Siya ay gaya ng isang puno na itinanim sa tabi ng agos ng tubig, na nagbubunga sa kanyang kapanahunan, ang kanyang dahon nama’y hindi nalalanta, sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya. Awit 1:3. LBD 343.1
Lipos ng mga panganib ang bawat landas, at siyang lalabas na nagtagumpay ay talagang magkakaroon ng matagumpay na awiting kakantahin sa siyudad ng Diyos. May mga taong may matitigas na katangian ng karakter na kakailanganing laging pigilan. Kung pananatilihin sa kontrol ng Espiritu ng Diyos, magiging pagpapala ang mga katangiang ito; pero kung hindi, lalabas na sumpa ang mga ito. Kung hindi nalulula ngayon iyong mga nakikisakay sa alon ng popularidad, magiging isang himala ng kaawaan ito. Kung umaasa sila sa sarili nilang karunungan, gaya rin ng ginawa ng maraming napalagay sa ganyan, lalabas na kamangmangan ang kanilang karunungan. Pero habang di-makasarili nilang ibinibigay ang kanilang sarili sa gawain ng Diyos, na hindi lumilihis ni katiting sa prinsipyo, yayakapin sila ng Panginoon ng walang-hanggang bisig at patutunayan sa kanilang Siya ay makapangyarihang tagatulong. . . . LBD 343.2
Mapanganib na panahon ito para sa sinumang taong may mga talentong puwedeng maging mahalaga sa gawain ng Diyos; sapagkat lagi nang pinababalik-balik ni Satanas ang kanyang mga tukso sa ganyang tao, lagi nang nagsisikap na punuin siya ng pagmamalaki at ambisyon; at kapag gagamitin na siya ng Diyos, kadalasan nang nangyayari na siya ay nagiging mapagsarili at umaasa sa sarili, at pakiramdam niya ay kaya na niyang tumayong mag-isa. . . . LBD 343.3
Panalangin at pagsisikap, pagsisikap at panalangin, ang magiging trabaho ng iyong buhay. Dapat kang manalangin na para bang pawang nauukol sa Diyos ang kahusayan at papuri, at gumawa na para bang sarili mong lahat ang tungkulin. Kung gusto ninyo ng kapangyarihan, puwede kang magkaroon nito; hinihintay lang nito ang pagtawag mo. Basta’t maniwala ka lang sa Diyos, paniwalaan mo ang Kanyang salita, kumilos ka sa pamamagitan ng pananampalataya, at darating ang mga pagpapala. . . . Iyong mga may mapagpakumbaba, nagtitiwala, at nagsisising puso, ay tinatanggap ng Diyos, at dinirinig ang kanilang panalangin; at kapag tumulong ang Diyos, ang lahat ng hadlang ay nalalampasan. . . . Ang pagpapala ng langit, na nakukuha dahil sa araw-araw na paghingi, ay magiging katulad ng tinapay ng buhay sa kaluluwa at magdaragdag sa kanilang moral at espirituwal na kalakasan, kagaya ng isang punong nakatanim sa tabi ng agos ng tubig.— Testimonies for the Church, vol. 4, pp. 538, 539. LBD 343.4