Kaya't ang haring si Nebukadnezar. . .sinabi niya sa kanyang mga tagapayo, Di ba tatlong nakagapos na lalaki ang ating inihagis sa apoy? Sila'y sumagot sa hari, Totoo, O hari. Siya'y sumagot, Tingnan ninyo, ang nakikita ko'y apat na lalaki na hindi nakagapos na naglalakad sa gitna ng apoy at sila'y walang paso at ang anyo ng ikaapat ay gaya ng isang anak ng mga diyos. Daniel 3:24, 25 BN 165.1
Ang tatlong Hebreo na ito ay nagtataglay ng tunay na pagpapakabanal. Ang tunay na prinsipyong Cristiano ay hindi titigil upang manimbang sa mga kahihinatnan. Hindi ito nagtatanong, Ano ang iisipin ng mga tao kung gagawin ko ito? O paano nito maaapektuhan ang aking mga inaasam? Ang mga anak ng Diyos ay nagnanasang makilalang may pinakamatinding pananabik kung ano ang nais Niyang ipagawa sa kanila upang ang kanilang mga gawain ay magbigay luwalhati sa Kanya. Ang Panginoon ay nagbigay ng sapat na paghahanda upang ang mga puso at buhay ng lahat ng Kanyang mga tagasunod ay mapangunahan ng banal na biyaya; upang sila ay maging gaya ng nagniningas at nagniningning na mga liwanag sa sanlibutan. BN 165.2
Ang mga tapat na mga Hebreo na ito ay nagtaglay ng maraming likas na kakayanan. Tinamasa nila ang pinakamataas na kulturang intelektwal at ngayon ay nasa marangal na posisyon; ngunit ang lahat ng ito ay hindi naging dahilan upang makalimutan nila ang Diyos. Ang kanilang mga kapangyarihan ay isinuko nila sa nagpapabanal na impluwensya ng banal na biyaya. Sa pamamagitan ng kanilang matapat na kalinisang- budhi ipinakita nila ang kapurihan Niyang tumawag sa kanila palabas sa kadiliman patungo sa Kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan. Sa kanilang kamangha-manghang pagkakaligtas ay nakita, sa harap ng malaking katipunan, ang kapangyarihan at karangalan ng Diyos. Ang liwanag ng Kalangitan ay nagniningning mula kay Daniel at sa kanyang mga kaibigan, hanggang sa maunawaan ng lahat ng kanilang mga kasamahan ang pananampalatayang nagbigay karangalan sa kanilang mga buhay at nagpaganda sa kanilang mga karakter.... BN 165.3
Napakabuting aral ang nabigay dito sa pinanghihinaang-loob, sa nag-aantala, sa naduduwag na mga manggagawa ng Diyos! . . . Ang mga matapat at matibay na katauhang ito ay naglalarawan sa pagpapakabanal, samantalang hindi nila iniisip ang pag-angkin sa anumang mataas na karangalan. BN 165.4
_______________ BN 165.5
Ang bawat Cristiano ay maaaring magtamasa ng biyaya ng pagpapakabanal.