Kaya't sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa. Mateo 28:19. PnL
Ang mga pangyayari sa buhay ni Cristo, ang Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, ang mga propesiyang nagtuturo sa mga pangyayaring ito, ang mga misteryo ng panukala ng kaligtasan, ang kapangyarihan ni Jesus sa paglilinis ng kasalanan—sa lahat ng mga ito’y naging saksi sila [mga alagad], at ang mga ito’y ipahahayag nila sa sanlibutan. Ihahayag nila ang ebanghelyo ng kapayapaan at kaligtasan sa pamamagitan ng pagsisisi at sa kapangyarihan ng Tagapagligtas. PnL
Bago pumanhik sa langit, itinalaga ni Cristo ang Kanyang mga alagad sa kanilang gawain. Sinabi Niya sa kanila na sila ang magsasagawa ng pamanang kapayapaan ng walang hanggang buhay sa sanlibutan. Kayo’y naging saksi ng Aking buhay ng sakripisyo para sa sanlibutan, Kanyang sinabi sa kanila. Nakita ninyo ang Aking mga paggawa para sa Israel. At bagaman ayaw lumapit sa Akin ang Aking bayan upang mabuhay, bagaman ang mga saserdote at pinuno ay nagawa sa Akin ang mga bagay na ito, bagaman Ako’y tinanggihan, gayunman ay may pagkakataon pa sila upang tanggapin ang Anak ng Diyos. Nakita naman ninyo kung paanong ang lahat na lumapit sa Akin na nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan, ay malaya Kong tinanggap. Siyang lalapit sa Akin sa anumang paraan ay hindi Ko itatakwil. Sa inyo, mga alagad Ko, ay itinatagubilin ang pabalitang ito ng kahabagan. Ito’y ipagkakaloob sa mga Judio at Hentil—sa Israel, una sa lahat, sa lahat ng mga bansa, wika, at bayan. Lahat ng mananampalataya ay titipunin sa isang iglesya. PnL
Ang pangangaral ng ebanghelyo ang dakilang gawaing misyonero ng kaharian ni Cristo. Ang mga alagad ay gagawang maningas para sa mga tao, sa pagkakaloob sa lahat ng paanyaya ng kahabagan. Hindi sila maghihintay na ang mga tao ang lalapit sa kanila; sila ang lalapit sa mga taong taglay ang kanilang pabalita. PnL
Ang mga alagad ay magpapatuloy sa paggawa sa pangalan ni Cristo. Ang kanilang bawat salita at kilos ay tatawag ng pansin sa Kanyang pangalan, na siyang nagtataglay ng buhay na kapangyarihan na rito ay maliligtas ang mga makasalanan. Ang kanilang pananampalataya ay masesentro sa Kanyang bukal ng habag at kapangyarihan. Sa Kanyang pangalan ay maglalahad sila ng mga kahilingan sa Ama, at sila’y tatanggap ng katugunan. Sila’y magbabautismo sa pangalan ng Ama, ng Anak at ng Banal na Espiritu. Ang pangalan ni Cristo ang kanilang magiging panghudyat na salita, ang tanda ng pagkakaiba, ang tali ng pagkakaisa, ang awtoridad ng kanilang mga pagkilos, at panggagalingan ng kanilang tagumpay. Walang anumang bagay na kilalalanin sa Kanyang kaharian na hindi nagtataglay ng Kanyang pangalan at pagsang-ayon.— The Acts Of The Apostles , pp. 27, 28. PnL