Sapagkat tayo'y walang isang dakilang saserdote na hindi maaaring mahabag sa ating kahinaan, kundi isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin gayon ma'y walang kasalanan. Hebreo 4:15 BN 209.1
Isang dakilang pangyayari ang pagdating ni Cristo sa ating sanlibutan, hindi lamang sa sanlibutang ito, kundi sa lahat ng mga daigdig sa sansinukob ng Diyos. Dumating Siya upang kunin ang ating likas sa Kanyang sarili, upang tuksuhin sa lahat ng paraang tayo ay tinukso, at gayunman ay nag-iwan pa rin ng halimbawa ng ganap na kadalisayan at walang dungis na karakter. Dahil tinukso Siya sa lahat ng paraan na gaya sa atin, nalalaman Niya kung paano mahabag at kung paano tumulong sa mga bata at mga kabataan; dahil Siya ay naging isa ring anak at nauunawaan Niya ang bawat pagsubok at tuksong sa nagpapahirap sa atin.... BN 209.2
Kuminang ang Kanyang mga mata taglay ang pag-ibig na siyang nanguna sa Kanya upang Kanyang iwanan ang kalangitan at magtungo dito sa lupa upang mamatay sa lugar ng mga makasalanan. . . . Kinahabagan Niya at inibig hindi lamang iyong mga nagsisikap na maging masunurin at mapagmahal, ngunit pati iyong mga naliligaw at masasama. Hindi pa nagbabago si Jesus. Siya ay gayon kahapon, ngayon, at sa walang hanggan, at minamahal at kinahahabagan Niya pa rin ang makasalanan, na nagsisikap na sila ay madala Niya sa Kanyang sarili, upang sila ay bigyan ngbanal na tulong. Batid Niyang nakikipagpunyagi ang isang kapangyarihang demonyo sa bawat kaluluwa, na nagsisikap maghari. Dumating si Jesus upang sirain ang bawat kapangyarihan ni Satanas at palayain ang kanyang mga bihag. BN 209.3
Nahayag ang karakter ng Ama kay Cristo. Habang tumitingin sa Kanyang mukha ang kapwa Niya mga bata, nakita nila ang kadalisayan at kabutihang kumikinang mula sa Kanyang mga mata. Sa Kanyang mukha naghalo ang kahinayan, kaamuhan, pag-ibig, at kapangyarihan. Bagaman ang bawat salita, bawat pahayag ng Kanyang mukha, ay nagpakita ng Kanyang banal na pagkahari, makikita ang pagpapakumbaba sa Kanyang pagkilos. Dumating Siya para sa isang layunin lamang, at iyon ay ang kaligtasan ng mga nawaglit. BN 209.4