Kayo ang ilaw ng sanlibutan.. .. Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit. Mateo 5:14, 16 BN 129.1
Kung kayo ay lalakad sa liwanag, ang bawat isa sa inyo ay maaaring maging tagapagdala ng liwanag sa sanlibutan. Huwag ninyong pagsikapang makagawa ng isang dakilang gawain habang nakakaligtaan ang mga maliliit na pagkakataong malapit. Marami tayong magagawa sa pamamagitan ng pagpapakita ng katotohanan sa ating pang-araw-araw na kabuhayan. Ang impluwensyang maaari nating maibigay ay hindi madaling tanggihan. Maaring labanan ng mga tao ang ating lohika; maaari nilang tanggihan ang ating mga pagsusumamo; ngunit ang buhay na may banal na layunin at pag-ibig na walang pag-iimbot ay katuwiran sa panig ng katotohanan na hindi mapapasinungalingan. Higit na marami ang magagawa ng mapagpakumbaba, nakatalaga, at mabuting mga buhay kaysa makakamit ng pangangaral kung nagkukulang ng mabuting halimbawa. Maaari kang magsikap na mapatibay ang iglesia, palakasin ang loob ng iyong mga kapatid, at gawing kalugud- lugod ang mga pagtitipon. Maaari mo ring bayaang ang iyong mga panalangin ay lumabas, na gaya ng mga matatalas na karit, kasama ng mga manggagawa sa bukirin. Ang bawat isa ay dapat magkaroon ng personal na interes, isang pasanin para sa mga kaluluwa, ang magbantay at manalangin para sa tagumpay ng gawain. BN 129.2
Maaari mo ring tawaging may kapakumbabaan ang iba sa mahahalagang katotohanan ng Salita ng Diyos. Maaaring hindi mailahad ng mga kabataang lalaki ang mahalagang katotohanan mula sa pulpito, ngunit maaari silang magbahay-bahay at ituro ang mga tao sa Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Ang mahahalagang hiyas ng katotohanan ay nabaon sa alabok at dumi ng kamalian; ngunit maaaring hukayin ang mga kayamanang ito ng mga manggagawa ng Panginoon upang marami ang makatunghay sa kanila na may kasiyahan at pagkamangha. BN 129.3
Napakarami ng uri ng gawaing angkop sa magkakaibang mga isipan at kakayanan. Sa araw ng Diyos ay wala ni isa man ang makapapagkatwiran sa kanyang pagkukulong sa makasarili niyang mga interes. At sa pamamagitan lamang ng paggawa para sa iba mapapanatili mong buhay ang iyong kaluluwa. . . . Ang masikap at hindi makasariling paggawa ay magkakamit ng mga uhay para kay Jesus. . . . Ang Panginoon ay makapangyarihang tagatulong. BN 129.4