Ngunit pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, ating akyatin agad at sakupin sapagkat kaya nating lupigin iyon. Bilang 13:30. LBD 205.1
Lumilipad ang ikatlong anghel sa gitna ng kalangitan, inihahayag ang kautusan ng Diyos at ang pananampalataya ni Jesus. Kinakatawanan nito ang gawaing kailangang magawa sa mga huling araw na ito. Walang anumang kapangyarihan ang mawawala sa patuloy nitong paglipad. Nakikita ni Juan ang gawain na nadaragdagan ng kapangyarihan hanggang sa mapuno ang buong lupa ng kaluwalhatian ng Diyos. Ang mensahe, “Matakot kayo sa Diyos at sundin ninyo ang Kanyang mga utos; sapagkat dumating na ang araw ng Kanyang paghatol.” Kailangang may matinding kasigasigan at kalakasan na isulong ng sangkatauhan ang gawain ng Panginoon. Sa tahanan, sa paaralan, at sa iglesia ay kailangang maihanda ang mga lalaki, babae, at kabataan upang ibahagi ang mensahe sa sanlibutan. . . . Ngayon na ngayon din, ay kailangan natin ng mga Caleb at Josue. Kailangan natin ng mga malakas, taimtim, at mapagsakripisyong mga kabataang lalaki at babae, na magpapatuloy sa unahan.— Letter 134, 1901. LBD 205.2
Kailangan natin ngayon ng mga lalaking may lubos na katapatan, mga lalaking lubos na sumusunod sa Diyos, mga lalaking hindi makokomporme sa pananahimik kung kinakailangang magsalita, mga totoo kagaya ng bakal sa prinsipyo, mga di-nagpapanggap, ngunit lumalakad na may pagpapakumbaba sa Diyos, mapagpasensya, mabait, masunurin, at magalang na mga lalaki, na nauunawaan na ang siyensya ng panalangin ay ang paggamit sa pananampalataya at pagpapakita ng mga gawaing magsasabi ng kaluwalhatian ng Diyos at ng kabutihan ng Kanyang bayan. . . . Ang pagsunod kay Jesus ay kinakailangan ng buong pusong pagbabagong-loob at isang paulit-ulit na pagbabagong-loob araw-araw.— The S.D.A. Bible Commentary, vol. 1, p. 1113. LBD 205.3
Ang pananampalataya ni Caleb sa Diyos ang nagbigay sa kanya ng tapang, ang nag-ingat sa kanya mula sa mga pagkatakot, at gumawa sa kanya upang makatayo siyang matapang at hindi natitinag sa pagsasanggalang sa tama. Sa pamamagitan ng pagtitiwala sa parehong kapangyarihan, sa makapangyatrihang Heneral ng hukbo ng langit, maaaring makatanggap ng lakas at katapangan ang bawat tunay na kawal ng krus upang madaig ang mga hadlang na tila di-malalampasan.— The Review and Herald, May 30, 1912. LBD 205.4