mga nag-uusig ay tinimbangan ng pananampalataya ng mga martir. Hindi lamang ang mga lalaki kundi pati ang maiingat na mga babae at ang mga kadalagahan ay nagpakita ng walang pagbabagong kalakasang loob. “Ang mga babae ay nagsisitayo sa piling ng kanilang mga asawa sa sunugan, at samantalang nagbabata ang lalaki sa apoy ay ibinubulong ng asawa niya ang mga salitang umaaliw, o kaya'y kumakanta siya ng mga awit upang siya'y pasayahin.” “Ang mga dalagang nasa kanilang kabataan ay nagsisihiga sa kanilang mga libingan na para bagang pumapasok sila sa kanilang silid upang matulog sa kinagabihan; o kaya'y humahayo sila sa sunugan at sa apoy, na nadaramtan ng pinakamabuting kasuutan, na para bagang sila'y kakasalin.”3J. A. Wylie, History of Protestantism aklat 18, kab. 6. MT 219.2
Gaya noong mga araw na pagsikapan ng paganismong lipulin ang ebanghelyo, ang dugo ng mga Kristiyano ay binhi.4Tingnan ang kab. 50 ng Apology ni Tertulyano. Ang pag-uusig ay siyang nagparami sa bilang ng mga saksi ukol sa katotohanan. Taon-taon, sa galit ng hari dahil sa di-mapasukong pagmamatigas ng mga tao, ay ipinagpatuloy niya ang kanyang malupit na gawain; nguni't di rin ito maari. Sa ilalim ng pamamahala ng marangal na si Guillermo ng Orange, ang paghihimagsik sa wakas ay nagdulot sa Olanda ng kalayaan sa pagsamba sa Diyos. MT 220.1
Sa mga kabundukan ng Piyamonte, sa mga kapatagan ng Pransya, at sa pasigan ng Olanda, ang pagsulong ng ebanghelyo ay tinatakan ng dugo ng mga alagad nito. Nguni't sa mga lupain sa Hilaga ay mapayapa itong nakapasok. Ang mga nagsisipag-aral sa Wittenberg, na nagsisiuwi sa kanilang mga tahanan, ay siyang nagdadala ng bagong pananampalataya sa Eskandinabya. Ang paglalathala ng mga sinulat ni Lutero ay nagpakalat din naman ng liwanag. Ang mga simple, at matipunong mga tao ng Hilaga ay nagsitalikod sa kasamaan, sa karangyaan, at sa mga pamahiin ng Roma, upang magalak na tanggapin ang kalinisan, kasimplihan, at ang nagbibigay-buhay na katotohanan ng Biblia. MT 220.2
Si Tausen, “na Repormador ng Dinamarka,'' ay anak na lalaki ng isang magbubukid. Maagang ipinamalas ng bata ang katalinuhan ng kanyang pag-iisip; kinauhawan niya ang karunungan; nguni't ito'y ipinagkaila sa kanya ng maralitang kalagayan ng kanyang mga magulang, kaya't pumasok siya sa isang kombento. Ang kalinisan ng kanyang kabuhayan sa lugar na ito, at ang kanyang kasipagan at pagtatapat, ay siyang umakit sa pagtingin ng mga nakatataas sa kanya. Ipinakita ng pagsusuri na mayroon siyang talentong makapangangako ng mabuting paglilingkod sa iglesya sa panahong hinaharap. Ipinasiya nilang siya'y papag-aralin sa isa sa mga unibersidad ng Alemanya o Olanda. Ang kabataang magaaral na ito ay pinahintulutang pumili ng paaralan para sa kanyang sarili, na may isang pasubali, na siya'y huwag pupunta sa Wittenberg, Ang mag-aaral ng iglesya ay di-dapat ipanganib sa lason ng erehiya. Gayon ang wika ng mga prayle. MT 220.3
Si Tausen ay nagpunta sa Kolonya, na noon, gaya rin naman ngayon, ay isa sa mga muog ng Iglesya Romana. Hindi nagtagal ay kinasuyaan niya ang pagkamistisismo ng mga tagapagturo sa paaralan. Noong ding panahong iyo'y nakatanggap siya ng mga sinulat ni Lutero. Binasa niya itong may paghanga at kaluguran, at nilunggati niyang tamasahin ang personal na pagtuturo ng Repormador. Datapuwa't kung gagawin niya ito ay maaaring mapanganib siya sa pagkagalit ng mga nakatataas sa kanya sa kombento, at aalisin na ang pagtangkilik sa kanya. Madali niya itong pinasiyahan, at hindi nalauna't napatala na siya bilang isang mag-aaral sa Wittenberg. MT 221.1
