Kaya't kayo nga ay maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal. Mateo 5:48 BN 180.1
Ang tatanggapin lamang ng Diyos ay iyong nagtatalagang makaabot ng mataas. Ibinibigay Niya sa bawat isa ang obligasyong gawin ang kanyang pinakamabuti. Ang kasakdalang moral ay hinihingi sa lahat. Hindi kailanman natin dapat ibaba ang pamantayan ng katuwiran para pagbigyan ang mga minana at nakasanayang mga masasamang gawa. Kailangan nating maunawaang ang kawalang kasakdalan sa karakter ay kasalanan. Ang lahat ng matuwid na likas ng karakter ay nananahan sa Diyos sa kanilang ganap at magkakaugnay na kabuuan, at ang bawat isang tumatanggap kay Cristo bilang personal na Tagapagligtas ay may karapatang mag-angkin ng mga katangiang ito. BN 180.2
Ang lahat ng nagnanasang maging manggagawa kasama ng Diyos ay dapat magsikap para sa kasakdalan ng bawat sangkap ng katawan at katangian ng pag-iisip. Ang tunay na edukasyon ay paghahanda ng mga kapangyarihang pisikal, mental, at moral para sa pagganap sa bawat tungkulin. Ito ay pagsasanay sa katawan, pag-iisip, at kaluluwa para sa banal na paglilingkod. Ito ang edukasyong mananatili hanggang sa walang hanggan. . . . BN 180.3
Ngunit walang ibinigay si Cristo na kasiguruhang ang pagkamit sa kasakdalan ng karakter ay magiging madali. Ang marangal at laging handang karakter ay hindi namamana. Ito ay hindi napapasa atin sa pamamagitan ng aksidente. Ang marangal na karakter ay nakukuha sa indibidwal na pagsisikap sa pamamagitan ng kabutihan at biyaya ni Cristo. Ibinibigay ni Cristo ang mga talento at kapangyarihan ng pag-iisip. Binubuo natin ang karakter. Ito ay nabubuo sa pamamagitan ng mahirap at mahigpit na pakikidigma sa sarili. Sunud-sunod na pakikipaglaban ang kailangang isagawa laban sa mga namanang likas. Kakailanganin nating punahing mabuti ang ating mga sarili, at huwag pahintulutan ang ni isa mang hindi mabuting pag-uugali ang manatiling hindi naisasaayos. BN 180.4
Huwag payagan ang sinumang magsabing, “Hindi ko magagamot ang mga kasiraan ng aking karakter.”. . . Ang tunay na kahirapan ay nagmumula sa kasiraan ng pusong hindi pinabanal at hindi pagkahandang magpasakop sa pangunguna ng Diyos. BN 180.5
Ang pagpapasakop sa kalooban ni Cristo ay nangangahulugan ng pagpapanumbalik sa ganap na pagkatao. BN 180.6