Pagkatapos, tayong nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga ulap, upang salubungin ang Panginoon sa papawirin; at sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailan man. 1 Tesalonica 4:17. LBD 358.1
Darating si Jesus, pero hindi kagaya sa una Niyang pagdating, na isang sanggol sa Bethlehem, hindi gaya ng pagsakay Niya sa asno pa-Jerusalem, nang papurihan ng mga alagad ang Diyos sa malakas na tinig at sumigaw ng Hosanna; kundi sa kaluwalhatian ng Ama, at kasama ang lahat ng abay na mga banal na anghel, para sumama sa Kanya sa pagparito Niya sa lupa. Masasaid ang mga anghel sa buong kalangitan. Aabangan Siya ng mga naghihintay na banal, at titingala sa langit, kagaya nung “mga lalaking taga-Galilea” nang Siya ay umakyat sa langit mula sa Bundok ng Olibo (Gawa 1:11). Sa panahong iyon, ang mga banal lamang, iyong mga sumunod nang lubusan sa mapagpakumbabang Huwaran ang sisigaw nang may sobrang sayang kagalakan habang Siya ay kanilang pinagmamasdan, “Ito’y ating Diyos; hinintay natin Siya at ililigtas Niya tayo” (Isaias 25:9). Babaguhin sila “sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta” (1 Corinto 15:52), na gigising sa mga natutulog na banal, at tatawag sa kanila palabas sa alikabok nilang higaan, nararamtan ng maluwalhating kawalang-kamatayan, at sumisigaw ng Tagumpay! LBD 358.2
Tagumpay! sa kamatayan at sa libingan. Ang mga binagong banal ay aagawing kasama nila upang salubungin ang Panginoon sa papawirin, hindi na mahihiwalay pa magpakailan man sa sentro ng kanilang pagmamahal.— The Review and Herald, June 10, 1852. LBD 358.3
Sa mga tapat Niyang tagasunod, naging araw-araw nilang kasamahan at pamilyar na kaibigan si Cristo. Namuhay sila sa malapitang ugnayan, sa palagiang pakikipag-usap sa Diyos. Sumilang sa kanila ang kaluwalhatian ng Panginoon. Nakita sa kanila ang liwanag ng kaalaman ng kaluwalhatian ng Diyos na nasa mukha ni Jesu-Cristo. Nagagalak sila ngayon sa maliliwanag na sinag ng kaningningan at ng kaluwalhatian ng Hari sa Kanyang karilagan. Handa sila para sa pagsasamahan ng kalangitan; sapagkat nasa kanilang mga puso ang langit. . . . LBD 358.4
Sa kagalakang malapit na ang kanilang katubusan, humayo sila upang salubungin ang Lalaking Ikakasal, na sinasabi, “Ito’y ating Diyos; hinintay natin Siya at ililigtas Niya tayo.”— Christ’s Object Lessons, p. 421. LBD 358.5