Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna. 1 Tesalonica 4:16. PnL
Ang mga wawasak sana kay Cristo at sa Kanyang bayan ay masasaksihan ngayon ang kaluwalhatian sa kanila. . . . PnL
Sa gitna ng paggiray ng lupa, ng pagliliwanag ng kidlat, at pagdagundong ng kulog, tinatawag ng tinig ng Anak ng Diyos ang nangatutulog na banal. Tinatanaw Niya ang mga libingan ng mga matuwid, at, habang itinataas ang Kanyang mga kamay sa langit, ay sinasabi Niyang: “gising, gising, gising kayong natutulog sa alabok, at kayo’y magsibangon!” Sa linapad-lapad at hinaba-haba ng lupa maririnig ng mga patay ang Kanyang tinig, at ang mga dirinig ay mangabubuhay. At ang buong lupa ay uugong sa yabag ng napakalaking hukbong mula sa bawat bansa, lipi, wika, at bayan. Mula sa bilangguan ng kamatayan ay lalabas silang nararamtan ng kaluwalhatiang walang maliw, na nagsasabing: “O kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay? O kamatayan, nasaan ang iyong tibo?” (1 Corinto 15:55.) At ang tinig ng mga buhay na matuwid at ng sa mga binuhay na banal ay maglalagum sa isang mahaba at masayang sigaw ng tagumpay. PnL
Lahat ay lalabas sa kani-kanilang libingang sintaas nang sila’y pumasok sa puntod. Si Adan, na nakatayo sa gitna ng karamihan ng mga binuhay, ay matayog at marangal ang pangangatawan, ngunit mababa nang kaunti sa Anak ng Diyos. Siya ang magpapakilala ng kapuna-punang ipinag-iba ng mga sumunod sa salinlahi; sa bahaging ito ay naipapakita ang malaking ikinababa ng sangkatauhan. Datapwat ang lahat ay babangong taglay ang kasariwaan at kalakasan ng walang-hanggang kabataan. Sa pasimula ay nilalang ang tao ayon sa wangis ng Diyos, hindi lamang sa likas, kundi maging sa anyo at hugis. Ang banal na wangis ay halos binura na ng kasalanan; ngunit si Cristo ay naparito upang isauli ang nawala. Babaguhin Niya ang ating mga hamak na katawan, at gagawin iyong ayon sa Kanyang maluwalhating katawan. Ang namamatay at nasisirang anyo, na walang kagandahan, na minsang nadungisan ng kasalanan, ay nagiging sakdal, maganda, at walang kamatayan. Lahat ng kapintasan at kapinsalaan ay maiiwan sa libingan. Naisauli na sa punong-kahoy ng buhay na nasa malaong nawalang Eden, ang mga tinubos ay “magsisilaki” (Malakias 4:2) sa hustong taas ng lahi noong una nitong kaluwalhatian. Ang mga nalalabing bakas ng sumpa ng kasalanan ay maaalis, at ang mga tapat ni Cristo ay lilitaw sa “kagandahan ng Panginoon na aming Diyos,” na sinasalamin sa pag-iisip at kaluluwa at katawan ang sakdal na larawan ng kanilang Panginoon. Oh, kahangahangang pagtubos! malaong sinambit, malaong inasahan, dinili-dili nang may maningas na pananabik, datapwat kailanma’y hindi ganap na napag-unawa.— The Great Controversy , pp. 644, 645. PnL