Sambahin ninyo ang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng mga bukal ng tubig. Apocalipsis 14:7. PnL
Ang tungkulin sa pagsamba sa Diyos ay nakabase sa katotohanang Siya ang Manlalalang at sa Kanya nakasalalay ang pag-iral ng iba pang mga nilikha. At saanman, sa Biblia, ang Kanyang pag-aangkin sa paggalang at pagsamba, na higit kaysa mga diyos ng mga pagano, ay ipinahayag, ay may binanggit na katibayan ng Kanyang kapangyarihang lumikha. . . . PnL
Sa Apocalipsis 14, tinawagan tayong sumamba sa Manlalalang, at ipinapakita ng propesiya ang isang uri, na bilang bunga ng tatlong mensahe, ay nagsisitupad ng mga utos ng Diyos. Ang isa sa mga utos na ito’y tuwirang nagtuturo sa Diyos bilang Manlalalang. Ipinapahayag ng ikaapat na utos na: “Ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Diyos: . . . sapagkat sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at ang lupa, ang dagat, at lahat ng naroroon, at nagpahinga sa ikapitong araw, kaya’t binasbasan ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at ginawa itong banal.” (Exodo 20:10, 11.) Tungkol sa Sabbath, sinasabi pa ng pa Panginoon na ito’y “isang tanda, . . . upang inyong malaman na Akong Panginoon ang inyong Diyos.” (Ezekiel 20:20.) . . . PnL
“Ang kahalagahan ng Sabbath bilang alaala ng paglalang ay dahil pinapanatili nito sa kasalukuyan ang tunay na dahilan kung bakit ang pagsamba ay karapat-dapat sa Diyos”—sapagkat Siya ang Manlilikha, at tayo’y Kanyang mga nilikha. “Ang Sabbath kung ganon ay nakasandig sa pinakapundasyon ng pagsamba sa Diyos, sapagkat nagtuturo ito ng dakilang katotohanan sa isang pinakakahanga-hangang paraan, at walang ibang institusyon ang gumagawa nito. Ang tunay na dahilan ng banal na pagsamba, hindi lang sa ikapitong araw, kundi sa lahat ng pagsamba, ay matatagpuan sa pagkakaiba sa pagitan ng Manlalalang at ng Kanyang mga nilalang. Ang dakilang katotohanang ito’y hindi kailanman lilipas, at hindi dapat kailanman kalimutan.” (J. N. Andrews, HISTORY OF THE SABBATH, chapter 27.) Ang panatilihin ang katotohanang ito sa ating mga isipan, kaya ito pinasimulan ng Diyos sa Eden; at habang ang katotohanan na Siya’y ating Manlalalang ay nagpapatuloy na dahilan kung bakit dapat natin Siyang sambahin, gayundin katagal magpapatuloy ang Sabbath bilang tanda at alaala nito. Kung ang Sabbath lang ay pangkalahatang ipinangingilin, ang isipan at pagmamahal ng sangkatauhan ay madadala sa Manlilikha bilang paksa ng paggalang at pagsamba, at hindi kailanman magkakaroon ng mananamba ng diyus-diyosan, ateista, o taong walang relihiyon. Ang pangingilin ng Sabbath ay isang tanda ng katapatan sa tunay na Diyos, “Siyang lumikha ng langit, at lupa, at ng dagat, at mga bukal ng tubig.” Sinusundan nito na ang mensahe na nag-uutos sa atin na sambahin ang Diyos at sundin ang Kanyang mga utos ay espesyal na mananawagan sa atin na tuparin ang ikaapat na utos.— The Great Controversy, pp. 436-438. PnL