Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihang ito, at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ito'y naibigay na sa akin, at ibinibigay ko kung kanino ko ibig. Lucas 4:6. PnL
Nang si Jesus ay ihatid sa ilang upang doon ay tuksuhin, ang naghatid sa Kanya ay ang Espiritu ng Diyos. Hindi Niya inanyayahan ang tukso. Nagtungo Siya sa ilang upang mapag-isa at magbulay ng Kanyang misyon at gawain. Sa pamamagitan ng ayuno at panalangin ay patatatagin Niya ang Kanyang sariling loob upang malakaran Niya ang landas na tigmak sa dugo. Datapwat alam ni Satanas na naparoon sa ilang ang Tagapagligtas, at inakala niyang ito ang pinakamabuting panahong dapat Siyang lapitan. PnL
Mga dakilang suliranin para sa sanlibutan ang natataya sa labanang ito ng Prinsipe ng kaliwanagan at ng pinuno ng kaharian ng kadiliman. Nang maihulog na ni Satanas si Adan at Eva sa pagkakasala, ay inangkin na niyang kanya ang sanlibutang ito, at binansagan niya ang sariling prinsipe ng sanlibutang ito. Nang ang likas ng ama at ina ng ating lahi ay maitulad na niya sa likas niyang makasalanan, ay inisip niyang itatag dito sa lupa ang kanyang kaharian. Ibinalita niyang siya ang pinili ng mga tao na pinuno nila. Sa pamamagitan ng pagsupil niya sa mga tao, ay napagpunuan niya ang buong sanlibutan. Naparito si Cristo upang pabulaanan ang ipinamamarali ni Satanas. Sa pagiging Anak ng tao, si Cristo ay titindig na tapat sa Diyos. Sa gayo’y maipakikilalang hindi lubos ang pagkakasupil ni Satanas sa sangkatauhan, at mapabubulaanan ang ibinabantog niya sa sanlibutan. Lahat ng may ibig makawala sa kanyang kapangyarihan ay makalalaya. Ang pagpupunong winala ni Adan dahil sa pagkakasala ay mababawi. PnL
Buhat nang sabihin sa ahas doon sa Eden na, “Maglalagay Ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa’t isa, at sa iyong binhi at sa kanyang binhi” (Genesis 3:15), ay naalaman na ni Satanas na hindi niya lubos na hawak ang sanlibutan. May nakitang kapangyarihang gumagawa sa mga tao, na sumasalungat sa kanyang pamumuno. Minasdan niyang may masidhing pananabik ang mga paghahandog ni Adan at ng mga anak nito. Sa mga paghahandog na ito’y natanaw niya ang isang sagisag ng paguusap ng lupa at ng langit. Sinikap niyang putulin ang pag-uusap na ito. Pinasama niya ang pagkakilala sa Diyos, at binigyan ng maling kahulugan ang mga ritos na ang itinuturo ay ang Tagapagligtas. Naakay niya ang mga taong matakot sa Diyos bilang isa na natutuwang sila’y ipahamak. Ang mga haing dapat sanang maghayag ng pag-ibig ng Diyos ay inihandog lamang upang papaglubagin ang Kanyang galit. Ginising ni Satanas ang masasamang damdamin ng mga tao, upang mapatibay ang pamumuno niya sa kanila. Nang ibigay ang nakasulat na salita ng Diyos, ay pinagaralan ni Satanas ang mga hulang tumutukoy sa pagdating ng Tagapagligtas. Sa lahat ng sali’t saling lahi ay sinikap niyang bulagin ang isip ng mga tao sa mga hulang ito, upang tanggihan nila si Cristo pagdating Niya.— The Desire Of Ages, pp. 114, 115. PnL