Sa pagbabalik niya sa Dinamarka, ay muli siyang nagtira sa kombento. Wala pang naghihinala sa kanya ng pagiging Luteranismo; hindi niya ipinahayag ang kanyang lihim, kundi pinagsikapan niya, sa isang paraang huwag magkaroon ng pangingilag ang kanyang mga kasama, upang maakay niya sila sa isang dalisay na pananampalataya at banal na kabuhayan. Binuksan niya ang Biblia, at ipinaliwanag ang tunay na kahulugan nito, at sa huli ay ipinangaral niya sa kanila si Kristo na katuwiran ng isang makasalanan at ang kanya lamang pagasa sa ikaliligtas. Gayon na lamang ang kagalitan ng priyor, na may malaking pag-asang siya'y magiging isang matapang na tagapagtanggol ng iglesya. Inilipat siya kaagad sa ibang kombento, at ikinulong sa isang silid-bilangguan, sa ilalim ng mahigpit na pamamahala. MT 221.2
Sa takot ng mga bago niyang mga tagapagbantay, ay marami na sa mga monghe ang nagpahayag na sila'y mga hikayat na sa Protestantismo. Sa pamamagitan ng mga baras ng kanyang kulungan, ay pinaabot ni Tausen sa kanyang mga kasamahan ang kaalaman ng katotohanan. Kung ang mga paring Dinamarkes na yaon ay may kasanayan sa panukala ng iglesya sa pakikitungo sa erehiya, hindi na sana muli pang narinig ang tinig ni Tausen; kundi sa halip na ilagay siya sa isang libingan sa isang bilangguan sa ilalim ng lupa, ay pinalayas nila siya sa kombento. Ngayo'y wala na silang kapangyarihan sa kanya. Ang isang utos ng hari, na kalalabas pa lamang, ay nagkakaloob ng pagsasanggalang sa mga tagapagturo ng bagong doktrina. Pinasimulan ni Tausen ang pangangaral. Bukas sa kanya ang lahat ng mga simbahan, at nagsilapit ang makapal na tao upang pakinggan siya. May mga iba pang nangangaral ng salita ng Diyos. Ang Bagong Tipan na isinalin sa wikang Dinamarkes ay malawak na ipinangalat. Ang pagsisikap ng mga makapapa upang igiba ang gawain ay nagbunga ng pagpapalawak nito, at di-nagtagal at ipinahayag ng Dinamarka ang pagtanggap nito ng bagong pananampalataya. MT 221.3
Sa Suesya, ay ang kabataan ding mga lalaki na nagsiinom buhat sa balon ng Wittenberg ang nagdala ng tubig ng buhay sa kanilang mga kababayan. Ang dalawa sa mga tagapanguna sa Repormang Suesya, si Olaf at si Laurencio Patri, mga anak na lalaki ng panday sa Orebro, ay nagsipag-aral sa ilalim ni Lutero at ni Melanchton, at ang katotohanang kanilang natutuhan ay may kasipagan nilang itinuro. Katulad ng dakilang Repormador, ay ginising ni Oaf ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang kasigasigan at magandang pangungusap, samantalang si Laurencio naman, gaya ni Melanchton, ay marunong, maalalahanin, at mahinahon. Ang dalawang lalaking ito'y kapuwa maningas sa kabanalan, may mataas na kaalaman sa teolohiya, at walang pagbabagong kalakasang loob sa pagpapasulong ng katotohanan. Wa- lang pagkukulang ang pagsalungat ng makapapa. Pinakilos ng mga paring Katoliko ang mga mangmang at mga mapamahiin. Si Olaf Petri ay madalas na daluhungin ng mga mapanggulo, at sa maraming pangyayari ay bahagya na lamang nailigtas ang kanyang buhay. Gayunman, ang mga Repormador na ito ay may pagkalinga at pagkukupkop ng hari. MT 222.1
Sa ilalim ng kapamahalaan ng Iglesya Romana, ang mga tao'y napalubog sa karukhaan, at pinasadsad sa kailaliman ng paniniil. Salat sila sa Kasulatan; at sa pagkakaroon nila ng isang relihiyon ng mga tanda lamang at mga seremonya, na di-nagdudulot ng liwanag sa isipan, ay napapabalik sila sa mapamahiing paniniwala at mga gawaing pagano ng kanilang mga ninuno. Ang bansa ay nahati-hati sa mga pangkat na nagkakasalungatan, at ang walang patid nilang pagtutunggali ay siya pang nakaragdag sa kahirapan ng lahat. Ipinasiya ng hari ang pagbabago sa estado at sa iglesya, at magalak niyang tinanggap ang malalakas na katulong na ito sa pakikipagtunggali laban sa Roma. MT 223.1
