Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak. Juan 17:1. PnL
Subalit ang panukala ng pagtubos ay mayroon pang higit na malawak at malalim na layunin bukod sa kaligtasan ng tao. Hindi lang para roon naparito si Cristo sa lupa; hindi lang upang ang mga naninirahan sa maliit na sanlibutang ito’y kumilala sa kautusan ng Diyos kung paanong iyon ay dapat kilalanin; kundi upang ipawalang sala ang Diyos sa harap ng sansinukob. Sa ibubungang ito ng Kanyang dakilang hain—ang impluwensya nito sa kaisipang iba pang mga daigdig, gayundin ng tao—ang Tagapagligtas ay tumingin sa hinaharap noong bago Siya ipako sa krus nang Kanyang sabihin: “Ngayon ang paghatol sa sanlibutang ito. Ngayon ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin. At ako, kapag ako’y itinaas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay papalapitin ko sa aking sarili.” (Juan 12:31, 32.) Ang ginawa ni Cristo na pagkamatay para sa kaligtasan ng tao ay hindi lamang upang ang langit ay maging bukas para sa tao, kundi upang sa buong sansinukob ay pawawalang sala nito ang Diyos at ang Kanyang Anak sa kanilang pakikitungo sa panghihimagsik ni Satanas. Itatatag nito ang pagkawalang hanggan ng kautusan ng Diyos at ihahayag ang likas at mga bunga ng kasalanan. PnL
Sapul sa simula ang malaking tunggalian ay naging tungkol na sa kautusan ng Diyos. Sinisikap ni Satanas na patunayan na ang Diyos ay di-matuwid, at ang Kanyang kautusan ay mali, at sa ikabubuti ng sansinukob iyon ay kinakailangang baguhin. Sa kanyang pagtuligsa sa kautusan layunin niyang sirain ang kapangyarihan ng May-akda noon. Sa tunggalian kinakailangang mahayag kung ang banal na kautusan ay may kamalian at kinakailangang baguhin, o kung ito’y sakdal at hindi maaaring palitan. PnL
Noong si Satanas ay palayasin mula sa langit, kanyang ipinasyang ang lupa ay gawing kanyang kaharian. Noong kanyang matukso si Adan at si Eva, inisip niyang ang sanlibutang ito’y kanya na; “sapagkat,” ayon sa kanya, “pinili nila ako bilang kanilang hari.” Inihahayag niyang mahirap para sa isang nagkasala ang mabigyan ng kapatawaran, kung kaya ang nagkasalang lahi ay kanyang mga kampon, at ang sanlibutan ay kanya. Subalit ibinigay ng Diyos ang Kanyang sariling pinakamamahal na Anak—isang kapantay Niya—upang dalahin ang kabayaran ng kasalanan, kung kaya Siya’y nakapagkaloob ng paraan na sa pamamagitan noon sila’y muling maging kalugod-lugod sa Kanya at muling maibalik sa kanilang tahanang Eden. Pinasan ni Cristo ang pagtubos sa tao at ang pagliligtas sa sanlibutan mula sa mga kamay ni Satanas. Ang malaking tunggaliang sinimulan sa langit ay pagpapasyahan din sa sanlibutan, sa lupaing inaangkin ni Satanas bilang kanya.— Patriarchs And Prophets , pp. 68, 69. PnL