Subalit sa pagnanais niya na ipagmatuwid ang kanyang sarili ay sinabi kay Jesus, At sino ang aking kapwa? Lueas 10:29 BN 141.1
Ang katanungang “Sino ang aking kapwa?” ay nagdulot ng walang katapusang pagtatalo sa mga Judio. Hindi sila nagaalinlangan tungkol sa mga pagano at mga Samaritano. Sila ay mga taga-ibang lupa at mga kaaway. Ngunit saan dapat ilagay ang pagkakaiba sa pagitan ng mga tao mula sa kanilang sariling bansa, at mula sa iba't ibang antas sa kanilang lipunan? . . . Ang katanungang ito ay sinagot ni Jesus sa talinghaga ng mabuting Samaritano. Ipinakita Niyang ang ating kapwa ay tumutukoy hindi lamang doon sa kasama natin sa iglesia o pananampalatayang ating kinabibilangan. Ito ay walang kinalaman sa pagkakaiba sa lahi, kulay o antas ng buhay. Ang ating kapwa ay ang bawat taong nangangailangan ng ating tulong. Ang bawat kaluluwang nasugatan at nagasgasan ng kaaway ay ating kapwa. Ang bawat isang pag-aari ng Diyos ay ating kapwa. BN 141.2
Ang bawat isang naghihirap at nangangailangan ay ating kapwa. Ang bawat anak na lalaki at babae ni Adan, na nabitag ng kaaway ng mga kaluluwa at nabulid sa pagkaalipin sa mga maling gawaing dumudungis sa pagkalalaki at pagkababaing ibinigay ng Diyos, ay ating kapwa. BN 141.3
Ang ating kapwa ay hindi lamang iyong ating mga kasamahan at mga espesyal na kaibigan. Hindi lamang iyong kasama natin sa iglesia na nag-iisip nang kagaya natin. Ang ating kapwa ay ang buong pamilya ng katauhan. Dapat tayong gumawa ng kabutihan sa lahat ng tao, lalong higit sa mga kabilang sa sambahayan ng pananampalataya. Dapat nating maipakita sa sanlibutan ang pakahulugan ng pagsunod sa kautusan ng Diyos. Dapat tayong magmahal sa Diyos na higit sa lahat at sa ating kapwa na gaya sa ating sarili. BN 141.4
Ngayon ay binibigyan ng Diyos ang mga tao ng pagkakataong ipakita kung minamahal nila ang kanilang kapwa. Siyang tunay na nagmamahal sa Diyos at sa kanyang kapwa ay siyang nagpapakita ng kahabagan sa mahihirap, sa nagdurusa, sa nasugatan, sa kanilang handa nang mamatay. Tinatawagan ng Diyos ang bawat isang kunin ang nakaligtaang gawain Niya, ang pagsikapang maibalik sa katauhan ang larawang moral ng Manlilikha. BN 141.5