Sa harapan ng hari at ng nangungunang mga lalaki ng Suesya, ay may malaking kakayahang ipinagsanggalang ni Olaf Petri ang mga aral ng bagong pananam'palataya laban sa mga tagapagtanggol ng Roma. Ipinahayag niya na ang aral ng mga Padre ay maaaring tanggapin kung ito lamang ay kasang-ayon ng mga Kasulatan; na ang mga mahahalagang aral ng pananampalataya ay ipinakikilala sa Biblia sa isang paraang maliwanag at simple, upang maunawaan ito ng lahat ng tao. Ang wika ni Kristo, “Ang turo Ko ay hindi Akin, kundi roon sa nagsugo sa Akin;”5Juan 7:16. at sinabi ni Pablo na kung ipangangaral niya ang ebanghelyong naiiba kaysa kanyang tinanggap, siya'y matatakwil.6Galacia 1:8. “Paano nga, kung gayon,” ang wika ng Repormador, “makapangangahas ang mga iba na gumawa ng mga dogma ayon sa kanilang maibi- gan, at ipatupad ito bilang kailangan sa kaligtasan?”7J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 10, kab. 4. Ipinakita niya na ang mga kapasiyahan ng iglesya ay walang kapangyarihan kung ito'y salungat sa mga utos ng Diyos, at pinanghawakan niya ang dakilang simulaing Protestante, na “ang Biblia at Biblia nga lamang,” ang siyang tuntunin ng pananampalataya at paggawa. MT 223.2
Ang tunggaliang ito, bagaman isinagawa sa isang dakong di-tanyag, ay nagpapakilala sa atin “ng mga uri ng taong nagsibuo ng hanay ng hukbo ng mga Repormador. Sila'y di yaong mga di-nag-aral, nakikisekta, at maingay na palakipagtalo—malayo sa bagay na ito; sila'y mga lalaking nagsipag-aral ng salita ng Diyos, at may kasanayan sila sa paggamit ng mga sandatang ibinibigay sa kanila ng armoriya ng Biblia. Kung tungkol sa kaalaman sila'y una sa kanilang kapanahunan. Kung sa Wittenberg at sa Zurich lamang natin ipapako ang ating pansin, at sa tanyag na mga pangalang gaya ni Lutero at ni Melanchton, ni Zuinglio at Ecolampadio, ay sasabihin sa atin na ang mga ito ang mga tagapanguna ng kilusan, at katutubong ipalalagay nating sila'y mayroong malaking kapangyarihan at malawak na pinag-aralan; nguni't di nila katulad ang mga nasa ilalim nila. Datapuwa't tingnan natin ang di-tanyag na larangan ng Suesya, at ang hamak na mga pangalan ni 01af at ni Laurencio Petri—buhat sa mga guro hanggang sa mga alagad—ano ang masusumpungan natin? . . . Mga pantas at mga teologo; mga lalaking may ganap na kaalaman sa ebanghelyo ng katotohanan, at nagkaroon ng madaling tagumpay sa mga sopista ng mga paaralan at sa mga dinadakila ng Roma.”7J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 10, kab. 4. MT 224.1
Bilang bunga ng pagtatalong ito, ang hari ng Suesya ay tumanggap ng pananampalatayang Protestante, at hindi natagalan at ipinahayag ng pambansang kapulungan ang pagkatig dito. Ang Bagong Tipan ay isinalin ni 0laf Petri sa wikang Suesya, at sa kagustuhan ng hari ay isi- nagawa ng magkapatid na lalaki ang pagsasalin ng buong Biblia. Sa gayo'y ito ang siyang unang-unang pagkakaroon ng mga taga-Suesya ng salita ng Diyos sa kanilang sariling wika. Ipinag-utos ng Diyeta na sa buong kaharian, ay dapat ipaliwanag ng mga ministro ang mga Kasulatan, at ang pagbasa ng Biblia ay dapat ituro sa mga bata sa mga paaralan. MT 224.2
Patuloy at tiyak na ang kadiliman ng kamangmangan at pamahiin ay pinawi ng pinagpalang liwanag ng ebanghelyo. Napalaya buhat sa paniniil ng Roma, ang bansa ay nakaabot sa isang kalakasan at kadakilaan na kailan ma'y di nito naabot noong una. Ang Suesya ay naging isa sa mga sanggalang ng Protestantismo. Pagkaraan ng isang dantaon, nang panahon ng lubhang panganib, ang maliit at mahinang bansang ito—na siya lamang bansa sa Europa na nangahas na tumulong—ay sumaklolo sa Alemanya sa pakikipagpunyagi noong panahon ng Tatlumpong Taong Digmaan. Ang buong Hilagaang dako ng Europa ay wari bagang mapapasailalim na muli sa Kapangyarihan ng Roma. Ang mga hukbo ng Suesya ang siyang nagbigay ng kalakasan sa Alemanya upang makuha ang tagumpay mula sa kapapahan, upang makuha ang pahintulot sa pagpapairal ng Protestantismo— mga Calvinista man o mga Luterano—at upang mapapanumbalik ang kalayaan ng budhi sa mga lupaing tumanggap sa Reporma. MT 225.1