Biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno nito ang buong bahay kung saan sila'y nakaupo. Sa kanila'y may nagpakitang parang mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. Gawa 2:2-4 BN 60.1
Ang Espiritu ay dumating sa mga alagad na naghihintay at nananalangin. Ito'y nagtataglay ng kapunuang naaabot ang bawat puso. Ang Walang-hanggan ay ipinahayag ang Kanyang sariling may kapangyarihan sa iglesia. Tila ang impluwensyang ito'y napigil sa loob ng mahabang panahon, ngunit ngayon ay natutuwa ang Kalangitan sa pagkakataong ibuhos sa iglesia ang kayamanan ng biyaya ng Espiritu. BN 60.2
Ang pagbubuhos ng Banal na Espiritu noong kapanahunan ng mga apostol ay siyang “unang ulan,” at naging maluwalhati ang bunga nito. Ngunit ang huling ulan ay magiging mas masagana. BN 60.3
Ang presensya ng Espiritu ay mananahan sa tunay na iglesia hanggang sa wakas ng panahon. BN 60.4
Ngunit kapag malapit na ang wakas ng pag-aani sa sanlibutan, ipinangako ang natatanging pagkakaloob ng espirituwal na biyaya, upang maihanda ang iglesia sa pagdating ng Anak ng mga tao. Ang pagbubuhos na ito ng Espiritu ay inihahalintulad sa pagbagsak ng huling ulan; ang mga Cristiano ay dapat magpadala ng kanilang panalangin sa Panginoon ng pag-aani “sa kapanahunan ng ulan sa tagsibol” para sa dagdag na kapangyarihan na ito. Sa Kanyang pagtugon, “mula sa Panginoon na gumagawa ng ulap na may dalang unos, at kanyang bibigyan sila ng ulan.”... BN 60.5
Sila lang na patuloy na tumatanggap sa sariwang biyaya ang magkakaroon ng kapangyarihan na sapat sa kanilang pangangailangan sa bawat araw at sa kanilang kakayahang gamitin ang kapangyarihang iyon. Imbes na tumingin sa kinabukasan kung kailan, sa pamamagitan ng espirituwal na kapangyarihan, makatatanggap sila ng mahimalang paghahanda sa paghikayat ng mga kaluluwa, isinusuko nila ang kanilang mga sarili araw-araw sa Diyos upang sila'y maging mga sisidlang handa para sa Kanyang paggamit. Araw-araw nilang pinabubuti ang mga pagkakataon sa paglilingkod na abot-kamay nila. Arawaraw silang sumasaksi para sa Panginoon saanman sila naroroon, maging sa paggawa sa tahanan o sa pampublikong larangan ng paglilingkod. BN 60.6