At lumusong Siyang kasama nila, at napasa Nazaret; at napasakop sa kanila. .. . At lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Diyos at sa mga tao. Lueas 2:51, 52 BN 208.1
Sa kabila ng sagradong misyon ni Cristo, ng Kanyang dakilang relasyon sa Diyos, na lubos Niyang nalalaman, hindi niya winalang-bahala ang mga pang-araw-araw na tungkulin ng buhay. Siya ang Manlalalang ng sanlibutan, ngunit tinanggap Niya ang Kanyang tungkulin sa Kanyang mga magulang sa Iupa, at noong tinatawag ng tungkulin, sa pagsunod sa nais ng Kanyang mga magulang, bumalik Siya kasama nila mula sa Jerusalem pagkatapos ng Paskuwa, at nagpasakop Siya sa kanila. BN 208.2
Sumunod Siya sa mga pagpigil ng Kanyang mga magulang at tinanggap ang mga obligasyon ng isang anak, kapatid, kaibigan, at mamamayan. May paggalang Niyang isinagawa ang mga tungkulin Niya sa Kanyang mga magulang sa lupa. Siya ang karangalan ng kalangitan. Naging dakilang pinuno Siya sa langit. Natutuwang sumunod ang mga anghel sa Kanyang mga utos. At ngayon Siya ay naging handang lingkod, isang masayahin at masunuring anak. BN 208.3
Si Jesus ay hindi napaliko ng anomang impluwensya mula sa tapat na paglilingkod na inaasahan mula sa isang anak. Hindi Siya naglayong makagawa ng anomang bagay na mag-aangat sa Kanyang sarili sa iba pang mga kabataan. Hindi Niya ninasang ipakilala ang Kanyang pagiging tagapagmana ng kalangitan. Maging ang Kanyang mga kaibigan at mga kamag-anak ay walang nakitang tanda ng Kanyang pagka-Diyos sa lahat ng mga taon ng Kanyang buhay na Kanyang ginugol sa kalagitnaan nila. BN 208.4
May mahalagang aral para sa mga magulang at mga anak na matututuhan mula sa katahimikan ng Kasulatan tungkol sa pagiging bata at kabataan ni Cristo. Siya ang halimbawa natin sa lahat ng bagay. Sa maliit na pansing nabigay sa Kanyang pagiging bata at kabataan ay makikita ang isang halimbawa para sa mga magulang at mga anak na habang higit na tahimik at hindi napapansin ang kapanahunan ng pagkabata at kabataan, at habang ito ay higit na natural at malaya mula sa paimbabaw na kasiyahan, ito ay magiging higit na ligtas para sa mga bata at higit na mabuti para sa pagbuo ng karakter, likas na kapayakan, at tunay na kahalagahang moral. BN 208.5