Kapag dumating na ang Anak ng Tao na nasa Kanyang kaluwalhatian, na kasama Niya ang lahat ng mga anghel, Siya’y uupo sa trono ng Kanyang kaluwalhatian. Mateo 25:31. LBD 355.1
Walang wika ng tao ang makapaglalarawan sa mga tagpo ng ikalawang pagdating ng Anak ng Tao sa mga alapaap ng langit. . . . Paparito siyang nakasuot ng damit ng liwanag na suot na Niya mula pa sa kapanahunan ng walang-hanggan. Sasamahan Siya ng mga anghel. Milyun-milyon at libu-libo ang aabay sa Kanya sa lakad Niya. Maririnig ang tunog ng trumpeta, tinatawag ang mga natutulog na patay mula sa libingan. Tatagos ang tinig ni Cristo sa puntod, at lalagos sa mga tainga ng mga patay, “at ang lahat ng nasa libingan . . . ay magsisilabas” (Juan 5:28, 29).— The Review and Herald, September 5, 1899. LBD 355.2
Darating si Cristo na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. Darating Siya sa sarili Niyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama. At sasamahan Siya sa Kanyang paghayo ng mga banal na anghel. Samantalang nasasadlak sa kadiliman ang buong mundo, magkakaroon ng liwanag sa bawat kinaroroonan ng mga banal. Mahahagip nila ang liwanag ng Kanyang ikalawang pagpapakita. Sisikat ang malinis na liwanag mula sa Kanyang kaningningan, at si Cristo na Manunubos ay hahangaan ng lahat ng naglingkod sa Kanya. Habang nagsisitakas ang mga masasama, ang mga tagasunod ni Cristo ay magagalak sa Kanyang presensya.— Prophets and Kings, p. 720. LBD 355.3
“Sapagkat gaya ng kidlat na nanggagaling sa silangan at nagliliwanag hang-gang sa kanluran; gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao” (Mateo 24:27). Siya ay sasamahan ng lahat ng mga hukbo sa langit. . . . “Isusugo Niya ang Kanyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta at kanilang titipunin ang Kanyang mga hinirang” (talatang 31). . . . LBD 355.4
Sa personal na pagdating lamang ni Cristo matatanggap ng Kanyang bayan ang kaharian. . . . Ang tao sa kanyang kasalukuyang kalagayan ay mortal, nasisira; subalit ang kaharian ng Diyos ay hindi masisira, at namamalagi magpakailan man. Kung kaya’t hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos ang tao sa kasalukuyan niyang kalagayan. Pero pagdating ni Jesus, pagkakalooban Niya ng kawalang-kamatayan ang Kanyang bayan; at pagkatapos ay tatawagan Niya sila upang manahin na talaga ang kaharian na dati-rati ay mga tagapagmana pa lamang sila.— The Great Controversy, pp. 322, 323. LBD 355.5