Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi ni Ahab sa kanya, ‘'Ikaw ba iyan, ikaw na nanggugulo sa Israel?” 1 Hari 18:17. PnL
Ang mga nagpaparangal sa kautusan ng Diyos ay pararatangan na nagdadala ng mga hatol na ito sa sanlibutan, at ipalalagay na sila ang dahilan ng nakapanghihilakbot na mga lindol ng kalikasan at ng pag-aalitan at pagtitigisan ng dugo ng mga tao, na pumupuno sa lupa ng kahapisan. Ang kapangyarihang umaagapay sa kahuli-hulihang babala ay magpapagalit sa masama; ang kanilang poot ay magniningas laban sa lahat ng tumanggap ng pabalita, at lalong pasisidhiin ni Satanas ang diwa ng kapootan at pag-uusig. PnL
Nang sa wakas ay bawiin ng Diyos ang Kanyang pakikiharap sa bansang Judio, ay walang kamalay-malay ang mga saserdote at ang bayan. Bagaman sumailalim sila ng paghahari ni Satanas, at tinangay ng lalong kakila-kilabot at kagalit-galit na mga damdamin, ipinalalagay pa rin nilang sila’y mga hirang ng Diyos. Nagpatuloy ang pangangasiwa sa loob ng templo; ang hain ay inihandog sa ibabaw ng kanyang mga narumhang dambana, at araw-araw ay hiningi ang pagpapala sa isang bayang nagkasala sa dugo ng sinisintang Anak ng Diyos, at nagbabantang pumatay sa Kanyang mga tagapaglingkod at mga apostol. Kaya kapag naipahayag na ang hindi mababagong pasiya ng santuwaryo, at naitakda na magpakailanman ang kahihinatnan ng sanlibutan, ito’y hindi malalaman ng mga tumatahan sa lupa. Ang mga anyo ng relihiyon ay ipagpapatuloy ng isang bayang binawian na ng Espiritu ng Diyos; at ang siglang makaSatanas na iaali sa kanila ng pangulo ng kasamaan sa ikagaganap ng kanyang kapootpoot na mga panukala, ay magtataglay ng wangis ng kasiglahang ukol sa Diyos. PnL
Sapagkat ang Sabado ay siyang tanging pinagtutunggalian sa buong Sangkacristianuhan, at ang mga makapangyarihan sa relihiyon at sa pamahalaan ay naglakip upang iutos ang pangingilin ng Linggo, ang palaging hindi pagpayag ng iilan-ilang mga tao na umayon sa kahilingan ng karamihan, ay siyang magiging dahilan ng pagkasuklam sa kanila ng buong sanlibutan. Kanilang ikakatuwiran na ang iilang tumatayo sa pagsalansang sa isang itinatatag ng iglesya at sa isang batas ng pamahalaan ay hindi nararapat pamalagiin: na mas mabuti sa kanila na magdusa kasya ang lahat ng mga bansa ay mahulog sa pagkalito at pagkasala. . . . Ang argumentong ito’y lilitaw na may kawakasan; at ang kautusan ay ilalabas laban sa mga nangingilin ng Sabado ng ikaapat na utos, na tinutulig sila bilang mga karapat-dapat sa pinakamatinding parusa at nagbibigay kalayaan sa mga tao, na matapos ang tiyak na oras, sila’y papatayin. Ang Romanismo sa Matandang mundo at ang tumalikod na Protestantismo sa Bago ay magpapatuloy ng parehong takbo sa mga iyon na nagpaparangal sa banal na utos.— The Great Controversy, pp. 614-616. PnL