Sapagkat ang PANGINOON mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng Arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at babangon muna ang mga namatay kay Cristo. 1 Tesalonica 4:16. LBD 357.1
Tatawagin ng Tagapagbigay-buhay ang binili Niyang pag-aari sa unang pagkabuhay na muli, at hanggang sa matagumpay na oras na iyan, kapag tumunog na ang huling trumpeta at ang napakaraming hukbo ay magsilabasan na tungo sa walang-hanggang tagumpay, bawat natutulog na banal ay iingatan sa kaligtasan at babantayan na parang mahahalagang hiyas, na kilala ng Diyos sa pangalan. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na tumahan sa kanila nang sila ay buhay pa at dahil mga kabahagi sila ng banal na likas, inilabas sila mula sa mga patay.— Letter 65a, 1894. LBD 357.2
“Dumarating ang oras,” sabi ni Cristo, “na ang lahat ng nasa libingan ay makaririnig ng Kanyang tinig, at magsisilabas” (Juan 5:28). Aalingawngaw ang tinig na iyon sa lahat ng tirahan ng mga patay; at gigising at lilisanin ang kanyang bahay-bilangguan ng bawat banal na nagpahinga kay Jesus. Kung gayon ay ang kahusayan ng karakter na natanggap natin mula sa katuwiran ni Cristo ay isasapi tayo sa tunay na kadakilaang pinakamataas ang uri.— The Review and Herald, September 20, 1898. LBD 357.3
Magiging maluwalhati sa umaga ng muling pagkabuhay ang tagumpay ng mga natutulog na mga banal ay. . . . Puputungan ng Tagabigay-buhay ng kawalang-kamatayan ang lahat ng lalabas sa libingan.— The Youth’s Instructor, August 11, 1898. LBD 357.4
Nakatayo doon ang binuhay na karamihan. Ang kamatayan at ang kirot nito ang huling nasa isipan. Libingan at puntod ang huli nilang iniisip, pero ipinahahayag nila ngayon na, “O kamatayan, nasaan ang iyong tibo? O libingan, nasaan ang iyong pagtatagumpay?” (1 Corinto 15:55). . . . Heto at nakatayo sila at inilagay na ang pantapos na lapat ng kawalang-kamatayan sa kanila at pumaitaas sila upang salubungin ang kanilang Panginoon sa papawirin. . . . Nariyan ang mga hanay ng mga anghel sa magkabilang panig; . . . pagkatapos ay itinipa ng koro ng mga anghel ang nota ng pagtatagumpay at itinuloy ng mga anghel na nasa dalawang hanay ang awit at sumaliw ang hukbo ng mga tinubos na para bagang inaawit na talaga nila ang awit na ito sa lupa, at inaawit nga nila. O, anong gandang musika! Wala ni isang sintunadong nota. Ipinahahayag ng bawat tinig na, “Ang Kordero na pinaslang ay karapat-dapat” (Apocalipsis 5:12). Nakita Niya ang bunga ng paghihirap ng Kanyang kaluluwa, at masisiyahan (Isaias 53:11).— Manuscript 18, 1894. LBD 357.5